Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Martes, Abril 25, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Niandra Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

NAKAPAGBIHIS na’t nakahiga si Niandra ay nagbabalik-tanaw pa rin siya sa Sta. Cecilia.

        Nang sumunod na Linggo pagkatapos ng pista, nagulat siya nang makita uli si Matt sa simbahan. Nasa pangatlong hilera pa rin ito ng mga upuan pero iba na ang kasamang mga binatilyo, at dadalawa na lang. Siyempre, naroon pa rin ang mga bodyguard na taga-hacienda.

        Si Carmela na ang unang sumiko sa kanya.

        “Binalikan ka,” bulong nito. “Nagsama naman ng ibang pinsan. Si Gerry iyong nakadilaw, anak ni Sir Frank. Si Lander naman iyong naka-green, anak ni Sir Bob.”

        “Hindi naman ako ang binalikan niyan dito, ano?” tanggi agad ni Niandra. “Pambihira ka.”

        “E bakit magsisimba ang mga iyan dito kung hindi dahil sa iyo?” giit ni Carmela. “Ang ganda-ganda no’ng simbahan nila sa hacienda, a. Doon naman lagi nagsisimba ang mga Miravilla.”

        “Baka ipinapasyal lang niya itong ibang mga pinsan,” sabi ni Niandra. “Hindi nga kasi nakasama ang mga ito last week.”

        “At ipinagmayabang ka na siguro niya sa kanila kaya naging curious na marinig ang iyong angelic voice,” tukso pa rin ni Carmela.

        “Tumigil ka’t ninenerbiyos tuloy uli ako,” saway naman ni Niandra.

        Sinadya niyang huwag tumingin sa direksiyong kinaroroonan nina Matt. Mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng misa, lampas-lampas ang tingin ni Niandra sa lahat ng taong naroon. Ang inawitan niya ay ang mga ibong nagliliparan sa may stained glass windows ng antigong simbahan.

        Pero hindi rin siya nakaligtas. Pagkatapos ng misa, nilapitan siya agad ni Matt, tulad noon. At kasama pa nito ang dalawang pinsan.

        “Hi, Niandra,” sabi ng binatilyo.

        “Hi,” matipid na sagot niya.

        “Mga cousins ko,” sabi ni Matt na nagmumuwestra sa mga kasama. “Si Gerry at si Lander. Guys, si Niandra.”       

        “Hi,” magkakasunod na sabi ng dalawang ipinakilala.

        “Ang ganda pala talaga ng boses mo,” dagdag ni Lander.

        “Thank you,” sagot niya.

        Halatang gusto uling makipagkuwento ni Matt sa kanya pero natanaw ni Niandra ang madilim na ekspresyon sa mukha ng tatay niyang naghihintay sa kabilang dulo ng simbahan.

        “S-sige, ha?” paalam na agad niya sa mga kausap. “Tinatawag na ako ng tatay ko.”

        At iniwan na niya ang mga ito.

        “Nandito pa pala ang iyan,” sabi ni Caloy paglapit niya.

        Hindi na sumagot ang dalagita.

        Dalawang magkakasunod na linggo pa uli niyang nakita sa simbahan si Matt. Laging doon din nakapuwesto. Lagi siyang nilalapitan pagkatapos ng misa. Ipinapakilala ang iba’t ibang mga kasama na kung hindi mga pinsan ay mga kaklase sa Ateneo.

        Inalam ni Carmela sa Tiya Pilar nito ang dahilan ng pagpunta-punta ni Matt sa Sta. Cecilia.

        “Hindi pala iyan nagtatagal sa hacienda,” pagkukuwento naman nito sa kanya pagkatapos. “Weekends lang nandito. Sabado ng tanghali dumarating. Sunday ng hapon umuuwi rin sa Maynila. Talaga yatang gusto ka lang mapakinggan every Sunday morning sa simbahan. Nagyayaya ng kung sinu-sino na makakasama. Masama ang tama sa iyo, Niandra.”

        Hindi siya makapaniwala.

        “Tsismis lang ‘yan,” sabi pa niya kay Carmela. “Huwag mo nang ipagkalat at nakakahiya. Sabihin pang nag-iilusyon ako sa hindi ko kauri. Nakikita’t naririnig mo naman kung lumalapit siya sa akin sa simbahan, hindi ba? Nakikipagkaibigan lang talaga. Walang malisya.”

        Wala naman talaga siyang masabi sa kung ano nga ba ang layon ni Matt Miravilla sa kanya.

        Kahit pa nga naging regular na ang pagsisimba nito sa bayan ng Sta. Cecilia sa sumunod na apat na taon, nanatiling isang malaking katanungan iyon kay Niandra.

        Apat na taon iyon. Mula first year ni Niandra sa high school hanggang fourth year. Mula nang siya ay thirteen years old hanggang sa maging sixteen. Kung hindi man namintina ni Matt ang linggu-linggong pagsisimba roon, hindi naman ito pumapaltos nang higit sa dalawang magkakasunod na linggo.

        Nag-college na nga si Matt noong nag-third year high school si Niandra. Ito na rin ang nagbalita sa kanyang kumukuha na ito ng Management sa Ateneo.

        Hanggang ganoon pa rin naman ang ugnayan nila. Sandaling pag-uusap sa simbahan pagkatapos ng misa, bago siya umuwi na kasama ng mga magulang niya.

        “Ang tiyaga,” sabi ni Carmela. “Ibang klase rin palang manligaw iyang si Matt Miravilla.”

        “Ilang beses ko bang lilinawin na hindi nanliligaw sa akin iyong tao?” lagi namang giit ni Niandra. “Ni hindi nga ako nilalapitan niyan sa labas ng simbahan, ano?”

        “Paano, batambata ka pa siguro sa tingin niya,” sagot ni Carmela. “At saka close-guarding sa iyo ang tatay at nanay mo. Malay mo, pinalalaki ka lang ni Matt. Hinihintay na mahinog. Baka pag-graduate mo sa high school, saka ka liligawan nang totohanan. Kung walang intensiyon ang lalaking iyan, hindi magtitiyaga na magpalapad ng papel nang apat na taon.”

        “Hay naku, mahirap iyang mga ganyang haka-haka,” iling ni Niandra. “Ayoko nang ganyan. Kita mo nga, kahit deny ako nang deny, natsitsismis pa rin ako. Kesyo mayabang na ako dahil ipinagmamalaki ko si Matt Miravilla. Excuse me, ayoko nang dagdagan ang alingasngas.”

        Totoo ngang kahit wala namang konkretong nangyayari sa kanila ni Matt liban sa pagpunta-punta nito sa simbahan ay malaking isyu na sila sa bayan ng Sta. Cecilia.

        Pati nga ‘yung mga lalaking may crush daw sana kay Niandra ay ayaw nang magtangka man lamang na manligaw sa kanya. Mahirap na raw makabangga ang isang Miravilla.

        Galit na galit si Niandra nang marinig ang balitang iyon mula rin kay Carmela.

        “Mga gunggong ang mga iyon.” sagot niya. “In the first place, hindi nga nanliligaw sa akin si Matt. Pangalawa, hindi naman hoodlum si Matt para katakutan nila. Ang sabihin mo, wala lang talaga silang guts na lumapit sa akin. Naghahanap lang sila ng excuse.”

        Marami ring nainggit kay Niandra. Mga babaing idinadaan na lang sa panlilibak ang paninibugho.

        “Akala naman niya tototohanin siya ni Matt Miravilla,” narinig niyang bulung-bulungan ng mga ito. “Papatol ba naman iyon sa hindi de buena familia?”

        Pikon na pikon si Niandra. Parang ayaw na tuloy niyang ituloy ang pagkanta sa simbahan.

        “Ikaw naman kasi, dinidibdib mo ang mga tsismis,” sabi ni Carmela. “Hayaan mo nga silang manigas sa inggit. At saka bakit iiwan mo ang choir? Baka magtampo sa iyo ang grasya, sige ka. Last year mo na nga lang ito, hindi ba? Pag nag-college ka, either mag-aaral ka na sa Manila o sa Baguio.”

        Iyon kasi ang naikuwento niya sa kaibigan na pangako sa kanya ng mga nakatatandang kapatid. Palibhasa’y panay propesyunal na ang mga ito, pagtutulungan daw siyang pag-aralin sa mapipili niyang kolehiyo sa Maynila o sa Baguio City. Basta daw pipili lang  siya ng eskuwelahang hindi naman sobrang mahal.

        Kumuha si Niandra ng UPCAT – iyong UP College Admission Test. Ang first choice niya ay UP Baguio dahil napakalapit na lamang niyon sa Sta. Cecilia. Second choice lang niya ang premier campus ng UP sa Diliman. Umaasa siyang matatanggap siya sa UP Baguio. Ang balak niyang kuning kurso ay sa linya ng Mass Communications.

        “Kung sabagay, tama ka,” amin niya kay Carmela. “Bakit nga ba ako magpapadala sa mga tsismosang iyan? Di parang isinunod ko na ang buhay ko sa kagustuhan nila. Basta kakanta ako nang kakanta sa simbahan bilang pagseserbisyo ko kay Lord. Bahala sila kung ano ang gusto nilang isipin. Wala naman talagang nangyayari sa amin ni Matt.”

        Ipinangako nga niya sa kanyang sarili na hindi na niya papansinin ang mga sabi-sabi ng iba tungkol sa kanila ni Matt Miravilla.

        Pero hindi pala niya kayang panindigan ang pangakong iyon.

        Nasira ang mga pahayag ni Niandra noong araw na nagsama si Matt ng napakagandang mga dalagang taga-Maynila sa Sta. Cecilia.

        Nagulat siya nang makita niyang kasama ni Matt sa simbahan ang pinsan nitong si Harry – na pinakamayabang sa lahat ng mga binatilyong Miravilla – at dalawang dalagang tisay na tisay.

        Mukhang mga commercial models ang dalawang babae. Kaygaganda ng mga mukha. Makikinis ang mga kutis. Slim na slim. At halatang mamahalin ang mga kasuotang sunod na sunod sa uso.

        Kahit nasa loob ng simbahan, nakaabrisiyete kay Harry iyong isang babae – iyong maikli ang buhok. Nakadikit naman kay Matt ang isa pa – iyong lampas-balikat ang makintab at tuwid na tuwid na buhok.

        Hindi akalain ni Niandra na makadarama siya ng ganoon kalalim na pagseselos.

        Alam naman niyang wala siyang karapatan kay Matt Miravilla. Wala silang relasyon. Ni hindi niya ito manliligaw. Tagahanga siguro – pero sa pagkanta lang niya sa simbahan.

        Sa loob ng apat na taon, ni minsan ay hindi niya inamin sa kanyang sarili na inaako na pala niyang “kanya” si Matt. Na binibigyan na pala niya ng espesyal na kahulugan ang pagpunta-punta nito sa simbahan at pagkausap sa kanya.

        Ngayon lang niya napatunayang umasa na pala siya nang husto sa patutunguhan nila ni Matt. Sineryoso pala niya iyong sapantaha ni Carmela na naghihintay lang ang binata na maka-graduate siya para pormal na siyang ligawan.

        Kung talagang magiging tapat siya sa kanyang sarili, kailangang aminin na niyang umasa pa nga siya na kahit hanggang Baguio ay susundan siya ni Matt. Gaano na lang ba naman kasi iyon? Wala pang kalahating oras ang biyahe mula Sta. Cecilia hanggang Baguio.

        At ngayon, sa nagaganap na ito sa simbahan, pakiramdam niya’y harap-harapang nagtataksil sa kanya ang binata.

        Hindi siya makatingin nang diretso sa kinaroroonan nina Matt pero hindi rin naman niya maialis ang kanyang atensiyon sa mga ito. Nakatutok pa rin ang kanyang buong kamalayan sa kanyang peripheral vision – iyong nakikita niya mula sa sulok ng kanyang mga mata.

        Kaya alam na alam niyang hindi lumalayo ang babaing iyon sa pagkakadikit kay Matt.

        Sa mga sandaling iyon, natuto si Niandra na maawa sa kanyang sarili. Bukod kasi sa hinahangaan ng lahat ang kanyang pagkanta, hinahangaan din naman siya sa kanyang ganda. Isa siya sa itinuturing na pinakamagandang dalaga sa Sta. Cecilia.

        Hindi siya nagmamalaki pero alam niyang hindi lang din naman siya puro porma. Sa klase ay lagi siyang nakakabilang sa top ten kung hindi man top five. Kaya nga malaki ang pag-asa niyang makapasok sa UP.

        Pero nang mga sandaling iyon sa simbahan, lumiit nang husto ang tingin ni Niandra sa kanyang sarili.

        Para kasi siyang napahiya maging sa kanyang sarili.

        Ang gaga mo talaga, Niandra, naisip niya. Akala mo, ang ganda-ganda mo na. Akala mo, ang galing-galing mo na. Akala mo, naka-attract ka na ng isang Matt Miravilla. Pero wala ka palang panama sa mga babaing taga-Maynila. Sa mga babae sa sirkulo ni Matt.

        Oo nga naman. Sino nga ba siya? Isang probinsiyana mula sa bayan ng Sta. Cecilia. Ni hindi nga yata alam ng mga taga-Maynila na may ganoong bayan sa tabi ng kilalang-kilalang Hacienda Cecilia.

        At ano nga ba ang maipagmamalaki niya liban sa kanyang pagkanta na hindi man lang nagdaan sa anumang formal training?

        Itong babaing kasama ni Matt, malamang ay mula sa tinatawag na de buena familia. Baka heredera rin kung saan namang hacienda. O ng malalaking kompanya sa Maynila. Obvious sa kilos nito na kabilang ito sa sirkulo ng elite. Class na class. Mamahalin.

        Ganitong tipo ng babae ang pormal na liligawan at ipagmamalaki ni Matt Miravilla bilang girlfriend. Puwedeng maging Mrs. Miravilla pag nagkataon. Babagay sa angkan. Hindi alangan.

        Maaari ngang napahanga niya si Matt sa kanyang pagkanta. Sapat para magtiyaga itong balik-balikan siya sa Sta. Cecilia sa loob ng apat na taon. Pero para lang siya mapakinggan. Walang ikinaiba sa pagpanood sa isang singer sa kung saan.

        Hindi sapat para humigit pa roon ang kanilang ugnayan. Hindi sapat para siya ligawan ni Matt Miravilla.

        Parang sinampal uli si Niandra ng mga salitang narinig na niya mula sa kanyang mga kababayan.

        “Akala naman niya tototohanin siya ni Matt Miravilla. Papatol ba naman iyon sa hindi de buena familia?”

        Nakakahiya. Nakakapanliit.

        Nang umagang iyon sa simbahan, pakiramdam ni Niandra ay pinagtatawanan siya ng lahat ng tao.

        Pagkatapos na pagkatapos ng misa ay umalis na siya. Hindi na niya binigyan si Matt ng pagkakataong makalapit pa. Basta’t tuluy-tuloy na siya sa kinaroroonan ng kanyang mga magulang.

        Alam niyang pag-uusapan siya ng lahat ng nakakita kay Matt at sa babaing iyon sa simbahan. Hindi niya kayang salubungin ang mga naaawa o nanunudyong tingin ng mga tao.

        Iyon na ang naging kahuli-hulihan niyang pagkanta sa simbahan.

        Mabuti na lang at totoo namang nataon sa finals nila sa eskuwela ang panahong iyon. Ginawang dahilan ni Niandra ang paghahanda para sa exams. Dahil graduating na  nga naman siya, hindi na siya pinilit na maging aktibo pa sa simbahan.

        Magmula noon, pag araw ng Linggo, first mass na ang hinahabol niya. Alas singko ng umaga.

        Sa eskuwela, hindi niya pansin ang mga bulung-bulungan. Basta’t nakatutok siya sa pag-aaral. Iilang linggo na lang naman at matatapos na ang klase. Basta’t kailangang mairaos lang niya ang pag-graduate.

        Si Carmela lang ang nakakausap pa rin niya ng tungkol kay Matt. Buung-buo ang simpatya nito sa kanya.

        “Nandoon na naman kanina,” sabi nito nang sumunod na linggo pagkatapos magsama si Matt ng babae sa simbahan. “Wala nang kasama. Obvious na hinahanap ka. Hindi naman nagtanong.”

        “Hayaan mo na nga siya,” sagot ni Niandra. “Panggulo lang siya sa buhay ko, e.”

        Dalawang magkakasunod na linggo na nagtiyaga si Matt. Pagkatapos, lumapit na kay Carmela.

        “Himala, after four years, kinausap din ako,” pauyam na pagkukuwento ni Carmela kay Niandra. “Biro mo, noon, parang wala siyang nakikitang tao roon kundi ikaw. Ngayong may kailangan siya sa akin, bigla niya akong nakita. E di hinanap ka nga. Sabi ko, nag-resign ka na sa choir kasi busy ka sa school. Kung puwede raw na mahingi ang address mo. Aba, sagot ko, hindi puwede kung wala kang permiso. Ihingi ko raw ng permiso sa iyo at itatanong niya uli sa akin next week. Masaya siya. Inutusan pa ako. Antipatiko.”

        “Huwag mong ibibigay, ha?” bilin ni Niandra.

        “Of course, sinabi mo, e,” sagot ni Carmela “Ay, ang sarap lang supalpalin ng unggoy na iyon!”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento