FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
PAGKATAPOS na pagkatapos ng graduation, sumama si Niandra sa kanyang
Ate Nadya sa Maynila.
Parang graduation gift na
nito sa kanya na patuluyin siya nang dalawang buwan sa tinitirhang boarding
house habang ipinapasyal siya’t ipinamimili sa lunsod.
Nakapagtapos si Nadya ng
Hotel and Restaurant Management bilang scholar sa UP Diliman. Ngayo’y maganda
na ang trabaho nito sa Westin Philippine Plaza.
Magiging katuwang nito ang
mga kapatid nilang sina Charles at Chris sa pagpapaaral kay Niandra. Ahente ng
gamot si Charles na nakadestino sa Ilocos. Nagtatrabaho naman sa isang malaking
accounting firm ang CPA na si Chris.
Hindi ipinaalam ni Niandra
sa Ate niya ang tunay na dahilan ng pagmamadali niyang makaalis sa Sta.
Cecilia. Buong akala nito’y excited lang siya na makapagbakasyon sa lunsod.
Sa huling linggo ng bakasyon,
sumunod sa Maynila si Nelia. Tatlo silang nagsiksikan sa kuwarto ni Nadya.
“Sana isinama na ninyo si
Tatay,” sabi ni Nadya. “Ngayon lang kayo makakapagbakasyon nang ganito, e.
Kakasya pa naman tayo rito.”
“Hindi ko siya makumbinsing
isara ang eatery,” sagot ni Nelia. “Baka
araw mawili ang mga suki natin na kumain sa iba.”
Sa loob ng linggong iyon,
nagpalitan sina Nadya at Chris sa pagsama kina Niandra at Nelia sa pamamasyal.
Nang matapos ang bakasyon,
sinamahan naman ni Nelia si Niandra sa pag-akyat sa Baguio. Natanggap ang
dalaga sa kanyang first choice na UP campus.
Buong akala niya, naiwan
na sa Sta. Cecilia ang kanyang problema. Akala rin niya, sapat na iyong
dalawang buwan niyang bakasyon sa Maynila para makalimutan si Matt.
Pero sa unang linggo pa
lang niya sa UP Baguio campus, ginulat na siya ng isang di-inaasahang
pangyayari.
Naglalakad siya sa
corridor nang lapitan siya ng isang lalaki. Alam niyang lalaki dahil nakikita
niya ang papalapit na sapatos at laylayan ng pantalong maong. Nakayuko kasi siya
habang naglalakad.
“Hi, Niandra,” sabi ng
isang napakapamilyar na tinig.
Saka lang siya nagtaas ng
paningin.
Hindi nga siya nagkamali.
Si Matt ang kaharap niya. Nakangiti.
Hindi makakibo si Niandra.
Napakaraming katanungan ang agad na nagsiksikan sa isip niya.
Bakit nandito si Matt?
Paano nito nalamang dito siya nag-aaral?
Hindi naman siguro
siya sasadyain dito ni Matt. Delikadong
isipin na naman niyang sinusundan siya nito.
Baka naman aksidente lang
itong pagkikita nila. Pero hindi ba’t sa Ateneo de Manila nag-aaral si Matt?
Dapat ay may klase ito roon ngayong araw.
“How are you?” tanong ng
binata.
Umatras na agad ang isip
ni Niandra.
Teka. Heto na naman tayo.
Magsisimula na naman ang isang malaking pagkakamali. Hindi na ba siya nadala?
Anuman ang intensiyon ni
Matt Miravilla sa paglapit sa kanya, sa hulihan ay babalik at babalik lang din
sila sa kanilang iniwang sitwasyon sa Sta. Cecilia.
Ayoko na, sabi niya sa
kanyang sarili. Hindi ko na kaya.
Pero wala siyang
binitiwang anumang salita kay Matt. Basta tiningnan lang niya ito. Pormal.
Hindi nakairap pero walang kangiti-ngiti. Para bang hindi niya ito kilala.
Pagkatapos, humakbang siya
nang paiwas sa binata. Tuluy-tuloy palayo. Parang walang narinig.
Kinabahan nga siya na baka
sumunod pa rin si Matt. Baka mangulit.
Pero hindi na siya
sinundan nito. Hindi na rin niya ito nakita pa uli. Hanggang ngayong gabi.
Napabuntonghininga si
Niandra sa pagkakahiga sa kanyang silid sa New Haven Spa Hotel.
Six years na pala mula
nang isnabin niya si Matt sa Baguio. Bakit ba hanggang ngayon ay parang
nagi-guilty pa siya?
Pinagsabihan ni Niandra
ang kanyang sarili. In the first place, hindi siya dapat ma-guilty.
Self-defense lang naman ang pang-iisnab niyang iyon. Sa pagkakaalam niya noon,
iniiwas niya ang kanyang sarili sa siguradong kapahamakan.
Ang katwiran niya noon,
bakit pa nga ba niya ihahain ang kanyang sarili sa isang taong hindi naman niya
puwedeng maging ka-level? May gusto na nga siya kay Matt Miravilla. Tanga na
talaga siya kung hahayaan pa niyang yumabong ang damdaming iyon nang wala
namang maaasahang kinabukasan.
Iyon nga siguro ang isa sa
pinakamalakas na puwersang nag-udyok sa kanya para magsumikap at sa kalaunan ay
magtagumpay.
Sinabi niya sa kanyang
sarili na sa pamamagitan ng sarili niyang talino, galing at pawis ay maaabot
din niya ang katayuan ni Matt Miravilla. Yayaman din siya. Kikilalanin sa
lipunan. At hindi na siya magiging alangan kaninuman.
Iyong nadarama niyang
panliliit sa simbahan ng Sta. Cecilia ay binura niya sa kanyang isip.
Kinailangan niyang buuing muli ang kanyang tiwala sa sarili. Kinailangan niyang
maging matatag at matapang. Maging agresibo kung kinakailangan. Hindi na
pupuwede ang kikimi-kimi. Talo ang maging balat-sibuyas.
Mahirap, pero pinilit niyang
gawin. Naniniwala kasi siyang lahat ng bagay ay puwedeng pag-aralan at
matutunan.
Parang kaybilis ngang
natapos ni Niandra ang kanyang kurso sa UP Baguio. Talagang ibinuhos niya sa
pag-aaral ang lahat ng kanyang kakayahan. Pagkaraan ng apat na taon, hindi lang
diploma ang kanyang nakamtan – nagawa rin niyang isakatuparan ang kanyang
pagbabagong image. Ibang-iba na siya.
Agad siyang lumuwas sa
Maynila para mag-apply sa mga TV stations. Kahit na anong trabaho, basta’t
makapag-break in lang sa industriya.
Nakuha siya bilang
production assistant sa isang sikat na TV variety show. Sosyal ang job title.
Pero ang totoong trabaho niya, alalay. Tagatimpla ng kape ng direktor at iba
pang nakakataas sa kanya ang posisyon. Tagakuha ng ganito. Tagaabot ng ganoon. Shock
absorber ng mga reklamo at init ng ulo ng mga tao sa studio.
Sige lang. Okey lang.
Pinagtiyagaan ni Niandra. Nakisama siya. At the same time, pinag-aralan niya
ang industriya. Ang iba’t ibang linya ng trabaho na pupuwede niyang pasukan.
Nangailangan ng extra para
sa isang comedy skit ng show. Halloween special iyon kaya White Lady ang papel
ng extra. At dahil nga comedy skit, arina ang ipantatapal sa mukha. Gagawin
talagang katawa-tawa. Wa poise. Kaya naman umaayaw ang lahat ng production
assistants. Liban kay Niandra.
Magmula noon, sa tuwing
mangangailangan ng babaing extra sa mga comedy skit, siya na ang awtomatikong
kinukuha. Wala kasi siyang kiyeme.
Nang lumaon, napansin ng
direktor na madalas siyang mag-ad lib hindi lang sa pag-arte kundi maging sa
kanyang mga linya. Maingat naman siya na hindi makaagaw ng eksena. Hindi niya
sinasapawan ang mga bida. Nakadaragdag lang siya sa kabuuang comic effect ng
skit.
Natuwa sa kanya ang
direktor – si Direk Georgie. Isinama na siya sa brainstorming sa pagbubuo ng
mga skit. Hindi nagtagal at nakaupo na rin siya bilang bahagi ng writing team
ng show.
Bago natapos ang taon,
tuluyan nang na-pirate si Niandra ng best friend ni Direk Georgie – ang sikat
na talent manager na si Lino Ferrer. Gusto na siyang i-build up bilang star.
Si Direk Georgie rin naman
ang nagbigay ng tip kay Lino. Nakita ng dalawa ang potensiyal ng dalaga.
Si Lino ang nag-package kay Niandra.
Nang marinig nito ang
kanyang pagkanta minsang nag-karaoke bar sila, ipinasok siya sa formal singing
lessons. Para raw talagang maging professional na ang kanyang estilo.
Ipinasok din siya sa
formal dance classes. Interpretative jazz, ballroom dancing at siyempre pa,
lahat ng pinakausong performance dances.
Pinag-acting workshop pa
siya. Pinag-speech lessons. Ikinuha ng private tutor sa personality development.
Kasama na ang fashion and hair and make-up advice.
Kasabay ng lahat ng iyon,
panay-panay na ang kanilang brainstorming para sa mga tipo ng show na gagawin
niya. Sulat nang sulat si Niandra ng mga monologue. Nag-iipon na sila ng
materyales.
Two years ago, ini-launch
ang kanyang career sa TV show ni Martin Nievera. Sosyal talaga.
Agad naman siyang napansin
ng madla. Maganda ang mga naging write-up ng entertainment columnists tungkol
sa kanya.
Kasunod na niyon ang
kanyang launching show. Isang one-woman comedy act na para na ring concert sa
dami at ganda ng mga song-and-dance numbers. Iyon ang naging tatak ni Niandra
Moran.
Isang taon lang ang
kinailangan niyang ipuhunan bago siya naihilera kina Pops, Zsa-Zsa, Regine at
Jaya. Kung tutuusin ay nag-iisa siya sa kanyang trono dahil kaiba naman sa
kanila ang kanyang estilo. Hindi lang siya singing ang dancing diva – comic
diva pa.
Nitong taong ito, talagang
pumailanlang na ang kasikatan ni Niandra. Nakapag-show na siya hindi lang sa
pinakamalaking hotel sa Davao, Cebu at Bacolod. Dinumog din ang kanyang mga
show sa Las Vegas, San Francisco, Los Angeles, Chicago at New York nang mag-US
tour siya sa simula pa lang ng taon.
Natupad na ang pangarap ni
Niandra.
Sikat na siya. May pera na
kahit paano. Puwede na siguro niyang ipagmalaki ang kanyang nabiling townhouse
na kumpleto sa gamit, pati na ang kanyang minamanehong kotse. May mga financial
investments na rin siya.
Ang iniikutan niya ngayong
sirkulo ay iyong nasa pinakaitaas na. Ang mga nanonood ng kanyang mga show ay
iyong mga de buena familia.
Higit sa lahat, hindi na
siya mangingiming humarap kay Matt Miravilla nang taas-noo.
Muling napabuntonghininga
si Niandra.
Hindi niya maikakaila sa
kanyang sarili na ito mismo ang inaasam-asam niyang maganap. Kaytagal na niyang
pinangarap na muling makatagpo si Matt.
At heto na nga.
Nag-iisa si Matt kanina sa
mesa. Talaga bang pinanood lang nito ang show para makita siya? Pero bakit
hindi naman siya pinuntahan pagkatapos ng show?
Baka naman naging curious
lang iyong tao. Malay nga niya kung nakapag-asawa na ito. Wala na siyang naging
balita tungkol kay Matt nitong nakaraang apat na taon.
Wala na kasi siyang
anumang koneksiyon sa Sta. Cecilia. Umalis na roon ang mga magulang niya at
naputol na rin ang lahat ng contact niya kay Carmela.
Huling taon na ni Niandra
sa kolehiyo nang dalhin ni Nadya sa States sina Caloy at Nelia.
Nakapag-asawa kasi si
Nadya ng hotel executive na Amerkano at nanirahan na sa States. Pero nang
magdalantao ito, pinakiusapan agad ng Amerkano ang mga biyenan na sumunod doon
para magbigay ng moral support. Ibinili pa ng manugang sina Caloy at Nelia ng
bahay na katabing-katabi lang din ng tinitirhan nito at ni Nadya.
Isinara na nang tuluyan
ang “C ‘n N Eatery” at wala nang naiwang Moran sa Sta. Cecilia.
Si Charles ay sa Ilocos na
tuluyang nanirahan dahil nakapag-asawa ng Ilokana. Si Chris naman ay sa Cebu
nakapag-asawa minsang naipadala roon bilang auditor ng kompanyang pinagtatrabahuhan.
Doon na rin ito nagpadestino nang permanente.
Huling nagkabalitaan sina
Niandra at Carmela noong nasa third year college siya. Umuwi siya nang sandali
sa kanila at pinasyalan niya ang kaibigan na hindi na nagawang makapag-aral sa
kolehiyo. Nagbabantay ito noon ng puwesto ng mga magulang sa palengke.
Nabanggit noon ni Carmela
na nang makapagtapos si Matt sa kolehiyo ay ipinagtayo ito ng sariling
brokerage firm ng pamilya.
Iyon na ang huling
balitang nakuha ni Niandra dahil halos kasabay ng pagpunta ng kanyang mga
magulang sa States ay nagpunta naman si Carmela sa Italy para magtrabaho.
Noong unang taon ni
Carmela doon ay nagkakasulatan pa sila. Pero simula sa pangalawang taon nito
roon ay hindi na nito sinagot ang mga sulat niya. Naputol na nang tuluyan ang
kanilang komunikasyon sa isa’t isa.
Kaya ngayon ay wala siyang
anumang impormasyon tungkol kay Matt Miravilla. Ngayon pa namang buhay na buhay
na uli ang interes niya kay Matt.
Naiintriga lang naman ako, sabi niya sa kanyang sarili. Iyon lang.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento