Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Martes, Abril 25, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Niandra Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

HINDI mapakali si Matt sa kanyang penthouse suite sa Miravilla Tower One.

        Pagkagaling sa show ni Niandra ay agad na siyang umalis mula sa New Haven Spa Hotel. Bago pa siya matuksong lumapit kay Niandra.

        Dumiretso na siya sa kanyang penthouse. Dire-diretso sa kanyang ref para kumuha ng lata ng ice-cold beer.

        Akala niya’y magiginhawahan siya sa beer. Pero lalo lang siyang naalinsanganan. Parang walang epekto maging ang centralized airconditioning ng kanyang condominium unit.

        Matindi talaga ang epekto sa kanya ni Niandra Moran. Noon at magpahanggang ngayon.

        Naalala pa niya kung paano siya natuliro kay Niandra ten years ago.

        Kinse anyos pa lang siya noon. At first time siyang tinamaan ng ganoon katinding atraksiyon sa isang babae.

        Kahit naman pansinin na siya ng girls magmula pa sa elementarya, hindi siya naging mahilig sa pangongolekta ng female admirers. Hindi tulad ng mga pinsan at kaibigan niyang lalaki na nagpapayabangan pa sa kanilang mga koleksiyon.

        Siguro, palibhasa wala siyang kapatid na babae at maaga siyang naulila sa ina, hindi natuto si Matt na maging malapit sa kababaihan. Naging sapat na sa kanya ang pangangalaga ng kanyang daddy. Masaya na siyang kalaro at kasama ang kanyang Kuya Mark at mga pinsang lalaki.

        Iyong mga babae ay halos parang isang kakaibang species para sa kanya. Mahirap maunawaan. Nasa labas ng kanyang kumportableng mundo.

        Kaya naman nagulat ang lahat nang lumapit siya’t nakipag-usap sa dalagang choir soloist sa Sta. Cecilia. Alam ng mga pinsan niyang lalaki na hindi niya gawi ang lumapit at magpakilala ng sarili sa babae.

        Ang totoo niyon, kabadung-kabado siya. Pinilit lang niya ang kanyang sarili na lumapit kay Niandra. Ayaw niyang umalis sa simbahan nang hindi sila nagkakakilala.

        Sa kauna-unahang pagkakataon, nakadama siya ng pangangailangang makipag-ugnayan sa isang babae. Kailangang magkausap man lang sila kahit paano. At hindi mangyayari iyon kung hindi siya maglalakas-loob.

        Siguro’y nakatulong din na mahiyain si Niandra. Hindi ito tulad ng mga nakilala na niyang teenage girls sa Maynila na malakas ang self-confidence o kung minsan nga’y mas agresibo pa sa kanya. Lalo siyang ninenerbiyos kapag ganoon ang babaing kaharap niya.

        Sa kaso ni Niandra, hindi siya masyadong nailang dahil pareho lang sila ng tipo ng personalidad. Mas lamang pa nga siya dahil mas mahiyain pa ang dalagita.

        Napakalaking bagay na kay Matt iyong nagkakilala sila. Masaya na siya roon.

        Basta ang naging mahalaga sa kanya ay hindi naputol ang pagkikita nila ni Niandra. Kahit nahirapan siya ay ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa para lang makapunta sa Sta. Cecilia nang regular. Para makita si Niandra, mapakinggan ito sa pag-awit at makausap nang kahit saglit lang.

        Noong una, pinagtawanan siya nina Harry. Ang babaw naman daw ng taste niya sa babae. Bakit probinsiyana pa? Ang dami namang mga kolehiyalang may crush sa kanya sa Maynila.

        Pagkatapos naman, naisip ng mga ito na mautak daw siya. Mas madali nga raw namang mauto ang probinsiyana. Baka nga raw mas mauna pa siyang “maka-score” kaysa sa mga ito.

        Pinalampas ni Matt ang ganoong salita. Kahit gusto na niyang manapak ng pinsan ay nagtimpi siya.

        Nang pangatawanan niya ang pagpapabalik-balik sa Sta. Cecilia, naging mas interesado pa sina Harry sa kanyang sitwasyon. At nang malaman ng mga ito na wala rin namang nagbago sa ugnayan nila ni Niandra, tinawag siya ng mga ito na “torpeng tanga.”

        Ang tanga-tanga naman daw niya para magpakahirap nang ganoon nang wala namang napapala. Kung magiging magilas lang daw sana siya, mabilis niyang maaani ang konsuwelo sa kanyang pagsasakripisyo.

        Walang ganoong intensiyon si Matt.

        Ni ang pagligaw nga ay malayo pa sa kanyang mga balak.

        Iba kasi ang pagtingin ni Matt sa panliligaw. Para sa kanya, hindi iyon basta-basta ginagawa.

        Hindi niya maintindihan kung paanong nakakapanligaw ang mga lalaki sa babaing bago pa lang nakikilala. Hindi ba’t ang dapat ligawan ay iyong minamahal? Paano mo naman masasabing mahal mo ang isang tao kung hindi mo pa gaanong nakikilala?

        Basta ang alam niya, hindi siya gagaya sa iba. Hindi niya gagawing parang laro lang ang panliligaw.

        Kapag nanligaw si Matt, siguradong sa babaing mahal na niya. At siguradong hindi birong mga pagsubok na ang ginawa niya sa kanyang sarili para mapatunayang totoo ang kanyang nadarama.

        Sa edad pa lang na kinse ay ganoon na ang paninindigan ni Matt Miravilla.

        Kaya nga inabot nang apat na taon na wala siyang ginawa kundi ang magsimba sa Sta. Cecilia para makinig kay Niandra at makausap ito nang sandali pagkatapos ng misa.

        Gusto sana niyang mas palaguin pa ang kanilang pagiging magkaibigan. Ang problema’y mailap ang dalaga. Nararamdaman niyang kahit iyong sandali nilang pag-uusap ay nakakapagpa-conscious na rito. Para itong laging nagmamadaling makaalis na.

        Gusto na ngang panghinaan ng loob si Matt. Wala kaya talagang kahit na kaunting interes sa kanyang Niandra?

        Pero hindi naman iyon ang nakukuha niyang mensahe sa mga mata ng dalaga. Kahit bihirang-bihirang nagtatama ang kanilang paningin, sa tuwing nangyayari iyon ay may kakaibang pakiramdam na tumutulay sa kanilang mga pagkatao. Gusto niyang maniwala na iyong atraksiyong nadarama niya ay nadarama rin ni Niandra.

        Alam niyang wala siyang mapapatunayan hangga’t hindi sila nagiging tunay na magkaibigan. Iyong nagkakasama’t nagkakausap nang matagalan.

        At iyon naman talaga ang binabalak niyang kasunod na hakbang. Naghintay lang siya ng tamang panahon.

        Siguro naman, kapag nakapagtapos na sa high school si Niandra ay pupuwede na niya itong kaibiganin nang totoo. Pupuwede na niyang dalawin sa bahay.

        Kakausapin niya muna ang mga magulang ng dalaga. Lilinawin niyang nakikipagkaibigan pa lang siya. Hindi pa siya manliligaw.

        Kung kinakailangan, mangangako siyang hindi siya manliligaw nang walang pahintulot mula sa mga magulang ni Niandra.

        Ilang linggo na lang noon at magtatapos na si Niandra. Balak nga niyang sorpresahin ito – dadalo siya sa graduation ng Sta. Cecilia High School.

        Plantsadung-plantsado na sana ang mga plano ni Matt. Hanggang sa umentra na naman sa eksena si Harry.

        Nagulat na lamang siya minsang pauwi siya sa hacienda at sumipot si Harry sa bahay nila. May dala itong travelling bag. Hindi lang iyon – may kasama pang dalawang babae.

        Kilala na ni Matt ang dalawang dalaga. Mga kaeskuwela rin nila sa Ateneo. Girlfriend ni Harry si Peachy. Best friend naman ni Peachy si Liz.

        “Matt, sasabay na kami sa iyo,” sabi ni Harry. “Maluwang naman ang coaster. Sayang kung magdadala pa kami ng ibang sasakyan.”

        “Sasabay?” pagtataka niya. “Bakit, saan ba’ng lakad n’yo?”

        “Di sa hacienda rin,” nakangising sagot ni Harry. “I invited the girls to sleep over.”

        Patago pa itong kumindat sa kanya.

        Walang magawa si Matt. Pareho lang naman sila ni Harry na may karapatang magdala ng bisita sa hacienda.

        Ang problema, talaga palang nanadya si Harry. Isinama nito si Liz dahil matagal na raw may crush si Liz sa kanya.

        “Nakiusap sa akin si Peachy,” paliwanag ni Harry nang magkasarilinan sila sa hacienda. “Ilakad ko raw sa iyo si Liz. Makakatanggi ba ako? Di ako naman ang nawalan ng fringe benefits.”

        “Pero alam mo namang may pinupuntahan na ako dito, hindi ba?” inis na inis na sumbat niya sa pinsan. “Dapat sinabi mo sa girlfriend mo na huwag nang ireto sa akin ang kaibigan niya. Kawawa naman si Liz kung ganyang pinaasa n’yo sa wala.”

        “Bakit naman kailangang maging kawawa?” sagot ni Harry. “Come on, Matt. She’s ready and willing. And she’s so foxy. Huwag mong sabihing mas maganda pa sa kanya ang probinsiya mo. No way. At saka wala ka nang kahirap-hirap dito kay Liz. Ni hindi mo na liligawan. Ngitian mo lang iyan at akbayan, okay na kayo. Whisper some sweet nothings and that’s it. In fact, you owe me for this. Napakaganda yatang opportunity itong inihain ko sa iyo.”

        “You know that’s not my style,” paalala ni Matt. “I won’t take advantage of her just because she happens to like me. In the first place, kung talagang nagustuhan niya ako for being myself, she should appreciate my way of looking at things. She shouldn’t expect me to be like other guys.”

        “Wow, hayan na naman iyang matayog mong mga prinsipyo, e,” naiiritang iling ni Harry. “Nakakapikon ka na kung minsan, alam mo ba?”

        “Kung tutuusin, ako nga dapat ang mapikon dito sa sorpresa mo,” kalmadong sagot niya. “You should have consulted me first para hindi ganitong pare-pareho tayong nasusubo sa alanganin.” 

        “Okay, okay,” atras ni Harry. “Nandito na ito, e. Ganito na lang. Just be nice to Liz. Huwag mo namang ipahiya iyong tao. Sabi mo nga, kawawa naman. So what’s wrong with entertaining her – even as a guest? Puwede mo namang gawin iyon nang hindi namamantsahan iyang mga prinsipyo mo, hindi ba?”

        Napabuntonghininga si Matt.

        “I suppose that’s the best we can do,” sagot niya. “Ano pa nga ba? Guest naman talaga natin siya sa hacienda.”

        Iyon ang dahilan kung bakit nakasama niya sina Harry, Peachy at Liz sa pagsisimba sa Sta. Cecilia.

        Hindi naman niya akalaing magiging ganoon kaagresibo si Liz sa pagdikit-dikit sa kanya kahit sa simbahan. Dinidisimula na nga niya ang pag-urong nang palayo, sunod naman ito nang sunod.

        Hindi rin niya akalaing dahil doon ay masisira na ang apat na taong pagtitiyaga niya kay Niandra. Sa isang umaga lang ay nag-iba na ang pagtingin nito sa kanya.

        Doon pa lang sa simbahan ay naramdaman na niya ang panlalamig ng dalaga.

        Dati, kahit talagang hindi ito tumitingin sa kanyang direksiyon ay nararamdaman niyang alam nitong naroon siya. At ipinagpapalagay niyang bahagi siya ng kasiyahang nababakas sa mukha ni Niandra.

        Pero noong umagang iyon, iba ang ekspresyong nasa mukha ng dalaga. Napakalamig. Walang emosyon. Para itong estatwang gawa sa marmol.

        At pagkatapos na pagkatapos ng misa, bago pa man siya makalapit sa kinaroroonan ng choir ay nakaalis na si Niandra. Mabilis itong sumama sa mga magulang palabas ng simbahan.

        Paano siya hahabol? Wala pa siyang karapatan. Ni hindi pa sila tunay na magkaibigan. Ni hindi pa niya nakikilala nang pormal ang mga magulang ng dalaga.

        Isa pa, ano ang sasabihin niya? Basta na lang ba niya ipaliliwanag ang tungkol kay Liz? Mahirap naman yatang mag-assume na iyon nga ang dahilan ng pagkakaganoon ni Niandra. Na nagselos ang dalaga nang nakitang kasama niya si Liz.

        Bumalik siya agad nang sumunod na linggo. Mag-isa na lang. Pero wala si Niandra.

        Bumalik siya uli pagkaraan ng isang linggo. Wala pa rin ang dalaga.

        Noong ikatlong linggo ay nilapitan na niya ang madalas niyang makitang kasa-kasama nito.

        “Excuse me, miss...” sabi niya.

        Tinaasan siya nito ng kilay.

        “Ako si Matt Miravilla,” pagpapakilala niya sa sarili.

        “Alam ko,” sagot ng babae.

        Sa tono nito’y halatang walang balak na magpakilala sa kanya. Nagsisi tuloy si Matt na hindi niya nagawang magpakilala rito nitong nakaraang apat na taon. Kung bakit naman kasi kay Niandra lang talaga nasentro ang kanyang atensiyon. Hindi niya nagawang makipagkilala sa mga kaibigan ng dalaga.

        Ngayon ay mukhang masama na rin ang impresyon sa kanya ng babaing ito.

        “Itatanong ko lang sana kung bakit tatlong linggo nang wala si Niandra,” lakas-loob na ring pagpapatuloy ni Matt.

        “Nag-resign na siya sa choir,” sagot ng babae.

        “Ha?” gulat na sambit niya. “Pero bakit?”

        “Busy na siya sa finals sa school, e,” pakibit-balikat na sagot ng babae.

        Nataranta na si Matt.

        “Puwede bang malaman kung saan ko siya mapupuntahan?” tanong niya. “Alam mo ba ang address nila?”

        Tumaas pang lalo ang kilay ng babae.

        “Aba, hindi ko puwedeng basta ibigay ang address niya nang walang paalam,” paasik na sagot nito.

        “Of course,” tango agad ni Matt. “I understand. Pero puwede mo kayang ipagpaalam sa kanya? Babalik ako next week para malaman kung payag siya na makuha ko ang address niya. Gusto ko lang naman siyang kumustahin.”

        Hindi sumagot ang babae. Nagkibit-balikat lang. Puwedeng ipakahulugang “Sige.” Puwede rin namang “Bahala na.” O kaya’y “Bahala ka sa buhay mo.”

        Pero hanggang doon lang din naman ang puwede niyang gawin. Ang magbakasakali.

        “Thank you,ha?” nakangiting sabi pa rin niya sa babae. “Babalik na lang ako next week.”

        Nang sumunod na linggo, maikli lang ang ibinalita nito sa kanya.

        “Ayaw ipabigay ang address niya, e.”

        Napakabigat ng mga salitang iyon sa pandinig ni Matt. Lalo pa sa damdamin niya.

        Kung tutuusin, madali lang niyang maipagtatanong sa mga katiwala nila sa hacienda ang address ni Niandra. Puwede rin niya itong ipahanap sa kanilang mga bodyguard. Gaano lang ba kalaki ang Sta. Cecilia? Siguradong matutunton niya agad ang dalaga.

        Pero batas na dumapo kay Matt ang pasya ni Niandra. Ayaw ipabigay ang address sa kanya.

        Kung susuwayin niya ang pahayag na iyon, parang lalo pa niyang pinasama ang kanyang record sa dalaga.

        Bumalik na lang siya sa Maynila at sinisi si Harry.

        “Aba, mas maganda nga ang nangyaring iyon,” sagot naman nito. “That just proves na may gusto rin siya sa iyo. Nagselos, e. Actually, noon mo pa siya dapat pinagselos para napadali ang laban. Ganyan ang mga babae. Natataranta lang kapag nakitang may karibal pala sila.

        “Pero huwag mo munang aamuin. Huwag kang susukut-sukot. Hayaan mo siyang mag-isip-isip. Pag hindi ka nakita niyan nang matagal-tagal, mag-aalala na iyan. She’ll be worried that she might have gone too far sa kaartehan niya. That she might have lost you for good to that other woman. Mami-miss ka na niya. She’ll realize how much she really likes you. So, pag nagkita na uli kayo, she’ll be so happy to have you back. Ayos ka na.”

        “Ganoon ba iyon?” nag-aalalang sabi niya.

        “Wala ka kasing alam tungkol sa mga babae, e,” sagot ni Harry. “Ako, expert ako riyan. So listen to the master.”

        Dahil wala rin naman siyang maisip na ibang paraan, sinunod ni Matt ang payo ng pinsan. Hindi na muna siya nagpunta sa Sta. Cecilia.

        Pero kinausap niya ang isa sa mga katiwala nila. Nagpakalap siya ng balita tungkol kay Niandra. Itatawag na lang sa kanya sa Maynila.

        Sa ganoong paraan niya nalaman na nagbakasyon ito sa kapatid sa Maynila. At nang magsimula ang klase, nalaman din niyang sa UP Baguio ito pumasok.

        Tantiya ni Matt, sapat na sigurong panahon ang dalawang buwan para makapag-isip-isip si Niandra. Para ma-miss siya nito na tulad ng sinabi ni Harry.

        Siguro nga, mas nakabuti pa sa kanila ang nangyari. Tutal naman, talagang ipaliliwanag niya agad kay Niandra ang lahat-lahat tungkol kay Liz. Hindi na niya patatagalin pa ang mga agam-agam nito sa kanya.

        Miss na miss na rin naman niya talaga ang dalaga. Ang sarap ngang isipin na itong nadarama niyang pangungulila ay nadarama rin ni Niandra.

        Kaya naman kahit kasisimula lang din ng kanyang klase sa Ateneo ay umakyat si Matt sa Baguio. Nag-abang siya sa UP Campus hanggang sa mamataan niya ang dalaga.

        Dadalawang buwan silang hindi nagkita pero sa tingin ni Matt ay nagdalaga na nang husto si Niandra. Hindi na ito mukhang high schooler. College coed nang talaga.

        Nakadama siya ng pagmamalaki habang pinanonood ito na naglalakad sa pasilyo ng eskuwela. Mahiyain pa rin at nakayuko pero may bago nang indayog ang pagkilos. Simple pa rin kung manamit pero may nadagdag nang fashion flair. Ibang-iba na ang “pinalaki” niyang dalagita.

        Lalo pa tuloy siyang nasabik na lapitan ito. Dumating na ang tamang panahon para mas makilala nila nang mabuti ang isa’t isa. Handa rin naman siyang umakyat dito sa Baguio kahit linggu-linggo para lang maalagaan nang husto ang panibagong antas ng kanilang pagiging magkaibigan.

        “Hi, Niandra...” masiglang tawag niya paglapit sa dalaga.

        Nagtaas ito ng paningin.

        At tiningnan lang siya.

        Wala ang inaasahan niyang kislap ng kasiyahan sa pagkakilala nito sa kanya. Wala ang katapat ng pangungulilang nadarama niya.

        “How are you?” sabi pa niya habang pilit na pinananatili ang kanyang ngiti.

        Pero parang tumingin lang si Niandra sa isang estranghero. Isang estrangherong ayaw nitong makadaupang palad.

        Parang hindi siya kilala. O sadyang binura na siya sa memorya.

        Ni hindi siya nito sinagot. Basta lumihis lang ito ng direksiyon at nagpatuloy sa paglakad. Palayo sa kanya. Palayo sa buhay niya.

        Iyon na ang kahulugan niyon kay Matt. Kaya kahit para siyang pinagsukluban ng langit at lupa, hindi na rin siya humabol.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento