Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Martes, Abril 25, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Niandra Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6

IYON ang pinakamasakit na pangyayaring naganap kay Matt sa buong buhay niya.

        Pumanaw ang kanyang ina noong isa’t kalahating taong gulang pa lamang siya kaya hindi niya naramdaman ang sakit ng pagkawala nito. Samantalang iyong paglayo ni Niandra ay sugat na dinaramdam pa rin ng binata hanggang ngayon.

        Hindi pa naman niya masasabing minahal niya o mahal pa rin niya si Niandra. Sa pamantayan ni Matt ay wala pa siyang batayan para sa ganoong pahayag.

        Paano nga ba niya mamahalin ang isang babaing hindi pa niya lubusang kilala?

        At  iyon ang ikinasasama ng loob niya. Ipinagkait ni Niandra sa kanilang dalawa ang pagkakataong makilala ang isa’t isa. Ang pagkakataong maging tunay na magkaibigan. Ang pagkakataong makabuo ng damdaming maaaring mauwi sa pagmamahalan.

        Sa loob pa naman ng apat na taon na pagsubaybay niya noon sa dalaga ay nakita na niyang napakalaki ng posibilidad na ma-in love siya kay Niandra. Naroon na kasi ang matinding atraksiyon. Ang kulang na lang ay ang mas malalim na pagkakakilanlan.

        Sayang.

        Gusto niyang isigaw noon, “Give me a chance. Give us a chance.”

        Pero hindi na niya nagawa. Natalo na siya ng kanyang emosyon.

        Emosyon na hanggang ngayon ay ganoon pa rin katindi. Ganoon pa rin ang panghihinayang. Ganoon pa rin ang sakit.

        Lalo pa nang muli niyang makita si Niandra nang personal.

        Imposibleng tawaging pag-ibig pero ano kaya ang itatawag niya sa emosyong yumanig sa kanyang pagkatao kanina nang lumabas si Niandra sa entablado sa kauna-unahang pagkakataon?

        Hindi iyon basta paghanga lang. Hindi simpleng pisikal na atraksiyon – kahit aaminin niyang mas gumanda pa si Niandra at mas naging kaakit-akit. Gayunpama’y higit pa roon ang kanyang nadama.

        Isang napakalalim na emosyong nakaugat na yata sa pinakaubod ng kanyang kaluluwa. Isang napakalawak na emosyong sumasakop na yata sa kabuuan ng kanyang mundo.

        Kanina, muli niyang naramdaman ang kasiguruhang si Niandra lang ang babaing pupuwede niyang mahalin kung bibigyan sila ng pagkakataon.

        Sa loob ng nakaraang anim na taon mula nang magkalayo sila, walang ibang babaing nakapagpadama sa kanya nang ganito. Kaya nga wala pa rin siyang nililigawan.

        Pagkatapos ng naganap sa kanila sa Baguio, umuwi siya sa Maynila nang talunan. Hindi niya maitago ang kanyang depresyon.

        Nawalan siya ng ganang kumain at masyadong nangayayat. Naging mas lalo pang tahimik at palaisip. Naging mas mailap sa mga sosyalan, lalo pa kung may mga babae.

        Nag-alala na nga pati ang kanyang Kuya Mark at ang kanyang ama. Nang hindi makuha sa kanya ang dahilan ng kanyang ipinagkakaganoon ay nag-imbestiga na ang mga ito. Tinanong ang mga pinsan niyang lalaki. Ang mga katiwala sa hacienda.

        Matapos makausap ng mga ito pati ang bodyguard at driver na nakasama niya sa Baguio, nabuo ang kuwento. At iisa ang naging konklusyon ng lahat. Napakalaki raw niyang hangal para magpakaloko sa babaing iyon.

        Kinausap siya nang kinausap. Kinantiyawan ng mga pinsan niyang lalaki. Pinagpayuhan ng kanyang kuya. Pinagalitan na ng kanyang daddy. Bandang huli, inalok pa nga siya ng psychiatric help. Baka raw psychiatrist lang ang makakakumbinsi sa kanyang bumitiw sa kanyang obsesyon sa babaing iyon.

        Nagpakatatag si Matt.

        “Leave me alone,” sagot niya sa lahat. “Normal lang naman itong nararamdaman ko. I’ll get over it my own way.”

        Walang nagawa ang pamilya. Pero ang lahat ay nag-oobserba pa rin sa kanya. Concerned.

        Hindi naman nagtagal at nakabalik din siya sa dati. Nakakain na nang maayos. Nanumbalik ang magandang pangangatawan. Nabawasan ang mga mahahabang pananahimik.

        Pero ano nga ba iyong babalikan niyang dating gawi? Tahimik lang naman talaga siyang tao. Hindi masyadong madaldal. Hindi mahilig sa mga sosyalan. Lalong hindi gaanong kumportable sa harap ng mga babae.

        Ang pinagbalingan niya ay ang kanyang pag-aaral at pagkatapos, ang trabaho. Sa brokerage, halos panay lalaki ang kanyang kaharap. Iyong iilan nilang mga empleyada ay panay mga matrona na. Hindi na nakakailang sa kanya.

        Ganoon niya tinawid ang huling anim na taon.

        Hindi niya akalaing mangyayari itong nangyayari sa kanya ngayon. Para siyang nagbalik na naman sa simula.

        Naalala niya ang sinabi noon ng kanyang Kuya Mark.

        “You gave her too much power over your emotions. Tingnan mo tuloy ang nangyari. Sa isang iglap, she has managed to hurt you so much. Hindi tama iyon. Hindi mo dapat ibinibigay kaninuman ang ganoong kapangyarihan.

        “Maling-mali ang diskarte mo, e. Lumalayo ka sa karamihan ng mga babae. You dislike even casual relationships with women. Pero iyang iisang pinagtuunan mo ng pansin, sumobra naman ang attachment mo. Baligtarin mo ang iyong sistema. Be with women. Enjoy them. Pero huwag kang maging masyadong attached. Don’t give them the power to play with your feelings.”

        Hindi talaga niya magawang sumunod sa huling payo ng kanyang kapatid. Hindi siya tulad nito at ng kanyang mga pinsang lalaki na walang pagpapahalaga sa pakikipagrelasyon sa mga babae.

        Pero nag-isip-isip din siya tungkol sa unang tinuran ng kanyang Kuya Mark.

        Totoo nga yata iyon. Masyado niyang ibinuhos ang kanyang loob kay Niandra. Masyado niyang binuksan ang kanyang puso’t damdamin. Tuloy, naging vulnerable siya. Walang anumang pananggalang.

        Pero hindi nga ba’t ganoon talaga ang landas patungo sa pag-ibig? Paanong makapagtatanim ng binhi ng tunay na damdamin kung nakasara ang puso? Kung laging may pananggalang sa emosyon?

        Hindi niya maintindihan.

        Ngayon, ito na naman ang problemang kanyang kinakaharap.

        Pero ngayo’y may takot na siya.

        Hindi birong sakit ang kanyang dinanas nang maghiwalay sila ni Niandra. Sakit na hanggang ngayon ay dala-dala niya.

        At kanina, napatunayan niyang napakalakas pa rin ng kapangyarihan ni Niandra sa kanyang damdamin. Kayang-kaya pa rin nitong yanigin ang kanyang buong pagkatao. Ang kanyang buong mundo.

        Hahayaan ba niyang mangyari uli ang nangyari na noon? Ipakikipagsapalaran ba niya uli ang kanyang damdamin?

        Napabuntonghininga si Matt.

        Mas makabubuti siguro kung dumistansiya na muna uli siya. Siya na ang kusang lalayo kay Niandra.

 

PANGALAWANG gabi ng show.

        Naging sistematiko ang pagsuyod ni Niandra ng tingin sa kanyang audience. Bawat mesa ay sinisino niya. Medyo mahirap gawin dahil bukod sa napakalaki ng lugar ay madilim pa ang kinaroroonan ng mga manonood. Pero nagawa pa rin niyang gawing bahagi ng kanyang act ang paghahanap kay Matt.

        Nabigo ang dalaga. Natapos at natapos ang show na wala kahit anino ni Matt Miravilla.

        Pumanhik siya sa kanyang nakareserbang kuwarto sa hotel nang mabigat ang loob.

 

HULING araw ng show.

        Natagpuan na lamang ni Matt ang kanyang sarili na nasa lobby na ng New Haven Spa Hotel.

        Pero natigilan siya roon. Bago pa makatuloy sa mismong pinagdarausan ng show ni Niandra ay nailiko na niya ang kanyang mga paa patungo sa bar.

        Doon, sa isang madilim na sulok, inalagaan ni Matt ang isang mug ng beer sa loob ng mahigit sa dalawang oras.

        Alam niya kung anong oras matatapos ang show. At mula sa kanyang kinauupuan ay tanaw ang pinto ng bar at ang bahagi ng lobby na daraanan ni Niandra paglabas nito ng dressing room.

        Nakita niya nang maglabasan ang mga manonood ng dalaga. Naghintay pa siya nang kinse minutos.

        Mayamaya lang ay heto na nga si Niandra, maraming kasama. Patungo sa hilera ng mga elevators na papanhik sa mga kuwarto.

        Hindi tuminag si Matt. Nanatili lang siyang nakaupo roon.

        Hindi na nga gumagana ang kanyang utak. Napagod na siya sa kadedebate sa kanyang sarili ng tungkol kay Niandra. Para siyang hilo na sa isang saglit ay magpapasya nang ganito para lang sa susunod na sandali ay isipin ang kabaligtaran. Hindi na rin niya mahulaan ang kanyang susunod na hakbang.

        Pagkaraan ng mga kinse minutos pa, bigla na lang siyang tumayo at nagtungo sa kahera. Sa halip na hingin sa waiter at hintayin ang kanyang bill ay binayaran na niya ito roon. Pagkatapos ay tuluy-tuloy siyang lumabas ng hotel patungo sa parking lot na katapat lang ng front entrance. Nagmamadali. Parang takot na baka magbago pa siya ng isip.

        Pinaaandar na ni Matt ang kanyang asul na kotse nang mamataan niyang papalabas ng hotel sina Niandra.

        Tumigil ang grupo ng dalaga sa labas lang ng entrance ng hotel. Halatang naghihintay ng sasakyan na mula sa parking lot.

        Hindi maituloy ni Matt ang pag-alis. Napako na ang kanyang tingin kay Niandra.

        Hindi nagtagal at lumabas mula sa parking lot ang isang van. Sinundo ang grupo ng dalaga.

        Natagpuan na lamang ni Matt ang kanyang sarili na sumusunod sa van.

        Dumistansiya naman siya. Iyong hindi siya mahahalata.

        Wala siyang anumang konkretong intensiyon. Walang balak gawin. Basta parang hindi lang siya makahiwalay sa kinasasakyan ni Niandra. Curious lang siyang malaman kung saan pa ito tutuloy.

        Naglakbay sila hanggang Quezon City. Nakilala ni Matt na patungo sila ng Sikatuna Village.

        At tumigil ang van sa tapat ng isang hilera ng mga townhouse.

        Tinandaan ni Matt ang lokasyon pero hindi siya puwedeng lumapit nang masyado. Baka siya mapansin.

        Kinailangan na niyang lumiko sa kantong bago makarating sa mismong tapat ng mga townhouse. Kinailangang tumuloy sa pagtakbo.

        Pero nakadama siya ng bagong excitement.

        Malamang ay inihatid ng van si Niandra. Doon nga kaya ito nakatira?

 

PAGOD na pagod si Niandra hindi lang dahil sa katatapos na show. Ang mas nakaubos yata ng kanyang enerhiya ay ang pagtaas at pagbagsak ng kanyang mga ekspektasyon tungkol kay Matt.

        Kung bakit naman kasi hindi niya mapigil ang kanyang sarili na umasang magpapakita uli si Matt. Tuloy, heto, siya rin ang talo.

        Napapailing na lamang siya habang itinatabi ang mga iniuwing gamit. Pagkatapos ay tumuloy siya sa banyo. Itinapat sa mainit na mainit na shower ang kanyang kahapuan.

        Iyon ang mabisa niyang pampatulog. Kapag umuuwi siyang pagod na pagod, kailangan niyang mag-hot shower para maibsan ang kanyang tensiyon. Kung hindi ay magpapabiling-biling lang siya sa higaan. Hindi makakatulog sa kabila ng kapaguran.

        Matapos maligo ay nagpahid siya ng lavender-scented oil sa buong katawan. Isa pa iyon sa kanyang mga ritwal. Itinuro ni Manang Susan – ang regular niyang reflexologist at masseuse na maalam sa aromatherapy. Nakakapagpa-relax daw ang lavender oil.

        Nang mahiga si Niandra ay nagsisimula nang mamigat  ang mga talukap ng kanyang mga mata. Pero naroon pa rin sa kanyang isip si Matt. Pinanghihinayangan pa rin niya ito.

        Sayang kung hindi na uli sila magkatagpo. Kung hindi  na magkaroon ng pagkakataong tulad noon. Ngayon pa namang handa na siyang humarap kay Matt nang walang pangingimi o pagbabantulot.

        Magmula noong isang araw ay nakapa na niya nang husto ang kanyang damdamin kay Matt Miravilla. Naroon pa rin ang dati niyang atraksiyon sa binata. Mas tumindi pa nga nang makita niya ito uli.

        Ang pagkakaiba sa noon at ngayon ay hindi na niya nadaramang alangan siya kay Matt.

        Alam na niya ngayon na kahit noon ay hindi pala siya dapat nakadama ng inferiority dahil lamang mayaman ito at mahirap lang sila.

        Bata pa kasi siya noon at madaling nadala sa tradisyunal na mga paniniwala, lalo pa’t lumaki siyang katabi ang Hacienda Cecilia. Akala niya ay iba talaga ang mga hasendero’t hasendera kaysa sa karaniwang mga tao.

        Now she knows better, naiisip niya. Magkakapantay lang ang tao, mayaman man o mahirap. Walang kinalaman ang financial o social status sa mismong pagkatao.

        Kaya na niyang humarap kay Matt on equal terms. Bonus pa iyong maipagmamalaki niyang personal accomplishments.

        Pero paano naman kaya haharap sa kanya si Matt ngayon? Naroon pa rin kaya ang dati nitong pagtingin sa kanya? O isa lang ba iyong infatuation na matagal na nitong iniwan?

        My kumurot sa puso ni Niandra.

        Sayang. Kung hindi siya nagpadalus-dalos noon, kung hindi siya nagpadala sa kanyang insecurities, malamang ay malayo na ang narating nila ni Matt.

        Puno ng panghihinayang ang dalaga hanggang sa makatulog na lamang.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento