Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Martes, Abril 25, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Niandra Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

HININTAY lang ni Queenie na makaalis ang kotse ni Matt bago ito lumipat sa unit ni Niandra.

        “O, hala, magkuwento ka na,” sabi pa nito habang nauupo nang nakataas pa ang dalawang paa sa kanyang sopa. “Ang tagal ng dalaw na iyon, ha? Umaga pa siya nang sumipot sa bahay ko. Mag-aalas-sais na ng hapon ngayon. What have the two of you been doing?”

        “Nagkuwentuhan,” sagot ni Niandra. “Ang sarap pala niyang kakuwento.”

        Nagtaka si Queenie.

        “Bakit? Ngayon mo lang ba siya nakakuwento? Akala ko, dati na kayong magkakilala.”

        “Ganito kasi iyan...” pagsisimula ni Niandra.

        Ikinuwento na niya ang lahat sa kaibigan. Nagsimula siya ten years ago.

        “Ay, para nga kayong romance novel,” sabi ni Queenie. “Pero napaka-goody-goody naman ng plot n’yo. May katorpehan pala iyang si Mr. Matt Miravilla. Hindi lang halata.”
        Tumawa si Niandra. Tumawa nang tumawa.

        “Correct ka diyan,” sabi niya sa kaibigan. “Hindi ko nga malaman kung maiinis ako o matutuwa sa kanya, e. Well, nakaka-flatter pa ring isipin na apat na taon niya ako noong pinagtiyagaang punta-puntahan sa Sta. Cecilia. Afterwards, pinuntahan pa niya ako sa Baguio. Sa kasupladahan ko nga lang, I never got to know the real story. Kung ano nga ba talaga ang intensiyon niya sa akin noon. Kung sino ba talaga iyong babaing nakasama niya sa simbahan. Anyway... tapos na iyon. Mabuti nga’t nilapitan pa niya ako uli ngayon.”

        “Di itanong mo sa kanya ngayon iyong mga bitin mong katanungan tungkol sa inyo noon,” sabi ni Queenie.

        Tumaas ang kilay ni Niandra.

        “Ano? Ay, nakakahiya naman yata iyon. Ayoko ngang banggitin iyong mga naging kontrobersya namin noon. Kunwari na lang, parang walang nangyari. Para bang old friends lang talaga kami, ganoon.”

        “Pagpapanggap iyan, ha?” paalala ni Queenie. “Ikaw rin. Baka hindi magandang simula ang ganyan sa inyong renewed relationship. Baka may mga issues diyan na mas mabuting mailinaw na ngayon pa lang.”

        Umiling si Niandra.

        “Wala na sa akin iyon,” giit niya, “Na-settle ko na rin naman sa sarili ko ang mga issues na iyon. Hindi na ako nai-intimidate sa yaman niya. Kumportable na ako sa sarili. At kung sino man iyong girl na iyon, it doesn’t really matter anymore. Ang gusto ko lang malaman ay kung talagang wala siyang attachments ngayon. Iyon lang ang importante. Fresh start nga ito, e.”

        “Well, it’s your call,” pagkikibit-balikat ni Queenie. “As long as you know what you’re doing. Pero exciting ito. Pati ako kinikilig sa inyo. Imagine, after all these years...”

        “Oo nga, e,” pabuntonghiningang tango ni Niandra. “Parang dream come true. I couldn’t believe na sinundan niya iyong van kagabi all the way from Makati. Ang akala siguro niya, hindi ko ibibigay sa kanya ang address ko – gaya noon sa Sta. Cecilia. Baka natakot siyang hindi ko pa rin siya kausapin katulad noong sa Baguio. So he took matters into his own hands. Gumawa siya ng paraan. Siguro naman safe nang isipin kong interesado pa rin siya sa akin, ano?”

        “You bet!” sagot ni Queenie. “Otherwise, why would he have bothered? Torpe nga itong lalaking ito, ano ka ba. Kaya kailangan mong maging super-sensitive sa kanyang mga signals.”

        “Kaya nga rin sunud-sunod ang pagpaparamdam ko sa kanya ng sarili kong signals, e,” natatawang amin ni Niandria. “I’ve learned my lesson. Hindi na ako magpapakipot pa.”

        “Ganyan,” sang-ayon ni Queenie. “Para hindi na uli maudlot itong love story ninyo. Masyado nang matagal, e. Nakakainip na.”

        “Hayaan mo, pabibilisin ko,” pilyang sabi Niandra. “May dinner date kami bukas. That’s a start.”

 

TARANTA si Matt.

        Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga naganap nang araw na iyon. Parang isang panaginip.

        Ganoon lang ba kadali iyon? Pinuntahan niya si Niandra at nag-usap na sila na parang walang namagitang mga taon.

        Hindi pala. Mali. Dahil ibang-iba na sila ngayon kaysa noon. Wala na ang dating pag-aatubili at pagkahiya sa isa’t isa. Kung mag-usap sila’y parang dati na silang ganoon kakumportable sa isa’t isa.

        Ang laki ng ipinagbago ni Niandra – na mas nagustuhan pa nga niya.

        Ang sarap pala nitong kakuwento. Pakiramdam niya’y hindi sila mauubusan ng mapag-uusapan kahit maghapon at magdamag silang magkuwentuhan araw-araw.

        Biro mo, kaninang umaga lang ay para siyang hilo na hindi malaman ang gagawin tungkol kay Niandra. Pagkatapos, pagkaraan lang ng ilang oras ay nagtutulungan na sila sa kusina sa pagluluto ng pasta with pesto sauce at paggawa ng chef’s salad.

        At ano nga ba iyong sinabi ni Niandra nang yayain niyang kumain sa labas? “Next time na lang iyon.” Samakatwid ay ito na mismo ang nagpahayag na may mga susunod pang pagkakataon na maaari silang magkasama. Na sasama ito sa kanyang mga pagkumbida.

        Kung sabagay, kung tutuusin nga’y mas intimate pa iyong kinumbida siya ni Niandra na doon na mananghalian sa bahay nito. Iyong sabay nilang inihanda ang kanila ring pagsasaluhang pagkain. Para kay Matt ay mas romantic pa ang ginawa nilang iyon kaysa sa candlelight dinner.

        Pero bukas ng gabi ay talagang candlelight dinner naman ang pagdadalhan niya sa dalaga. At hindi siya magpapatalo dahil hindi niya ito isasama sa kung saang restaurant lamang. Magpapa-cater siya for two sa private yacht ng mga Miravilla.

 

“I’M impressed,” sabi ni Niandra.

        “Salamat naman,” sagot ni Matt. “Wala na akong ibang maisip para higitan pa iyong lunch natin kahapon, e.”

        “Iyon?” gulat na sabi ng dalaga. “Napakasimple nga niyon, di ba? At tumulong ka pa sa preparasyon. What’s so special about that?”

        “Iyon mismo,” sagot ni Matt. “Aba, hindi yata ordinaryo para sa akin ang maging welcome sa bahay mo, pati na sa kitchen mo. Ikaw pa mismo ang naghanda ng pagkain natin, and I had the privilege of working side-by-side with you. That was really something special.”

        Nangiti si Niandra.

        “So, naa-appreciate mo rin pala ang value ng mga simpleng bagay,” sabi niya. “That’s nice.”

        “Maliit pa ako, alam ko na iyon,” sagot ng binata. “Kung minsan, kapag napapaligiran ang tao ng mga mamahaling materyal na bagay lalo niyang hinahanap-hanap iyong mga simple lang pero may kabuluhan at mahalaga. At pag nakatagpo siya ng ganoon, gusto niyang pakaingatan. I tried to do that. Pero nalaman ko ring hindi pala madali. Hindi pala lahat ng gusto ko, nasusunod.”

        “Matalinghaga kang magsalita,” sabi ni Niandra. “Nagugulat ako.”

        “Pasensiya ka na,” sabi naman ni Matt. “Am I boring you?”

        “Aba, hindi,” iling agad ng dalaga. “In fact, I find everything you say to be very interesting. Kahapon pa.”

        “Really?” sabi ni Matt. “Pareho pala tayo. Gustung-gusto rin kitang kakuwento. Kaya nga nag-overstay na ako sa bahay mo kahapon. Naubos ko tuloy ang maghapon mo nang hindi ko namamalayan. At bitin pa ako niyon. I’ve been really looking forward to tonight.”

        Inabot nga sila ng madaling-araw sa yate, nagkukuwentuhan lang. Nag-almusal na rin tuloy sila bago inihatid ni Matt si Niandra  pauwi.

 

ANG dinner na iyon ay nasundan pa ng ibang mga pagkikita. Naging araw-araw na.

        Madalas ay tumatanggi si Niandra na lumabas. Hinihiling niyang doon na lang sila magkuwentuhan sa townhouse niya. Kung hindi man nauulit iyong pagtutulungan nila sa paghahanda ng pagkain ay nagpapadeliver na lamang sila mula sa mga malapit na restaurant.

        Kahit bihira silang lumabas, ilang beses din naman siyang nadala ni Matt sa mga pinakamamahalin at ekslusibong restaurants sa Maynila. Doon lang sila puwedeng pumunta para hindi pagtinginan ng mga tao. Celebrity na nga kasi si Niandra.

        Sa dalas ng kanilang pagkikita at sa dami ng kanilang mga pinag-uusapan, para na rin silang naging magkaibigan nang mahabang panahon. Wala na yata silang hindi napagkukuwentuhan.

        A, meron pala. Ni minsan ay hindi nila napag-uusapan ang tungkol sa pag-ibig.

        Ni minsan ay walang binabanggit si Matt na maaaring maipakahulugang pormal na panliligaw.

        Kunsabagay, kahit naiinip si Niandra ay hindi na siya nagtataka. Kabisado na niya si Matt.

        “Akala ko ba, balak mo na siyang i-seduce,” biro nga sa kanya ni Queenie minsang ito naman ang napagbuhusan niya ng kanyang mga pagkainip.

        “Oo nga sana, e,” sagot niya. “Kaso lang, he’s such a gentleman. Napapahiya tuloy ako sa sarili ko na naiisip ko man lang gawin iyon. Hindi ko pala kaya.”

        “Baka naman bumubuwelo na,” pampalubag-loob sa kanya ni Queenie. “Compared sa nangyari sa inyo noong araw, mas fast-paced na itong ugnayan ninyo ngayon.”

        “Malayo talaga,” tango ni Niandra. “At least, araw-araw kaming nagkikita ngayon. At grabe kami kung mag-usap. Marathon. He’s really so sweet. Wala na nga akong hahanapin pa – except for the fact that there’s really nothing official between us.”

        “Baka mag-ano kayo... mag-M.U.,” panunukso ni Queenie.

        “Tigilan mo nga ako,” sagot ni Niandra. “Ang tatanda na namin para sa ganyan, ano?”

 

ISANG araw, dumating si Matt sa townhouse na may dalang malaking palmerang nakapaso.

        “Ano ‘yan?” tanong ni Niandra.

        “This is a rare palm,” pagmamagaling pa ng binata. “Paborito ito ng mga collectors.”

        “So?” walang interes na tanong pa rin ng dalaga. “Aanhin mo ngayon iyan?”

        “Ireregalo sa iyo,” sagot ni Matt. “Nagkataong may dalawa nito sa terrace ng condo unit ko. Sa iyo na itong isa.”

        “Ha?” sambit ni Niandra. “Naku, wala pa naman akong green thumb. Hindi ako magaling mag-alaga ng halaman. Baka mamatay lang iyan dito sa akin.”

        “Hindi naman ito maselang alagaan,” sabi ng binata. “At bibigyan kita ng instructions. Sige na. Hindi ba maganda nga kung ganitong buhay na halaman ang ating token of friendship? Maganda ang symbolism.”

        Natigilan si Niandra.

        Tama ba ‘yong narinig niya? “Token of friendship?”

        Iyon lang ba ang kahahantungan ng lahat ng ito?

        “H-huwag na lang,” sagot niya. “Sayang naman kung sa akin pa mamatay iyan. Mas hindi maganda ang symbolism no’n.”

        “Ayaw mo talaga?” hinayang na hinayang na sabi ni Matt. “Di sige, ikakarga ko na lang uli sa pick-up.”

        Matamlay na si Niandra nang magbalik si Matt sa salas.

        “May sakit ka ba?” tanong agad nito.

        “Wala,” iling niya. “Napapagod lang ako. Nauubusan ng energy.”

        “Huwag mo kasing pinagpupuyatan ang mga isinusulat mong bagong material,” payo ni Matt. “Kailangang magpahinga ka rin. Kung sabagay, baka isa ako sa mga nakakaistorbo lagi sa iyo. Huwag kang mag-alala, mawawala ako for a few days. May lalakarin lang akong importante. Obligasyon.”

        “G-ganoon ba?” pilit na sagot niya.

        “Parang masama na talaga ang pakiramdam mo, a,” pansin ng binata. “I better get going. Magpahinga ka na. Better yet, magpa-check up ka. Baka kung ano na iyan.”

        Tumango siya.

        “I’ll take care of myself,” sagot niya. “Like I always have.”

        “Sige,” paalam ni Matt. “Aalis na ako.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento