FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
TAMA si Matt. Masama nga ang pakiramdam niya.
Pero tama rin si Niandra.
Dahil pagod na pagod na siya. Ubos na ang kanyang enerhiya sa pagtaas-baba at
tuluyang pagguho ng kanyang mga ekspektasyon.
Ang sama-sama ng kanyang
loob. Naninikip ang kanyang dibdib.
Wala naman siyang ibang
mapagsumbungan kung hindi si Queenie.
“But that doesn’t make
sense,” sabi ni Queenie. “Bakit nga ba siya magiging ganoon ka-attentive sa iyo
kung simpleng friendship lang ang habol niya? Baka naman sa sobrang katorpehan
ng lalaking ito, friendship lang talaga ang tawag niya sa relasyon. Baka hindi
lang niya masabi ang salitang relationship at love.”
“Hay naku, ewan,” iling ni
Niandra. “Magmula naman noong araw, ako lang ang laging nagbibigay ng kung
anu-anong interpretasyon sa mga kilos niya. Wala naman talaga siyang binanggit
na konkretong pahiwatig man lang ng panliligaw. This time, bahala na siya. Basta
ako, ayoko na. Sukod na ako sa kahuhula kung ano nga ba ang kanyang intensiyon.
As far as I’m concerned, ang linaw-linaw no’ng sinabi niya kanina. ‘A token of
friendship’. Iyon na iyon.”
“So what do you intend to
do?” tanong ni Queenie.
“Ano pa, e, di wala,” sagot
niya. “Ano pa nga ba ang gagawin ko? Pero huwag na siyang aasa na bibigyan ko
pa siya ng oras at atensiyon na gaya ng dati. Aba, masaya siya.”
“You don’t want to be his
friend?” tanong ni Queenie.
Bumigay na si Niandra.
“Hindi naman sa ganoon at
alam mo iyon,” papiyok nang sagot niya. “I just can’t handle it that way. Hindi
ko kayang maging kaibigan lang niya when all the while, I’m feeling something
else. Luging-lugi nga ako rito, e. Na-develop na ako nang husto. Problema ko na
nga kung paano ko buburahin ang feelings kong ito. Di lalo na akong nahirapan
kung magpapaka-good friend pa kuno ako
sa kanya.”
Tinapik siya ni Queenie sa
likod.
“You’re right,” sang-ayon
nito. “Ang gusto ko lang namang marinig ay ‘yung honest ka sa sarili mo. That
way, mas makakapagsimula ka na agad ng self-healing. Kahit mahirap at masakit,
you can do it.”
“Nakayanan ko na ang
ganito noon,” sagot niya. “Mas makakayanan ko ngayon.”
PERO hindi naman kasi inakala ni Niandra na sasabayan ng isa pang
krisis ang problema niya.
Kinabukasan din, may naglabasan
nang mga write-ups tungkol sa kanilang dalawa ni Matt sa mga entertainment
gossip columns.
Kung bakit naman kahit
iilang beses lang silang kumain sa labas ay lagi palang may nakakapansin sa
kanila. Halos lahat ng kanilang mga date sa labas ng bahay ay nakatala sa mga
tsismis columns.
May rasyon si Niandra ng
lahat ng mga major dailies kaya nakita niya agad ang mga write-ups.
Halos iisa ang tema ng
lahat ng iyon. May nabubuong relasyon sa pagitan ng sexy comedienne na si Niandra Moran at ng
heredero’t big businessman na si Matt Miravilla. Nakabingwit daw ng matabang
isda ang entertainer. Pero nagpupustahan na raw ang karamihan na hindi tatagal ang
relasyon ng dalawa. Ang hula nila ay pinaglalaruan lang ni Matt si Niandra.
Hindi raw isang entertainer lang ang seseryosohin ng isang Miravilla.
Tatawagan na sana ng
dalaga si Lino nang maunahan siya nito.
“Nabasa mo na ba?”
direktang tanong agad ng kanyang manager.
“Lahat no’ng sa major
dailies, meron akong kopya,” sagot niya.
“Mero’n din sa mga tabloid,”
balita ni Lino. “Pero mas mabuti kung huwag mo na lang basahin. Maiinis ka
lang. Ang kailangan nating gawin ngayon ay magplano. Paano mo ba gustong
sagutin ang mga ito?”
“Ba’t ko pa sasagutin?”
pakli ng dalaga. “Ayoko nang patulan.”
“Good,” sang-ayon ni Lino.
“Ang mabuti pa, turn down the ringer of your phone para hindi mo na kailangang
sagutin ang mga tatawag. Turn off your answering machine and don’t answer your
cellphone, too. Panay outgoing messages ka na lang para hindi ka makulili sa
katatawag ng mga reporters na siguradong mag-uunahan sa pagkuha ng reaction mo.
Just call in dito sa office kung may kailangan ka. Pag may importante naman
akong kailangang maipaalam sa iyo, ite-text kita. Don’t open your door to anybody
na hindi tao natin.”
“Okay,” matamlay na sagot
ni Niandra. “Magbabasa na lang ako ng pocketbook dito sa bahay.”
Ganoon naman talaga ang
balak niyang gawin. Dalawang araw din niyang napanindigan iyon. Walang TV.
Walang radyo. Walang diyaryo o magasin.
Pero noong pangatlong
gabi, bumigay rin si Niandra. Ang katuwiran naman ng dalaga, late night show
ang panonoorin niya. At sosyal na talk show iyon. Hindi tipong pang-showbiz.
Siguro naman, wala siyang maririnig doon tungkol sa mga intrigang kinapapalooban
niya.
“Nightcap” ang pamagat ng
gabi-gabing programa, on air mula alas-onse hanggang alas dose. Kilalang
society columnist din sa diyaryo ang host na si Francisco “Kit” Lagman.
Nagulat na lang si Niandra
nang makitang kabilang sa mga guest nang gabing iyon si Peachy Miravilla – misis
ni Harry Miravilla.
Doon pa lang sana ay
nakatunog na siya. Dapat ay pinatay na niya ang TV o inilipat ng channel. Pero
malay ba niyang makikisangkot din sa intriga ang socialite? Hindi niya naisip
na kahit ang host na si Kit Lagman ay tsismoso nga rin pala.
“And how are you, Peachy?”
tanong ni Kit.
“Oh, I’m fine, Kit,” sagot
nito. “Happy and fulfilled with my husband and kids.”
Napaismid si Niandra. Alam
naman kasi ng lahat na hindi masaya ang pagsasama nina Peachy at Harry. Kabi-kabila
pa rin ang mga girlfriends ng lalaki. Hindi na ito nagbago.
“May maugong na balita
ngayon tungkol sa pinsan niyang si Matt, a,” sabi ni Kit. “Any comments?”
Napadiretso si Niandra sa
pagkakaupo sa sopa. Gustuhin man niyang patayin ngayon ang TV ay hindi na niya magawa.
Hindi na niya mapigil ang kanya ring curiosity sa isasagot ni Peachy.
“A, iyon ba?” natatawang
pakli ng babae. “Wala iyon. Alam mo naman itong mga lalaki. It’s already in
their nature to flirt around. Play around. Lalo na kung may willing and able
naman na makipaglaro, hindi ba? But there’s no need to be worried. When they
finally settle down, they know whom to choose naman, e. Gaya nga ni Matt. The
family has always been waiting for him to finally settle down with Fiona
Gabaldon of the respected Gabaldon clan of Cebu. And that’s exactly where he is
right now – at the ancestral home of the Gabaldons in Cebu, visiting his
godfather, Fiona’s dad, Tito Fil Gabaldon. Kasi nga nagka-stroke si Tito Fil
recently, hindi ba? So we won’t be surprised if Tito Fil asks the two of them –
Fiona and Matt – to speed up the marriage plans.”
Nanigas si Niandra sa
kanyang pagkakaupo. Nanlamig. Naging parang estatwang yelo.
Hindi na niya narinig ang
iba pang pinag-usapan sa TV.
Hindi rin niya alam kung
paano siyang nakatulog nang gabing iyon. Bumabalik sa isip niya ang sinabi ni
Matt noong huli silang nagkita. “Huwag kang mag-alala, mawawala ako for a few
days. May lalakarin lang akong importante. Obligasyon.”
Obligasyon nga pala iyon.
Mabigat na obligasyon. Dahil ang pinuntahan pala ni Matt ay ang ang mapapangasawa
nito at ang bibiyenanin.
Kinabukasan nang umaga,
napatunayan nga ang mga sinabi ni Peachy. Dahil nasa diyaryo na mismo ang
litrato ni Matt, kasama ang naka-wheelchair na si Don Filemon Gabaldon at ang
anak nitong si Fiona. Kuha ang litrato sa hacienda ng mga Gabaldon sa Cebu nang
nakaraang araw.
Kung may pananagutan na
pala si Matt, bakit pa siya nito muling nilalapitan? Alam naman ng binata na
may kontrobersiya ang kanilang paghihiwalay. Parang imposibleng isipin na pupuwede
silang maging magkaibigan lang ngayon.
At bakit idiniin pa ng
binata noong una nilang pagkikita na single pa rin ito? Ipinakahulugan niyang
ang ibig sabihin niyon ay unattached.
Iyon pala’y may isang
Fiona Gabaldon sa buhay ni Matt.
Oo nga naman. Heredera si
Fiona Gabaldon ng isa sa pinakakilalang old rich families sa Cebu. De buena
familia. Kakulay ng dugo ng mga Miravilla. Ang dugong nananalaytay sa mga ugat
nito.
Ang tanga-tanga talaga
niya, paninita ni Niandra sa sarili. Balewala rin pala ang kanyang paninindigang
pantay-pantay ang lahat ng tao kung hindi naman ganoon ang pananaw ni Matt.
Sa paningin ni Matt, isa
lang siguro siyang novelty. Nakakatuwa siya rito dahil sa naabot niyang
katanyagan. Biro mo, isang hamak na probinsiyanang naging big time entertainer.
Pero katulad ng sinabi ng mga kolumnista, entertainer pa rin siya’t malayo ang
katayuan sa kinaroroonan ng pamilya Miravilla.
Eksakto ang mga salitang
binitiwan ni Peachy Miravilla:
“Alam mo naman itong mga
lalaki. It’s already in their nature to flirt around. Play around. Lalo na kung
may willing and able naman na makipaglaro, hindi ba? But there’s no need to be
worried. When they finally settle down, they know whom to choose naman, e. Gaya
nga ni Matt. The family has always been waiting for him to finally settle down
with Fiona Gabaldon of the respected Gabaldon clan of Cebu.”
Iyon na.
Dahil si Fiona ay tulad
din ni Peachy. At hindi tulad niya.
Bahagi lang siya ng
paglalaro ni Matt. Tulad din ng turing ni Peachy sa maraming paglalaro ni Harry
kahit ngayong mag-asawa na ang dalawa. Ang mahalaga lang dito ay kung sino ang
legal at kinikilalang Mrs. Miravilla.
Sumulak ang dugo ni
Niandra sa kanyang ulo. Pakiramdam nga niya’y nanlaki ang kanyang ulo sa galit.
How dare he? Ganoon lang
ba kaliit ang tingin ni Matt sa kanya? Kung noong araw ay wala itong narating
sa kapoporma, akala ba nito’y porke entertainer na siya ngayon ay nag-iba na
ang kanyang standards? Na papatol na lang siya basta at makikipaglaro?
Puwes, sige, kung ganoon
ang gusto ni Matt, ganoon ang palalabasin niya. Gamitan na kung gamitan.
Tumawag si Niandra kay
Lino.
“I want to be on Kit
Lagman’s show tonight,” sabi niya. “Can you arrange it?”
“WOW, I’m so honored to have you here, Niandra,” sabi ni Kit. “And such
a timely guesting, too. Mahirap ka raw maimbita sa ibang shows. Sinasabi tuloy
nilang nagtatago ka.”
“Of course not,” sagot niya.
“Bakit naman ako magtatago? I have nothing to hide.”
“Ikaw kasi ang topic of
the moment sa lahat ng media,” sabi ni Kit. “Kayo ni Matt Miravilla. I’m sure
you heard his cousin-in-law’s comments last night. Ikaw naman, do you have
anything to say? Pinaglalaruan ka lang daw ni Matt.”
“So? What else is new?”
parang balewalang sagot niya. “Nakikipaglaro din naman ako sa kanya.”
At binuntutan niya ito ng
kanyang malutong na halakhak.
“So everything’s just a
game?” paniniguro ni Kit.
Nagkibit-balikat si
Niandra.
“Masuwerte siya’t naging
type ko ring makipaglaro sa kanya,” pahayag ng dalaga. “A lot of men have tried
and failed, you know. But I choose my playmates well. And I set the rules.
Ayoko nga sana ng ganitong naglalaro in public. But since it has been out for
the last few days, maybe it’s time to say game over.”
Tumaas ang kilay ni Kit.
“Are you sending a message
for Matt?” tanong nito. “Or is that also for Fiona?”
“I don’t really know her
personally,” sagot ni Niandra. “And frankly, Matt never told me about her.
Hindi ko alam na ikakasal na pala sila. I didn’t even know he had a girlfriend.
Had I known, hindi ako makikipaglaro sa kanya. I’m single and totally unattached
at ganoon din ang hinahanap kong kalaro. So I guess, disqualified na si Matt.”
“But isn’t that beside the
point?” tanong ni Kit. “Kung nakikipaglaro ka lang, as you put it, bakit
kailangan pang single and unattached ang iyong playmate?”
“Because I want to have my
playmate’s full attention during the game, no matter how short-lived,” sagot ni
Niandra. “I play a very intense game, Kit. Hindi puwede ang half-hearted
involvement lang.”
“So that means you’ve had a
very intense game with Matt, before you learned about his other involvement,”
giit ni Kit.
“I guess you can put it
that way,” sagot ni Niandra. “Kami kasi ni Matt, we go back a long way. Nasa
high school pa lang ako when he started pursuing me. Alam ito ng lahat ng townmates
ko sa Sta. Cecilia – the town right beside the Miravilla’s Hacienda Cecilia. He
pursued me for four years then followed me all the way to Baguio. But I was
young and idealistic then so I turned him down. We lost touch. Recently, he found
me again. This time, I didn’t snub him. I’d grown up a lot. Nakita kong
well-matched na kami. But I think I grew up a lot more these past few days –
enough to get over this game. So, sorry, Matt. It was fun but the rules say
you’re out.”
“Fiona should be happy
about this,” sabi ni Kit.
“I don’t really know,”
pagkikibit-balikat ni Niandra. “Pero kung ibabatay ko sa point of view ni
Peachy, parang tanggap na yata nila na ang kanilang mga husbands or
husbands-to-be ay may kalaro pa sa labas ng bahay. In that case, kahit kumalas
ako sa game namin ni Matt, he’ll just find other playmates. How sad, ‘no? Ako,
I can never be in a relationship like that – much less a marriage like that.
Hindi na baleng hindi kami de buena familia, basta buo ang pamilya at totoo ang
pagmamahalan.”
“So you’re still looking
forward to getting married after playing these games?” tanong ni Kit.
“Of course,” sagot niya.
“Alam kong marami ang nagtataas ng kilay sa akin ngayon. They already condemn
me for playing my games. Okay lang. But I’m sure I’m going to meet the man who
won’t care about all my past games. He will only care about our game – and then
we’ll both play for keeps.”
“That’s a tall order,”
sabi ni Kit.
“True,” tango ni Niandra.
“And that means he’s going to be a very extraordinary man.”
“Are you sure he’s not Matt
Miravilla?” tanong ng host.
“Disqualified na nga siya, hindi ba?” sagot ni Niandra. “When I play for keeps, I don’t intend to be a kept woman of a married man. No, thanks. No way.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento