FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: ODETTE
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All
Rights Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 2000
ISBN 971-824-023-3
TEASER:
Nangangarap si Odette ng
isang typical romance novel hero – misteryoso, maporma, mapangahas, exciting.
Ang problema’y wala naman yatang ganoong binata sa bayan ng Paraiso.
Bata pa siya’y kilala na
niya si Ben. Responsable, masipag, mabait, tahimik. At sa palagay ng dalaga,
boring.
Paano matatapatan ni Ben
ang mga kathang-isip na pantasya ni Odette?
CHAPTER 1
NAGSALIN ng kape si Odette mula sa coffee maker na nasa counter. Dinala
ng dalagang may-ari ng The Book Shop ang kanyang tasa sa bilugang coffee table
na nasa tabi ng picture window ng bookstore. Doon siya naupo.
Huling tasa na niya ito.
Pasado alas-singko na rin kasi. Mamayang alas-sais ay isasara na niya ang The Book
Shop.
Iginala ni Odette ang
kanyang paningin sa kabuuan ng kanyang bookstore. Kahit maliit lang iyon ay
mahal na mahal niya. Repleksiyon iyon ng kanyang personalidad.
Yari sa kahoy ang kabuuang
interiors ng The Book Shop. Kahoy na barnisadong may antique finish.
Maging ang mga bookshelves at iba pang muwebles na
naroon ay panay antique reproductions kahit hindi tunay na antigo.
Pulidong-pulido naman ang pagkakagawa ng mga iyon kung kaya hindi halatang
mahigit tatlong taon pa lamang mula nang mayari.
Bilang pambalanse sa
kahoy, pinuno rin ni Odette ng bulaklak ang Book Shop. Bulaklakin ang disenyo
ng mga kurtinang nakatali sa magkabilang gilid ng picture window. Katerno niyon
ang upholstery ng apat na silyang nakapaligid sa bilugang coffee table.
May fresh flowers ding
nagbibigay-sigla at nagpapabango sa lugar. Isang mahabang plorera ng iba’t
ibang kulay ng rosas ang nakapatong sa gitna ng coffee table. Isang mataas na
plorera naman ng long-stemmed red roses ang nasa tabi ng cash register at coffee
maker sa counter.
Halatang-halata na dalaga
ang nagmamay-ari sa The Book Shop. Isang napakaromantikong dalaga.
Maging ang chimes na nakasabit
sa ibabaw ng pinto ay naghahatid ng masarap na musikang bagay na bagay sa
kabuuang ambience ng lugar.
Ang bawat pumapasok sa The
Book Shop ay parang pumapasok sa isang pribadong library sa halip na sa isang
commercial establishment. Lalo pa dahil agad na sasalubong si Odette para
tumulong at mag-alok ng libreng kape.
Tumunog ang chimes na nasa
pinto. Lumingon si Odette.
“Hi, Odette!” nakangiting
bungad ni Lorraine.
“Lorraine!” halos pasigaw
na sagot ng dalaga, sabay tayo at salubong sa pinakamatalik na kaibigan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Bakit?” sagot ng kaibigan
niya. “Ano naman ang shocking sa pagparito ko? Nandiyan lang sa kabila ang
flower shop ko, remember?”
“And you’re also a new
mother with a four-month-old baby, remember?” pakli ni Odette. “Nasaan ang
inaanak ko? Breastfed baby si Den-Den, hindi ba? Paano ka nakawala?”
“Iyon nga, e,” paliwanag
ni Lorraine. “Kailangang sanayin na namin siyang dumede sa bote paminsan-minsan,
although breastmilk ko pa rin ang laman ng bote. Mahirap kasi kung mawili siyang
nakadikit na lang sa akin twenty four hours a day, seven days a week. So,
nag-e-express na ako ng breastmilk na iniipon namin at isinasalin sa baby
bottle. Kaso, ayaw niyang dumede sa bote kung nase-sense niyang nandoon lang ako
sa malapit. Umiiyak. Gusto sa akin pa rin. Kaya, heto, kailangang lumayo muna ako.
On duty muna si Dan para sa feeding niya. In the meantime, binisita ko ang flower shop. Afterwards, heto, binibisita
naman kita.”
“Kailangan mong malibang,
ano?” nakangiting hula ni Odette. “Otherwise, hangos ka nang uuwi agad sa baby
mo.”
Malungkot na napangiti si
Lorraine.
“Oo nga, e,” amin nito.
“Kailangang palampasin ko ang five o-clock feeding niya bago ako umuwi. Ang
hirap palang iwanan ang baby, ano? Actually, kung ako lang ang masusunod, okay
lang na magkadikit kaming mag-ina twenty four hours a day, seven days a week.
But, of course, hindi praktikal iyon. Paano nga naman kung magkasakit ako? Mas
mahirap kung doon pa lang namin siya tuturuang dumede sa bote. Hay naku.”
“You’re doing the right
thing,” pang-aalo ni Odette. “It’s for her own good naman, e. Halika,
magkuwentuhan muna tayo.”
Hinatak niya ito patungo
sa iniwan niyang coffee table. Pinaupo sa isa sa mga silyang naroon.
Miss na miss na rin ni
Odette si Lorraine.
Magkaibigan na silang
matalik mula nang maging magkaklase sa kindergarten hanggang makapagtapos sa
Colegio Del Paraiso at makapagtayo ng magkatabi pa ring negosyo dito sa bayan
nila ng Paraiso. Las Flores Del Cielo ang flower shop ni Lorraine na nasa
gusali ring iyon. Ang totoo’y pamilya ni Lorraine ang nagmamay-ari ng Castillo
Building na kinaroroonan nila.
Nasanay silang magkaibigan
na halos araw-araw na magkasama’t nagkukuwentuhan. Pero magmula nang
mag-asawa’t magkaanak si Lorraine ay naging mas madalang na ang kanilang
pagkikita.
Nahihiya naman kasi si
Odette na pumunta kina Lorraine nang araw-araw, kahit pa ninang siya ng anak
nitong si Den-Den. Ayaw niyang makaistorbo sa privacy ng bagong pamilya lalo
pa’t homebased ang trabaho ng asawa ni Lorraine na si Adan bilang isang romance
novelist at film scriptwriter.
Ngayon lang uli nakalabas
si Lorraine at nakapunta sa flower shop nito mula nang makapangangak.
“Ano’ng gusto mo, malamig
na juice o hot chocolate?” tanong pa
niya rito. “Bawal pa sa iyo ang magkape, hindi ba?”
“Cold water na lang,”
sagot ni Lorraine. “Nagbabawas pa ako ng timbang, e. Hindi naman ako puwedeng
magdiyeta sa meals dahil kailangan ko ng sustansiya para sa gatas ni Den. Kaya
sa snacks na lang ako nagdidiyeta.”
“Hindi ka naman gaanong
tumaba,” pansin ni Odette habang kumukuha ng inumin mula sa mini ref na nasa
likod lang ng counter.
“Hindi pa rin ako magkasya
sa mga dati kong damit,” sagot ni Lorraine. “Pero sabi nga ni Dan, mas gusto
raw niyang ganito ako. Voluptuous.”
At binuntunan pa nito ng
pilyang bungisngis ang pahayag na iyon.
“Iyang asawa mo talaga...” natatawa ring iling ni Odette.
“Bakit ka nga pala nag-iisa?” tanong ni Lorraine nang
ilapag niya sa harap nito ang baso ng malamig na tubig. “Nasaan ‘yung assistant
mo?”
“Nagbakasyon si Wilma,”
sagot ni Odette habang nauupo sa tabi ng kaibigan. “Umuwi muna sa baryo nila
dahil nanganak ‘yung kapatid at kailangan ng aalalay sa pag-aalaga no’ng
sinundang mga anak. Maliliit pa rin daw, e.”
Hinigop niya uli ang iniwan
niyang kape.
“Gaano siya katagal
mawawala?” tanong ni Lorraine.
“Mga isang buwan din
siguro,” sagot ni Odette.
“Hindi ka kukuha ng
reliever?” tanong ng kaibigan.
“Sus, kaya ko naman,”
sagot ng dalaga. “Wala namang mabigat na
trabaho rito, e.”
“Kung sabagay,” tango ni Lorraine.
“Pero ngayong nasa States sina Tito Odilon at Tita Rhoda, hindi ka ba
kinakailangan din sa kabilang tindahan ninyo?”
“Para que pa na naging
manager doon si Tito Onofre?” sagot ni Odette. “Kayang-kaya na niyang i-handle
ang Orion. Isa pa, panay old timers naman ang staff doon. Marami sa kanila,
nakagisnan ko nang nagtatrabaho sa Orion
Emporium. Mas alam nila ang trabaho roon kaysa sa akin.”
“Talagang hindi mo type
ang ganoon kalaking tindahan, ano?” sabi ni Lorraine.
“Mas masaya ako rito, in
my own little world,” nakangiting sagot niya.
“Ay, talaga,” tango ni
Lorraine. “Hindi tayo nagkamali sa ginawa nating pagtatayo ng sarili nating mga
business.”
“Iyan nga ang madalas kong
sabihin kay Rhianna,” pagkukuwento ni Odette. “Pero ewan ko ba sa kanya. Mas gusto
talagang doon pa sa Makati magtrabaho. Mas gustong maging empleyada roon.”
“Nami-miss mo na si little
sister,” pansin ni Lorraine. “Lalo na siguro ngayong wala sina Tito at Tita.
Umalis pa pati si Rhadu.”
“Nasanay na rin ako sa mga
long vacations nina Mommy sa States,” sagot ni Odette. “Fourth time na nila
ito, e. Una, no’ng ikinasal si Kuya Rhett. Pangalawa, no’ng ipinanganak ‘yung
panganay niyang si Scarlet. ‘Tapos, last year, no’ng inihatid nila roon si Odin
for college.”
“And this year, si Rhadu
naman,” dugtong ni Lorraine. “Ang susuwerte naman nitong dalawang youngest
ninyo. Sa States pa magka-college. Tayo noon, hanggang dito lang sa Paraiso.”
“Hindi ko rin naman talaga
ginustong mag-aral sa States,” sagot niya. “Si Kuya Rhett lang naman ang
nagsimula niyang obsession na iyan, e. Noong hindi siya pinayagang mag-college
doon, he did the next best thing. Right after college here, doon siya
nagtrabaho at nag-settle down. Nahawa tuloy itong sina Odin at Rhadu sa kanyang
US obsession. Lumipad na silang lahat.”
“Si Rhianna ba, balak ding
sumunod doon?” tanong ni Lorraine.
“Ewan lang,”
pakibit-balikat na sagot ni Odette. “As of now, kuntento pa siyang magtrabaho sa Makati. Nalalayuan na nga ako
roon, e. Sana naman, hanggang doon na lang siya. At least, nakakauwi pa siya rito nang once in
three to six months.”
“Lima nga kayong
magkakapatid, nagkalayu-layo naman,” iling ni Lorraine.
“Mabuti na nga lang at
nagkakasama sa iisang campus sina Odin at Rhadu,” sabi niya. “Malapit lang din
sila sa tinitirhan nina Kuya Rhett. If not for that, baka hindi sila pinayagan
nina Daddy na doon mag-aral.”
“E di si Manong Tomas uli ang
naghahatid-sundo sa iyo rito habang wala si Tito Odilon?” sabi ni Lorraine.
Umiling si Odette.
“Hindi na makapag-drive si
Manong Tomas,” sagot niya. “Naapektuhan ang kanang paa niya no’ng na-stroke
siya, e. Hayun, nag-aalaga na lang ng roses at orchids ni Mommy sa garden at
tumutulong kay Yaya Munding sa pagsisinop sa bahay. Nagkakairingan na nga madalas
‘yung mag-asawa magmula noong matigil sa bahay si Manong. Nagme-menopause naman
kasi yata itong si Yaya.”
“Ganoon ba?”
nakakunot-noong sabi ni Lorraine. “Naku, kawawa naman pala si Manong. E paano
ka umuuwi? Six ka na ng gabi nagsasara rito, a. Paano ka rin pumapasok sa umaga?
Don’t tell me na nagkalakas-loob ka nang mag-aral uli na mag-drive?”
Umiling uli si Odette.
“No way,” sagot niya. “Hindi
ko pa rin makalimutan ‘yung muntik ko
nang nasagasaan ‘yung tuta noon, ano? Baka next time, mas grabe pa ang
madisgrasya ko. Ayoko nang subukan uli. I don’t think I can ever have enough
guts to drive again.”
“So, paano nga?” tanong ni
Lorraine.
“Si Ben,” sagot niya.
“Si Ben?” gulat na ulit ni
Lorraine.
Pagkatapos, bumunghalit
ito ng tawa.
“Si Ben ang naghahatid-sundo
sa iyo rito araw-araw?” pagpapatuloy pa nito. “Wow, ang suwerte naman niya.
Bakit, sinagot mo na ba siya – finally?”
“Anong sinagot?” irap ni
Odette. “Masuwerte nga siya’t siya ang ni-request ni Daddy na maghatid-sundo sa
akin, ano? Siyempre, malakas siya kay Daddy. Ninong niya, e.”
“Alam mo, ang tiyaga naman
talaga niyang si Ben sa iyo, Dette,” sabi ni Lorraine. “Mula elementary
hanggang ngayon – hindi ka pa ba nade-develop?”
“Please, ha?” sagot niya.
“Lorraine naman, parang hindi mo ako kilala. Iyon nga mismo ang problema kay
Ben, e. Like all my other suitors, kilala ko na siya since time immemorial.
Wala nang mystery. Isa pa, he’s such a gentleman. Mabait, masipag, very
responsible. In other words, boring. Very predictable. Walang kahit katiting na
excitement.”
“Naku, lumala pa yata ang
iyong requirements for Mr. Right pagkatapos kong mapangasawa si Adan,” iling ni
Lorraine. “Naghahanap ka na rin ng romance novel hero. E, sinabi ko naman sa
iyo na kaya lang parang ganoon si Dan ay dahil siya mismo ang sumusulat ng mga
nobelang iyon. It’s unfair to expect any other man to live up to those
standards.”
“I just want to be as happy as you
are,” sagot ni Odette. “Siguro naman, may lalaki pa ring katulad ng nababasa
nating romance novel heroes. I’m not yet giving up hope. Hihintayin ko pa rin
‘yung lalaking misteryoso, maporma, mapangahas at exciting.”
“Ibig mong sabihin, wala
talagang kapag-a-pag-asa si Ben?” tanong ni Lorraine.
Napabuntonghininga si
Odette.
“I have nothing against
him naman,” sagot niya. “Actually, kung tutuusin, he’s good looking. And so
sweet. Magkasundo kami. Tahimik nga lang siya with other people, pero masarap
namang kakuwento kung kami-kami na lang. Kumportable akong kasama siya. Iyon
nga lang, too comfortable siguro. Walang sizzle. Walang magic. Baka sakali kung
tumatanda na akong dalaga’t wala nang pag-asang makatagpo ng hinahanap kong
romance novel hero, and Ben still happens to be around, then posibleng patulan
ko na rin siya. Kahit just for companionship na lang.”
Tumunog uli ang chimes sa
may pinto.
Sabay na napalingon ang
magkaibigan. Pero hindi bumukas ang pinto. Walang pumasok.
“Hangin lang siguro,” sabi
ni Odette.
“Akala ko, si Ben na,”
sabi ni Lorraine.
Sumulyap si Odette sa
wallclock.
“Alas-singko’y medya pa lang,” sabi niya. “Eksaktong alas-sais dumarating si Ben. Imposibleng siya iyon. Sabi ko nga sa iyo, he’s so predictable.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento