Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

KAMPANTE si Odette dahil kabisado niya ang orchard na nakapaligid sa bahay nina Irene at Ding.

        Ano naman ang masama kung sasama siya kay Paul sa pamamasyal doon? Siguradong hindi siya malalagay sa peligro.

        Pero sigurado rin siyang mababalisa si Ben. At ‘yon ang mas mahalaga sa dalaga.

        Talagang inayos nina Ding ang orchard bilang pasyalan. Kahit naka-platform sandals si Odette ay hindi siya nahirapang maglakad sa patag na damuhan sa ilalim ng mga puno.

        Sa bandang dulo ng taniman, may isang gazebo. Doon patungo ang mga hakbang ni Paul.

        “Sa ganito kagandang lugar, para tuloy akong nate-tempt na gumawa na lang ng love story sa halip na action movie,” sabi ng binata habang naglalakad sila.

        “Babagay din naman sa iyo,” sagot ni Odette.

        “You think so?” nakangiting sabi ni Paul.

        Tumango pa rin siya.

        “Mahilig akong magbasa ng mga nobelang love stories. Mga romance novels,” paliwanag niya. “At ang madalas na description sa bidang lalaki sa mga kuwentong ganoon, katulad mo.”

        “Talaga?” sabi ni Paul.

        Narating nila ang gazebo.

        “Parang ganito rin siguro ang mga setting sa mga romance novels na iyon,” sabi pa ng binata.

        “Typical nga ang ganito,” tango ni Odette.

        Sumandal siya nang patalikod sa hanggang-beywang na barandilyang nakapaikot sa gazebo.

        Tumabi sa kanya si Paul. Sumandal din ito nang patalikod sa barandilya.

        “Mas maganda siguro kung hindi lang sa pelikula o sa romance novel magaganap ang ganitong eksena,” sabi ng binata, “Mas maganda kung sa real life.”

        Nangiti si Odette.

        Naisip kasi niya, heto na ang matagal na niyang pinangarap na mangyari. Pero hindi niya akalaing ganito ang magiging reaksiyon niya. Naaaliw siya sa halip na ma-excite.

        “Tama nga lang sigurong wala kang balak na mag-artista,” pagpapatuloy pa ni Paul. “Mas bagay kang maging real life romantic heroine.”

        Natawa na nang tuluyan si Odette.

        “Ganoon?” sagot niya.

        Sumeryoso si Paul. Tumagilid pa para makatingin sa kanya nang diretso.

        “I can understand kung wala kang gaanong tiwala sa katulad kong taga-Maynila,” sabi ng binata. “Pero kung background ko ang pag-uusapan, I think I can ask Dan to vouch for me. Kilala niya ang pagkatao ko.”

        “Paul, hindi naman kita pinagdududahan ng kung ano,” tanggi ni Odette.

        “No, kailangan kong ipaliwanag iyon,” giit ng binata. “Because I intend to seriously court you.”

        “H-ha?” sagot niya.

        Nagulat siya sa kaseryosohan ng kanyang kausap. Hindi na nga yata ito nambobola na lamang.

        “Paul, ngayong gabi lang tayo nagkakilala,” paalala niya rito.

        “I know,” tango ng binata. “At hindi ako nagmamadali. I also intend to give you all the time you need to get to know me better. Kung kinakailangang mag-board ako dito sa Paraiso for several months or more, gagawin ko. I can commute to Manila regularly for my business transactions. Ang mahalaga, mapatunayan ko sa iyo na seryoso ako. At handa akong manligaw sa anumang estilong sinusunod ninyo dito sa Paraiso.”

        Hindi nakatiis si Odette. Naibulalas niya ang unang ideyang pumasok sa kanyang ulo.

        “Marunong ka bang magsibak ng kahoy at mag-igib?” natatawang tanong niya.

        “That would be a good workout,” seryosong sagot ni Paul.

        Napahalakhak na talaga si Odette.

        “Come on,” sabi niya habang tumatawa. “Hindi naman kami ganoon ka-makaluma. Binibiro lang kita.”

        Nangiti ang binata.

        “Alam ko,” sagot nito. “Pero seryoso rin ako na handa kong gawin ang kahit na ano, just to prove my sincerity.”

        Lumapit pa ang binata. Tumayo sa mismong harap niya.

        “You’re very special, Odette,” pahayag nito. “You’re beautiful and smart and funny and different. And I’m fascinated.”

        Itinaas nito ng hintuturo ang kanyang baba.

        Mabilis na umigkas si Odette. Umurong palayo.

        “I’m sorry,” mabilis ding atras ni Paul. “Am I going too fast?”

        Mula sa inuurungan niyang distansiya – na hindi naman talaga kalayuan – muling hinarap ni Odette ang binata.

        “Paul, hindi ako nagpapakipot lang o nagiging makaluma,” paliwanag niya.  “Ang totoo niyan, I admit, I find you very attractive. At talaga namang pang-romance novel o pelikulang love story ang eksenang ito. Sino’ng babae ang hindi magsu-swoon? Pero makinig ka muna sa sasabihin ko.”

        “Okey,” tango ng binata. “I’m listening.”

        “Alam mo bang noon ko pa pinangarap ang ganitong eksena?” pahayag ni Odette. “Magmula pa noong nasa high school ako’t nahilig sa pagbabasa ng romance novels, ganito na ang lagi kong pantasya. A perfect romantic setting just like this. A dashing tall, dark and handsome hero like you who’ll sweep me off my feet.

        Umilaw ang mga mata ni Paul.

        “Pero iba pala in real life,” dugtong ng dalaga.

        “Bakit kailangang maiba?” tanong ni Paul. “I can be anything for you.”

        “Iyon na nga, e,” sagot ni Odette. “You’re too perfect, Paul. Masyado kang guwapo. Masyado kang mukhang artista. Pati ang estilo mo, pang-romance novel hero. Hindi mo kasalanan iyon. Pero everytime I look at you, I see a romance novel hero. Hindi ikaw, na totoong tao. Pag nagsasalita ka, ang naririnig ko parang dialogue sa nobela. Ang bawat kilos mo, pakiramdam ko ay parang sa eksena sa pelikula. Hindi iyong nagmumula sa puso mo. And that’s not fair to you.”

        Umiling-iling ang dalaga.

        “Ngayon ko naiintindihan ang madalas inirereklamo ng mga Hollywood actresses and supermodels,” pagpapatuloy niya. “Iyong hindi na raw sila nakikita ng mga lalaki bilang sila – bilang  mga indibidwal. Ang nakikita lang sa kanila ay ‘yung ganda nila. ‘Yung image nila sa pelikula o sa modelling world. Ang expectations din tuloy sa kanila ay ‘yung umarte sila palagi na tulad ng image nila – hindi bilang mga sarili nila.”

        Tumingin siya nang diretso kay Paul.

        “I’m sorry but I’m guilty of feeling the same way about you,” pahayag niya. “I can’t see past your image. Lagi kitang maiuugnay sa mga paborito kong romance novel heroes. I’ll expect you to be like them. At siyempre, you won’t be able to live up to those impossible expections. Pareho tayong talo. Madi-disappoint ako. Masasaktan ka.

        “You deserve a better relationship. I’m sure, somewhere out there is a woman who will be able to see the real you. Look for her. She’s the only one who can really love you the way you deserve to be loved.”

        Nakatitig lang sa kanya si Paul. Nakakunot ang noo.

        “I’m sorry, Paul,” sabi pa ni Odette.

        “No, don’t be sorry,” iling ng binata. “I was just absorbing everything you said. And I believe I should thank you.”

        Nangiti si Odette.

        “For saving us both from a predictably disastrous relationship?” sabi niya.

        “Hindi lang iyon,” sagot ni Paul. “Also for opening my eyes. Alam mo bang ni hindi ko napag-isipan ang mga bagay na iyon? Now I suddenly realize why I’ve had a string of broken relationships in my past. Lahat nga sila, ganoon ang naging pagtingin sa akin. Ako naman, at the start of every relationship akala ko that was enough. Pagkatapos, hayun nga, magkakasakitan na kami ng loob. Still, I never really analyzed the whole thing the way you just did. Tama ka. Eksakto. I’ve never found a woman who liked me for who I really am.”

        “Hindi mo rin naman sila masisisi kung ma-attract sila nang husto sa hitsura mo,” sabi ni Odette. “You’re very good-looking. Nakaka-distract nga, e.”

        “Maybe I can’t blame them but I blame myself,” sagot ng binata. “Ako kasing si tanga, porma nang porma. Akala ko, pag na-attract na ang babae sa akin physically, that’s it. I never really gave them the chance to get to know the real me until it was too late. Kaya nagkakagulo kami palagi. Iba nga ang expectations nila sa akin at hindi na nila matanggap iyong totoong ako.”

        “Makakatagpo mo rin ang iyong destined partner,” sabi ni Odette. “Naniniwala akong may inilaan ang tadhana na para sa bawat isa sa atin.”

        “At least, dahil sa mga sinabi mo, magiging mas bukas na ang mga mata ko,” sagot ni Paul. “And I won’t settle  for someone who sees me as just another hunk.”

        “Exactly,” tango ng dalaga.

        “Saludo pa rin ako sa iyo,” ulit ni Paul. “Ang bilis ng mga pangyayari. Akala ko nga, I already took you by surprise with my declaration. Pero ako ang mas ginulat mo. Nagawa mong tingnan ang sitwasyon from a bigger perspective. Na-analyze mo agad ang kalagayan nating dalawa.”

        “Nagkataon lang na tama ang timing mo,” amin ni Odette. “These past few days, nasa panahon ako ng self-examination. For the first time in so many years, tinatanong ko ang sarili ko kung ano ba talaga ang hinahanap ko. Akala ko nga, romance novel hero pa rin ang ideal man ko. And you came just in time to prove me wrong. So dapat din akong magpasalamat sa iyo.”

        “I’ve never met a woman as wise as you, na maganda pa,” sabi ni Paul.

        “And I’ve never met a guy na kasingguwapo mo, na magaling pang sumayaw ng Tango,” nakangiting sagot ni Odette.

        Napahalakhak si Paul.

        “Noong araw, pag sinabi iyan sa akin ng babae, aakalain ko nang in love siya sa akin,” sabi nito. “From now on, I know better.”

        Tumango si Odette.

        “Shall we go back to the dance floor?” yaya ni Paul.

        Umiling si Odette.

        “Mauna ka na,” sagot niya. “Parang gusto ko munang mag-stay dito.”

        “Hindi naman kita pupuwedeng iwanan dito nang mag-isa,” sabi ni Paul.

        “I’ll be perfectly safe here,” giit ni Odette. “Bakuran pa rin ito nina Irene. Sanay ako rito.”

        “No, I can’t leave you here alone,” iling pa rin ni Paul.

        “Sasamahan ko siya,” sabi ng isang boses-lalaki mula sa gilid ng gazebo.

         Sabay na napalingon sina Odette at Paul.

        “Ben...” sabi ni Odette.

        Pumagitna siya agad sa dalawang binata.

        “Paul, have you met Ben?” tanong niya sa taga-Maynila.

        “Hindi pa,” iling nito.

        “Well, Paul, meet Benedict Lozada, vice-president of their family-owned Rural Bank of Paraiso,” pagpapakilala niya sa dalawa. “Ben, meet Paul Pereira, producer, actor and international martial arts expert.”

        Nagkamay ang dalawang lalaki.

        “Naikuwento ka sa akin ni Ding at ng mga kasamahan mo,” sabi ni Ben. “We just didn’t get a chance to be introduced to each other earlier.”

        “So you’ve already met the others,” sabi ni Paul.

        “Pareho sila ni Cherry Pie na La Salle graduates kaya marami siguro silang napag-usapan,” napipikon pa ring sabi ni Odette.

        “Kami naman ni Odette, magkababata. Ninong ko ang father niya,” dagdag ni Ben. “In fact, we came here together.”

        “Ganoon ba?” tango ni Paul. “I’m sorry kung na-monopolize ko ang oras at atensiyon ni Odette the whole night.”

        “Don’t be silly, Paul,” sabad ng dalaga. “Ben wouldn’t mind. Abala rin siya kanina sa bago niyang kakilala.”

        Tumikhim ang taga-Maynila.

        “Ahm... well... since Ben is here now, puwede na nga siguro akong bumalik sa loob,” halatang naaasiwa nang paalam nito. “See you later...”

        “Okay,” sagot ni Ben. “Dito na muna kami.”

        Ngumiti si Paul kay Odette at umalis na.

 

HININTAY lang ni Odette na makalayo si Paul bago niya kinompronta si Ben.

        “Anong ginagawa mo rito?” tanong niya sa kababata. “Sinundan mo pa kami. How dare you?”

        “Responsibilidad kita kay Ninong,” kampanteng sagot ni Ben. “Hahayaan na lang ba kitang sumama sa kung sinong lalaki sa dilim?”

        Umismid si Odette.

        “Such concern,” sarkastiko niyang parinig. “Mabuti’t naalala mo pa kung nasaan na ako samantalang abalang-abala ka kanina sa kausap mo.”

        “Nagseselos ka kay Cherry Pie, ano?” nakangiting sabi ni Ben.

        Uminit ang magkabilang tainga ni Odette.

        “Nagseselos?” ulit niya. “Ako? Ang yabang mo, ha?”

        “Okay lang ‘yon,” sabi pa ng binata. “Cute nga, e. Natural lang din naman iyon. Ako nga, selos na selos do’n sa Paul Pereira na iyon, e.”

        “At ano naman ang karapatan mong magselos?” hamon ni Odette.

        “Hindi napipigil ang pagseselos, alam mo ‘yon,” sagot ni Ben. “Akala ko nga, mapapalaban ako sa international martial arts, expert na iyon, e. Handa na akong maospital kung kinakailangan.”

        “Ano ka?” sabi ni Odette. “Susugurin mo ‘yung tao?”

        “Kung hindi siya nagpaka-gentleman kanina, kung hindi siya nag-back-off no’ng umayaw ka, talagang susugurin ko siya,” sagot ni Ben.

        “Pinapanood mo kami mula pa kanina?” namimilog ang mga matang sabi ni Odette. “Nakikinig ka?”

        “I had to make sure that you were safe,” sagot ng binata.

        Naningkit sa galit ang mga mata ni Odette.

        “That’s it!” sabi niya. “That’s the last straw.”

        Padabog na tinalikuran niya ito. Mabilis ang mga hakbang niyang patalilis.

        Pero nahagip ni Ben ang braso niya. Pinigil siya nito.

        “Hindi mo ba alam kung gaano kahirap para sa akin ‘yung ginawa ko?” kalmado pa ring tanong nito habang mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang braso. “I just had to be sure. Kung may ginawa siyang hindi dapat, kailangang nandito ako para ipagtanggol ka. Pero kung nagkataong kusang loob kang bumigay sa kanya, I would have accepted your decision. Kahit masakit, I would have just quietly walked away.”

        Natigilan si Odette.

        Alam kasi niyang totoo ang ipinahayag ni Ben.

        Alam niya kung gaano kasakit dito ang manatili sa mga anino habang nagmamasid sa kanila ni Paul. Hindi nga ba’t ganoon na lang ang hinanakit niya kanina habang pinagmamasdan niya itong kausap si Cherry Pie?

        Alam din niyang kaya ng kababata niyang isakripisyo ang pansariling kaligayahan kung nagkataong si Paul ang kanyang napusuan.

        “Narinig mo naman ang ipinaliwanag ko sa kanya,” paalala niya rito.

        “Narinig ko,” seryosong sagot ng binata.

        Binitiwan nito ang braso niya.

        “How about me?” tanong ni Ben. “Ano ang nakikita mo pag tinitingnan mo ako? Surely not a romance novel hero. Hanggang kababata at kinakapatid lang ba talaga ang tingin mo sa akin?”

        Sinalubong ni Odette ang titig ng binata.

        “Ang nakikita ko pag kaharap kita ay ang kababata ko’t kinakapatid na mula’t sapul ay napakaespesyal na ng pangangalaga sa akin,” sagot niya. “But I’m not really sure what it means. Wala naman kasi siyang sinasabi. So, ano pa kaya ang dapat kong makita?”

        “Imposibleng hindi mo alam,” magkasalubong ang mga kilay na tanggi ni Ben. “Alam na nga ng buong bayan magmula noong maliliit pa tayo.”

        “Na ano?” nakataas ang kilay na tanong ni Odette.

        “Na mahal kita,” sagot ni Ben. “I love you. I’m in love with you. I’ve been in love with you kahit noong hindi ko pa alam ang ibig sabihin ang mga salitang I love you.”

        “E bakit ngayon mo lang sinabi?” nakangiting tanong ni Odette.

        May himig panunukso na ang katanungang iyon.

        “Noon, dahil naging naive ako,” seryoso pa ring sagot ng binata. “Akala ko, alam mo na. Akala ko rin okay na tayo. Parang may mutual understanding, kahit hindi pa uso ang MU noon. But don’t worry, natauhan na rin ako. Alam ko nang hindi ako dapat nag-assume nang basta-basta ganoon na lang. But then, natakot naman ako. Pag sinabi ko na kasi nang diretso, posibleng sumagot ka na rin nang diretso. Malalaman ko na ang iyong final verdict. Katulad kanina ni Paul Pereira. Just like that, and he’s out. Masuwerte pa nga siguro ako na tumagal nang ilang taon ang ganito kong status.  But now I’m ready to know. Ano nga ba talaga?”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento