Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

NAGMAMADALI si Ben pabalik sa kotse. Ingat na ingat na hindi makita ni Odette sakaling sumilip ang dalaga sa labas ng bookstore.

        Hindi naman niya sinasadyang manubok kina Odette at Lorraine. Napaaga lang ang pagsundo niya sa dalaga dahil alam niyang hindi na papasok sa araw na ito si Wilma.

        Kahit vice-president siya ng rural bank na pagmamay-ari ng kanilang pamilya, hindi naging ugali ni Ben ang umalis sa opisina nang alas-singko. Lagi niyang sinasabayan ang mga empleyadong nag-o-overtime. Ngayon lang naiba ang kanyang routine. Gusto kasi sana niyang tulungan si Odette sa pagsasara ng bookstore.

        Hindi niya malaman kung matatawag bang suwerte o malas na napatigil siya sa labas ng nakasarang pinto ng shop bago tuluyang pumasok. Na narinig niya ang bahagi ng pag-uusap ng magkaibigan – iyong bahagi pa namang tungkol sa kanya.

        Umupo si Ben sa loob ng kotse pero hindi niya ito pinaandar. Naupo lang siya roon nang parang nakatulala sa kawalan.

        Natatandaan pa ng binata nang una niyang maramdamang espesyal sa kanya ang kinakapatid na si Odette. Apat na taong gulang siya noon at dalawang taong gulang naman ang batang babae. Birthday party pa ni Odette iyon.

        Kahit musmos pa ang kanyang isip at damdamin, alam na niya noon na pinakapaborito niya sa lahat ng bata si Odette. Gandang-ganda siya rito.

        Sa paglaki nila, lalo pang lumago ang kanyang damdamin sa kinakapatid. At dahil nga Ninong niya ang Daddy nito, nagkaroon siya ng lahat ng pagkakataon para maipakita ang kanyang espesyal na pagtingin sa kababata.

        Tahimik lang at dati nga’y may pagkamahiyain pa si Ben. Pero hindi niya nailihim ang kanyang damdamin sa kinakapatid. Kahit noong hindi pa niya ito pormal na nililigawan ay halatang-halata na ng lahat ng nakapaligid sa kanila ang kanyang nadarama.

        Nang makapagtapos siya ng high school sa Colegio Del Paraiso, ipinadala siya ng kanyang mga magulang sa Maynila para mag-college sa La Salle. Alalang-alala siya noon na baka pagbalik niya sa Paraiso ay may boyfriend na si Odette. Sa tuwing may pagkakataon tuloy ay umuuwi siya’t pumapasyal sa bahay ng kanyang Ninong.

        At maging ngayong mga propesyunal na sila, sa dami ng mga naging tagahanga’t manliligaw ni Odette ay si Ben pa rin ang pinakapanatiko. Siguro, dahil nga may partida na siya sa pagiging kinakapatid ng dalaga kung kaya mas masigasig siyang naghahanap ng paraang mapatunayan na hindi siya umaasa lamang sa partidang iyon.

        Tatlong beses isang linggo kung umakyat siya ng ligaw – Sabado, Martes, at Huwebes ng gabi. Hindi niya inaaraw-araw dahil baka masyado nang makaistorbo kay Odette.

        Dumarating siya nang alas-otso – iyong siguradong nakapaghapunan na ang mag-anak. At nagpapaalam na siya pagpatak nang alas-nuwebe ng gabi.

        Lagi siyang may dalang bulaklak o imported chocolates o special baked pastries. Kung minsan naman, ice cream o prutas.

        Sa pagkakaalam ni Ben, sa sarili niyang pamantayan, he has been the perfect suitor. Hindi nga ba’t iyon ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang Ninong ang paghahatid-sundo kay Odette habang nasa States ang mag-asawa?

        Kaya nga kampanteng-kampante na siya.

        Buong akala niya, hindi lang ang basbas nina Ninong Odilon at Ninang Rhoda ang natanggap niya. Buong akala niya, okay na sila ni Odette. Hindi pa nga lang pormal.

        Paano naman kasing hindi niya iisipin iyon? Alam naman ni Odette ang kanyang damdamin mula’t sapul. At wala naman siyang narinig na reklamo mula kay Odette.

        Kahit noong sinimulan niya itong ligawan nang pormal, wala rin siyang natanggap na negatibong reaksiyon mula sa dalaga. Kung tutuusin ay naging mas komportable pa nga sila sa isa’t isa. Laging masaya ang kuwentuhan nila kapag dumadalaw siya. Walang anumang tensiyon.

        Oo nga’t ni minsan ay hindi pa siya nagtapat ng pag-ibig. Iyong matatawag na “in black and white”.

        Nananantiya rin naman kasi siya. Gusto muna niyang pahinugin nang husto ang pagkakataon. Iyon bang kapag nagsabi siya ay diretso na hanggang sa usapin ng kasalan.

        Kasi, hindi nga ba’t ganoon na ang estado nila? Siguro naman, kung ayaw sa kanya ni Odette, noon pa ito nagpahiwatig na ganoon nga.

        Hindi siya nag-aalala sa napakaraming iba pang naging manliligaw ng dalaga. Ikinatutuwa’t ikinararangal pa nga niya iyon. Siyempre, kahit na sinong binatang may taste, maa-attract sa mahal niya.

        Gusto niyang ma-enjoy ni Odette nang husto ang pagkadalaga kaya hindi niya ipinagkakait dito ang pagkakaroon ng maraming manliligaw. Kaya hindi rin niya minamadali ang kanyang pagtatapat.

        Tutal naman, napatunayan na niyang wala siyang dapat ikabahala. Isa-isang nalalagas ang mga manliligaw ni Odette. Pagkaraan ng isa o dalawang buwan, titigil ang mga ito. Isa lang ang maaaring maging paliwanag. Binasted na ang mga ito ni Odette.

        Nakailang batch na nga ang mga manliligaw ng dalaga. Heto pa rin siya. Hindi pa rin siya disqualified.  Masyado pala siyang naging kampante. Masyadong padalus-dalos sa kanyang mga akala.

        At sa mga narinig niya kanina, parang pinagsakluban si Ben ng langit at lupa.

        Iyon palang pagiging kumportable nila sa isa’t isa ay hindi positibong senyales. Iyon pa pala mismo ang naging kapintasan niya sa paningin ni Odette.

        Wala na raw kasi siyang mystery. Wala siyang excitement. At wala raw silang chemistry. Walang sizzle.

        Ang hinahanap pala ni Odette ay romance novel hero. Kailangan daw misteryoso, maporma, mapangahas, exciting.

        Hindi nga siya mapangahas. Masyado nga raw siyang responsable. Too much of a gentleman pa. Masyadong mabait.

        Lalo namang hindi siya maporma. Kapag ganitong galing siya sa opisina, ang suot niya’y  unipormeng short-sleeved polo-barong at itim na slacks. Kapag naman walang pasok, ang suot niya’y maluwang na t-shirt na may kuwelyo na nakapaloob sa pantalong khaki o maong. Simple lang. Ordinaryo. Basic. Generic.

        Paano nga ba niya mapapantayan ang hinahanap ni Odette na romance novel hero? Maikukumpara ba ang kanyang reyalidad sa mga pantasyang kathang-isip?

        Unfair, reklamo ng isip at puso ni Ben. Gusto niyang umalma. Magrebelde.

        Lalaban siya. Ipaglalaban niya ang kanyang pag-ibig. Hindi siya magpapatalo nang ganito lang.

        Kung naghahanap si Odette ng romance novel hero, magbabasa siya ng romance novels. Aalamin niya kung paano ba ang maging romance novel hero. At tatapatan niya ang mga ito.

        Matalino siya. Maabilidad. Isang senior bank executive. Higit sa lahat, a real flesh-and-blood male. Tunay na lalaki. Siguro naman, kaya niyang higitan pa ang mga kathang-isip na pantasyang iyon.

        Maya-maya’y napasulyap si Ben sa kanyang relo. Alas-sais na pala. Kalahating oras na siyang nagmumuni-muni.

        Paano niya ngayon haharapin si Odette? Parang bigla tuloy siyang kinapos ng tiwala sa sarili.

        Pero kailangang humarap siya sa dalaga. Kailangan niya itong ihatid pauwi. Ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang Ninong ang gawaing iyon. At wala nang mas mahalaga pa kaysa sa kaligtasan ni Odette.

        Hindi siya magpapahalatang narinig niya ang mga sinabi nito kay Lorraine. Kaya ba niyang magkunwari?

        Bahala na.

 

BUMUKAS ang pinto ng bookstore. Sabay uling lumingon sina Odette at Lorraine.

        “Hi, Ben,” nakangiting sabi ni Lorraine. “Right on time, ha? Very reliable ka talaga.
        Napansin agad ni Odette na parang nangiwi ang ngiti ng binata. Inisip lang niyang hindi siguro nito inaasahang madatnan doon ang best friend niya.

        “Hi, Lorraine, nandito ka pala,” sagot ni Ben. “Hi, Odette. Ready to go?”

        Tumango ang dalaga, sabay tayo at kuha sa kanyang shoulder bag at lunch box mula sa ilalim ng counter.

        “Sumabay ka na sa amin, Lorraine,” alok ni Ben.

        “Thanks, pero may dala rin akong sasakyan,” sagot ni Lorraine. “Sinamahan ko lang si Odette habang wala ka pa.”

        “Let’s go,” sabi ni Odette.

        Nagkanya-kanyang sasakyan na nga sila pagdating sa parking lot.

        “See you tomorrow!” kaway ni Lorraine bago ito nauna na sa pag-alis.

        Nang dadalawa na lamang sila, napansin ni Odette na tahimik lang si Ben. Hindi tulad nang dati na makuwento sa kanya.

        Mayamaya’y hindi na siya nakatiis.

        “May sakit ka ba?” tanong niya nang nasa daan na sila.

        “H-Ha?” parang nagulat pang sagot ng binata. “Wala naman. Bakit?”

        “Masyado kang tahimik, e,” sabi niya. “Baka naman may problema ka. Sa banko ba?”

        “Wala,” iling ni Ben.

        “Imposible,” naiirita nang iling niya. “Iba ka ngayon, e. Sabihin mo na kasi. Para namang  ibang tao pa ako sa iyo. Huwag ka nang magpakamisteryoso.”

        Biglang napalingon sa kanya si Ben.

        “O, sa daan ka tumingin, huwag sa akin,” mabilis na saway ni Odette.

        Bumaling naman uli ang paningin ng binata sa daan.

        “Ano uli ‘yung sinabi mo?” tanong nito. “Misteryoso ako?”

        “Ang sabi ko, huwag ka nang magpakamisteryoso,” ulit niya. “Hindi bagay, e. Hindi ako kumportable na ganoon ka. Hindi ka naman talaga ganoon, e.”

        Dumilim ang mukha ni Ben.

        “Ayaw mong maging misteryoso ako?” sabi nito.

        “Hindi kasi ako sanay,” sagot niya. “Come on, ano ba talaga ang problema mo? Pati iyang ganyang nakasimangot ka, naninibago ako. So spill it out.”

        “Marami lang akong iniisip,” sabi ni Ben.

        “Tungkol saan?” pangungulit niya.

        Napabuntonghininga ang binata.

        “Sa lahat,” sagot nito pagkaraka. “Sa sarili ko. Sa mga nangyayari. Sa future.”

        Saglit na natigilan si Odette.

        “Wow,” iling niya pagkaraka. “Deep. Bakit naman bigla ka yatang philosophical?”

        “Hindi naman,” iling din ni Ben. “Hindi naman philosophical matters ‘yung iniisip ko. Malayo.”

        “Kung may pinoproblema ka, don’t hesitate to tell me,” ulit na naman ni Odette. “Gusto kong makatulong.”

        “Ang sarap namang malaman na concerned ka sa akin,” sagot ni Ben.

        Pero may nahagip siyang himig ng pagdaramdam sa tinig nito. Para bang hindi ito naniniwalang magiging concerned nga siya sa anumang problema nito.

        “Lagi naman akong concerned sa iyo, a,” giit ng dalaga.

        “Dahil kinakapatid mo ako,” dugtong ni Ben.

        “Precisely,” tango niya. “And because we practically grew up together. Kilalang-kilala na kita kaya nararamdaman ko kung something’s bothering you.”

        Ang binata naman ang napabuntonghininga.

        “Akala mo lang kilalang-kilala mo na ako,” pahayag nito. “Pero hindi. Paano mo ako makikilala nang ganoon kung kahit nga ako, hindi ko pa pala kilalang-kilala ang sarili ko.”

        Si Odette naman ang natahimik.

        Mayamaya, nagsalita uli si Ben.

        “Huwag kang magtatampo sa akin,” parang pang-aalo nito. “I just need to sort this out by myself. Pagkatapos, after I make sense of it, saka ko sasabihin sa iyo.”

        Nagkibit-balikat siya.

        “Oo ba,” sagot niya. “Bahala ka.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento