Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

KUNG nasisiyahan si Odette sa pamamalagi sa The Book Shop sa araw-araw, lalo naman siyang nasisiyahan sa pamamalagi sa kanyang kuwarto gabi-gabi.

        Itinuturing ng dalaga na sanctuary ang kanyang bedroom. Isang private space na kung saan sariling-sarili niya ang mundo.

        Katulad ng The Book Shop, ang silid na iyon ay repleksiyon ng kanyang pagkatao. Napaka-romantic at napaka-feminine.

        Floral din ang main motiff ng kuwarto. Bulaklakin ang lahat ng bed linen, pati na ang kurtina. At laging may plorera ng fresh flowers sa kanyang bedside table. Pero kung ang mga bulaklak sa book shop ay mula sa Las Flores Del Cielo, ang mga ito nama’y mula sa mismong hardin ng bahay. Mula sa mga tanim ng Mommy niya.

        Sa silid na ito, sa sarili niyang higaan, dito lang tunay na nabibigyang-laya ni Odette ang kanyang imahinasyon. Dito niya nabibigyang-buhay sa kanyang mga pantasya ang mga kinagigiliwang romance novel heroes.

        Gabi-gabi, iba-t-ibang karakter ang kanyang kapiling. Depende sa kung aling nobela ang nabasa niya sa The Book Shop sa araw na iyon o naiuwi niya para basahin sa kanyang kuwarto.

        Ini-imagine niya na siya ‘yung bidang babae sa kuwento. Kaya iba’t-iba rin ang kanyang persona sa bawat pantasya.

        Kanina lang ay may natapos na naman siyang nobela. Kaya naman paghiga ni Odette ay sinimulan na niyang buuin sa kanyang imahinasyon ang bidang lalaki sa kuwento.

        Pero hindi niya magawa. Hindi siya makapag-concentrate.

        May ibang bagay na gumugulo sa kanyang isipan. Iyong tungkol kay Ben.

        Talagang naninibago siya kay Ben.

        Sa tinagal-tagal ng pagkakakilala niya rito, ngayon lang naging palaisipan sa kanya ang kababata. Hindi siya sanay sa ganito.

        Ang nakasanayan niyang Ben ay iyong laging parang open book sa kanya ang bawat naiisip at nadarama. Kaya nga kampanteng-kampante siya rito. Kumportableng-kumportable.

        Alam niyang mahal siya ni Ben. At sa isang sulok ng kanyang isipan, umaasa nga siyang kahit tumanda siyang dalaga sa paghihintay sa kanyang romance novel hero ay hindi siya mag-iisa dahil hihintayin siya ni Ben. Tulad ng sinabi niya kanina kay Lorraine, pagdating ng panahong iyon, malamang ay kay Ben din siya babaling kahit for companionship man lamang.

        Dahil sa ngayon ay ganoon lang talaga ang turing niya sa kababata. Companion. Kasama. Kaibigan.

        Espesyal namang kaibigan. Inaamin niya iyon. Kakaiba si Ben sa kanyang mga kaibigan at kakilalang lalaki.

        Kung tutuusin, mas malapit pa nga siya kay Ben kaysa sa kanyang Kuya Rhett at sa dalawa niyang nakababatang kapatid na lalaki na sina Odin at Rhadu.

        Magkaiba kasi sila ng ugali ng kanyang Kuya Rhett kahit na magkasunod sa edad. Mula noong maliliit pa sila, laging nasa galaan ang kanyang kuya. Si Ben naman, laging naroon sa bahay nila’t nakikipaglaro sa kanya at sa kasunod niyang kapatid na si Rhianna.

        Sina Odin at Rhadu, malayo na ang agwat ng edad sa kanila. Mas bata si Odin kay Rhianna nang limang taon. Kasunod naman ni Odin si Rhadu. Baby brothers pa rin tuloy ang turing niya sa dalawa kahit ngayong nasa kolehiyo na ang mga ito sa States.

        Si Ben, kahit matanda sa kanya ng isang taon at kaedad ng kanyang Kuya Rhett, mula’t sapul ay kasundo niya sa halos lahat ng bagay. O sadyang pinakikisamahan at pinakikibagayan siya nito.

        Nawili si Odette sa ganoon.

        Anuman ang gusto niya, ibinibigay ni Ben. Laging siya ang nasusunod. Laging siya ang tama.

        Alam niyang handa siyang ipagtanggol ni Ben kaninuman. Handa siya nitong ipaglaban kung iyon ang gusto niya. Handa rin itong magpaubaya, kung iyon ang gugustuhin niya.

        Alam niya ang lahat ng iyon. Nakasisiguro siya. Kilalang-kilala niya si Ben.

        Or so she thought.

        Nagkamali nga ba siya ng akala? Ano raw iyong sinabi ni Ben kanina?

        “Akala mo lang kilalang-kilala mo na ako. Pero hindi. Paano mo ako makikilala nang ganoon kung kahit nga ako, hindi ko pa pala kilalang-kilala ang sarili ko.”

        Ngayon lang niya narinig si Ben na nagsalita ng ganoon.

        At nakadama ng pangamba si Odette. Nagbabago na ba si Ben?

        E ano ngayon? sagot ng isip niya.

        Pero may kumurot sa puso ng dalaga.

        Hindi matatahimik si Odette hangga’t hindi nagbabalik sa dati si Ben.

        Inis na inis tuloy siya. Pati ang pagpapantasya niya, naunsiyami. Nawala na siya sa mood. Matutulog na lang siya.

 

NANG gabi ring iyon, naghalughog si Ben sa library ng kanilang bahay. Alam niyang may mga romance novels doon, iniwan ng kapatid niyang si Belle.

        Kaedad ni Rhianna si Belle, mas bata kay Odette nang isang taon. Maaga nga lamang itong nag-asawa at ngayo’y may anak na.

        Nang bumukod ng tirahan sina Belle ay hindi na nito dinala ang koleksiyon ng mga romance novels na nasa isang sulok pa rin ng kanilang basement library.

        Isang buong bookcase pala ang sinakop ng koleksiyong iyon, na noon lang talaga napagtuunan ng pansin ng binata. May mga nobelang English at marami ring local na Valentine Romances.

        Dahil wala naman siyang alam na pamantayan sa pagpili ng ganoong tipo ng babasahin, basta humugot na lamang si Ben ng ilan para iakyat sa kanyang silid.

        Napansin niyang may ilan doon na sinulat ni Dana Amor. Nitong nakaraang mga buwan ay naging malaking balita sa Paraiso na ang kilalang romance novelist na si Dana Amor ay walang iba kundi ang napangasawa ni Lorraine na si Adan Amor na isa ring premyadong scriptwriter sa pelikula.

        Napangiti sa sarili si Ben. Nakilala na rin kasi niya nang personal si Adan. Siguro naman, puwede niyang pagkatiwalaan bilang reference material ang mga nobelang sinulat nito.

 

MADALING-ARAW na’t apat na nobela na ni Dana Amor ang natapos niyang basahin pero hindi pa rin makapaniwala si Ben.

        Ito ba ang romance novels na binabasa ni Odette? Ito ba ang romance novel heroes na hinahanap ng dalaga?

        Hindi niya sukat akalain...

        Kahit nasa high cool na ang setting ng airconditioner sa kanyang silid ay pinagpapawisan nang malapot si Ben. Kumakabog ang kanyang dibdib.

        Ibang klase kasi ang mga nabasa niyang nobela. Nakakagising ng dugo. Nakapagpapainit ng laman. Pero higit sa lahat, nakakaantig ng damdamin. Tumatagos sa puso.

        Ganito rin kaya ang nadarama ni Odette kapag nagbabasa ito ng nobela?

        Kung sabagay, hindi na nga pala teenager ang babaing mahal niya. Twenty-four na si Odette. Hindi na bubot. Isa nang ganap na dalaga.

        Kung ganito ang mga binabasa ni Odette, hindi na nga nakapagtatakang mabansagan siya nitong “boring”. Ni minsan nga naman ay hindi siya naging mapangahas na tulad ng mga mga paborito nitong romance novel heroes.

        Paano naman kasi niyang pangangahasan ang mga bagay na iyon? Hindi ganoon ang kinalakhan niyang kalakaran sa bayan ng Paraiso. At buong akala niya’y katulad si Odette ng karaniwang dalaga sa Paraiso na mahigpit na nakakapit sa tradisyon.

        Hindi nga niya pinapayagan ang kanyang sarili  na magpantasya man lamang tungkol kay Odette. Kabawal-bawalan iyon. Pigil na pigil niya maging ang sariling imahinasyon.  Mahirap na kasi. Baka sa mga pagkakataong magkasama sila ay may makaalpas sa kanyang kinikimkim na pagnanais.

        Naging napakaingat niya kay Odette.

        Iyon pala’y iyon pa mismo ang naging kapintasan niya sa paningin ng dalaga.

        He should have known better. Hindi nga ba’t kilalang-kilala niya si Odette? Hindi nga ba’t matagal na niyang alam na hilig nitong magbasa ng romance novels?

        Kung bakit naman kasi ipinagwalang-bahala niya ang impormasyong iyon. Ni hindi man lang niya naisip na magbasa ng mga pocketbook na binabasa ng babaing mahal niya. Ang katwiran kasi niya noon, pambabae lang ang mga librong iyon. Walang relevance sa kanya. Heto tuloy ang napala niya.

        At noong ikasal si Lorraine kay Adan – dapat ay nag-isip-isip na siya noon pa man. Laganap ang tsismis sa bayan tungkol sa kakaibang whirlwind courtship ng dalawa bago ikinasal nang madalian.

        Hindi nga ba’t best friend ni Odette si Lorraine?

        Ngayon tuloy ay nangangarap na rin si Odette ng ganoong excitement. At inaakala nitong matatagpuan lang iyon mula sa isang estranghero.

        Kahit napuyat sa pagbabasa ay nakadama si Ben ng kakaibang pagsulak ng dugo. Isa itong hamon na hindi niya palalampasin. Marami siyang kailangang patunayan.

        Unang-una, hindi totoong wala na siyang misteryo kay Odette. A, may napakahalagang bahagi pa rin pala ng kanyang pagkatao na hindi pa man lang nahihigingan ng dalaga. Ang bahaging kaytagal na niyang tinimpi’t pinigil. Ang bahaging ngayong magdamag lang binigyang-laya ng mga nabasa niyang nobela.

        At sa paglaya ng bahaging ito ng kanyang pagkatao, parang binigyan na rin niya ang kanyang sarili ng permisong maging pangahas. Dahil kung ibabatay sa mga kalakaran sa bayan ng Paraiso, ang halos lahat ng bahay na kaugnay ng aspetong ito ay maituturing nang kapangahasan.

        Kung naghahanap si Odette ng excitement, bibigyan niya ito ng excitement.

        Hindi siya papayag na sa kung sinong estranghero pa nito ibabaling ang mga nabuong pantasya.

        Patutunayan niya kay Odette na kaya niyang maipadama rito ang init ng pag-ibig na nakalarawan sa mga paborito nitong romance novels.

        At sa mga natitirang mga oras ng madaling araw ay ganap nang pinakawalan ni Ben ang sarili niyang imahinasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon, pinayagan niya ang kanyang sarili na pagpantasyahan si Odette – at kung paano niya ito mapaliligaya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento