FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
NAGULAT na naman si Odette kay Ben nang sunduin siya nito sa bahay ng
umagang iyon.
Alas-diyes nagbubukas ang The
Book Shop. Alas-nuwebe’y medya siya umaalis ng bahay. Kinse minutos lang naman
ang drive hanggang sa bookstore. Pagdating doon ay may kinse minutos pa siya
para mag-ayos ng tindahan bago magbukas.
Sa pagkakaalam niya,
pumapasok muna si Ben sa banko nang alas-otso. Umaalis na lang uli para sunduin
siya sa bahay at ihatid sa bookstore. Pagkatapos ay hangos na naman itong
bumabalik sa banko.
Nang umagang iyon, alas
otso pa lamang ay nasa kanila na si Ben.
Kalalabas pa nga lang niya
mula sa banyo nang katukin siya sa kuwarto ni Yaya Munding para sabihing
nariyan na ang binata. Nanaog tuloy siya kahit naka-bathrobe lang at basa pa
ang buhok.
“Bakit, Ben, ano’ng
nangyari?” nag-aalalang tanong niya rito kahit habang pababa pa lang ng hagdan
Tumayo si Ben mula sa
pagkakaupo sa sopa sa salas. Maliwanag ang ngiti. Ibang-iba na ang mood kaysa
kahapon.
“Good morning,” sagot
nito. “What a refreshing sight!”
Tumigil siya sa kalagitnaan
ng hagdan.
“Hindi mo pa ako
sinasagot,” sabi niya. “Bakit ang aga mo ngayon? May problema ba?”
Nagtataka na talaga siya
dahil ni hindi naka-uniporme nang polo-barong si Ben. Naka-t-shirt lang ito na
may kuwelyo.
“Walang problema,” iling
ni Ben. “Naisip ko lang na dito mag-breakfast. May dala akong adobong itik.
Nagluluto na si Yaya Munding ng garlic rice. Madali lang daw iyon at iyon daw
ang bagay na kaparis nito.”
Nanlaki ang mga mata ni
Odette. Paborito nilang dalawa ang adobong itik magmula pa noong maliliit pa
sila.
“Bakit naman bigla mong
naisipang magdala niyan?” pagtataka niya. “Saan galing ‘yan?
“Sa bahay,” sagot ni Ben.
“Pero alam mo namang hindi kumakain niyan si Mama. Si Papa naman, hindi
nag-aalmusal ng rice. Wala akong makasabay sa pag-e-enjoy ng pagkain niyan sa
bahay. Mas masarap ‘yung may kasabay, di ba? So I thought of you. Ikaw lang
naman talaga ang partner ko sa katakawan sa adobong itik, e.”
Nangiti si Odette.
“I can never say no to
adobong itik,” sabi niya. “Pero bakit hindi ka naka-uniform? Hindi ka ba
papasok?”
“Nandiyan sa kotse ang
polo-barong ko,” sagot ni Ben. “Mamaya na ako magbibihis, pagkakain. Inagahan
ko nga ang pagparito para hindi magahol sa oras, e. Mamaya na rin ako papasok
pagkahatid ko sa iyo. Itinawag ko na sa sekretarya ko na hindi ako makakarating
doon nang maaga.”
“Sandali,” sabi ni Odette.
“Magbibihis muna ako.”
“Bakit pa?” tanong ni Ben.
“Ganyan ka na lang muna para mas komportableng kumain. Mamaya ka na magbihis.”
“Ano ka,” sagot niya. “Ni
wala nga akong...”
Natigilan siya. Namula.
Kamuntik na niyang naibulalas na wala siyang suot na panloob sa ilalim ng
bathrobe.
“Basta,” sabi na lang ng
dalaga bago tumalikod at patakbong pumanhik uli sa hagdan.
Naisip niya, mabuti na lang
at hindi na nakita ni Ben ang biglang pamumula ng kanyang mukha.
Hindi rin tuloy niya
nakita ang pilyong ngiti sa mukha ni Ben habang pinanonood nito ang kanyang
pagtalilis.
“MMM... ang sarap talaga,” sabi ni Odette habang ninanamnam ang adobong
itik na ipinares sa garlic rice.
“Lalo na pag ganitong wild
duck,” sang-ayon ni Ben bago sumubo. “Kaya nga may standing order ako sa suki
ni Mama sa palengke. Pag may huli silang wild duck, laging may nakareserba para
sa akin.”
“E bakit ngayon mo lang
ako naisipang dalhan?” sumbat ni Odette.
“H-Ha? gulat na sagot ni
Ben. “Naku, sorry, ha? Ngayon ko nga lang naisip, e. Hayaan mo, from now on,
lagi na tayong share.”
Kinuha pa ni Ben ang
kabilang pakpak ng itik at inilagay sa pinggan niya. Alam palibhasa nitong
paborito niyang busisiin ang pakpak. Mauubos na nga niya ang isa.
“Ito ba ang suhol mo sa
iyong sarili para maalis ang iyong bad mood?” tanong ni Odette. “Mukhang
effective. Good mood ka na uli ngayong umaga.”
Nakangiti pa rin si Ben.
“Natumbok ko na ang
problema ko, e,” sagot nito.
“So, ikukuwento mo na sa
akin,” hamon ni Odette.
Saglit na natigilan si
Ben. Pagkatapos, parang bantulot na sumagot.
“Simple lang naman, e,”
sabi ng binata. “I realized na naging masyado yata akong uptight sa maraming bagay.
Masyadong nagpatali sa mga tradisyon. At my age ngayon na 26 siguro naman ay may karapatan na akong
medyo mag-loosen up. Be more relaxed. Maging medyo non-traditional. Ganoon
lang.”
“Talaga, ha?” sabi niya.
“Aba, mabuti naman at na-realize mo ‘yan. Kaya ba hindi ka dumiretso sa opisina
ngayong umaga? Dati, eight pa lang, pumapasok ka na, hindi ba?”
“Well, as vice president and
the son of the owner, siguro naman puwede akong maglakwatsa paminsan-minsan,”
sagot ni Ben.
“Dapat lang,” tango ni
Odette. “Hindi sa kinukunsinti kitang maglakwatsa, pero masyado ka ngang naging
workaholic in the past. Hindi naman makakasama sa kompanya kung magre-relax ka
paminsan-minsan.”
“Kaya mamayang hapon,
aagahan ko rin ang pagsundo sa iyo,” pahayag ni Ben. “Tutulungan kita sa
bookstore. Kung may kailangang ayusin sa bodega, ako na ang gagawa.”
“E di trabaho rin iyon,”
tanggi ni Odette. “Aalis ka nang maaga sa banko para doon naman magtrabaho sa
bookstore. Hindi yata kita kayang suwelduhan, Mr. Vice President.”
Natawa si Ben.
“Basta darating ako nang
maaga mamaya,” giit nito.
“KAYA darating daw siya rito nang alas-singko,” pagtatapos ni Odette sa
pagkukuwento niya kay Lorraine.
Dumaan na naman kasi si
Lorraine sa book store nang hapong iyon. Mga alas kuwatro ‘y medya.
“E di ba talaga namang
uwian na nila sa bangko pagdating ng alas singko?” sagot ni Lorraine. “Sarado
na nga ang bangko sa customer by three pm.”
“Karamihan sa mga
empleyado umuuwi by five,” sabi ni Odette. “Pero itong si Ben laging sumasabay
sa mga nag-o-overtime. Kaya eksaktong six na niya ako sinusundo. Except for
today nga.”
“Ano naman kaya ang nangyari
at bigla siyang nag-New Year’s resolution sa kalagitnaan ng Setyembre?” tanong
ni Lorraine. “Hindi naman niya birthday this month, di ba?”
“June ang birthday no’n,”
sagot ni Odette. “Magkasunod nga lang halos kami. A-kinse ako, twenty five
naman siya. Kung birthday blues itong nangyari sa kanya, huli na by three
months.”
“Well, at least maganda
naman ang napagpasyahan niyang changes,” sabi ni Lorraine. “Baka nga mabawasan ang
pagka-uptight niya. Hindi ka na magrereklamo na boring siya”
Natawa si Odette.
“Kung sabagay,” sang-ayon
niya.
Tumunog ang chimes sa may
pinto ng book-store, kasabay ng pagpasok ni Ben.
“Hello, ladies,”
nakangiting bati nito sa kanila.
“Speaking of the devil...”
sabi ni Lorraine.
“Aha! Pinagtitsismisan
pala ninyo ako,” parang panunumbat ng binata habang papalapit sa kanila.
“Naikuwento ko lang kay
Lorraine na dinalhan mo ako ng adobong itik kaninang umaga,” defensive na paliwanag
ni Odette. “At saka darating ka nang maaga ngayon.”
“Well, here I am,” sabi ni
Ben. “Tutuloy na ako sa stock room.”
“Sasamahan na muna kita,”
sabi ni Odette. “Sandali, ha, Lorraine?”
“Sige lang,” sabi ni
Lorraine. “Ako na muna dito in case may dumating na customer.”
Magkasunod na tumuloy sa
stockroom sina Odette at Ben. Nasa may likuran lang naman ng counter ang
pintong papunta roon.
“Actually, hindi naman
masyadong mabigat ang mga ito, e,” sabi ng dalaga. “Kaya ko rin naman. But
since you’re here, magpapatulong na rin ako sa pagbababa nitong mga nakaempake
pang deliveries.”
“Sige, sandali lang...”
sagot ni Ben mula sa may likuran niya.
Pag-ikot ni Odette, nakita
niyang naghuhubad ng polo-barong ang binata.
“Ano’ng ginagawa mo?”
mabilis na tanong niya rito.
Kampanteng tumingin sa
kanya si Ben habang patuloy na hinuhubad ang pang-itaas.
“Nagtatanggal ng
polo-barong,” sagot nito. “Mainit, e. Naka-t-shirt naman ako sa loob, a. Bakit,
ano ba sa akala mo – may balak akong mag-strip tease dito?”
“Of course not,” mabilis
uling sagot ni Odette. “Dapat kasi, nagbihis ka na muna bago tumuloy dito, e.”
Natawa lang si Ben habang
inilalapag sa katabing mesa ang barong.
“O, alin na dito ang
ibababa ko?” tanong nito.
Hindi nagpahalata si
Odette na nabalisa siya.
“Itong mga nakasalansan,”
sagot niya. “Pakibaba na lang para mabuksan ko at maisama sa display ng mga libro.”
Anim na magkakapatong na
kahon ang kaharap ni Ben. Halos kasintaas nito ang nasa pinakaitaas.
Habang nakamasid si Odette
ay ibinaba ni Ben ang mga kahon. Napagmasdan niya ang mga kilos nito. Ang
paggalaw ng mga muscles nitong
nasasapnan lang ng manipis na puting camisa chino. Ang paggalaw ng muscles sa
bisig nito.
Noon lang napansin ni
Odette na kahit hindi naman masyadong matangkad si Ben at hindi rin masyadong
malaki ang kaha ay maganda pala ang proporsyon ng katawan ito. Siksik ang
kalamnan. Well defined ang muscles. Fit and trim.
Nang mapansin niya ang
tinutungo ng sariling imahinasyon ay parang napahiya ang dalaga sa sarili.
Bumaling siya sa mga kahong naibaba na ni Ben. Kunwa’y inaalam niya kung
anu-ano ang mga iyon.
Hindi niya napansin nang
lumapit sa may likuran niya si Ben.
Bakit naman kasi lumapit
ito nang ganoon kalapit? At medyo yumuko rin yata. Pag-ikot tuloy niya ay
tumama ang kanyang siko rito.
“Aww!” sigaw ng binata.
Nagulat si Odette.
“Naku, sorry,” sabi niya.
Nakita niyang sumandal si
Ben sa katabing dingding, sapo ng dalawang palad ang mukha. Nakangiwi ito sa
matinding sakit.
Nataranta na si Odette.
“Ben...?” sabi niya habang
hangos na lumalapit dito. “Ben, saan kita tinamaan?”
“Aaah... sa... sa ilong...”
hirap na hirap pa ring sagot.
“Naku, sorry...” ulit ng
dalaga. “Teka... ano’ng gagawin ko? Ano’ng kailangan mo?”
Narinig yata sila ni
Lorraine dahil pumasok na rin ito sa stockroom.
“Bakit?” tanong ni
Lorraine. “Ano ‘yon?”
“Nasiko ko si Ben sa ilong,”
paliwanag ni Odette. “Malakas yata ang tama, e.”
“Sandali, kukuha ako ng
ice,” sabi ni Lorraine.
Muli itong lumabas.
Wala namang maisip gawin
si Odette kundi ang haplus-haplusin si Ben sa braso.
“Sorry talaga, ha?”
paulit-ulit niyang sinasabi. “Sorry...”
“O-okay lang ‘to,” sagot
naman ng binata kahit hindi pa rin ito makadiretso ng tayo mula sa
pagkakasandal sa dingding.
Pagbalik ni Lorraine ay
may dala na itong yelo na nakabalot sa malinis na basahan.
“Ben, itong ice pack ang
idikit mo riyan,” sabi ni Lorraine.
Sumunod naman ang binata.
Pero napadaing ito uli
nang idikit ang yelo sa ilong.
“Lorraine, dalhin na natin
siya sa ospital,” sabi ni Odette.
“Sige,” tango ni Lorraine.
‘I’ll drive.”
“No,” iling ni Ben. “Just
give me a minute. Okay lang ako. I can manage.”
“Makakapagmaneho ka ba
naman sa lagay mong iyan?” sabi ni Lorraine. “Ako na’ng maghahatid sa inyo ni
Odette pagkagaling natin sa ospital. Iiwan mo na rito ang kotse mo.”
Umiling uli si Ben.
“I’ll be fine,” giit nito.
“Palipasin na lang natin itong kirot.”
“Pag hindi iyan humupa in
fifteen minutes, ibig sabihin mas malala ang injuries mo,” sabi ni Odette.
“Baka nabali ang nose bridge mo.”
“So give me fifteen
minutes,” sagot ni Ben.
Napabuntonghininga si
Odette.
“Halika, maupo ka muna,”
sabi niya.
Inalalayan pa niya ito sa
beywang palabas ng stockroom. Iniupo sa isa sa mga silyang katabi ng counter.
“Kung nabali nga ang nose bridge
mo, kailangang maoperahan ‘yan,” sabi ni Lorraine. “Kung hindi, magmumukha kang
boxer na baluktot ang ilong.”
“Hindi na baleng magmukha
akong boxer, huwag lang akong matsismis na nagpa-noselift,” sagot ni Ben.
“Nagbibiro ka pa,” saway
ni Odette. “Tayo na nga sa ospital. Baka makasama pa itong pinatatagal-tagal
natin, e. Delikado iyang nose injury, di ba?
Malapit na sa brain iyan.”
“Humuhupa na ang sakit,”
sagot ni Ben. “Palagay ko, nabugbog lang.”
Para patunayan iyon ay
ibinaba na nga nito ang hawak na ice pack.
“Kaya ko nang mag-drive,”
sabi pa ng binata. “Ako na ang maghahatid sa iyo, Odette. Salamat na lang sa
offer, Lorraine.”
“Sige, kung kaya mo na ba,
e,” pagkikibit-balikat ni Lorraine.
“Sigurado ka ba talaga?”
pagdududa pa rin ni Odette.
“Ako’ng nakakaalam sa nararamdaman
ko,” sagot ni Ben. “Kaya ko na talaga.”
“Kukunin ko muna ang polo
mo,” sabi na lang ng dalaga.
Pumasok uli siya sa
stockroom para damputin ang polo barong na ipinatong ni Ben sa isang mesa. Pagkatapos,
kinuha niya ang kanyang bag at lunch box mula sa ilalim ng counter.
Pumasok naman si Ben sa
comfort room para itapon sa lababo ang natirang ice cubes.
“Akin na ‘yang basang
basahan,” sabi ni Odette. “Palalabhan ko na rin sa bahay.”
Nagpalitan sila. Kinuha
naman ni Ben sa kanya ang polo-barong.
“O, siya, mauuna na ako,”
paalam ni Lorraine.
“Thanks uli, Lorraine,” sabi
ni Ben.
“Mag-iingat ka na riyan
kay Odette, ha?” biro ni Lorraine.
“Oo nga, e,” sakay ng
binata.
“Sige, ganyan kayo,” sagot
naman niyang nakalabi.
Pinagtawanan lang siya ng
dalawa.
Nang nasa kotse na sila ni
Ben, nag-aalalang nagmungkahi uli si Odette.
“Dumaan kaya muna tayo sa
ospital. Matingnan man lang iyang ilong mo para magkaroon tayo ng peace of
mind.”
“Huwag na sabi, e,” iling
ni Ben. “Hindi na masakit. Medyo sore na lang. Kung may injury ito,
mararamdaman ko. Don’t worry.”
“Hay naku, ang tigas naman
talaga ng ulo!” irap ng dalaga.
“Bukas ko na itutuloy
‘yung ibang trabaho sa stockroom mo ha?” sabi ni Ben habang nagmamaneho na.
“Sige, magpa-guilty ka
pa,” sagot ni Odette. “Kaya ko na ‘yon. Mamaya kung ano na naman ang mangyari
sa iyo.”
Natawa si Ben.
“It was an accident,” sabi
nito. “Huwag ka nang ma-guilty.”
“Paano namang hindi ako
magi-guilty samantalang nakita kong nasaktan ka talaga,” sagot niya. “Namumutla
ka na kanina, a. Natakot ako, baka akala mo. Hindi ko malaman kung ano’ng gagawin
ko para maalis ‘yung pain. Mabuti nga’t naisip ni Lorraine ‘yung ice pack.”
Sumulyap sa kanya si Ben.
“Sana hinalikan mo ako,”
sabi nito. “Siguradong makakalimutan ko ‘yung pain.”
“Puro ka biro,” irap uli
ni Odette.
Pero nararamdaman niyang
nagsisimula uli siyang mag-blush.
Pagtigil ng kotse ni Ben
sa harap ng bahay nila, bumaling si Odette sa binata.
“Huwag ka nang bumaba,”
sabi niya. “Umuwi ka na agad para makapagpahinga ka.”
“Opo,” nakangiting sagot
ng binata.
Nag-aalala pa ring
pinagmasdan ni Odette nang mabuti ang ilong na nasaktan niya.
“Pag may naramdaman kang
kakaiba, tumuloy ka agad sa ospital, ha?” dagdag pa niya. “Tawagan mo ako pag
ganoon.”
Wala sa sariling hinaplos
pa niya si Ben sa pisngi.
Parang naalimpungatan lang
siya nang madikit ang kanyang palad sa pisngi nito.
Bigla niyang binawi ang
kanyang kamay. Sabay lipad ng tingin sa mga mata ni Ben.
Nakatitig sa kanya ang
binata.
“Promise,” sagot nito.
Napalunok si Odette.
“Sige,” sabi niya habang
nagmamadaling umiibis sa sasakyan. “Bye,” sabi niya at isinarang muli ang pinto
ng kotse.
At halos patakbo na siyang
pumasok sa bahay.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento