FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
NGINGITI-NGITI si Ben habang nagmamaneho pauwi.
Masakit pa rin nang kaunti
ang ilong niya. Napuruhan naman talaga ito ng siko ni Odette. Mabuti na nga
lang at hindi nabali ang kanyang nose bridge. Sa pakiramdam naman niya ay
hindi.
Kung tutuusin, disaster
ang nangyari. Ang balak niya sanang gawin kanina ay nakawan ng halik si Odette.
Kahit sa pisngi lang. Pero hayun, bago pa siya nakaporma ay nadale na siya ng
siko ng dalaga.
Pero sulit na sulit naman.
Kahit totoong namilipit
siya sa sakit kanina at kamuntik na ngang mawalan ng malay, papayag pa rin
siyang maulit ang pangyayari. Paano’y ngayon lang niya naranasan ang mataranta
si Odette sa kanya nang ganoon.
Sa kabila ng matinding
sakit na tinitiis niya kanina, kaysarap pa ring pakiramdam ang paghaplus-haplos
ni Odette sa kanyang braso. Kaysarap pakinggan ang pag-usal nito sa kanyang
pangalan nang buong lambing at paulit-ulit, punung-puno ng pag-aalala.
At ngayong bago sila
maghiwalay... a, heaven. Iyon lang ang maitatawag niya sa kanyang naramdaman
nang haplusin siya nito sa pisngi. Alam niyang hindi iyon sinasadya ni Odette.
Hindi napag-isipan. Isa lang ‘yong natural na ekspresyon ng pag-aalala nito.
Kaya nga nagulat din ang dalaga sa sarili at biglang umatras.
Hindi bale. Ang
importante, nakita niya kung paano mag-alala si Odette sa kanya. Such concern.
Such tenderness. Nakakatunaw ng puso.
Lalo pa siyang na-in love
sa dalaga. Lalong tumibay ang kanyang determinasyong mapaibig ito.
After all, may bago siyang
nalaman ngayon. Anuman ang ipahayag ni Odette, ang totoo’y may natatangi siyang
pitak sa puso nito.
Maaaring hindi iyon aminin
ni Odette. Maaaring ipinagkaila nito maging sa sarili ang katotohanan. Kaya
naman kailangan niyang ilantad ang katotohang iyon sa paraang hindi na
maitatanggi ng mahal niya.
NAGPASALAMAT si Odette na alas-nuwebe y medya na uli ng umaga nang
sunduin siya ni Ben kinabukasan. Hindi kasi niya alam kung paano pakikiharapan
ang binata sakaling maisipan uli nitong mag-almusal nang kasabay niya.
Medyo nako-conscious pa
siya sa nangyari kagabi, noong ihatid siya nito pauwi.
Hindi pa rin niya
maipaliwanag ang nangyari. Noong balik-balikan niya sa kanyang isip ang eksena,
nagsisi siya kung bakit nag-react siya nang ganoon.
Kung tutuusin, hindi naman
dapat nabigyang kulay iyong concern niya kay Ben. Natural lang naman na
mag-alala siya sa kanyang kababata’t kinakapatid. Maano bang natapik niya ito
sa pisngi? Gusto lang naman niyang tingnan nang mas mabuti ang lagay ng ilong
nitong natamaan niya.
Pero bakit para siyang
nakuryente? Bakit natigilan siya’t nataranta nang mamalayan niya ang kanyang
ginawa? Bakit nang makasalubong niya ang titig ni Ben ay para siyang napaso na
hindi niya mawari?
Mali. Hindi siya dapat
na-conscious. Hindi niya dapat nilagyan ng malisya ang mga sandaling iyon.
Nakakailang tuloy.
Isa lang ang puwede niyang
gawin para makabawi. Dedma. Parang walang nangyari.
Kaya nang sunduin siya ni
Ben nang umagang iyon, kunwa’y cool na cool uli si Odette. Lumabas na agad siya
ng bahay paghimpil pa lang ng kotse nito sa may gate. Sumakay na siya agad para
hindi na ito kailangan pang umibis.
“How’s your nose?”
Inunahan na niya ito ng tanong pag-upo niya sa kotse.
“Okay na,” sagot ni Ben
habang pinaaandar uli ang sasakyan. “Hindi mangangailangan ng plastic surgery.”
“Mabuti naman,” sabi ng
dalaga. “Mahal din iyon, e. Siyempre, pag nagkataon, ako ang magbabayad.”
“Kaya pala ganoon na lang ang
concern mo sa akin,” kantiyaw ni Ben.
“Wala kasi akong
pambayad,” kunwa’y balewalang sagot niya.
“Aba, just because I won’t
need surgery doesn’t mean you’re off the hook,” sabi ng binata. “Kailangan mo
pa rin akong bayaran for all the pain you caused me. Idagdag pa ‘yung kawalan
ko ng poise kahapon.”
“At ano naman ang hihingin
mong kabayaran, aber?” pataray na tanong ni Odette.
“Don’t worry, kayang-kaya
mo,” sabi ni Ben. “Samahan mo na lang akong manood ng special rerun ng Titanic
sa Cinerama mamayang gabi.”
“Manonood tayo ng sine?”
nakataas ang kilay na bulalas niya. “Ano ka? Ang baduy mo, ha?”
“Ano naman kaya ang baduy
sa panonood ng sine?” sagot ng binata. “Hindi ba paborito mo ang Titanic?”
“And I’ve seen it more
than a dozen times,” tango ni Odette. “May tape ako niyon, e. So, bakit ko pa
papanoorin sa sinehan?”
“Dahil iba pag pinapanood
mo sa big screen,” katwiran ni Ben. “Ibang-iba ang dating. At dahil din gusto
kong panoorin ang Titanic sa big screen, pero nakakailang naman kung papanoorin
ko iyon nang mag-isa. So, dahil may atraso ka rin lang sa ilong ko, sasamahan
mo ako.”
“Bakit naman nakakailang
kung papanoorin mo iyon nang mag-isa?” tanong ni Odette.
“Because it’s a date
movie,” sagot ni Ben.
“At gusto mong mag-date
tayo?” bulalas ni Odette. “Excuse mo. Ayoko nga.”
“It’s not a date,” atras
ni Ben. “Pambayad utang lang. Sige na, o. I’m sure you’ll enjoy it. One night
lang itong special rerun na ito, e. Sayang kung ma-miss natin. Pareho na nga
nating hindi napanood ito no’ng regular run. May flu ka noon, hindi ba? Ako
naman, may seminar sa Maynila noon. Nagkasalisi pa kami no’ng movie. Tapos na
ang palabas niya sa Metro Manila no’ng nandoon ako. Pagbalik ko rito, tapos na
rin siya rito. So this is our last chance.”
“Bakit ba biglang
magkakaroon ng special rerun mamayang gabi – at bakit one night lang?” tanong
ng dalaga.
“Fund-raising yata ito ng
isang youth organization,” sagot ni Ben. “Hindi ko nalinawan kung alin. Narinig
ko lang kasi ang announcement kaninang pag-alis ko ng bahay. Naka-public address
system sila. Umiikut-ikot sa bayan nang naka-Fierra.”
“Baka naman mahal ang
tickets dahil fund-raising,” sabi ni Odette. “Magkano ba ang gagastusin ko
riyan?”
“Wala,” sagot ng binata.
“My treat. ‘Yung pagsama mo lang sa akin ang pambayad-utang mo.”
“Mas maganda ba talagang
panoorin iyon sa big screen?” tanong pa niya.
“Siyempre,” sagot agad ni
Ben. “Iyong ganoon ka-spectacular na movie, dapat talaga napapanood sa big screen.”
Napabuntonghininga si
Odette.
“Ano’ng oras ang
screening?” tanong niya pagkaraka.
“Seven-thirty,” sagot ng
binata. “Tamang-tama lang. Pagkasara natin ng The Book Shop, puwede pa tayong
mag-dinner.”
“Dinner?” nakakunot-noong
ulit ni Odette. “Pati dinner?”
“Treat ko pa rin
siyempre,” agap ni Ben. “Dapat lang naman, mag-dinner muna tayo. Ang haba-haba
ng pelikulang iyon. Gugutumin tayo.”
“Saan naman tayo
magdi-dinner?” tanong niya.
“Ikaw,” pakibit-balikat na
sagot ni Ben. “I was thinking of Abuela’s Kitchen.”
“Para namang pang-date
iyon,” reklamo niya. “At saka masyadong de numero ang service doon. Baka mahuli
pa tayo sa screening. Dumaan na lang tayo sa Chicken House. Mas komportable
doon at mas mabilis ang service.”
“Okay,” tango ni Ben. “Pero
aagahan ko pa rin ang dating mamaya para matulungan uli kita sa stockroom.”
“Huwag na,” tanggi ni
Odette. “Pinapupunta ko si Pining after lunch para tumulong sa akin sa
pagbubukas ng stocks, e. Kayang-kaya na naming dalawa iyon. Wala na namang
ibababang mga kahon. Naibaba mo nang lahat.”
Isa sa mga katulong nila
sa bahay ang tinutukoy niyang si Pining. Kasama ng kanyang Yaya Munding at ng
asawa nitong si Mang Tomas.
“Ayaw mo na yata akong
patulungin sa bookstore,” sabi ni Ben. “Nadala ka na.”
Nangiti si Odette.
“Hindi naman,” tanggi
niya. “Pero kaya na talaga namin iyon. At saka kung tutuloy tayo sa Titanic,
hindi ka dapat pagpawisan. Ako nga, hahayaan ko na lang kay Pining ‘yung
pagbubukas ng stocks sa stockroom. Doon na lang ako sa pag-aayos ng books sa
display racks. Nakakahiya naman sa iyo
kung marungis na ako mamaya pagsundo mo sa akin.”
“So it’s a date then,”
sabi ni Ben, sabay sa pagtigil ng kotse sa harap ng Castillo Building.
“Anong date?” mabilis na
sagot ni Odette. “Akala ko ba, hindi date ito?”
“Oops,” tumatawang bawi ng
binata. “Sorry. Figure of speech lang iyon. What I really meant was... so it’s
settled then. Manonood tayo ng Titanic mamaya. But it’s not a date.”
“Ganyan,” tango ni Odette.
“Dapat maliwanag.”
NAKABIHIS na si Ben nang sunduin siya. Hindi na nakauniporme nang
polo-barong. Sa halip, naka-t-shirt ito na walang kuwelyo – mas hapit sa
katawan kaysa sa dati nitong mga isinusuot – at pantalong maong. Naka-casual
moccasins na rin sa halip na pormal na sapatos na pang-opisina.
“Hip na hip ka ngayon, a,”
pansin ni Odette. “Mukhang tinototoo mo ang iyong mga resolutions. Mas relaxed
ka ngang tingnan.”
“Kailangang bumagay sa
iyo, e,” nakangiting sagot ng binata. “Hip na hip ka palagi.”
“Sus, ordinaryo lang naman
itong mga suot ko,” pagkikibit-balikat niya.
Pero ang totoo, flattered
si Odette.
Lagi nga naman siyang may
style kung manamit. Kahit simple lang ang kanyang mga outfits at hindi naman
mamahalin, may dating.
Katulad ngayon. kahit
hindi naman niya alam kaninang umaga na may lalakarin sila ngayong gabi, bagay
pa rin sa kanilang paglabas ang kanyang kasuotan. Itim na tank top na may
spaghetti straps, light gray na stretch capri pants, platform sandals at maliit
na shoulder bag.
Kapag nakauniporme si Ben
nang polo barong, mukha silang magkuya. Pero ngayong nakabihis ito nang casual,
puwede na silang mapagkamalang magka-date.
“Bakit nag-iisa ka rito?
tanong ni Ben. “Akala ko ba, magpapatulong ka kay Pining?”
“Pinauwi ko na,” sagot ng
dalaga. “Kanina pang alas-singko, para hindi gabihin.”
“Si Lorraine?” tanong pa
ni Ben.
“Dumaan na rin, pero hindi
gaanong nagtagal,” niya. “Tutuloy pa raw sa grocery store bago umuwi, e.”
“So, shall we go?” yaya ng
binata.
“Okay,” tango niya.
Maraming tao sa pinuntahan
nilang restaurant. Dahil casual ang ambience sa Chicken House, mas bata ang
crowd doon kaysa sa mas pormal na Abuela’s Kitchen.
Nasa pinto pa lang sila
nang mamataan ni Odette ang isang mesa ng mga dating kaklase sa Colegio Del
Paraiso.
“Sina Bettina,” sabi niya
kay Ben.
Hustung-husto namang
nakita rin sila ng mga kaibigan niya.
“Hi, Odette!” tawag ng mga
ito, sabay kaway.
Nilapitan niya ang mga
ito, kasunod si Ben.
“Hi, Bettina,” sagot niya. “O,
Carl, Jen, kumusta na?”
Nakipag-high-five siya sa
mga kaibigan.
Nakipagbatian din si Ben
dahil kakilala rin naman nito ang tatlo.
“Join us na lang,” anyaya
ni Bettina.
“Naku, baka naman mas
gusto nila ng privacy, Bet,” nanunuksong sabad ni Jen. “On a date yata sila,
e.”
“Hoy, hindi kami
magka-date, ha?” mabilis na pahayag ni Odette. “At talagang dito na kami
makikiupo sa table n’yo para mas masaya. Hindi ba, Ben?”
“Sure,” sagot naman ng
binata.
Hindi pa sila nagkatabi sa
upuan. Naging magkaharap lang sila.
“Hindi kami puwedeng
magtagal,” pagpapauna na ni Odette. “Eat and run lang ito. Hahabulin kasi namin
ang one night rerun ng Titanic diyan sa Cinerama. Pareho naming hindi napanood
iyon sa regular run, e. Iba pa rin daw sa big screen kaysa sa video lang.”
“Ay, oo,” tango ni Jen.
“Totoo ‘yan.”
“Tatlong beses nga naming
pinanood iyan noong regular run,” natatawang kuwento ni Carlo. “Twice naming
inulit no’ng unang panood, pagkatapos nagyaya pa uling bumalik itong si Jen two days after.”
“At iyak pa rin ako nang
iyak,” tumatawang amin ni Jen.
Katulad ng inaasahan ni Odette,
mabilis silang nakapag-order at mabilis na nai-serve ang kanilang pagkain. Kasabay
ng pakikipagkuwentuhan sa kanyang dating mga kaklase, mabilis silang nakatapos
ng dinner.
Hindi rin naman naging
out-of-place si Ben dahil nakasama nito noon sa ilang clubs sa high school si
Carl. May mga napagkuwentuhan din ang dalawa.
“O, paano, kami na rin ang
mauunang umalis,” paalam ni Odette nang matapos silang kumain.
“Ikumusta mo na lang si
Jen kay Jack,” biro pa ni Bettina.
“That was fun,” sabi ni
Odette nang makalabas sila ng kainan. “Matagal ko na ring hindi nakakakuwento
ang mga kaibigan kong iyon. Mabuti na lang nakasabay natin. Pero okay lang ba
iyon sa iyo? Hindi na ako humiwalay ng mesa para hindi tayo tuksuhin.
“No problem,” sagot ni
Ben. “Nag-enjoy din naman ako with their company.”
“Alam mo, mabuti ka pa
kaysa kay Kuya,” pansin ni Odette. “You can get along with my batchmates kahit
pa hindi ka dito nag-college. Siya aloof sa kanila, e. Para bang ang layu-layo
na ng batch namin sa inyo samantalang one year lang naman ang difference
natin.”
“Marami lang kasi akong
nasalihang activities sa campus noong high school kaya marami rin akong
nakaibigan na hindi ko ka-batch,” paliwanag ni Ben. “At saka kahit after
college, nakaka-deal ko pa rin ang marami sa kanila sa business.”
“And you’re a nice guy,” dagdag ni
Odette. “Iyon ang main reason.”
Nakita niyang namula nang
bahagya si Ben.
“Well, thank you for the compliment,” sagot nito.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento