FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 6
MALAPIT nang magsimula ang screening ng pelikula nang makarating sila
sa Cinerama.
“Sa orchestra na lang
tayo,” sabi ni Odette.
“Sa lodge na,” sagot ni
Ben.
“Sige,” tango rin niya.
“Basta ba hindi balcony,
e,” naisip ng dalaga.
Pagpasok nila sa loob,
napatunayan niyang wala naman pala siyang dapat ikabahala. Dahil kahit pa sa
balcony sila nagtuloy, punung-puno rin iyon ng mga kaibigan nila’t kaibigan ng
kanilang mga magulang. Kabi-kabila nga ang ginawa nilang pagbati habang papunta
sila sa mga upuang nakasaad sa kanilang mga tickets.
“Nandito na yata ang
kalahati ng buong bayan, a,” sabi ni Odette nang makaupo sila.
“That’s just means you
made the right decision,” sagot ni Ben. “Kita mo, marami pa ring gustong manood
nito dito kahit rerun.”
Kumportableng-komportable
na nga si Odette.
Nang magdilim ang mga ilaw
at magsimula ang Titanic, kampante na siyang sumandal nang husto sa kanyang upuan.
Kabisadung-kabisado na
niya ang pelikulang makailang ulit na nga niyang napanood sa video. Ini-enjoy
na lamang niya ngayong makita ito sa higanteng screen.
Iba nga pala ang
pakiramdam ng pinanonood ito sa sinehan. At tama ang sinabi ni Ben. Matatawag
nga itong perfect date movie. Masarap panoorin nang may ka-date. Lalo na siguro
kung boyfriend mo.
Napabuntonghininga si
Odette.
Naalala na naman niya ang
kanyang kawalan. Ang pinakamalaking
pagkukulang sa kanyang buhay.
Kasabay niyon, naramdaman
niyang nakadikit pala ang kanyang balikat sa balikat ni Ben.
Nagkaideya ang dalaga – na
lihim niyang ikinangiti. Puwede siyang magkunwari sa kanyang sarili na
boyfriend niya si Ben. Maranasan man
lang niya ang pakiramdam ng nanonood ng sine na kasama ang boyfriend.
Ano pa kaya ang puwede
nilang gawin sa ganitong pagkakataon kung nagkataon ngang boyfriend niya si
Ben? Naalala niya ang mga nabasa niya sa mga paborito niyang nobela.
Napalunok si Odette.
Na-imagine niyang
nakaakbay si Ben sa kanya. Pagkatapos, kakabigin siya nitong papalapit. Itataas
ng kabila nitong kamay ang kanyang mukha. At hahagkan siya sa mga labi.
Kamuntik na siyang mapasinghap.
Pero may umubo sa kanyang
likuran. At natauhan si Odette.
Nakapaligid nga pala sa
kanila hindi lang ang ilan sa kanilang mga kaibigan kundi pati na rin ang ilang
mga kaibigan ng mga magulang nila. Kahit pa totoong boyfriend niya ang kanyang
kasama, hindi nila puwedeng gawin ang tulad ng sa mga nabasa niya. Ang mga
pinapantasya niya.
Iba nga pala rito sa Paraiso.
Palibhasa’y iilan lang itong mga sinehan
at magkakakilala ang halos lahat ng mga magkakababayan, imposibleng magkaroon
ng privacy sa ganitong lugar.
Napailing sa sarili si
Odette.
Kahit pala boyfriend niya
si Ben, hanggang pagpapantasya lang din ang puwede niyang gawin sa sinehan.
Hanggang ganitong pagdidikit lang ng balikat ang puwede nilang pangahasan.
Pero noon niya
napatunayang may sarili rin palang excitement ang ganoong situwasyon. Iyong
parang napakainosente ng kanilang kalagayan – magkatabi’t nagkakadikit lang ang
mga balikat. Paano kung sa mga sandali ring iyon ay nagkakaisa ang magkatipan
sa kanilang iniisip at pinapantasya? Kung ang bahagyang-bahagyang pagkiskis ng
kanilang balat sa isa’t isa ay may hatid na mensaheng sila lamang ang nakakaunawa?
Ay, mas lalo pa yatang nakakadarang ang ganoong eksena.
Kahit nga siya lang ang
nakakaisip ng ganoon ay naapektuhan na si Odette. Bumilis ang pintig ng kanyang
pulso. Parang kinapos siya ng hininga.
Bigla niyang naramdaman
ang init na dala ng balikat ni Ben sa kanyang balikat. Ang lambot ng tela ng
t-shirt nitong nakadikit sa kanyang balat.
Nakadama ng panghihinayang
ang dalaga.
Ito talagang lalaking ito,
sabi niya sa sarili, pinagpapantasyahan ko na’t lahat-lahat, wala pa ring
kamuwang-muwang. Hopeless talaga.
Para namang sinadya na ang
kasunod na eksena ng pelikula ay iyong iginuguhit ni Leonardo DiCaprio ang
bidang babaing walang saplot.
Natigilan si Odette.
Kahit kasi makailang ulit
na niyang napanood ang eksena, ngayon lang niya naiugnay ang reaksiyon at
personalidad ng karakter ni Leonardo kay Ben. Iyong pagkayanig nito sa
paghuhubad ng bidang babae sa harap nito. Iyong halos panginginig ng mga kamay
nito habang iginuguhit ang kaharap na kariktan.
Iyon mismong mga
reaksiyong iyon ng karakter ni Leonardo ang bumundol as kanyang puso mula pa
lang sa una niyang pagpanood sa Titanic. Nakakaantig pala ng damdamin ang
ganoong reaksiyon ng isang lalaking masyadong umiibig.
Ganoon din kaya si Ben?
Pagdating sa eksena ng
pagtatalik ng mga bida sa pelikula, hirap na si Odete na gawing normal ang
kanyang paghinga.
Mabuti na lang at madilim
sa loob ng sinehan dahil ang hindi na niya nagawang kontrolin ay ang pamumula
ng kanyang mukha.
Hindi na rin niya napigil
ang eksenang dumating sa kanyang imahinasyon. Mga eksenang kinatatampukan
nilang dalawa ni Ben. Mga eksenang naglalarawan sa magiging reaksiyon ni Ben
sakaling silang dalawa ang dumating sa ganoong situwasyon.
Biglang nagkaroon ng ibang
dimensiyon ang binata sa kanyang paningin. Hindi na ngayon katawa-tawa o
nakakaawa para sa kanya ang pagkamaginoo nito. Ang ibayo nitong ingat sa
pakikitungo sa kanya.
Kung ganito kamaginoo at
kaingat si Ben ngayong nanliligaw pa
lamang, paano naman kaya ito sakaling mabigyan na niya ng permiso at karapatang
maging boyfriend niya? O asawa?
Parang kiniliti ang puso
ni Odette sa ideyang iyon.
Iba na tuloy ang
pakiramdam niya habang pinanonood ang natitira pang bahagi ng pelikula.
Nakatutok man sa harap ang kanyang mga mata, nakatuon naman ang kabuuan ng kanyang
atensiyon at pakikiramdam sa kanyang katabi.
Pero tulad ng dapat na nga
niyang asahan, natapos at natapos ang Titanic nang walang anumang ginawa si Ben
liban sa di marahil sinadyang pagkakadikit ng balikat nito sa balikat niya.
Bumaling lang ito sa kanya
nang magbukas na uli ang mga ilaw sa loob ng sinehan.
“So did you enjoy it?”
tanong pa nito. “Umiiyak ka ba?”
“Hindi, ha?” sagot ni Odette.
“Pero mas feel na feel nga pala itong panoorin nang ganito.”
“Salamat naman at hindi ka
nagsisisi,” sabi ni Ben.
“Hinding-hindi talaga,”
depinidong sagot niya.
Noong nasa daan na sila
pauwi, tinukso siya ng binata.
“Baka mapanaginipan mo pa
niyan si Leonardo DiCaprio,” sabi nito.
“Ay, hindi ko naman crush
si Leo,” iling niya. “Gustung-gusto ko ang team-up nila ni Kate sa movie. Bagay
na bagay sila. Pero personally, parang totoy ang tingin ko sa kanya. I prefer
more mature men. At least, older sa akin.”
“Like me?” pabirong sagot
ni Ben.
Nagulat si Odette. Pero
nagawa pa rin niyang makabawi.
“Nag-aambisyon ka palang
makalamang kay Leonardo, ha?” ganting tukso niya sa binata. “Palagay ko, ikaw
itong mananaginip mamaya kay Kate Winslet.”
Tumawa lang si Ben.
Paghimpil nila sa tapat ng
bahay, umibis na agad ang binata. Sinamahan siya nito hanggang sa mismong front
door.
“Tulog na tulog na yata
silang lahat,” pansin nito.
“Tumawag ako kanina’t
nagbilin na huwag na nila akong hintayin,” paliwanag ni Odette. “May susi naman
ako na palagi kong dala.”
“Akin na,” sabi ni Ben.
“I’ll open the door for you.”
Iniabot niya rito ang
kanyang bungkos ng mga susi. Nakahiwalay na ang para sa front door.
Binuksan nga ni Ben ang
pinto at hinawakan pang nakabukas para sa kanya.
“Pasok na,” sabi nito.
“I’ll wait until you lock up from the inside bago ako aalis.”
Pagdaan niya sa tabi nito,
saka naman halos ibinulong na nito sa kanya ang mga katagang, “Good night”.
Napatingala tuloy si
Odette. Nataon pa namang halos magkadikit na sila.
Nasalubong niya ang matiim
na titig ni Ben.
“G-good night,” kamuntik
nang mautal na sagot niya bago mabilis na pumasok ng bahay.
Nakangiti na nang kaswal
si Ben pagbaling niya uli rito.
“Lock the door na,” sabi
pa nito.
Sumunod na lamang siya.
“Aalis na ako,” paalam pa
ng binata mula sa kabila ng pinto.
Sinilip ito ni Odette mula
sa bintanang katabi ng pinto. Hindi naman siya makikita ni Ben dahil wala nang
ilaw sa loob ng bahay. Umalis lang siya sa tabi ng bintana nang makaalis na rin
ang kotse ng binata.
Nalilitong pumanhik si
Odette sa kanyang kuwarto.
Hindi niya malaman kung
bakit parang magmula lang noong isang araw ay kayrami nang nagbago kay Ben. Mga
pagbabagong hindi naman niya eksaktong maipaliwanag.
Oo nga’t nagpahayag ito na
babaguhin na ang sarili. Aalis na sa masyadong pagkatradisyonal.
Pero kung tutuusin, ang
nakita lang niyang hayagang pagbabago kay Ben ay ang suot nito ngayong gabi. Na
bumagay naman.
Napailing sa sarili si
Odette habang naghuhubad na ng damit sa kanyang sariling banyo.
Hindi lang iyon, e. May
subtle changes talaga kay Ben na nakakapanibago sa kanya.
Noong isang araw, akala
niya, ‘yung pagpapakamisteryoso lang nito ang kakaiba. Kaso, natugunan na iyon
ng pagpapaliwanag ng binata kinabukasan.
Nasa shower na si Odette
nang maisip niyang hindi kaya siya ang nagbago at hindi lang si Ben?
Oo nga. Bakit ba bigla na
lang niyang napagtuunan ng pansin ang kababata? Katulad na lang kanina sa
sinehan.
Nagsasabon pa naman ng
katawan si Odette nang magbalik sa kanyang imahinasyon ang mga eksenang naisip
niya kanina sa sinehan. Parang bigla tuloy naging sensitibo ang kanyang balat
maging sa sarili niyang mga kamay.
Bigla rin niyang naalala
ang nangyari kanina sa ibaba.
Noong tumingala siya
habang magkatabi at halos magkadikit na sila ni Ben. Kaunting-kaunting yuko na
lamang pala nito’y magdidikit na ang kanilang mga labi. Ganoon katugma ang
kanilang height sa isa-isa. A perfect fit.
Hindi niya naiwasang
maisip na sakaling magkaharap sila’t magkayakap ngayon ni Ben ay eksaktung-eksakto
ring magtutugma ang kanilang mga katawan sa isa’t isa.
Nayakap ni Odette ang kanyang
sarili.
Pagkatapos, minadali na
niya ang pagbabanlaw.
Tinatangka niyang burahin
sa kanyang isip si Ben. Para kasing nakaka-guilty.
Para ring napapahiya siya
sa kanyang sarili. After all these years at sa lahat ng pamimintas niya sa
kababata’t kinakapatid, heto siya ngayon at pinagpapantasyahan si Ben.
Kailangan na talagang mahanap niya ang kanyang romance novel hero. Dahil kung hindi, baka bago pa man siya tumandang dalaga ay mapagdiskitahan na niya si Ben.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento