Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 7

PAGSAKAY ni Odette sa kotse kinabukasang sinundo siya ni Ben sa bahay, determinado ang dalaga na hindi mahalata ang nagbago na niyang pagtingin sa binata.

        “O, napanaginipan mo ba si Kate?” Inunahan na niya ito ng kantiyaw.

        “Hindi,” iling ni Ben. “Ang sarap nga ng tulog ko, e.”

        “Kaya pala mukha kang fresh na fresh,” kunwa’y balewalang pansin niya.

        “Talaga?” sabi naman ni Ben. “Thank you. Ikaw rin naman, a. Para kang hindi napuyat kagabi.”

        “Puyat na bang matatawag iyon?” sagot ni Odette. “Maaga pa iyong tulog ko kagabi. Madalas nga, inaabot ako ng madaling araw sa pagbabasa.”

        “Nagbabasa ka pa rin sa bahay sa gabi?” sabi ng binata. “Hindi ka pa ba nagsasawa sa kaharap mong mga libro sa maghapon?”

        Natawa si Odette.

        “Hinding-hindi ako magsasawa sa mga libro,” pahayag niya. “Kaya nga bookstore ang napili kong itayong business, e.”

        “Pero alam mo, hindi lahat ng bagay ay makikita mo sa mga libro,” sabi ni Ben. “Dapat lumalabas ka rin.”

        “Lumalabas naman ako, a,” sagot ng dalaga. “Hindi naman ako nagmomongha. Kagabi nga lang, magkasama na tayong lumabas, hindi ba?”

        “Pero indoors pa rin iyon,” katuwiran ni Ben. “Ang ibig kong sabihin sa paglabas ay ‘yung outdoors, literally. Mag-picnic kaya tayo?”

        “Ano?” gulat na sagot ni Odette.

        “I just had this sudden flash of inspiration,” sabi ng binata. “Kailan pa ba tayo huling lumabas at nag-outing? Matagal na, hindi ba?”

        “At saan ka naman magpi-picnic?” natatawang tanong ni Odette. “Sa park? Sa Boy Scout Jamboree Site? Corny na iyon.”

        “Kasi nga, pag sinabing picnic, iyon at iyon na lang ang naiisip nating  puntahan,” sagot ni Ben. “Nakakasawa na nga siyempre sa mga lugar na iyon. Di humanap tayo ng iba. Ang ganda-ganda ng kapaligiran nitong bayan natin. Let’s explore it.”

        “Naku, ha,” nangingiti pa ring sabi ni Odette. “Bigla ka yatang naging adventurous.”

        “And why not?” tanong ng binata. “Hindi na tayo mga bata ngayon na kailangan pang humingi ng permiso sa parents natin. We’re adults who are responsible enough to take care of ourselves on an adventure. At saka wala naman tayong susuunging panganib. Hindi naman tayo aakyat ng bundok na matarik. Hindi tayo lalayong masyado.”

        “At saan mo naman balak mag-explore?” tanong ni Odette.

        “Makalampas lang ng Jamboree Site,” sagot ni Ben. “’Yung hindi na sakop ng development nila. Doon sa natural na natural pa ang paligid. Nature as it was meant to be.”

        “Naks, ha,” sabi ng dalaga. “Desidido ka talaga. Magdala ka lang ng cellphone para pag nawala ka, matatawagan mo kami. Mare-rescue ka namin.”

        “Ano’ng ako lang?” sagot ni Ben. “Tayong dalawa. Sumama ka na. Where’s your sense of adventure? Nakokornihan ka sa Jamboree site pero kahit sa katabi lang pala noon, natatakot ka nang mag-explore. And this is just the right time for us to do this, habang bata pa tayo at kaya pa natin. Hindi mo mae-experience sa pagbabasa lang ang enjoyment na dala ng outdoors.”

        “Sino naman ang nagsabing natatakot ako?” medyo napipikang tugon ng dalaga. “Hindi naman masukal iyong paligid ng Jamboree Site. Ano naman ang katatakutan ko roon?”

        “Exactly,” tango ni Ben. “O baka naman takot kang maarawan? Baka ayaw mong umitim o magka-premature wrinkles.”

        “Heh!” sagot ni Odette. “Tumigil ka. Hindi ako ganoon ka-vain, ano? And besides, bata pa ako para mag-worry sa wrinkles.”

        “Di tara,” hamon ng binata. “Why don’t we go this Sunday? Ako na’ng bahala sa ibabaon nating pagkain. Magdadala uli ako ng adobong itik. ‘Yung pinatuyuan na malutong-lutong.”

        “Ang bilis mo namang magplano,” reklamo ni Odette. “Ora-orada.”

        “Ora-orada pa ba naman ito?” pangangatuwiran ni Ben. “Huwebes pa lang ngayon, a. Sunday pa ‘yung picnic natin. We have all the time to prepare.”

        “Pag-iisipan ko,” sagot ng dalaga.

 

HINDI siya tinigilan ni Ben. Mula Huwebes hanggang Sabado ng umaga ay kinulit siya nito nang kinulit. Hanggang pumayag na rin siya.

        Kung sabagay, magmula pa lang noong una nitong binanggit ang tungkol sa picnic ay nakiliti na ang imahinasyon ng dalaga. Kung anu-anong mga eksena na rin ang nabuo niya na kung saan laging dadalawa lang sila sa kalagitnaan ng kagubatan o sa tabing ilog.

        Bandang huli, nanaig din ang kuryosidad ni Odette. Sige nga, sabi niya sa kanyang sarili, tingnan ko nga kung ano ang puwedeng gawin ng lalaking ito kapag nagkasarilinan kami sa ilang na lugar.

        Hinding-hindi niya gagawin sa iba niyang manliligaw ang ganoon – ang sumama nang mag-isa. Pero kay Ben ay wala siyang pangamba.

        Pinag-isipan na rin naman niya. Paano kung sa kabila ng lahat ng inakala niya’y biglang mag-iba nga si Ben? Paano kung mangahas ito’t magkatotoo ang mga eksenang nagmula sa kanyang imahinasyon? Aba, kakatwa ang kanyang reaksiyon. Hindi siya natakot. Excitement ang gumuhit sa kanyang puso.

        Doon natiyak ni Odette na iisang bagay lang pala talaga ang kakulangan ni Ben kung kaya’t hindi niya ito magustuhan nang ganap. Kailangan niyang madama mula sa binata ang higit pa sa pasibong pagmamahal. Kailangan niyang madamang may apoy rin ang pagnanais nito sa kanya.

        Iyon lang ang mapatunayan ni Ben ay posibleng mapaibig na siya ng kababata. Pupuwede na niyang kalimutan ang hinahanap niyang romance novel hero.

        Mahirap naman kasi itong ganito na siya lang ang nagpapantasya ng tungkol kay Ben. Ipakikipagsapalaran ba niya ang kanyang buhay sa isang lalaking mapagmahal nga pero napakapasibo namang magmahal?

        Kaya nagpasya si Odette. Sasama siya kay Ben sa picnic. Bibigyan niya ito ng pagkakataon na mapatunayang may itinatago rin itong apoy sa sarili.

        “Ano’ng kailangan kong dalhin?” tanong niya rito pagkatapos niyang umoo.

        “Bihisan lang, sakaling maisipan nating lumusong sa ilog,” sagot ng binata. “At para makasiguro, magdala ka na rin ng insect repellant at sunblock lotion.”

        “Akala ko ba naaartehan ka sa babaing takot umitim?” parang panunumbat ni Odette.

        “Biro lang iyon,” sagot ni Ben. “Totoo namang at our age, babae o lalaki, kailangan natin ng proteksiyon laban sa matinding init ng araw. Hindi lang wrinkles ang dala niyon. Posible ring skin cancer. So, huwag mo nang pagtampuhan ‘yung pangangantiyaw ko noong isang araw.”
        “Ano ba ang itinerary natin?” tanong ng dalaga.

        “Puwede tayong umalis dito nang mga six or seven ng umaga, depende sa gusto mo,” sagot ni Ben. “Kalahating oras lang naman ang drive papuntang Jamboree Site. Doon natin iiwanan ang kotse. From there, hiking na. Naisip ko, sundan na lang natin ‘yung ilog na dumadaan sa Jamboree Site. Maghanap tayo ng magandang spot sa mas malayo. ‘Yung malilim. Puwede tayong mag-swimming doon. Doon na rin tayo mag-lunch. Afterwards, either balik-swimming uli o kaya  mag-explore pa tayo sa paligid. By mid-afternoon, pabalik na tayo sa Jamboree Site. Siguruhin lang natin na hindi tayo aabutin doon ng dilim. Okay ba sa iyo iyon?”

        “Okay lang,” nakangiting sagot niya. “I think I can handle that.”

        Pero ang inginingiti talaga ni Odette ay ang mga nakikini-kinita na niyang oportunidad para sa kanilang dalawa.

        Iniisip na niya, ano kaya ang isusuot niyang pampaligo?

       

ALAS-SIYETE na nakalakad sina Odette at Ben.

        Paano kasi, pagdating ni Ben nang alas-sais, hindi pa nakakapag-almusal ang dalaga.

        “Halika, sabayan mo ‘ko,” anyaya niya.

        “Tapos na ako,” sagot ng binata. “Hindi ko natiis na hindi tikman ‘yung ipinaluto kong adobong itik na baon natin. Ang sarap.”

        “Ay, ang daya, sabi ni Odette. “Akin na, patikim din.”

        “Pang-lunch natin iyon,” katuwiran ni Ben.

        “Binabawasan mo na rin lang, e,” sagot naman niya. “Babawasan ko na rin ‘yung parte ko. Sige, na. Kunin mo sa kotse.”

        Hindi nakatanggi ang binata. Tumagal tuloy ang pag-aalmusal ni Odette.

        “Huwag kang masyadong magpapakabusog,” bilin ni Ben. “Baka mahirapan kang mag-hike.”

        “Hmm, I’m sure marami ka ring nakain kanina,” kantiyaw naman ng dalaga.

        “At this rate, baka nga hanggang Jamboree Site na lang tayo,” tumatawang sagot ni Ben. “Baka pagdating doon lantakan na natin ang natitirang baon natin.”

        “Ay, huwag naman,” iling ni Odette. “Ngayon pang nakumbinse mo na akong mag-adventure.”

        Sa wakas, nakalakad din sila’t nakarating sa Jamboree Site.

        “Ang laki naman pala niyang backpack mo,” gulat na sabi ni Odette nang makita ang isinukbit ng binata sa balikat. “Kaya mo ba ‘yan?”

        Ordinaryong backpack lang kasi ang sukbit niya. May lamang bottled mineral water, tuwalya at bihisang pang-uwi.

        Balak niyang ilusong na sa ilog ang suot na shorts at tank top. OA naman kung swimsuit pa ang ipampapaligo niya roon.

        “Huwag kang mag-alala, magaan lang ito,” sagot ni Ben. “Pagkain lang natin at isang palit ko ng damit ang laman nito. Pang-mountain climbing kasi ang backpack na ito kaya talagang malaki.”

        “Hindi ka naman mountain climber, a,” sabi niya. “Bakit mayroon ka niyan?”

        “Hayaan mo na ako sa mga ilusyon ko,” natatawang amin ni Ben. “Nagbabakasakali lang ako na pag-nasimulan ko ang ganitong mga nature trips, baka eventually mag-progress din ako sa mas seryosong mga climbs. Kaya nang makita ko ito sa sports shop, naengganyo akong bilhin.”

        “Delikado ‘yon, a,” nakakunot-noong sabi ni Odette. “May mga nadidisgrasya sa mountain climbing.”

        “Hindi mo ako papayagan?” parang nanunuksong tanong ni Ben.

        “Ano naman ang karapatan kong pagbawalan ka?” mabilis na pakli ng dalaga. “Ang sinasabi ko lang, huwag kang pabigla-bigla. Kung seryoso ka sa mountain climbing, mag-training ka nang totohanan at makipag-coordinate sa tamang authorities. Hindi pupuwede diyan ang bara-bara lang.”

        “Opo,” ngingiti-ngiting sagot ni Ben. “In the meantime, mag-hiking na tayo. I assure you, safe na safe itong pupuntahan natin.”

        Lumabas sila mula sa kabila ng compound ng Jamboree Site. Pinili nilang tahakin ang direksiyon palayo sa bayan. Palayo rin sa kinaroroonan ng highway.

        “Alam mo ba ang general direction na pupuntahan natin?” tanong ni Odette.

        “Kabisado ko ang Jamboree Site sa taun-taong scouting noong nasa elementary at high school ako,” sagot ni Ben. “Alam ko kung saan lumalabas ang ilog sa boundary ng compound. Iyong karugtong noon ang hahanapin natin.”

        Mula sa highway, tumawid sila ng damuhan papasok sa looban. Mayamaya, naging mas mapuno na ang paligid. Nasa paanan na sila ng mga mabababang bulubundukin.

        “May gubat ba tayong papasukin?” tanong ni Odette

        “Wala pang gubat sa banda rito,” sagot ng binata. “Hanggang ganito lang. Doon pa ang totoong gubat sa mas mataas na parte ng bundok. Hindi na tayo aabot doon.”

        “Ay, sayang,” sabi niya.

        Natawa si Ben.

        “Ikaw naman yata ngayon ang nagiging very adventurous,” sabi nito. “Akala ko ba, sabi mo, hinay-hinay lang?”

        “Hindi naman ako naghahanap no’ng tipong deep jungle na, ‘no?” sagot ng dalaga. “Akala ko lang mas masukal kaysa sa ganito ang makikita natin. Iyong naiiba talaga sa ordinaryo nating napupuntahan o nakikita.”

        “Iba ito in the sense na talagang natural wilderness na itong matatawag. Hindi napapakialaman ng tao,” paliwanag ni Ben. “Tamang-tama lang itong ganitong area para sa mga tulad nating hindi naman talaga sanay na mag-hiking. Hindi tayo mapapasubo.”

        “Hindi kaya trespassing itong ginagawa natin?” tanong ni Odette. “Wala bang nagmamay-ari ng lupang ito?”

        “Public land pa rin ito,” sagot ni Ben. “Hindi pa lang ginagamit ng gobyerno.”

        Habang naglalakad sila, panay ang alalay ni Ben sa kanya. Kapag medyo pataas o pababa ang lupa, nakahawak na agad ito sa may siko niya.

        Mga kalahating oras din silang naglakad bago nila narating ang tabing-ilog. Pero nagkatinginan silang dalawa sa naabutan nila roon.

        May isang maingay na grupo ng mga batang lalaki na masayang nagsisipaligo sa bahaging iyon ng ilog. May kasama ang mga ito na apat na matatanda. Isang lalaki at tatlong babae.

        Kilala nila ang apat na iyon. Mga dati rin nilang guro sa Colegio Del Paraiso elemantary department.

        Napabunghalit ng tawa si Odette pagkalipas ng saglit na pagkabigla.

        “Ang galing natin,” sabi niya. “Nagpakahirap pa tayong mag-hike nang kalahating oras, pagkatapos ay boy scouts pa rin ang makakasabay natin dito. Extended na yata hanggang dito ang Jamboree Site.”

        Pikon na pikon naman si Ben.

        “Noong araw naman, hindi kami pinapayagan lumabas ng compound, a,” parang paghihimutok pa nito. “Bakit nakarating dito ang mga iyan?”

        Nilapitan sila ng lalaking kasama ng mga bata.

        “Ben! Odette!” masayang salubong sa kanila ni Sammy Francisco. “Kumusta na?”

        “Hi, Sir Sam!” natatawa pa ring sagot ng dalaga. “Heto, mukhang makikipag-scouting uli kami sa inyo. Just like the good old days.”

        “Sir, bakit nandito kayo sa labas ng compound?” tanong ni Ben.

        “Nagsawa na ang mga bata sa loob, e,” sagot ng guro. “Gusto raw nila ng totoong nature exploration.”

        Tumango si Odette, tawa pa rin ng tawa.

        “Iyan din mismo ang ginagawa namin,” amin niya. “And we were so excited. Akala namin, daring na kami. Iyon pala, mga bata ang makakasabay namin.”

        “Ganoon ba?” sabi ni Sammy. “Well, kung ayaw ninyo ng magugulo, doon na kayo sa banda pa roon ng ilog.”

        Nahiya namang bigla si Odette. Ayaw niyang isipin ng mga dati nilang guro na magka-date sila ni Ben at naghahanap ng privacy.

        “Hindi, Sir, masaya nga ito, e,” mabilis niyang sagot.

        Binalingan pa niya si Ben.

        “Let’s stay here na lang,” sabi niya.

        “Oo, ‘ba,” pakibit-balikat na sang-ayon naman ng binata.

        Binati nila ang tatlo pang mga dati nilang guro. At nagbaba na roon ng gamit sina Odette at Ben.

        Buong maghapon silang nakipaglaro sa mga bata. Naging parang mga assistant teachers sila sa pag-o-organize ng water games.

        Sa pananghalian, nakisalo sila sa grupo. Isinama nila sa potluck ng mga ito ang kanilang baon. Dumami ang natikman nilang ulam.

        Nagsisipaligo uli sila sa ilog noong hapon nang mapansin ni Sammy na nagdidilim ang langit.

        “Mukhang uulan, a,” sabi  ng Scout Master. “Okay, scouts, that’s enough. Out of the water. Kailangang makabalik  tayo sa compound bago bumagsak ang ulan.”

        Agad na sumunod ang mga bata.

        Nagmamadali silang lahat pero ganoon pa man, inabutan din sila ng malakas na buhos ng ulan bago pa makaahon sa highway. Naging maputik tuloy ang kanilang mga dinaanan.

        Tumuloy pa ang tropa sa mismong Jamboree Site. Doon kasi naghihintay ang iba pang gamit ng mga bata.

        Sina Odette at Ben naman, nagpaalam na’t nagtuloy sa parking lot.

        Pareho silang basang-basa ng ulan at putikan ang mga paa nang makarating sa kotse.

        “Marurumihan ang loob ng kotse mo,” pag-aalala ni Odette.

        “Huwag mo nang problemahin ‘yon,” sagot ni Ben. “Ipapa-shampoo ko na lang ito bukas. Pasok na bago ka mapulmunya.”

        Nang makaupo na sila sa loob, binalingan siya ng binata.

        “Pasensiya ka na, ha?” sabi nito. “This adventure didn’t come out as expected.”

        “Masaya naman, a, sagot ni Odette. “Hindi ko nga akalain na mag-e-enjoy akong kasama ang mga bata. But it was really fun. Mas masaya pa nga kaysa sa mga naaalala kong outing noong estudyante ako.”

        “Madaya talaga itong sina Sir Sam, e,” himutok pa rin ni Ben. “Noong panahon natin, ayaw tayong ilabas sa Site. Ngayon, papayag din pala.”

        “At least, we had the chance to enjoy it with them,” sabi ng dalaga.

       

NANG gabing iyon, habang binabalikan ni Odette sa kanyang isip ang maghapon, wala rin naman talaga siyang makapang disappointment.

        Oo nga’t hindi nagkaroon ng pagkakataon para mabigyang-buhay ang kanyang mga pinantasyang eksena. Pero totoo rin namang nag-enjoy siya nang husto.

        Naging para uli silang mga bata kanina, lalo pa dahil kasama nila ang dati nilang mga guro.

        Naisip ni Odette, iyon nga yata ang tinatawag na serendipity. Kaligayahang hindi inaasahan pero basta na lamang nasusumpungan.

        Ang naranasan niya kanina ay isang pagbabalik sa kainosentehan. Sa mga simple at purong kagalakan ng kabataan.

        Bagay ngang si Ben ang kasama niya kanina. Si Ben na mula’t sapul ay naging bahagi na ng masasayang eksena ng kanyang kabataan.

        Hindi nasayang ang kanyang maghapon. Hindi siya nagkamali sa pagsama kay Ben sa picnic na iyon.

        Marami pa namang pagkakataon para masubok niya ang iba pang nais niyang mapatunayan mula kay Ben.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento