Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

TAWA nang tawa si Lorraine habang kinukuwentuhan ni Odette.

        Siyempre, hindi kasama sa pagkukuwento niya ang kanyang mga pribadong pantasya. Hindi pa niya kayang aminin kahit sa pinakamatalik na kaibigan na may pagbabago nang naganap sa kanyang pagtingin kay Ben.

        Iyong tungkol lamang sa picnic ang ibinida niya rito.

        “Ang weird naman niyon,” sabi ni Lorraine. “Para kayong nabalik sa elementary.”

        “Weird nga pero masaya,” sagot ni Odette. “Magaling palang mag-handle ng mga bata itong si Ben. Tuwang-tuwa nga si Sir Sam na bigla siyang nagkaroon ng katuwang na lalaki. Alam mo naman kasi pag nagharutan na iyong mga little boys. Nahihirapan nang umawat iyong mga teachers nating babae.”

        “Pero teka, may napapansin yata ako,” sabi ni Lorraine. “Last week, nanood kayo ni Ben ng sine. Kahapon naman, nag-picnic kayo. Baka iba na ‘yan, ha?”

        “Luka-luka!” mabilis na sagot niya. “Wala po iyon, ano? Di ba ikinuwento ko naman sa iyo na pambayad-utang ko nga lang sa kanya ‘yung pagsama ko sa panonood ng Titanic? Pambawi ko lang iyon sa pagkakasiko ko sa ilong niya. Ito namang picnic, naisipan lang namin. Sabi nga kasi niya, masyado akong nalululong sa puro na lang libro. Kailangan ko ring ma-enjoy ang outdoors. Naisip kong tama siya. At sino pa ba naman ang puwede kong kasama sa ganoong lakad? Alangan namang iyong iba kong suitors. Si Ben lang ang pinagkakatiwalaan ko sa kanila, e.”

        “Dahil harmless si Ben?” sabi ni Lorraine. “Paano kung, sooner than you think, makikilala mo na rin ang iyong romance novel hero?” tanong ni Lorraine.

        At ngumiti ito nang makahulugan.

        “Bakit?” nagdududang tanong ni Odette. “May alam ka ba na hindi ko alam?”

        “Meron,” sagot ni Lorraine. “Kinukumbida kayo nina Irene at Ding for dinner bukas ng gabi. May darating uli na mga showbiz friends nila at ni Dan. Magbabakasyon dito for a couple of days. Alam mo naman ‘yung bahay ng pinsan ko, palaging open house sa mga bisitang taga-Maynila. Lalo na magmula noong magtayo sila ng production company.”

        “Bakit naman kumbidado pa kami?” tanong ni Odette. “Ano naman ang koneksiyon namin sa showbiz?”

        “Magpapa-party sina Irene at talagang nangungumbida ng mga tagarito para makilala ng mga bisita nila,” sagot ni Lorraine. “Kailangang pumunta ka para makilala mo rin si Paul Pereira.”

        “Paul Pereira?” ulit ng dalaga. “Sino siya?”

        “Na-meet ko na siya sa Maynila,” pagkukuwento ni Lorraine. “Ipinakilala sa akin ni Dan. He’s a young producer. Maykaya ang pamilya, e. Pero magsisimula pa lang. Action films ang balak niyang gawin. Gusto rin kasi niyang maging action star. I think he’ll make it. Martial arts expert ba naman. Isa pa, he’s tall, dark and handsome. Of course, binata. I just thought you might find him interesting.”

        Umiilaw ang mga mata ni Odette.

        “He sounds perfect,” sabi niya. “Para ngang romance novel hero.”

        “So be sure to look your best tomorrow night,” bilin ni Lorraine. “Iyon nga lang, kumbidado rin si Ben.”

        Natigilan si Odette.

 

NATUWA naman si Ben nang ibalita niya rito ang imbitasyon nina Irene at Ding.

        “Tutuloy na ba tayo roon pagkasundo ko sa iyo dito bukas?” tanong nito.

        “Ay, hindi,” iling niya. “Gusto ko munang umuwi para makapag-freshen-up at makapagbihis.”

        “Sige,” tango ng binata. “Susunduin kita rito at six, as usual. Then, ihahatid kita sa inyo. Uuwi na rin muna ako para makapag-shower. I’ll pick you up between seven thirty and eight. Okay?”

        “Okay,” sagot niya.

 

NAG-AYOS nang mabuti si Odette.

        Naisip kasi niya, kung may makikilala rin lang siyang lalaki na tipong romance novel hero, aba’y dapat lang na preparado siya.

        Sa kabilang banda, may nadarama rin siyang kaunting pagka-guilty kay Ben.

        Kung bakit naman kasi parang unti-unti na siyang nade-develop sa kanyang kababata nitong mga nakaraang araw.

        Kung sabagay, wala namang kaalam-alam si Ben. Isa pa, hinihintay pa rin niyang magpakita ito ng hinahanap niyang init ng pagkatao. Ng passionate nature.

        Binibigyan naman niya ng mga pagkakataon si Ben. Hindi na niya kasalanan kung sa kabagalan nito’y maunahan nga ng estrangherong ngayong gabi pa lamang niya makikilala.

        Baka nga tama lang na kasama niya si Ben ngayong gabi. Maikukumpara niya ito kay Paul Pereira. Makikita rin niya ang reaksiyon ni Ben sa taga-Maynila.

        Itim na mini ang isinuot ni Odette. Malambot ang stretch fabric nitong sumusunod sa magandang hubog ng kanyang katawan. Lalong pinatingkad ng makikitid na spaghetti straps ang kakinisan ng kanyang mga balikat.

        Nakataas ang kanyang lampas-balkat na buhok, pero casual lang ang pagkakaipit nito sa isang itim na butterfly clip. Maraming mga hiblang nakalugay sa gilid ng kanyang mukha.

        Hindi naman matatawag na pormal ang kabuuan niyang dating dahil wala siyang make-up liban sa manipis na lipstick. At kahit napaka-sexy ng kanyang platform sandals ay casual pa rin ang mga ito.

        Ni hindi siya nagdagdag ng alahas. Iyon lang lagi niyang suot na white gold hoop earrings at all-steel Tissot ladies’ watch.

        Maging ang kanyang itim na ginantsilyong mini-shoulder bag ay angkop sa kanyang look of casual elegance.

        Tamang-tama lang ang get up ni Odette para sa isang informal outdoor party sa bakuran nina Irene.

        “You look great,” sabi ni Ben nang daanan siya nito sa bahay.

        “Thank you,” sagot niya.

        Pero nakukulangan siya sa reaksiyon ng binata. Ngayo’y parang gusto niya itong madaliin.

        Gusto niya itong pagsabihan na, “Sige na, show me how passionate you can be. Bago mahuli ang lahat.”

        Bakit ganito? Excited siyang makilala si Paul Pereira pero nag-aalala rin siya para kay Ben. Nangangamba siyang baka nga maungusan si Ben ng taga-Maynila.

        Paano kung ganoon nga ang mangyari? Paano kung si Paul Pereira na nga ang hinahanap niyang romance novel hero at ligawan siya nito? Kaya ba niyang saktan ang damdamin ni Ben?

        Ngayon pa namang nagtatangka na itong kumawala sa dating pagka-tradisyunal.      Katulad ng bihis nito ngayong gabi. Napakakisig nito sa suot na long-sleeved checkered shirt, nakalilis ang manggas at nakapaloob sa pantalong khaki. May kakaibang ere na rin ang pagdadala nito sa ganoong kasuotan. Self-confident pero relaxed. Mukha nga talagang vice-president ng sariling kumpanya, pero halatang batambata pa’t binata. Puwedeng-puwedeng ihanay sa mga very successful young urban professionals sa Makati.

        “You look great, too,” hindi napigil sabihin ni Odette. “Dapat lagi kang nagbibihis nang ganyan.”

        “Sinabi mo, e,” maliwanag ang ngiting sagot ni Ben. “Dadalasan ko na ang pagsusuot ng ganito.”

        Lalong parang kinurot ang puso ng dalaga.

        Ano ba naman ito, sabi niya sa kanyang sarili. Bakit ba masyado kong pinoproblema ang lalaking ito?

        Marami nang tao pagdating nila kina Irene.

        Namataan agad sila ni Lorraine pagpasok pa lang nila sa bakuran. Sinalubong na sila nito at ni Adan.

        “Ang ganda-ganda mo,” sabi ni Lorraine pagkatapos nilang magbatian.

        “Pinapatunayan lang ni Odette na tama ang lagi kong ipinagmamalaki sa mga kaibigan kong taga-Maynila,” sabi naman ni Adan. “Magaganda talaga ang mga babae sa Paraiso. Kaya nga nakapag-asawa ako rito, e. Hindi ba, Ben?”

        “I agree a hundred percent,” tango ng binata.

        “Tama na nga kayo,” tumatawang sagot ni Odette. “Ikaw talaga, Dan, ang galing mong gumawa ng dialogue. Bentang-benta sa aming mga young romance novel fans mo.”

        Natawa rin ang manunulat. Pagkatapos, siniko nito si Ben.

        “Narinig mo ‘yon, pare?” sabi nito. “Kaya magsimula ka nang magbasa ng mga romance novels ko. Biling-bili pala ni Odette ang mga dialogue ko roon, e,”

        “Oo nga,” tango uli n Ben. “I think I can learn a lot from your novels.”

        “Ikaw – magbabasa ng romance novels?” tumatawang baling ni Odette sa kinakapatid.

        “Ayaw mo no’n?” sabad naman ni Lorraine. “Madadagdagan ng isa pa ang buyers mo sa The Book Shop. Madadagdagan din ang fans ng asawa ko.”

        Tawanan silang apat.

        “Tena kayo roon,” sabi ni Lorraine pagkaraka. “Nandoon sina Irene.”

        Malugod na sinalubong ng mag-asawang Irene at Ding sina Odette at Ben.

        “Pasensiya na kayo’t hindi ko na kayo natawagan nang personal, ha?” sabi pa ni Irene. “Ipinasabi ko na lang kay Lorraine ang pag-iimbita sa inyo.”

        “Sus, okey lang iyon,” sagot ni Odette. “Hindi na naman kami ibang tao, e.”

        “Nag-iikot pa ang mga bisita naming taga-Maynila,” sabi ni Ding. “Shall we go meet them?”

        “Mamaya na lang,” sagot ni Odette. “Abalang-abala pa yata sila. Dito na muna kami.”

        “Kami na muna ni Dan ang bahala kina Odette,” salo ni Lorraine. “Asikasuhin n’yo na ang iba pa ninyong mga bisita.”

        “O sige,” tango ni Irene. “Maiwan na muna namin kayo. Like you said, Odette, hindi na kayo naiiba rito. Feel at home, ha? The buffet table is open. Kain lang kayo.”

        “Ako ang nagluto ng dinner natin kaya kailangang kumain kayo,” dagdag pa ni Ding. “Kung hindi, magtatampo ako.”

        “Lagi namang iyang luto mo ang dinadayo namin dito, e,” sagot ni Odette. “You don’t have to tell us twice. Alam na naming siguradong masarap iyon.”

        Naiwan sina Odette at Ben kina Lorraine at Adan.

        “Dan, bahala ka na muna kay Ben, ha?” bilin naman ni Lorraine sa asawa. “May pag-uusapan lang kami ni Odette. Girl talk. Ben, okay lang?”

        “Oo naman,” nakangiti pa ring sagot ni Ben.

        “We’ll manage on our own, don’t worry,” sagot naman ni Adan.

        Hinatak ni Lorraine si Odette sa isang pandalawahang mesa sa tabi ng hardin.

        Naupo naman sina Adan at Ben sa hiwalay na mesa.

        “Nakikita mo ba ‘yang tall, dark and handsome guy sa kabilang dulo ng garden?” bulong ni Lorraine. “Simplehan mo lang ng tingin, ha?”

        Sumulyap nga si Odette sa gawing iyon.

        Iisa lang sa mga lalaking nakakulumpon doon ang tumutugma sa inilarawan ni Lorraine. At totoo ngang mukha itong artista. Kahit sa ganoon kalayo ay napakalakas ng dating nito. Talagang matatawag na tall, dark and handsome.

        “Iyan ba si Paul Pereira?” halos pabulong din na tanong niya.

        “That’s the guy,” tango ni Lorraine. “O, di ba?”

        “You’re right,” sang-ayon ni Odette. “Pang romance novel hero nga ang porma. Pang-cover pa nga, e. Pero akala ko ba, ang mga martial arts experts ay hindi ganyan kalalaki ang katawan. Mas mukha siyang weight lifter, e.”

        “Iba-iba naman sila,” sagot ni Lorraine. “May mga trim na trim lang tulad ng mga kilalang Asian martial arts masters. Mayroon ding tulad ni Paul. Parang si Van Damme. Matangkad kasi siya kaya proportionately wider din ang shoulders niya kaysa sa karaniwan. Pero wala iyang excess fat kahit kaunti. All muscles. So, pasado ba siya sa standards mo?”

        “Sa unang tingin, oo, pasadung-pasado,” sagot niya. “Pero ewan ko lang pag nakausap ko na.”

        “He’s the suave, debonaire and aggressive type,” pagpapauuna na ni Lorraine. “Sweet talker. Typical sa hinahanap mong hero.”

        “Hmm... we’ll see,” sagot ng dalaga.

        Pagkatapos, napansin ni Odette ang mga babaing kasama rin sa grupo.

        “E sino naman ‘yung mga kasama niya?” tanong niya kay Lorraine. “Baka naman girlfriend niya ang isa sa magagandang babaing iyan.”

        “Fortunately, you’re wrong,” nakangiti pa ring sagot ni Lorraine. “As far as I know, wala pang girlfriend itong si Paul. “’Yang tsinitang nakaputi, si Cherry Pie Chuatoco ‘yan. Anak din ng big-time producer. Kanila ang Jade Films. Hawak niya ang financial side ng kompanya. La Salle graduate. Magaling sa business.”

        “Uy, taga-La Salle,” sabi ni Odette. “Kapareho ni Ben.”

        “Baka nga nag-abot sila roon,” sabi ni Lorraine. “Pareho pa silang business-related ang course.”

        “Malalaman natin mamaya,” sagot niya.

        Pero may kumalabit na parang selos sa kanyang puso.

        Maganda si Cherry Pie Chuatoco. At taga-La-Salle. Kapareho pa pala ni Ben ang field of interest. Finance. Hindi kaya magkainteres dito ang kinakapatid niya?

        Agad din namang sinaway ni Odette ang kanyang sarili. Napaka-selfish naman yata niya kung pagseselosan pa niya ang dalagang makikilala ni Ben – samantalang heto siya’t interesado kay Paul Pereira.

        Ibinaling niya sa iba ang  kanyang atensiyon.

        “Sino naman ‘yang seksing naka-blue?” tanong niya kay Lorraine.

        “Bagong artista ‘yan,” sagot nito. “Balikbayan. Kathy Bermudez daw ang pangalan. Pakiramdam ko, nililigawan siya nung isa nilang kasamang lalaki – ‘yang naka-t-shirt na dilaw.

        “TV executive naman ‘yan – si Bart Santillan. Very powerful sa industry. Kaya pag nanligaw, he almost always gets the girl. Lalo na kung gustung-gusto no’ng girl na sumikat agad.”

        “E iyang dalawang lalaking medyo may edad na?” tanong pa ni Odette.

        “A, parehong direktor ang mga iyan,” sagot ni Lorraine. “TV director ‘yang payat – si Direk Manding Cuartero. Action movies naman ang forte ni Direk Hector Gonzaga. Kaya nga kita mo, fit na fit pa rin kahit nakakalbo na.”

        “Anim lang sila?” tanong ng dalaga.

        “Plus two drivers,” sagot ni Lorraine. “May kanya-kanyang drivers sina Bart at Cherry Pie. Kay Bart sumabay si Kathy. Kay Cherry Pie naman sumabay sina Direk Manding at Direk Hector. Si Paul, nag-drive nang mag-isa.”

        “Parang nakaka-intimidate namang makilala ang mga iyan,” sabi ni Odette.

        “Sus, ganyan din ang akala ko noon,” sagot ni Lorraine. “Natatandaan mo ba noong first time kong makilala si Dan? Dito rin ‘yon, di ba? Talagang na-intimidate ako. Then, after we were married, noong una niya akong ipakilala sa mga showbiz friends niya, ninerbiyos na naman ako. Pero hindi naman pala sila naiiba sa atin. They’re just regular people.”

        “Ay, hindi regular ang hitsura niyang si Paul Pereira, ‘no?” sabi ni Odette. “Mas bagay sigurong sabihing special o super special.”

        Bungisngisan sila.

        “Paano, are you ready to meet him?” tanong ni Lorraine pagkatapos. “Simplehan natin. Pumunta tayo sa buffet table. Madaraanan natin sila along the way. And since we’ve been introduced earlier, puwede ko naman silang maipakilala sa iyo.”

        “Mamaya na lang,” tanggi uli ni Odette.

        “Hay naku, halika na,” pamimilit ni Lorraine sabay tayo. “No guts, no glory.”

        Napilitang sumunod si Odette.

        “Guys, let’s eat,” tawag ni Lorraine kina Ben at Adan.

        “After you, ladies,” sagot ni Adan.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento