FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
HINDI napigil ni Richard ang malinaw na pagbadha ng pagkadisgusto sa
kanyang kabuuang anyo, mula mukha hanggang asta. Para siyang nakakita ng isang nakakadiring
eksena.
Husto pa namang nakita rin
siya ni Rica at ng mga katabi nito.
Huli na nang tangkain
niyang iayos ang ekspresyon ng mukha. Gumuhit na rin ang hinanakit sa mukha ng
kanyang kapatid.
Nang magtama ang kanilang paningin,
naramdaman ni Richard na lumatay sa kanyang puso ang kirot na nadarama ni Rica.
Sising-sisi siya habang
nilalapitan ang kapatid.
Sinalubong din naman siya
nito. Nakangiti na. Naitago na ang sama ng loob.
“Richard!” malakas pang
tawag ni Rica. “You came!”
“Of course,” simpleng
sagot niya. “Happy birthday, sweetheart!”
“Sweetheart.” Iyon ang
tawag niya kay Rica mula pa noong nasa high school sila’t madalas mapagkamalang
mag-boyfriend sa halip na magkapatid. Sinadya niyang gamitin uli ang endearment
na iyon sa mga sandaling ito.
Nang mag-abot sila’y
niyakap niya nang pagkahigpit-higpit ang kapatid.
Disimuladong iniwan na
muna sila ng mga nakapaligid na panauhin. Kasama sa mga pasimpleng lumayo si
Libby – dala ang kontrobersiyal na regalo.
Lihim na nagpapasalamat si
Richard sa pang-unawa ng mga ito.
“I love you, sis,” madamdaming
bulong niya sa kapatid. “You know that, don’t you? Despite everything.”
Tumango si Rica.
“I know,” bulong din nito.
“Don’t worry. I appreciate your every effort naman, e. I know how difficult
this is for you. Thank you so much for being here.”
Nang bitiwan niya si Rica
ay iniabot niya rito ang isang pulang velvet box na hindi na niya ibinalot.
“Ito na ‘yung inuungutan
mong relo,” sabi niya. “Alam ko namang kahit sinabi mong tama na sa iyo ang
presence ko, siyempre hindi mo tatanggihan ito.”
Natawa na si Rica habang
tinatanggap ang regalo.
“Talaga,” sagot nito. “Hindi
mo ba napapansing wala akong suot na relo ngayong gabi? Alam ko namang hindi mo
ako matitiis, e.”
Natawa na rin si Richard.
Mas pa sa pasasalamat. Nasiguro niya sa tinuran ni Rica na totoo nga palang
alam na alam nitong anuman ang mangyari ay hinding-hindi mapipingasan ang
kanilang pagmamahalan bilang magkapatid.
Binuksan na agad ni Rica
ang kahon. Inilabas nito ang antigong relo at isinuot.
“Beautiful!” sabi nito
habang pinagmamasdan ang braso.
“I must admit, kahit
panlalaki ang style niyan, mas bagay nga sa iyo kaysa sa akin,” sabi ni
Richard.
“Thank you,” ulit ni Rica.
“Thank you for making my birthday special.”
“Talaga namang laging
special para sa akin ang birthday mo,” sagot ni Richard.
Ngumiti si Rica.
“So will you please stay?”
hiling nito. “Huwag mo naman sabihing may tutuluyan ka pang ibang lakad. Siguro
naman, hindi ka lang dumaan dito para iabot sa akin ang regalong ito.”
Natigilan si Richard. Ang
totoo kasi’y pinag-iisipan na nga niyang gawin iyon. Pero bigla siyang nagbago
ng isip. Lulubus-lubusin na niya ang pagpapaligaya sa kaarawan ni Rica.
Nginitian niya rin ang
kapatid.
“Of course I’m staying,”
depenidong sagot niya.
“Halika, I’ll introduce
you to my friends,” masayang sabi ng dalaga.
“SO, ‘yon pala ang brother ni Rica,” sabi ni Paula kay Moncie.
Nasa kabilang bahagi na
uli sila ng cafe. Sa may gallery.
“Yup, that’s him in
person,” tango ng nito. “Mr. Macho Man himself, ayon nga sa description ni Rica.
Kunsabagay, he’s gorgeous. Hindi nga nakapagtatakang maging conceited siya at
chauvinistic. Pag ganyan ang kara’t porma ng lalaki, talagang akala na nila,
sila ang pinakasuperyor na mga nilalang sa balat ng lupa.”
Tumaas ang kilay ni Paula.
“That’s not an excuse,”
sagot niya. “Hindi porke guwapo siya, may karapatan na siyang maging ganoon.
And to think, sarili niyang kapatid, hindi niya matanggap ang pagkatao.
Napaka-backward naman ng mentality niya. Naturingan pa namang intelektuwal.”
“But according to Rica,
very loving brother pa rin naman daw si Richard,” sabi ni Moncie. “Well, sa
nakikita ko ngayong gabi, I tend to believe her. Ibang usapan na ‘yung hindi pa
rin matanggap ni Mr. Macho ang tungkol kina Rica at Libby.”
“What a shame!” iling ni
Paula. “He should be happy for her. Aba, napaka-ideal yata ng relationship nina
Rica at Libby. Imagine, they’ve been together for almost five years now. And
they’re still going strong. Kahit sa mga magkarelasyong lalaki at babae, marami
ang hindi tumatagal nang ganoon these days.”
“Ako nga, I’m still hoping
to meet my own soulmate na tulad ng dalawang iyon,” pakikiayon ni Moncie.
“They’re so compatible.”
“Aba, ako rin,” tango ni
Paula. “Pangarap ko ring makatagpo ang soulmate ko. Pero mukhang mahihirapan
ako. Mas mahirap yatang makahanap ng matinong straight na lalaki these days.
Mas marami ang tulad niyang kapatid ni Rica. Puro may mga cave men mentality.”
“Uh-oh,” biglang sabi ni
Moncie. “Huwag kang lilingon pero I think we need to change the topic.
Papalapit dito si Rica with brother dear.”
Naalarma si Paula.
Ayaw niyang makaharap ang
kapatid ni Rica. Hindi siya kumportable sa ganoong klase ng mga lalaki. Ayaw na
ayaw niya sa mga male chauvinists.
Lalong ayaw niyang
makaharap ang isang napakaguwapong male chauvinist na sobra ang pang-akit.
Kahit nakapantalon ito na maong at t-shirt na may kuwelyo, sa isang tingin pa
lang ay nakita na niyang perpekto ang proporsiyon ng katawan nito. Sa eksperto
niyang pagsipat, nakasisiguro siyang kapag inalisan ng saplot ang binata ay
perpekto rin ang matatambad sa pangangatawan nito.
Sanay na sanay si Paula na
magtantiya ng pangangatawan ng lalaki. Kapag nakakita siya ng itinuturing
niyang perfect specimen, hindi siya nae-excite bilang babae kundi bilang isang
sculptor. Ang tingin niya agad sa lalaki ay isang potential model para sa
kanyang obra. Sa maikling salita, walang kamali-malisya.
Paano pa nga ba siya
magkakamalisya? Para siyang doktor na hindi na mabilang ang mga nakaharap na
hubad na katawan. At tulad din ng doktor, propesyunal lang ang kanyang
pagtingin sa mga ito.
Kapag ang modelo naman ang
hindi umaaktong propesyunal, doon lumalabas ang pagiging feminist ni Paula. Tinataasan
niya agad ng kilay ang lalaki. Pinamumukhaan. Sinesermunan. At wala pang
modelong lalaking hindi tumiklop sa harap ng kanyang lecture.
Kaya nga niya napiling
gumawa ng mga male nude sculpture. Reaksiyon niya iyon sa mas popular na
sistema kung saan ang mga artist na lalaki ang gumagawa ng artwork na ang
subject ay female nudes.
Gusto niyang baguhin ang
sitwasyon. Iyong babae naman ang artist at male nude naman ang subject at
modelo. Nangako siya sa kanyang sarili na sa ganoong sitwasyon ay paninindigan
niya ang pagiging propesyunal. Hinding-hindi niya ituturing ang kanyang mga
modelo bilang mga sex objects lamang.
At hindi lang mga modelo
ang sakop ng kanyang pangako sa sarili. Bahagi na ng paninindigan ni Paula na
hindi dapat ituring ang sinuman bilang sex object. Dahil ayaw na ayaw niyang
ginagawa iyon sa kanyang mga kabaro.
Kaya naman nagi-guilty
siya sa naramdaman niya kanina sa unang pagkakita pa lang kay Richard Romero. Bakit
ba ganoon na lang katindi ang pagkaakit niya sa lalaking iyon? Of all people,
si Richard Romero pa. Ang lalaking kumakatawan sa lahat na yata ng inaayawan
niyang ugali ng kalalakihan.
“Lumayo na lang tayo,
Moncie,” sabi niya sa kaibigan. “Hindi ko type na makaharap ang taong iyon.”
“Too late dear,” sagot
nito. “Nakangiti na sa akin si Rica. Mukhang tayo talaga ang pakay niya.”
“Oh, no,” sambit ni Paula.
TINATATAGAN ni Richard ang
kanyang loob. Wala nang atrasan ito. Nag-commit na siya na magtatagal sa party
ni Rica. Kailangang panindigan niya ang maayos na pakikisama sa lahat ng mga
kaibigan nito, ano man ang kanyang pagkadisgusto.
Nakakaabrisiyete sa kanya
ang dalaga, hatak-hatak siya patungo sa kabilang parte ng cafe.
“Let’s go find Libby,”
sabi nito. “Batiin mo naman siya, ha? Be nice.”
“Oo na,” sagot niya.
“Don’t worry. Ngingiti pa ako. And I won’t bite.”
Pero kahit inikot na ng
kanilang paningin ang kabuuan ng cafe, hindi nila makita ang girlfriend ni Rica.
“Baka nasa comfort room,”
pagkikibit-balikat ng dalaga. “O baka lumabas muna sandali. In the meantime,
meet my other friends muna. Si Paula – siya ‘yung nagbigay sa akin no’ng
sculptured piece kanina. In fact, may solo exhibit siya ngayon dito sa gallery.
You should meet her. She’s a great artist. Hayun pala sila ni Moncie. Come on.”
Naalala ni Richard ang
hawak-hawak ni Rica na sculpture kanina – ‘yung narinig niyang tinawag na “Woman
with Balls.” Ano ba namang klaseng title ‘yon?
Hindi siya interesadong
makilala ang sinumang maylikha ng ganoong sculpture. Sigurado siyang lesbian
rin, tulad nina Rica at Libby. Baka nga man-hater pa.
Pero may magagawa ba siya
kung gusto siyang ipakilala ni Rica sa sinumang babaing iyon? Kailangan niyang
magpakitang-tao, kahit mahirap gawin. Maging civil and polite man lamang.
Dalawang tao lang and
inginuso ni Rica na pakay nila. Isang lalaki at isang babae. A... teka... hindi
pala. Isang gay at isang babae. Sa unang tingin pa lang ay alam niyang gay ang
lalaking iyon kahit na hindi obvious sa hitsura. Pero iyong kasama... lesbian
nga ba?
Nakatalikod ‘yung babae.
At mula sa likuran ay babaing-babae.
Eksperto si Richard na
sumipat ng porma ng babae. At ang nakatalikod na babae ay napaka-sexy kahit pa
sukatin sa mataas niyang standards.
Kitang-kita niya ang perpektong
korte ng katawan nito sa suot na sarong. Ang balat nitong nakalantad sa gawing
balikat ay makinis. Ang buhok nito ay kulot at maikli, hindi niya alam kung
bakit napaka-sexy nang dating sa kanya.
Maging ang outfit ng babae
ay type niya. Hindi basta-basta isinusuot ng karaniwang babae ang ganoon. Hindi
kayang dalhin maliban sa poolside o sa beach. Na nagawa ng babaing isuot iyon
sa ganitong okasyon ay tanda na may malakas itong kumpiyansa sa sarili at
personal sense of style.
Hmm, his type of woman.
Pero kung magugustuhan niya ito kapag humarap na – that remains to be seen.
“Moncie...” tawag ni Rica.
Ngumiti at kumaway ang gay
na kasama ng babae.
Binilisan ni Rica ang
paghakbang, hatak-hatak pa rin si Richard.
Nang malapit na malapit na
sila sa dalawa, umikot nang paharap ang babaing kasama ni Moncie.
Napamulagat si Richard.
Pagkaganda-gandang babae.
Bakit ba hindi niya ito napansin kaninang pagdating niya? Nasentro lang kasi
agad ang kanyang atensiyon kay Rica.
Pero ngayon, nakatutok na
ang kanyang buong atensiyon sa babaing naka-sarong.
Kung naakit siya nito
habang nakatalikod, lalo naman siyang nabato-balani sa hitsura nito nang
humarap.
Ang pangako ng magandang
hubog ng katawan nito sa likod ay nahigitan pa ng mga kurba ng katawan nito sa
harap. Mga kurbang lalo pang naging kaakit-akit sa suot na sarong.
Nang magbalik ang kanyang
tingin sa mukha ng babae, ang nakasalubong niya ay matapang at mapanghamong mga
mata. Hindi nito nagustuhan ang ginawa niyang hayagang pag-inspeksiyon sa buo nitong
katawan.
Nag-init ang pakiramdam ni
Richard.
Hindi siya sanay sa
babaing hindi natutuwa sa kanyang atensiyon. Bihira itong mangyari sa kanya.
Kaya naman nakaka-excite. Tutal, sigurado siyang sa kalaunan ay maaakit din
niya ang babaing ito, tulad ng iba pa. Mas may challenge nga lang. Mas masarap
ang laban.
“Paula, Moncie, brother ko
– si Richard,” sabi ni Rica. “Rich, this is Ramoncito Monserrat. And this is
the very talented Paula Montelibano, sculptor of these beautiful male nude
pieces.”
Bahagya lang na rumehistro
kay Richard ang ginawa niyang pakikipagkamay at pakikipagbatian kay Moncie.
Bumalik na agad ang
kanyang buong atensiyon kay Paula.
Hindi niya alam kung
maiintriga siya o madidismaya. Ito pala ang sculptor na gumawa ng kakaibang
regalo para kay Rica. Ito rin ang lumikha ng lahat ng mga estatwang nakapaligid
ngayon sa kanila. Mga estatwa na panay nga male nudes.
Halos nakasisiguro na
siyang lesbian ang babaing ito. Kaya marahil obsessed sa male figure. Baka
idinadaan na lamang sa paglilok ang pansariling frustration. Binubuhay na
lamang marahil sa mga obra ang hindi nito magawang self-transformation.
Pero hinayang na hinayang
talaga si Richard. Kung hindi niya matanggap ang pagiging lesbian nina Rica at
Libby, lalo namang hindi niya matanggap kung lesbian itong si Paula.
Parang naiinsulto ang kanyang
pagkalalaki. Para bang nakakita siya ng pagkasarap-sarap na prutas na nakahain
sa kanyang harapan, para lang malaman na hindi pala niya puwedeng tikman dahil
hindi sa kanya nakalaan.
Sa kauna-unahang pagkakataon,
nakadama siya ng atraksiyon sa isang babae sa kabila ng kanyang palagay na isa
itong lesbian. Gusto niya itong hamunin. Gusto niyang patunayan na kaya niyang
gisingin ang tunay nitong pagkababae.
Sinalubong niya ng
malagkit na titig ang galit na tingin ni Paula. Nginitian pa niya ito.
“Hello, Paula,” sabi niya
sa mala-DJ niyang boses.
Halatang napilitan lang
ito na maglahad ng kamay dahil hinihiling ng kabutihang asal.
Mahigpit na ginagap ni
Richard ang malambot nitong palad.
Hindi niya akalaing siya ang
makukuryente.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento