FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
MAHIMBING ang tulog ni Richard. Katulad ng dati, maaga siyang gumising.
Agad na nag-workout.
Inspirado ang binata. Parang
may pinaghahandaang sports competition.
May kinakaharap nga siyang
laban. Pero mas masarap kaysa karaniwang sport. Mas ginaganahan siya sa
paghahanda. Ang magiging premyo kasi kung sakali ay si Paula Montelibano.
At nakakasiguro na siyang
siya ang magwawagi. Paghihirapan nga lang niya nang kaunti. And he never
retreats from a challenge.
Nakita niya sa mga mata ng
dalaga at naramdaman sa mga kilos nito na attracted ito sa kanya. Ayaw lang
umamin.
Ah, ito ang
gustung-gustong mapagwagian ni Richard. Gusto niyang ipamukha kay Paula na
anumang panlalait ang gawin nito sa kanyang pagiging isa raw male chauvinist ay
babagsak din ito sa kanyang mga kamay. Katulad lang din ito ng ibang mga babae
– hindi immune sa kanyang charms.
Patutunayan niya kay Paula
Montelibano na ang isang babaing tulad nito ay ipinanganak para sa lalaking
tulad niya.
PAGGISING ni Paula, agad siyang nanaog sa komedor para sumabay sa
pag-aalmusal ng pamilya.
Lima silang nakapaligid sa
parihabang mesa. Bukod kay Paula ay naroon ang Daddy nilang si Dr. Wilfredo
Montelibano – hindi doktor ng medisina kundi abogadong may Doctor of Laws
degree, na propesor sa UP College of Law. Ang Mommy nilang si Dra. Zenaida
Montelibano, propesora rin sa UP na may Ph.D naman sa History at Philippine
Studies. Ang sumunod kay Paula na si Shaira na isa na ring propesora sa
unibersidad, may hawak namang dalawang Ph.D. sa larangan ng matematika at
computer studies. Ang bunso sa tatlong magkakapatid – si Virginia o Via – nagtapos
ng Hotel and Restaurant Management pero walang kasalukuyang trabaho’t siyang
nag-aasikaso sa buong pamamahay.
Sina Paula at Via lamang
ang nakapambahay pa. Ang tatlong mga propesor na Montelibano ay nakagayak na
para pumasok sa UP.
“Ipapagising ka na sana
namin kay Gingging,” salubong ni Zeny sa panganay na anak. “Napuyat ka yata sa
pinuntahan mong party kagabi. Hindi na kita namalayan na dumating.”
Humalik muna si Paula sa
mga magulang bago sumagot habang papaupo na sa kanyang puwesto sa mesa.
“Inabot nga ako ng pasado
ala-una sa party ni Rica,” amin niya. “Nandoon kasi ‘yung kuya niyang allergic
sa LGBTQ community. Ako ang natokang humarap.”
“Mabuti hindi mo
sinermunan,” nangingiting sabi ni Shaira.
“Anong hindi?” sagot niya.
“Naluto ‘kamo siya sa mga lecture ko. Teka nga, ayoko nang pagkunsumihan pa ang
mga taong ganoon – kay-aga-aga, e. Hmm, ang bango nitong waffles, a. Ano na
naman bang recipe ito?”
Binalingan niya si Via na
siyang laging nag-eeksperimento sa kusina.
“Fresh aratiles ang halo
niyan,” sagot nito. “Something new. And as usual, walang eggs or milk. Very low
fat with no cholesterol.”
“Matikman nga...” sabi
niya habang inaabot ang serving plate.
“Meron ba namang inihain
si Via na hindi masarap?” sabi ni Willy bago ganadong sumubo mula sa sariling
pinggan.
“Kailan ba natin gagawan
ng proper documentation itong mga recipes mo, Vi?” untag ni Shaira. “Sayang
naman. Magandang book project ito. Very fresh ang mga ideas mo. Masasarap na,
healthy pa. Iyan ang hinahanap ng mga tao ngayon.”
“Naku, sinabi ko naman sa
iyong hindi ko inililista ang mga recipes ko,” nakangiting iling ng may
pagkamahiyaing si Via. “Hindi ako ganoon kung magluto. Laging spur of the
moment lang. Kung ano ang maisipan kong paghalu-haluin, iyon na. Tantiyahan
lang ang timpla. Nothing formal or measurable. At hindi pang-commercial use or for
public consumption.”
“Pero tama si Shaira,” pangungulit
din ni Paula. “Sayang naman kung hindi ma-recognize itong talent mo. I’m sure,
pagkakaguluhan ng mga nutritionist ang recipes mo dahil sa pagiging healthy ng
mga ito. Magiging bestseller din ang cookbook mo sa mga nanay. Aba, you can make
a career out of this.”
“Hindi lang sa pagluluto,”
dagdag ng Mommy nila. “Pati sa iba pang housekeeping ideas. Kita mo, diyan
yumaman si Martha Stewart sa US. Homemaking and cooking tips. Dito sa atin, may
mga popular TV programs at magazines na iyan din ang focus. Puwedeng-puwede
kang makipagsabayan, Via. Show your creativity.”
“Saka na ‘yan,” nakangiti
pa ring sagot ni Via. “Kainin na muna ninyo itong waffles habang mainit. At saka
baka ma-late na kayo sa pagpasok.”
“Oo nga pala,” sabi ng Daddy
nila. “May meeting pa ako with the dean.”
Agad na bumalik sa pagkain
ang atensiyon ng tatlong papasok sa UP.
Ngingiti-ngiti si Paula.
Relaxed lang siyang tulad ni Via. Nasa likod-bahay lang kasi ang kanyang studio.
“Okey ka ring mag-change
topic, ano?” pabulong na kantiyaw niya
sa kapatid nang tumayo siya para kumuha ng kape sa coffee percolator.
Tinawanan lang siya nito.
Matagal nang laging
napagdidiskitahan ng pamilya ang bunsong si Via dahil nga kung ikukumpara sa
kanila ay ito ang walang ginagawa kundi ang magbutingting ng kung anu-ano sa
kanilang pamamahay.
Nakapagtapos ang dalaga ng
Hotel and Restaurant Administration sa UP pero hindi nakatagal sa tatlong
trabahong pinasukan pagka-graduate. Lagi itong umaalma sa mga tinatawag nitong
sobrang komersyalisasyon ng pagpapalakad sa mga pinagtrabahuhang hotel.
Ngayo’y in between jobs na
naman ang dalaga. Ang pinagkakaabalahan ay ang pagluluto para sa kanila at
pag-aayos sa pamamahay.
Kunsabagay, naiintindihan
ni Paula ang kapatid. Pareho palibhasa silang naiiba sa kanilang mga kapamilya.
Katulad ni Via ay wala rin
siyang Ph.D o kahit M.A. degree man lamang. Simpleng AB Fine Arts ang tinapos
niya. At sa halip na magpaempleyo sa mga advertising agencies o iba pang mga
kompanyang nangangailangan ng in-house artist, heto siya ngayon – isang
freelance artist.
Ang ipinagmamalaki naman
niya’y matagumpay siya sa kanyang piniling larangan. Nagtamo na rin siya ng
maraming karangalan – iba’t ibang awards sa pagkilala ng mga kritiko bukod pa
sa pampinansiyal na tagumpay.
At iyon din sana ang gusto
niyang makamtan ni Via sa sarili nitong paraan.
Pero hindi na bale. Hindi
niya panghihimasukan ang buhay nito nang higit sa nararapat. Hanggang panaka-nakang
mga suhestiyon lang ang kanyang ginagawa.
Katulad ng iba pang
miyembro ng pamilya Montelibano, naniniwala si Paula sa freedom of choice ng
indibidwal. Isa ito sa mga prinsipyong ipinamulat sa kanila ng kanilang mga
magulang mula pa pagkabata.
Kaya nga hindi naman hinahanapan
ng mag-asawang Montelibano ng post-graduate degrees sina Paula at Via. At
maging sa pagpili ng kanilang undergraduate courses ay binigyan sila ng mga ito
ng ganap na kalayaan.
Sa katunayan, full support
ang ibinibigay ng mga ito sa kanyang pagiging isang artist. Bawat opening night
ng kanyang mga exhibit ay in full attendance ang kanyang mga magulang at
kapatid.
Kaya rin hindi kataka-taka
ang pagiging di-tradisyunal ng pangkabuuang pananaw ni Paula sa maraming bagay.
Ang kanyang pagiging feminist. Ang kanyang full support sa LGBTQ rights
movement.
Bahagi na iyon ng kanyang
mismong pagkatao.
NANG makapag-almusal ang mag-anak ay naghiwa-hiwalay na ang mga
Montelibano.
Kahit pare-parehong
papasok sa UP, may kanya-kanyang sasakyan si Shaira at ang mag-asawang Willy at
Zeny. Madalas kasing may may kanya-kanya ring appointments ang mga ito na mahirap
pagtugma-tugmain.
Si Via, tumuloy na sa
garden para magbusisi sa mga halaman.
Si Paula naman ay nagtungo
na sa kanyang studio.
Nasa pinakalikuran iyon ng
kanilang nine hundred square meters na bakuran. Isang maliit na sementadong
istruktura na may sukat na higit-kumulang sa thirty square meters. One room
affair na may sariling CR.
Natatabingan iyon ng ilang
puno mula sa bahay. May sariling daan patungo sa gate.
Kadalasan, kapag may
binubuong proyekto ang dalaga, halos doon na siya tumitira sa studio. Walang
puwedeng umistorbo sa kanya. Wala siyang cellphone. Nagbabaon na lang siya ng
pagkain at inumin. Mayroon naman siya roong mini-ref at microwave oven.
Pero ngayong umaga,
dala-dala pa ni Paula ang kanyang cellphone. Okey lang na tumanggap siya ng tawag.
Maglilinis lang naman kasi siya ng studio.
Rest period niya ito. Wala
pang nakasalang na bagong trabaho palibhasa’y mayroon siyang tumatakbong
exhibit. Naroon ang lahat ng kanyang mga pinakahuling obra.
Tahasang pagsisinungaling
iyong sinabi niya kay Richard na may mga nakapila na siyang trabaho. Ang totoo
niyon, sinisiguro niyang tapos muna ang lahat ng kanyang commissioned work bago
pa man niya simulan ang kanyang mga obrang pang-exhibit. At tumatanggap lang
siya uli ng mga bagong assignment pagkatapos ng bawat show. Kaya nga nag-uunahan
ang mga lumalapit sa kanila ni Moncie tuwing last day ng kanyang bawat exhibit.
Nagsisimula pa lang si
Paula sa paglilinis sa kanyang studio nang tumunog ang kanyang cellphone.
Si Moncie.
“May tumawag sa akin ngayun-ngayon
lang,” sabi nito. “Gustong magpagawa ng original sculpture na pang-trophy. Para
daw sa hall of fame awardee sa sports competition ng kompanya nila. Ordinarily,
pagsasabihan kong tumawag na lang uli after your show. Pero naaalala ko ‘yung
tungkol kay Richard. Baka ‘kako gusto mong tanggapin na itong assignment na ito
para makasiguro tayong may nakasalang ka na ngang trabaho. May maipapakita tayo
sa kanya na proof na hindi mo nga matatanggap ang ipinapa-commission niya.”
“Oo nga, ano,” sang-ayon
ng dalaga. “At least, hindi na tayo uli magsisinungaling. Sige. Payag ako.”
“Magre-return call ako
doon sa tumawag,” sabi ni Moncie. “I’ll let you know the details afterwards.
ALA-UNA ng hapon nang sumunod na araw ay naroon na si Paula sa bahay ni
Moncie. Makikipagpirmahan na siya sa representative ng United Group of Companies
– ang nagpapagawa ng original sports trophy.
Laking gulat ng
magkaibigan nang dumating si Richard Romero.
Na-conscious si Paula.
Palibhasa’y babae ang kausap ni Moncie sa telepono kahapon at ang babaing iyon ang dapat na ka-meeting
niya ngayon, hindi siya nangiming magsuot ng tube top at stretch capri pants.
Kung alam lang niyang
darating din ang lalaking ito ay hindi na sana siya nagsuot ng gano’n ka-daring
na outfit. Dalang-dala na siya sa maiinit na titig ni Richard noong isang gabi.
Iyong mga tinging parang nakakapaso.
“This is a surprise,” sabi
ni Moncie sa binata. “What can I do for you?”
“May appointment ako sa
inyo ni Paula,” nakangiting sagot ng binata. “I’m here to sign the contract. I
was told, pirma na lang ang kailangan. You’ve ironed out all the details over
the phone.”
“Anong contract?” pagtataka
ni Paula.
“’Yung trophy para sa
United Group of Companies,” nakangiti pa ring tugon ni Richard.
Napatingin si Paula kay
Moncie. Nagtatanong ang mga mata.
Namutla naman ang best
friend niya.
“P-pero ano’ng kinalaman
mo sa United?” tanong nito. “Hindi naman iyon pag-aari ng Romero Estates.
Tinanong ko iyong kausap ko. If she lied to me, null and void iyong mga
napagkasunduan namin.”
“Hindi naman talaga namin
pag-aari ang United Group of Companies,” sagot ni Richard. “I just happen to be
a consultant in that company. Nagkataon ding ako ang consistent over-all
champion sa annual sports competition nila for the past five years. So this year,
they are awarding me a cash prize. Sabi ko sa kanila kahapon, instead of cash,
I prefer an original sculpture by Paula Montelibano. And they were kind enough
to arrange it.”
“E bakit ikaw ang pipirma
ng kontrata?” hamon ni Paula. “Sila pala dapat ang kausap namin.”
“May dala akong
authorization mula sa kanila,” sagot ng binata. “I have full control over
everything. Ang napag-usapan kahapon, United ang pipili ng modelo. Well, I’m
the model.”
Tumaas ang kilay ni Paula.
“Ibang klase ka rin, ano?”
sabi niya. “Gusto mo, ang tatanggapin mong trophy, sarili mo ring nude
sculpture.”
“Kung gawa naman ni Paula
Montelibano, I would consider it a great honor,” walang kakurap-kurap na
pahayag ni Richard.
Muling nagkatinginan sina
Paula at Moncie.
Parang nanunumbat ang
tingin ni Paula. Nagkibit-balikat naman si Moncie.
“Tatanggihan mo ba uli
ako?” diretsahang tanong ni Richard sa dalaga.
Huling-huli na sila.
Bistado na nitong nagdahilan lang siya noong isang gabi.
Para maitago ang
pagkapahiya, nagkibit-balikat na rin si Paula. Sinadya niyang anghangan ang kanyang
pananalita.
“Kung talaga bang gusto
mong i-showcase ang iyong katawan, pagbibigyan na kita,” kunwa’y balewalang sagot
niya. “Sayang naman kasi ang lahat ng efforts mo. Kung kani-kanino mo pa idinaan.”
Ngumiti lang ang binata.
“It’s worth it,” sagot
nito.
“So, magpipirmahan na
kayo?” parang hindi makapaniwalang tanong ni Moncie.
“Para matapos na ito,”
tugon ni Paula. “And I want to start working on it right away. The sooner I
finish this job, the better.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento