FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
NAKITA na ni Queenie
ang mga litrato ni Joed, mga litratong magmula pa noong mga panahong sanggol pa
ang binata. Makailang ulit nang ipinagmalaki sa kanya ni Don Jose ang koleksyon
nito ng mga family albums. Napanood na rin nila nang magkasabay ang ilang home
video tapes ng mag-anak - mula noong ipinanganak si Joed hanggang sa bago
sumakabilang-buhay ang ina nito may limang taon na ang nakararaan.
Alam na alam na ni Queenie kung
gaano kaguwapo si Joed Del Oro. Kung gaano ka-charming. Kung gaano kalakas ang appeal
nito. Pero hindi pa rin pala siya handa sa tindi ng impact ng pagkatao ng
binata sa personal.
Literal na may sumikdo sa kanyang dibdib
nang makita niya itong nakatayo sa may pinto ng ballroom. Ganoon ka-imposing
ang presence ng binata. At para siyang natulala nang mapako siya ng napaka-intense
nitong pagtitig.
Pakiramdam ni Queenie ay napaka-helpless niya sa harap ng
nakaamba nitong pag-atake. Lalo pa’t galit ang nakabadha sa mukha ni Joed Del
Oro.
Hindi sinasadya ng dalaga na mapasandal kay Don Jose, na
parang nagpapasaklolo. Ang turing nga kasi niya sa matanda ay guardian at
tagapagligtas.
Kung bakit naman sa ginawa niyang iyon ay parang lalo pang
nagliyab ang galit sa mga mata ni Joed. At mabilis nitong tinawid ang
distansiyang nakapagitan sa kanila.
Naramdaman ni Queenie ang pagpisil ni Don Jose sa kanyang
balikat. Nagpapaabot ng suporta.
Halatang nabigla rin ang Don pagkakita sa anak. At ang pagpisil
na iyon sa balikat niya’y parang pag-amot na rin ng lakas.
Inunahan na nito ang anak.
“Joed! You’re home! What a nice surprise!” suwabeng-suwabeng
pahayag ng matanda pagdating ng binata sa harap nila.
“I’m sure,” sarkastikong sagot nito.
Kay Queenie pa rin ito nakatingin at hindi sa ama.
“And this is the much-talked about star of the night, I
suppose,” mapang-uyam na dugtong ng binata.
Binalingan ni Don Jose ang dalaga.
“Queenie, this is my only son, Joed,” sabi ni Don Jose. “I
apologize for his rudeness.”
“So, I was right,” sabi pa uli ni Joed bago man lang
makasagot ang dalaga. “The famous Queenie Estrella, reigning queen and star of
the Del Oro empire.”
Pikon na pikon na si Queenie.
“Yeah, right,” mataray
na rin niyang sagot. “Ako nga. I’m the person responsible for this huge
moneymaking venture that will add millions to your bank account without any
effort on your part.”
“Touche’,” nakangiting tango ni Don Jose.
Bahagya pa itong pumalakpak.
“Kwidaw ka, Joed,” baling nito sa anak. “The lady has brains,
lots of talent, and courage. She’s not at all like the women who fall all over
you. Hindi mo siya mai-intimidate.”
“I’m not surprised,” pagkikibit-balikat ng binata. “After
all, she was smart enough to go after you instead of me. Alam niya kung sino ang mas malaki ang net worth.”
Nangatal sa galit si
Queenie.
“Your father is a much better man than you are, Mr. Joed Del
Oro,” pahayag niya sa kontroladong tinig. “And not because of his money. Kahit
yumaman ka pa nang triple, you can never measure up to him until you learn to
be a gentleman and a human being.”
Nakatayo man sila sa kalagitnaan ng maraming tao ay hindi
halata ang matinding salpukan ng mga personalidad nina Queenie at Joed. Mahina at banayad lang ang pagkakabigkas ng kanilang mga matatalim na
salita.
At dahil panay de-numero ang kilos ng
mga taong nakapaligid sa kanila sa bulwagan, kahit matindi ang curiousity ng
mga ito’y hindi naman maatim na magpahalata ng interes sa nagaganap sa kanilang
tatlo. Sadya pa ngang binigyan sila ng space. Walang gustong maakusahang
aali-aligid sa kanilang pag-uusap.
Pero sino nga kaya sa mga naroroon ang
hindi curious sa kung ano ang pinag-uusapan ng mag-amang Del Oro? Alam ng
lahat na estranged sa isa’t isa sina Don Jose at Joed. May malalim na hidwaan
na naging dahilan ng pagpapakalayu-layo ng kaisa-isang heredero ng matandang
biyudo.
Mismong ang biglaang pagsulpot ni Joed sa gabing iyon ay
malaking sorpresa na para sa lahat.
Idagdag pa ang pagkakasangkot ni
Queenie Estrella sa usapin. Wala pa ring linaw kung ano nga ba si Queenie
sa buhay ni Don Jose liban sa pagiging exclusive designer. Marami pa rin ang
nagdududa sa pahayag ng matanda na anak ang turing nito sa dalaga.
Hindi man nagpapahalata ang mga sosyal na matrona’y wala rin
namang ipinagkaiba ang mga ito sa ordinaryong mga tsismosa. Discreet nga lang
ang pagpapalitan ng mga ito ng tsismis. Patago.
At halos mamatay na ang mga ito sa curiousity nang mga
sandaling iyon.
Pagkakataon na mismo ang sumagip sa
sitwasyon. Dumating
ang takdang oras para sa presentation.
Bahagyang dumilim ang bulwagan. Sapat lang para maging
senyales sa lahat na magbalik sa kanya-kanyang upuan.
Pumailanlang ang baritonong boses ng emcee - isang kilalang host
na madalas maging emcee sa mga beauty pageant.
“Ladies and gentlemen, the presentation is about to begin.”
“Join us at our table,” anyaya ni Don Jose sa anak.
Tumango lang ang binata bago naglahad
ng kamay, iminumuwestrang mauna na sila.
Inialok ni Don Jose ang bisig kay
Queenie. Kumportable namang umabrisiyete rito ang dalaga. At kampante silang
naglakad patungo sa pangunahing mesa sa pinakaharap ng rampa.
Nakangiti si Queenie sa lahat nang mga
taong nadaraanan nila. Pero sa totoo lang, halos manindig ang kanyang mga
balahibo sa batok dahil alam niyang nakatutok pa rin sa kanyang likod ang galit
na titig ni Joed.
Lalo pa siyang naasiwa nang pagkaupo
nila’y sa kanyang tabi naupo ang binata sa halip na sa kabila ng ama nito.
Napagitna tuloy siya sa dalawang Del Oro.
Parang naging hudyat ang pagkakaupo ng
mga pangunahing tauhan ng gabing iyon para ganap nang magdilim ang bulwagan.
Tumigil ang piped in pop music kasabay ng pagbubukas ng tabing sa isang bahagi
ng entablado. Sa pagkakalantad ng isang live orchestra ay pumailanlang din ang
mga unang nota ng classical music na siyang sasabayan ng pagrampa ng mga
modelo.
“On behalf of Del Oro
Jewelers and its exclusive designer - Ms. Queenie Estrella - we are proud to
present…The Diamond Gala Night for the Year 2000!
“One hundred original and unique pieces, created by our internationally
acclaimed and multi-awarded designer and handcrafted under her meticulous
supervision by our highly skilled artisans, shall adorn our beautiful models
tonight.
“As each model walks down the ramp, a close-up of the jewelry
piece shall be displayed on the giant screen behind her. I shall then also give
you specific details regarding each work of art.
“Take note of your favorites, my friends, for the auction
shall begin right after the show. Of course, each of you will then receive a
brochure containing individual photographs and specifications of the hundred
pieces to further guide you in making your choices.
“And so…without further ado…let the diamonds blaze through
the night!”
Kayang-kayang pataasin ng emcee ang energy level at excitement
sa kabuuan ng ballroom. Kung nagpalinga-linga lamang si Queenie ay makikita
niyang bahagyang nanlalaki na sa antisipasyon ang mga mata ng mga naroroon,
bahagyang nangakaawang na ang mga bibig at kaybilis ng pagtaas-baba ng mga
dibdib ng mga ito sa paghahabol ng hininga.
Pero walang malay doon ang dalaga. Ni sa paglabas sa rampa ng
mga modelo ay hindi na buo ang kanyang atensyon. Distracted na siya. Hindi na
niya ma-appreciate nang todo ang nagaganap dahil naaalibadbaran siya sa kanyang
katabi.
Paano’y kahit pa naka-tuxedo si Joed Del Oro ay nakasalampak
naman ito sa pagkakaupo. Nakadekuwatro at nakasampay ang dalawang bisig sa
sandalan ng dalawang katabing mga upuan - kasama na ang kinauupuan niya.
Hindi tuloy siya makasandal. Kung sasandal siya’y para na
ring nagpaakbay siya sa katabi. Kaya heto’t para siyang tuod na nakaupo nang
diretsong-diretso ang likod sa pinakaunahan ng kanyang silya.
Kung gaano ka uncomfortable ang
kanyang posisyon ay ganoon naman kakampante ang puwesto ng binata.
At kung makatingin ito
sa entablado, para bang handang-handang manlibak sa mga makikita nito roon.
Kahit tuloy one
hundred percent ang tiwala ni Queenie sa kanyang mga nilikha, sa mga
sandaling iyon ay parang gusto na niyang ma-insecure. Parang kinakabahan siya
na may maipintas nga ang heredero ng Del Oro Jewelers sa trabahong binayaran sa
kanya ng downpayment na sampung
milyong piso.
Hindi nga naman birong halaga iyon. Kahit suko na yata sa
langit ang yaman ng mga Del Oro, aaminin niyang may karapatan si Joed na alamin
ang kinahinatnan ng sampung milyong iyon. Kung
sulit nga ba ang kanyang mga disenyo sa kanyang fee.
Pilit ding kinalma ng dalaga ang kanyang
sarili. Wala siyang dapat ikabahala. Sa pansariling pamantayan niya’y mas
magaganda pa nga ang kanyang mga nilikha nitong huling sampung buwan para sa
Del Oro Jewelers kaysa sa tatlong prize-winning pieces niya sa Tokyo, Rome at
Paris.
At kung pumasa sa pihikang panlasa ni
Don Jose ang kanyang mga obra, sino nga ba si Joed para salungatin iyon?
Kung logic ang kanyang paiiralin, alam ni Queenie na totoong wala
siyang dapat ikabahala. Pero bakit ganito na lang ang kanyang kaba?
Ninenerbiyos siya na hindi niya mawari.
Imposible namang
natatakot siya kay Joed Del Oro.
KUNG relaxed na relaxed
si Joed sa panlabas na anyo, kabaligtaran iyon ng tunay na nadarama ng binata. Sa
totoo lang ay tense na tense siya.
Kunsabagay, kailan nga ba siya hindi na-tense nitong
nakaraang mga taon kapag sa usapin na ng pamilya? Lalo na kapag nasa paligid
siya ng kanyang ama?
Bago pa man lang siya umuwi sa Pilipinas, tense na siya.
Noong una niyang narinig na may kinalolokohang pagkabata-batang babae ang
kanyang Papa ay na-tense na siya. Kaya nga biglaan siyang nagpasyang umuwi.
Hindi niya akalaing mas grabe pa pala kaysa dati ang madarama
niyang tensiyon sa paghaharap nilang ito.
Nasorpresa kasi siya kay Queenie
Estrella.
Pagkaganda-ganda nga palang babae. No
wonder nasungkit ang kanyang ama.
Nang makita niya ang dalawa na
masayang-masayang nag-uusap nang sarilinan, para siyang sinuntok sa dibdib.
Nayanig siya sa sakit na kanyang nadama.
Hindi niya pala kayang makita ang
kanyang ama na may ibang pinag-uukulan ng ganoong pagtingin. Parang bigla
siyang naging batang paslit na nagseselos sa atensyong iniuukol nito sa iba.
Nakakagulat iyon dahil buong akala ni
Joed ay wala na siyang pakialam sa kanyang ama. Kaya nga niya ito nilayasan.
Kaya nga siya nagpakalayu-layo.
At hindi magandang sorpresa ang
damdaming gumulantang sa kanya ngayong gabi.
Kasabay pa ng hindi rin inaasahang
reaksyon niya kay Queenie Estrella.
Oo, nagselos siya sa pagtinging obvious
na iniuukol ng kanyang Papa kay Queenie.
Pero nagselos din siya
sa obvious affection ng dalaga sa kanyang ama.
Dahil sa unang pagkakita pa lang ni Joed Del Oro kay Queenie
Estrella ay nabato-balani na ang binata sa kariktan ng kontrobersyal na dalaga.
“She’s beautiful!” manghang usal niya sa sarili habang
nakatayo siya sa may pinto ng ballroom. “And she looks so innocent.”
Parang hindi niya matanggap na ito nga ang babaeng inakusahan
na niya sa kanyang isip bilang golddigger na sadyang nang-akit sa kanyang Papa.
Halu-halo na ang kanyang mga nadamang emosyon, pero nasuma ang lahat ng
iyon sa selos. Selos na mas kaya niyang i-express bilang galit.
Mas sanay kasi siya na magpakita ng
galit sa kanyang ama. Mahirap baguhin ang nakasanayan na niya nitong nakaraang
mga taon.
Galit din tuloy ang
naipakita niya kay Queenie.
At lalo siyang nasorpresa nang hindi siya nito inatrasan. Sa
kabila ng inosente nitong kagandahan, marunong din pala itong lumaban nang
sabayan. At kaybilis siya nitong nasupalpal. Matalino nga. Hindi basta-basta
maiisahan.
Ang kakatwa’y naaaninag pa rin niya sa katalinuhan nito’t
palaban na asta ang una niyang naobserbahang kainosentehan.
Napipilitan tuloy si Joed na umamin sa kanyang sarili na
napingasan na ang panghuhusga niya kay Queenie Estrella. Parang hindi na siya
sigurado kung ito nga ba’y isa ngang professional golddigger na tulad ng una
niyang inakala.
Gayunpama’y hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya
naiimbestigahan ang lahat ng ito.
Hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya naitutuwid maging
ang sarili niyang mga emosyon.
Panahon na rin nga siguro para
kumprontahin niya ang krisis sa pagitan nilang mag-ama. At hindi maiiwasang
masali sa usapin ang tungkol kay Queenie Estrella.
Sino nga ba ang babaeng
ito? Ano ang tunay na papel nito sa buhay ng kanyang Papa? At bakit ganoon na
lang ang pagkakaapekto nito sa kanya? Ano ba ang gayuma nito’t pati yata siya’y
natatangay?
Maraming mga katanungan si Joed. Samantala, hindi rin niya maikakailang napapanganga siya sa mga jewelry pieces na kanyang natutunghayan sa giant screen sa entablado.
Hindi na nga niya napapansin ang
rumarampang mga modelo. Nakatitig na lamang siya sa screen. Sa bawat close-up
na ipinapakita roon.
Isang gemologist si Joed. Eksperto
sa lahat ng klase ng hiyas. At sa kanyang paglilibot sa buong mundo, nakita na
niya ang pinakamalalaki’t pinakamamahaling mga brilyante na may
pinakamagagandang settings mula simpleng singsing hanggang sa mga korona ng royalty.
Sa
madaling salita, hindi na siya basta-basta mai-impress ng anumang jewelry
design.
Pero na-impress siya sa mga creations ni Queenie. Iba nga ang designs ng dalaga. Tunay na masasabing pangbagong milenyo.
Kung tutuusin, kahit pa gaano kataas ang carat ng brilyante o
kahit gaano pa ito ka-flawless, wala nang bago sa brilyante. Kumbaga, if you’ve
seen one, you’ve seen them all. Pare-pareho lang naman sa tingin. At maging sa
mga settings, ganoon at ganoon na lang din ang nagagawa sa mga singsing, hikaw,
pendant, bracelet, brooch at iba pang alahas. May mga kakaunting variations na
lamang sa mga disenyo.
Ang nakagulat kay Joed ay kung paanong nagawa ni Queenie na
baguhin nang husto ang presentation sa ginamit nitong mga flawless diamonds.
Pati ang tulad niyang masasabing isang jaded expert na ay napatunganga.
Hindi nga magdadalawang-isip ang mga jewelry lovers and
collectors na magbayad ng milyun-milyon para lamang magkaroon ng isang Queenie
Estrella original design.
At sigurado siyang kapag ginawa nila on an international
level ang auction ay lalo pang tataas ang presyo ng mga creations ng dalaga.
Hindi na niya ngayon puwedeng kuwistiyunin ang halagang
ibinabayad ng Del Oro Jewelers kay Queenie. Iyon
pa naman ang isang dahilan ng ora-orada niyang pag-uwi. Naalarma
siya sa nakita niya sa report na ipinadala sa kanya ng kanilang chief
accountant.
Sulit naman pala ang ibinabayad nila kay Queenie. May utang
pa nga sila rito pagkatapos ng gabing ito, dahil siguradong hindi lang
tig-isang milyon ang magiging final selling price ng bawat jewelry piece na
nilikha nito. Sila nama’y kikita rin nang milyun-milyon.
“She’s literally a treasure,” usal nanaman ni Joed sa sarili.
Nauunawaan na yata niya ngayon kung bakit ganoon na lang ang
kahalagahan ni Queenie sa kanyang Papa. Para nga naman itong breath of fresh air
sa jewelry industry at sa kanilang family business.
Para siyang sinampal uli ng mga
sinabi ni Queenie kanina.
Paano nga pala masasabing isa itong golddigger gayong ito nga ang
nag-aakyat sa kanila ng karagdagang kayamanan?
Saan ka pa nga ba makakahanap ng isang
tulad ni Queenie Estrella? Ubod ng ganda, lista at may di-matatawarang
talent.
Unique nga si Queenie. A rare jewel.
Lumalim ang pagseselos ni Joed sa
kanyang Papa. Naiinggit
siya’t ito ang unang nakakilala sa dalaga.
Naalala niya ang nakita niya kaninang affection na iginagawad
ng dalaga sa kanyang ama.
Siyempre nga naman, dahil si Don Jose Del Oro ang kinikilala
nitong benefactor.
At si Don Jose naman - nalipat na ba kay Queenie ang lahat ng
pag-asa nito para sa hinaharap ng Del Oro Jewelers?
Naalala ni Joed na kaytagal na niyang tinikis ang sariling
ama at maging ang negosyo ng pamilya. Parang siya na
rin ang nagtulak dito na maghanap ng ibang maituturing na kanang kamay.
Sa usaping iyon ay nagseselos naman siya
kay Queenie. Alam niyang huling-huli nito ngayon ang loob ng kanyang Papa.
Ano ba naman itong
nangyayari sa kanya? Bakit para yatang naaawa na siya sa kanyang sarili?
Galit nanaman ang bumangon sa dibdib ng binatang likas na
mataas ang pride.
“They can’t do this to me,” sabi niya sa sarili. “I won’t let
them.”
Kailangang manatili siya sa Pilipinas para ipakipaglaban ang
kanyang sarili – kahit hindi pa niya matukoy kung ano nga ba talaga ang gusto
niyang mangyari.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento