FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
NAKASANAYAN na ni Joed
ang magbuhos ng sama ng loob sa bakal. Ang gym ang kanyang palagiang sanctuary
sa tuwing may bumabagabag sa kanyang isip at damdamin. At nitong nakaraang mga
taon ay hindi siya nawawalan ng ganoong mga emosyonal na bagahe. Kaya nga
gumanda nang husto ang kanyang pangangatawan sa araw-araw na pagbubuhat ng
bakal sa gym.
May sariling gym
ang condominium building na
tinitirhan niya sa
Limang taon iyon. Limang taon siyang nanirahan sa
Umalis siya sa Pilipinas pagkamatay ng kanyang Mama. Pagkatapos
na maiuwi ang bangkay nito mula sa San Francisco at mailibing sa kanilang family mausoleum dito, siya naman ang
lumipad patungong Estados Unidos.
Kapagtatapos lang niya noon ng Business Administration sa UP.
Hanggang ngayon ay hindi pa niya maintindihan at hindi niya
matanggap ang nangyari. Kung bakit inilihim sa
kanya ng kanyang Papa ang sakit ng kanyang Mama. Kung bakit mag-isa ang kanyang
Mama na naghirap sa San Francisco habang silang mag-ama’y nasa Pilipinas. Kung
bakit nalagutan na lamang ng hininga ang kanyang Mama nang hindi man lang niya
nalalaman – at bangkay na ito nang iuwi sa kanila.
Ang sabi lang sa kanya
ng kanyang Papa, “She wanted it that way.”
Paano niya mapapaniwalaan iyon? Natural ba para sa isang
asawa’t ina ang lumayo sa sariling pamilya sa mismong panahong tinaningan na
ang buhay nito dahil sa cancer?
Masakit para sa kanya dahil mula pagkabata’y kakaunti na nga
lang mga panahong nakasama niya ang kanyang Mama.
Mula nang magkaisip si Joed, lagi na lang siyang sabik na sabik
sa kanyang Mama.
Ang ganda-ganda nga naman ni Aurora Del Oro. Mala-diyosa ang
ganda. Kahit sa hanay ng mga pinakakilalang mga socialites sa Manila ay angat ang kagandahan nito’t personalidad. Lagi
itong ayos na ayos. Laging kabilang sa Manila’s Best Dressed Ladies. Laging
naaadornohan ng pinakamamahalin at pinakamagagandang mga alahas mula sa Del Oro
Jewelers.
Naaalala pa ni Joed na laging kaybangu-bango ng kanyang Mama.
Sa tuwina’y iba’t-ibang mamahaling mga pabango ang gamit nito.
Kilala rin si Aurora sa napaka-outgoing nitong personalidad.
Ang sabi nga’y lagi itong life of every party. Sinusundan ng lahat ang mataginting
nitong halakhak.
At naaalala ni Joed na kahit bibihira lang silang magkasamang
mag-ina, kapag nagkakasama naman sila’y laging kaysaya-saya.
Outrageous nga kung minsan ang kanyang Mama. Kapag may naisipang
gawin ay basta na lang gagawin.
Katulad
noong halos malunod ang kanilang lawn nang maisipan nitong makipag-water-fight
sa kanya na gamit ang kanilang mga garden hose.
O noong
sinabayan siya nito sa pagpipinta ng mukha at pagsuot ng costume isang Halloween,
at namasyal pa man din sila sa Makati nang ganoon ang ayos.
Puro masasaya ang kanyang alaala sa kanyang Mama, kahit
kakaunti lamang. Kaya rin naman napakahalaga sa
kanya ng mga alaalang iyon. At kaya takaw na takaw siyang madagdagan pa ang mga
pagkakataong iyon kahit noong binata na siya’t nag-aaral na sa UP.
Pero habang lumalaki siya, napansin din
niyang padalang nang padalang ang pagkakasama nilang mag-ina. Mas madalas
na nasa States si
Kapag naman narito,
lagi ring wala sa bahay. Laging abala sa mga social functions.
Noong nasa college na siya, mas madalas ay sa overseas calls
na lang sila nagkakabalitaan. Nagkakalambingan.
Hindi niya matanggap na sa mga panahong iyon ay may sakit na
pala ang kanyang Mama.
Kung hindi nito masabi sa kanya ang totoo, sana’y binalikat
na lamang ng kanyang Papa ang pagtatapat sa kanya. Hindi ba’t iyon naman talaga
ang laging papel ng kanyang Papa sa buhay niya mula’t sapul? Ang maging seryoso
sa lahat ng bagay?
Kabaligtaran ito ng kanyang Mama.
Lagi nga silang magkasama at umaalis lang ito para mag-opisina sa katabi rin ng
kanilang bahay, pero hindi masayang kasama ang kanyang Papa.
Ang naaalala niya ay
ito ang laging nakaantabay sa kanyang pagkain. Sumusubaybay kung kumakain siya
nang tama – may gulay at prutas liban sa karne o manok o isda. Kung umiinom
siya ng gatas at vitamins. Kung
sinusunod niya ang kanyang Yaya Maura.
Habang kumakain pa sila, lagi itong nagle-lecture tungkol sa kung anu-ano.
Laging may itinuturo. Laging may ipinapaalala. Laging may pangaral.
Gabi-gabi, sinasabayan siya nito sa pagdarasal bago matulog.
Linggu-linggo ay isinasama sa pagsisimba.
Buwan-buwan, ito ang nagdadala sa kanya sa pediatrician. Ganoon din kapag nagkakasakit siya. Pinapatulog pa nga siya sa master’s
bedroom kapag matindi ang kanyang sakit at wala roon ang kanyang Mama.
Noong maliit pa siya, ito ang sumusubaybay
sa kanyang pag-aaral. Sa paggawa niya ng homework at mga school
projects. Nang lumaon ay ikinuha na siya nito ng tutor. Pero lagi pa ring mino-monitor
ang kanyang grades.
Disciplinarian ang kanyang Papa. Kahit kaisa-isa siyang anak
ay walang pinalalampas na pagkakamali niya. Hindi man siya pinapalo noon ay
laging may katapat na kaparusahan ang bawat kasalanan. Maaaring pagbawalan
siyang manood ng TV o maglaro sa kanyang mga paboritong laruan nang ilang araw,
depende sa tindi ng kanyang pagkakasala.
Noong binata na siya, grounded naman siya kapag may nagawang
hindi dapat. Hindi puwedeng lumabas sa kasunod na weekend.
Kunsabagay, naipaunawa naman sa kanya ng kanyang Papa ang
dahilan para sa lahat ng iyon. Alam niyang para rin iyon sa kanyang kapakanan.
At wala siyang hinanakit tungkol sa mga bagay na iyon.
Ang hinanakit niya kay Don Jose ay kaugnay lang ng pagkamatay
ng kanyang Mama.
Wala siyang ibang sinisisi kung bakit hindi niya nakasama’t
naalagaan ang kanyang Mama sa mga huling taon, buwan at araw ng buhay nito.
Kung bakit hindi man lang niya nakausap ang kanyang Mama bago ito binawian ng
buhay.
Ang huli nilang pag-uusap na mag-ina ay tatlong buwan bago
ito namatay.
Hindi niya maintindihan kung bakit kinailangang maging ganoon.
Hindi niya yata mapapatawad ang kanyang Papa dahil hinayaan nitong mangyari ang
ganoon.
Kaya lumayo siya.
Kayang-kaya naman niyang magsarili. Noong namatay ang kanyang
Lolo’t Lola ay may iniwang mana para sa kanya. Sobra-sobra para ikabuhay niya
kahit hindi na siya magtrabaho habambuhay.
Nag-aral siya ng gemology sa New York. Nag-travel para
mapalawak pa ang kanyang kaalaman sa field na iyon. Pagkatapos ay nagbalik din
siya sa New York at nagtrabaho sa isang museum. Ancient jewelry naman ang
kanyang hinawakan.
Wala na nga sana siyang balak na magbalik pa sa Pilipinas.
Tinikis na niya ang mga tawag, email at sulat ng kanyang Papa, maging ang mga
pag-anyaya nitong panghawakan na niya ang Del Oro Jewelers.
Kung maging jeweler man siya na tulad ng kanyang mga ninuno,
balak niya’y sa sarili na niyang itatatag na kompanya.
Pero ewan kung bakit iba ang naging epekto sa kanya ng
balitang may kinalolokohan daw na batambatang jewelry designer si Don Jose Del
Oro. Napikon agad siya.
Sabi niya sa kanyang sarili, responsibilidad lang kasi niyang
bantayan na hindi mawaldas sa kung sinong golddigger ang kayamanang iniwan ng
kanyang mga ninuno, na ang kalakhan ay nasa kamay pa rin ng kanyang Papa. Iyon
lang.
Kinumbinsi niya ang kanyang sarili na iyon lang ang dahilan
kung bakit siya kumuha ng indefinite leave sa kanyang trabaho sa New York para
ora-oradang umuwi sa Manila – at para makahabol sa ipinangangalandakang Diamond
Gala Night ng Del Oro Jewelers.
Hindi niya akalaing mas masalimuot
pa pala ang makakaharap niyang sitwasyon.
At tulad nang dati, tinakasan uli niya
ang hindi na niya maharap na komplikasyon. Nauna na siyang umuwi sa mansiyon
kagabi. Mabuti nga’t sa mansiyon lang. Hindi sa New York.
Nakapagpasiya na siya. Dito na muna siya sa Pilipinas. Puwede
naman niyang patagalin nang hanggang six months ang kanyang leave. Sapat na
siguro ang panahong iyon para mahimay niya ang lahat ng kanyang mga problema
dito.
Nahirapan siyang makatulog kagabi. Liban pa sa jet lag ay
talagang gulung-gulo ang isip niya. Kayraming nagsulputang mga ideya at emosyon
na ngayon lang nangahas na lumitaw sa kanyang consciousness.
Una, iyong kabig ng kanyang emosyon
sa kanyang Papa. Iyong selos na kanyang nadama nang makita niyang may iba
itong pinag-uukulan ng atensyon at tiwala.
Sa loob pala ng limang taon ay na-miss niya nang husto ang
kanyang Papa. Kahit hindi naman niya noon itinuturing na masaya ang mga panahong
magkasama sila.
At mas mahirap pala iyong malaman mong mahal mo pa rin ang
taong nagbigay sa iyo ng malalim na sama ng loob na hanggang ngayo’y
nagnanaknak pa rin sa iyong buong pagkatao. Mas masakit.
“Why did you do that to me, Papa?” sumbat pa rin ng puso
niya. “And why are you doing this to me now?”
Pakiramdam niya’y parang ipinamumukha pa nito sa kanya ngayon
ang protégé na si Queenie Estrella.
Hindi na siguro siya kailangan nito dahil may bago nang
nag-aakyat ng malaking suwerte sa Del Oro Jewelers.
Sa kabilang banda, ibang usapin din naman itong si Queenie
Estrella.
Hindi na nga niya ito puwedeng paratangan ngayon na golddigger.
Ito pa nga ang maituturing na goldmine ng kanilang kumpanya.
Pero masama pa rin ang loob niya sa dalaga. Paano’y nakuha
nga nito nang buung-buo ang loob ng kanyang Papa. Nagseselos siya dahil kaydali
nitong napunan ang iniwan niyang kawalan sa buhay ng kanyang ama.
At hindi lang iyon.
Nagseselos din siya sa pagtinging iniuukol ni Queenie kay Don
Jose.
Maaaring napakalaki nga ng agwat ng edad ng dalawa, pero sa
nakita niya kahapon ay puwede na siyang maniwalang posible ngang ma-in love ang
dalaga sa kanyang Papa. Halatang-halata ang pag-idolize nito sa matandang
lalaki. At naramdaman niyang seryoso ito nang ipamukha sa kanyang “Your father
is a much better man than you are, Mr. Joed Del Oro.”
Sa pananalita pa nito’y para na ring sinabing hindi siya gentleman
at hindi man lang maituturing na human being. Mataray talaga. Matindi. At
ganoon kababa ang tingin sa kanya.
Napakasuwerte naman ng kanyang Papa
para makuha ang admirasyon ng isang tulad ni Queenie Estrella.
Pagkaganda-gandang babae. Mas maganda pa
sa kanyang Mama noong kabataan nito. May pambihirang talent. At may kakaibang
tapang at strength of character.
Totoo, malakas ang tama sa kanya ni Queenie Estrella. Paano
ngayon kung may tunay nga itong relasyon sa kanyang Papa?
Nag-umaga na lang ay hindi pa
malaman ni Joed kung ano ang isasagot sa sariling mga katanungan. Kaya bago pa
man bumangon ang kanyang Papa ay umalis na siya ng bahay para maghanap ng
pinakamalapit na bukas na gym.
Dito siya ngayon nagbubuhos ng lahat ng
kanyang frustrations.
Pero may hangganan din ang kaya niyang
gawin sa bakal, o sa treadmill pagkatapos niyon. Hindi niya puwedeng itulak pa
ang kanyang katawan nang lagpas sa hangganan ng kaya nitong ibigay.
Kaya bago mag-alas-dose ng tanghali ay
pabalik na si Joed sa mansiyon.
Wala siyang magagawa.
Kailangan na niyang harapin ang reyalidad.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento