FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
MAGKAHIWALAY na kotse
ang ginamit nina Queenie at Don Jose papuntang New Manila. Sakay ang matanda ng Benz nitong minamaneho ng katiwalang driver cum
bodyguard. Dala naman ni Queenie ang sarili niyang kotse.
Sa daan ay binabalikan ng dalaga sa isip
ang mga napag-usapan pa nila ng Don tungkol sa anak nitong si Joed.
“Magmula noong maliit pa siya, mas
katulad ko talaga ang ugali ng batang iyan,” sabi ng ama. “Hindi siya
madaldal at outgoing na tulad ni Aurora. Tahimik lang siya. Laging seryoso.
Bihirang magsalita, pero lagi namang may sense. Kaso
nga lang, noong namatay ang kanyang Mama, naging bitter siya. Iyong
bibihira na nga lang niyang pagbibitiw ng salita, naging matalas pang mga
pananalita.”
“Sabi mo, fresh from college lang siya noon,” sagot ni
Queenie. “Ang bata naman niyang naging masungit.”
“And look at him now,” sabi ni Don Jose. “A dark, brooding
man at twenty-five. Parang pasan-pasan ang buong mundo
sa kanyang mga balikat.”
“Mabuti at hindi ka
naging ganoon,” pansin ng dalaga. “Pareho lang
naman kayong nawalan ng minamahal, a.”
“Kung pinagbigyan ko
lang ang sarili ko, I would have been worse than that,” amin ni Don Jose. “But
I had to take control of myself. Ako ang mas nakatatanda, ako ang kailangang
umunawa at mag-adjust. And besides, sino pa ang mangangalaga sa kanyang inheritance
na inabandona kung hindi ako? Pinagyayaman ko lang naman ang Del Oro Jewelers
para sa kanya at sa kanyang future.
“Kahit umalis siya, itinuloy ko pa rin ang pagpapagawa sa
opisina niya sa head office. You’ve seen it. May pangalan niya sa pinto.
Kumpleto sa gamit. Just waiting for him. At kumpleto rin namin siyang
pinapadalhan ng lahat ng reports tungkol sa kompanya. He’s informed of every
single detail. So, he can, indeed, come back any time and take over from me.”
“Kaya pala nalaman niya ang tungkol
sa akin,” sabi ni Queenie. “And he didn’t like the report.”
“Palagay ko, hindi ang report ang nakaalarma sa kanya kundi
ang mga tsismis,” sagot ni Don Jose.
“Dapat ay tinanong ka muna niya bago siya nagpapaniwala sa
kung sinu-sino lang,” katwiran ng dalaga.
“I think that’s exactly why he’s here,” tango ng matanda.
“Iyon nga lang, hindi niya ako matanong nang diretsahan.”
“Nakakalungkot naman na may gap kayong mag-ama,” iling ni
Queenie. “Para pa naman kayong pinagbiyak na bunga.”
“Hindi,” tanggi ni Don Jose. “Namana ni Joed ang kanyang
pagiging magandang-lalaki kay Aurora. Nakuha niya ang classic features ng
kanyang Mama.”
“Maybe so,” sagot ni Queenie. “Pero mas magkamukha pa rin
kayo dahil kuhang-kuha naman niya ang mga facial expressions mo at pati na rin
ang tindig mo. Kahit nga ang imposing presence mo at air of authority, nasa
kanya rin.”
“Why, thank you,” nakangiting sabi ng matanda. “I consider that
a great compliment. Lalo pa’t lagi nang habulin ng mga babae si Joed. Women
fall all over him, kahit pa noong nasa college siya. Wala
pa nga lang siyang naging seryosong nobya. Ewan ko lang nitong nasa States
siya.”
“A lot of women go for
the strong and silent type,” sabi ng dalaga. “Attractive din sa marami iyang
katulad niyang suplado at may air of mystery.”
“Ikaw ba, hija, may boyfriend na?” biglang tanong ni Don
Jose. “Hindi ko pa yata nababalitaan ang tungkol sa parteng iyan ng buhay mo.”
Nagulat si Queenie. Agad na pinamulahan ng mukha.
“I don’t have time for that,” sagot niya. “Noong nasa college
ako, hectic ang schedule ko sa pag-aaral at sa aking part-time jobs. After
college naman, alam mong tumuloy agad ako sa Japan, Italy at France. Panay aral
at competitions din ang inatupag ko roon. And then this past year, nakatutok
lang ako sa trabaho ko.”
“Now that you’re a success, dapat mo naman sigurong atupagin
ang iyong personal life,” payo ng matanda. “Your lovelife, to be exact.”
Tumawa lang si Queenie.
Ni hindi nga niya napag-iisipan ang bagay na iyon mula’t
sapul. Wala pa rin naman kasi siyang nakilalang lalaki na
nakakuha ng kanyang pansin.
Liban nga lang kay Joed Del Oro.
Bakit nga ba ganoon na lang ang
atraksyong nadama niya sa binata sa unang pagkakita pa lang niya rito sa
personal? Kung tutuusin, dapat sana’y hindi na siya nabigla dahil kabisado na
niya ang mukha nito sa mga litrato’t sa video. Pamilyar na sa kanya ang mga
kilos nito’t pagsasalita. Pero iba pala sa harapan.
Ang nakakainis pa, nananatili ang atraksyon niya
sa binata kahit inis na inis na siya rito. Kahit gustung-gusto na niya itong
sampalin.
Hindi nga nakakapagtakang marami raw mga
babaeng nagkakandarapa kay Joed.
Ah, pero iba siya. Kahit ganito ang
kanyang nadarama, hinding-hindi siya tutulad sa kanila.
Sa kotse pa lang ay inihanda na ni
Queenie ang kanyang sarili sa muli nilang paghaharap ng binata.
MAGKASABAY na sila ni
Don Jose pagpasok sa opisina ng Del Oro Jewelers. Nakaakbay
pa kay Queenie ang matanda.
Dati na naman nilang gawi iyon. Walang malisya.
Tulad lang ng kung paano inaakbayan ng isang ama ang paboritong anak na babae.
Pero matalim ang tinging ipinukol sa
kanila ni Joed.
Kausap nito ang chief
accountant nila.
“Hello, son,” parang walang anumang bati rito ni Don Jose. “Have
you settled in your office? Kung may gusto kang papalitan doon, just do it.
Kung may kailangan ka, just say so.”
“I’m fine,” maikling sagot ng binata.
“Does this mean you’ll be staying for good?” tanong pa ng matanda.
Nagkibit-balikat si Joed.
“Depende,” sagot nito.
Hindi na nag-usisa pa si Don Jose.
“Everything here is at your disposal,” sabi nito. “If you can
spare me a moment, puwede ba kitang makausap sa kuwarto ko?”
“Pupuntahan na lang kita,” sagot ng binata.
Walang nagawa ang ama kundi tumango
na lamang.
Magkatabi lang ang
opisina nina Don Jose at Queenie. Nasa kaliwa ng opisina ng matanda ang
opisinang nakalaan kay Joed. Nasa kanan naman ang sa dalaga.
Nakaakbay pa rin ang Don kay Queenie habang papunta sa
pribadong mga opisina nila. Inihatid siya sa may pinto ng kanyang silid bago
ito nagtuloy sa sarili namang kuwarto.
Parang hapung-hapo si Queenie nang maupo sa kanyang executive
swivel chair. Kahit hindi sila nag-usap ni Joed ay para na rin siya nitong
inakusahan nang harapan. Iyon ang mensaheng ipinarating ng mga mata nito.
At kahit sinalubong lang niya uli ng diretsong tingin ang
titig nito kagaya kagabi, pakiramdam niya’y para na siyang nakihamok sa giyera.
Nakakapagod pala ang ganoon.
Itinukod ng dalaga ang dalawang siko sa executive desk. Isinubsob
ang kanyang mukha sa dalawang palad. Huminga nang malalim.
Dalawang mabilis na magkakasunod na katok ang narinig niya
mula sa pinto.
Hustong katataas lang niya ng
kanyang mukha nang kampanteng-kampanteng pumasok si Joed.
“Good morning,” sabi
nito habang papaupo sa gilid ng kanyang mesa.
“That’s a rather delayed greeting,” nakataas ang kilay na
sagot niya. “But good morning to you, too.”
“Galing pala kayo sa meeting kay Attorney,” sabi ng binata.
“Nalaman ko sa secretary ni Papa. Of course, he wouldn’t entrust you to anybody
else. Talagang inaalagaan ka niya nang mabuti, ano?”
“Tinulungan lang nila akong i-invest ang aking hard-earned money,”
sagot ni Queenie.
“Oo nga pala,” tango ni Joed. “Two hundred seventy five
million from last night, puwera pa sa naunang downpayment na ten million.”
“Mas malaki naman nang di hamak ang share mo kaysa roon,”
paalala ni Queenie. “Ano ba ang ikinagagalit mo?”
Nagtaas ng dalawang palad ang binata.
“Hey, I’m not mad,” sagot nito. “In fact, tanggap ko nang
totoo ang ipinamukha mo sa akin kagabi - na ipinamumukha mo uli sa akin ngayon.
Dapat nga pala akong magpasalamat sa iyo dahil nag-aakyat ka ng malaking income
sa kompanya. At dahil kumikita ako sa pinagpaguran mo samantalang I didn’t even
lift a finger. So, what do you want me to do? Genuflect?”
Mapang-uyam pa rin ang tono nito at maging ang pagkakangiti.
Kating-kati na ang mga palad ni Queenie na manampal kahit
hindi pa niya nagagawa iyon kaninuman sa buong buhay niya.
“Get out of my office,” sa halip ay utos niya rito sa kontroladong
tinig.
“Yes, your highness,” sagot ni Joed. “Anything you say, your
highness.”
At paatras pa itong lumabas ng kanyang silid. Nakayukod.
Kung hindi lang nakakahiya sa mga empleyadong makakarinig sa
labas ay gusto na niyang ibato sa isinara nitong pinto ang mabigat na paper weight na nakapatong sa kanyang
mesa.
Mangiyak-ngiyak sa matinding pagkainis si Queenie.
Bakit ganoon? Tinanggap nga ni Joed ang katotohanan pero mula
naman sa bibig nito’y parang kaysama-sama pa rin niya.
Gusto na niyang umuwi. Umalis sa teritoryo nito. Pero naisip
niya, nananadya talaga ang binata. Pinipikon siya. Gusto nga siyang paalisin.
Gusto nga sigurong mag-resign
na lang siya.
Lumakas ang determinasyon ni Queenie. Kahit nangangatal pa rin ang kanyang buong pagkatao sa naganap, nagpigil
siya.
Hindi siya patatalo ng ganoon lang. Kakayanin
niya ito.
WALA na siyang nagawang
matino sa maghapon. May mga sinimulan siyang sketches, pero habang ginagawa
niya’y alam niyang pampalipas-oras lang. Ibabasura rin niya pagkatapos.
Paano nga ba siya makakalikha ng bagong jewelry design kung
ganito ang kanyang mood? Sirang-sira.
Ayaw naman niyang magsumbong kay Don Jose. Siguradong
tototohanin na nito ang alok na ilipat siya ng opisina. Kayang-kaya nitong
ikuha siya ng sariling espasyo saanmang condominium building sa Ortigas. Lalo
lang lalabas na pinoprotektahan siya nito nang husto. Lalong magagatungan ang
mga maling hinala ni Joed.
Isa pa, lalabas din na siya ang umaatras sa laban. At hindi
niya matatanggap iyon.
Sasanayin na lang niya ang kanyang sarili sa ganitong stress
at tension. Kailangang matutunan niyang magtrabaho sa ganitong atmosphere. Papatunayan
niyang puwede pa rin siyang maging productive. Hindi dapat bumaba ang kalidad
ng kanyang trabaho. Iyon ang maipamumukha niya sa
binata.
Tumunog ang intercom na nasa kanyang
mesa.
“Ma’am, si Sir William nasa line one,”
sabi ng kanilang sekretarya.
“Thank you, I’ll get it,”
sagot niya.
“Queenie, may biglaang humihingi ng TV interview sa iyo,”
sabi ni William nang makausap niya. “Maikli lang naman daw. Isisingit lang sa
six o’clock news.”
“Ha?” gulat na sagot niya.
Ni hindi pa nga siya nakaka-recover mula sa naganap sa kanila
ni Joed.
“Hinihintay nilang mag-confirm ako by cell phone,” pagpapatuloy
ng publicist. “Nasa daan na ang news team, e. Pag pumayag ka, papunta na sila
riyan. Nasa vicinity na raw sila ng New Manila.”
“P-Pero…,” naghahagilap siya ng idadahilan.
“Sige na,” untag ni William. “Natanggihan
na natin ang istasyong ito kagabi, e. Baka magtampo nang tuluyan. We can’t
afford that.”
“D-Di s-sige…,” napipilitang sagot niya.
“Thanks,” masayang sabi ni William. “Itatawag
ko sa staff na istimahin sila. Maghanda ka na.”
MAKINIS naman ang naging
daloy ng interview. Ginawa iyon sa reception area ng head office. Backdrop ang
malaking wall sign na Del Oro Jewelers.
Kabisado ni Queenie ang isasagot sa lahat ng mga katanungan. Involved
kasi siya sa lahat ng aspeto ng ginawa nilang paghahanda para sa nagdaang Diamond
Gala Night.
Pero hindi niya inaasahan ang
panghuling katanungan ng reporter.
“Mr. Joed Del Oro
arrived yesterday,” sabi nito. “How is your relationship with him? Wala bang tensiyon?”
Kamuntik nang mag-panic si Queenie,
hindi lang siya nagpahalata.
“Very professional ang
relasyon namin since he’s one of my employers,” kunwa’y kalmadong-kalmadong
sagot niya. “In fact, he thanked me for my contributions to the company just
this afternoon.”
MAY close-circuit
security camera at long-range microphone na nakatutok sa bahaging iyon ng reception
area kung kaya napapanood ni Joed sa monitor na nasa central security office
ang nagaganap na interview.
Napangiwi nga ang mukha ng binata sa huling katanungan ng
reporter. Kinabahan din siya sa maaaring isagot ni Queenie.
Pero nagulat siyang wala man lang rumehistro na anumang
negatibong reakyon sa mukha ng dalaga. At kalmado pa itong nakasagot.
Kung pakikinggan ang sinabi nito’y para bang kayhusay-husay
ng naging pag-uusap nila kanina.
Muling humanga si Joed kay Queenie Estrella. Buo ang loob
nito. Matapang.
Akala nga niya kanina, magtatatakbo ito sa kanyang Papa na
nag-iiiyak. Magsusumbong. Pero tulad kagabi ay pinanindigan nito ang pagharap
sa kanya nang palaban.
Hindi naman niya binalak na atakihin
nang ganoon ang dalaga. Bago ito dumating sa opisina, ang balak talaga niya ay
mag-apologize nang maayos sa
inasal niya kagabi. Hihilingin sana niyang magsimula sila nang panibago – iyong
walang pikunan.
Pero siya rin ang unang napikon
nang makita niyang dumating si Queenie na inaakbayan ng kanyang Papa.
At hindi niya napigil ang sarili na sa
dalaga ibunton ang kanyang hindi maipaliwanag na pagrerebelde ng loob.
Ngayo’y sising-sisi
nanaman siya.
At lalo pang naguguluhan.
Nagpasiya si Joed. Kakausapin na niya ang kanyang Papa.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento