Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Hunyo 18, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Queenie Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

 

“ALING guest room ho ang puwede kong gamitin?” tanong ni Queenie kay Aling Lerma pagkatapos niyang kumain.

        “Halika, ituturo ko sa iyo bago ko ligpitin itong mesa,” sagot ng babae.

        “Excuse me,” paalam ni Queenie kay Joed.

        Tumango lang ang binata.

        Iniwan na niya ito sa hapagkainan.

        “Wala kang dalang bihisan, ano?” pansin ni Aling Lerma habang pumapanhik sila.

        “Na-stranded lang ho kasi kami dahil sa ulan,” paliwanag niya. “Hindi ko naman binalak na mag-overnight dito.”

        “Walang problema,” nakangiting sagot ng katiwala. “Lagi akong handa sa ganyan.”

        Dinala siya nito sa isa sa mga guest rooms. Pagpasok nila, nagbukas ito ng cabinet at inabutan siya ng bagong labang robang seda.

        “Isuot mo ito at hubarin mong lahat iyang damit mo,” sabi ni Lerma. “Pati underwear. Sandali ko lang iyan idadaan sa washing machine at dryer sa basement. Papasadahan ko nang plantsa iyang pantalon mo’t blusa. Bukas ng umaga, ready to wear na uli.”

        “Ho?” gulat na sagot niya.

        “Ay, oo nga pala,” natatawang dagdag ni Lerma. “May mga brand new na panty at nightie doon sa closet sa banyo. Selyado pa sa original na package ang lahat ng iyon. Kumuha ka na ng size mo. Alangan namang matulog ka nang nakaburles.”

        At tuluyan na itong napabungisngis.

        “Para pala kayong may department store dito,” sabi ni Queenie.

        “Nangyayari kasi talaga iyang ganyang mga hindi inaasahang nag-o-overnight dito,” sagot ni Lerma. “Hala sige, pasok na sa banyo. Iabot mo na lang sa akin ang mga hinubad mo. Huwag kang mag-alala’t ako lang mismo ang mag-aasikaso sa mga iyan.”

        “Thank you, ho,” sabi ng dalaga bago sumunod sa mungkahi nito.

        Pagkaalis ni Lerma, naligo na muna si Queenie. Nadiskubre niyang kumpleto rin sa toiletries ang banyo. Parang hotel.

        Hindi niya napansin iyon noong nag-overnight sila ng staff ng Del Oro Jewelers dito dahil naging parang dorm sila noon. Sama-sama ang ilang babae sa bawat kuwarto. Sa labas na nga natulog ang ibang lalaki. Naka-tent na lang.

        Akala niya noon, baon ng mga kasamahan niya ang mga toiletries na nakita niya sa banyo at sa tokador ng kuwarto. Ngayon lang niya na-realize na supplied pala ni Aling Lerma ang lahat ng iyon.

        May mga bagong labang tuwalya sa banyo. May hair dryer din.

        Tinuyo na niya ang kanyang buhok pagkatapos maligo. Para hindi na mabasa ang hihigaan niya.

        Ilang kahon nga ng mga brand new na panty ang nakita niya sa closet. Naka-plastic nga na selyado ang bawat isa.

        Kumuha siya ng puting bikini. Small.

        Puti rin ang pinili niyang nightie. Cotton knit. May sleeves at abot hanggang tuhod niya ang laylayan. Disente.

        Kahit pa mas mukha iyong pambahay kaysa pantulog nang maisuot niya, ipinatong pa rin ng dalaga sa nightie ang mahabang roba. Itinali niya iyon nang mahigpit sa kanyang beywang.

        Pero ayaw pa niyang matulog. Hindi pa siya inaantok.

        Nagpasya siyang lumabas sa terasa ng kuwarto. Malapad iyon at nabububungan. Kung hindi rin lang malakas ang hangin, puwede siya roon kahit umuulan.

        Binuksan niya ang sliding glass doors ng silid.

        Paglabas niya, nagulat siya nang mamataan sa di kalayuan si Joed.

        Nakalimutan niyang naka-wrap around nga pala sa bahay ang terasa. Lahat ng silid-tulugan ay doon din ang labas.

        Pabalik na sana uli siya sa kanyang kuwarto nang tawagin siya ng binata.

        “Queenie, sandali…”

        Natigilan siya.

        Lumapit si Joed.

        “I’d like to apologize,” sabi nito. “Sa lahat-lahat.”

        Hindi iyon inaasahan ng dalaga. Napatingin tuloy siya rito nang nababakas ang pagkagulat sa kanyang mukha.

        “Kagabi pa ako, e,” dagdag ni Joed. “Pasensiya ka na. I was wrong last night, this afternoon at the office and tonight. Tama si Papa. I’ve been unfair to you. I’m sorry. Ikaw ang napagbubuntunan ko ng init ng ulo ko.”

        Nakamaang lang si Queenie.

        Iniisip niya, biglang-bigla naman yata ang pagbago ng ihip ng hangin.

        “Hindi ba kapanipaniwala ang pag-a-apologize ko?” tanong ni Joed.

        Nahimasmasan ang dalaga.

        “H-Ha?” sagot niya. “H-Hindi…nakakagulat lang. Biglaan kasi. Kunsabagay, you’ve been under a lot of stress. Lalo na sa nalaman mo kanina.”

        “Alam mo rin iyon?” nakakunot ang noong tanong ni Joed.

        “Huwag kang magagalit,” mabilis na pahabol ni Queenie. “Wala lang ibang mapagbuhusan ng loob ang Papa mo kaninang pag-alis mo. Don’t worry, marunong akong mag-ingat ng sikreto. You can trust me.”

        Natigilan si Joed.

        Mayamaya’y nagkibit-balikat ito.

        “Oo nga naman,” parang pagsang-ayon nito. “Sino pa nga ba ang puwedeng kausapin ng Papa? Like he said earlier, you’re almost a daughter to him. Honestly, medyo nagseselos pa rin ako. Pero kailangan ko ng kausap ngayon. Puwede rin ba kitang maabala?”

        Napamulagat nanaman si Queenie.

        “We might as well thresh out everything between us,” pagpapatuloy ni Joed. “Alam mo na rin lang ang lahat, I guess I can now be totally honest with you. Bakasakaling maintindihan mo kung bakit naging napaka-obnoxious ko.”

        Hindi napigil ni Queenie ang mapangiti.

        “You chose the right word,” sabi niya. “Alam mo rin palang ganoon ka.”

        “Aray,” kunwa’y pangiwing sagot ni Joed. “Kaya nga nag-a-apologize, e.”

        “O sige, madali lang naman akong kausapin,” malambot na ang loob na sabi ni Queenie.

        “Doon kaya tayo sa family room,” anyaya ng binata. “Maanggi na rito. Baka ginawin ka.”

        Pumasok uli sila sa bahay. May sliding doors din naman mula sa terasa patungo sa family room na nasa kalagitnaan ng pangalawang palapag.

        Malamlam ang ilaw doon. Madilaw. Nagmumula sa apat na wall lamps sa apat na malalayong sulok ng silid.

        Nauna na si Queenie sa pag-upo sa isa sa mga higanteng throw pillow na nagkalat sa makintab na sahig na tabla. Dahil mahaba ang suot niyang roba, puwedeng-puwede siyang sumalampak nang kumportableng-kumportable roon.

        Naupo sa tabi niya si Joed.

        “I promised to be honest,” pagsisimula nito. “So aaminin ko sa iyong I’m still pissed off na pinasundan ako ni Papa.”

        Sasagot na sana si Queenie pero nagtaas ito ng palad.

        “On the other hand, naiintindihan ko naman na nag-aalala siya,” pagpapatuloy nito. “Naiintindihan ko rin na nag-aalala ka sa kalagayan niya kaya sumugod ka. Two of a kind nga kayong dalawa. Nakakapikon pero nakaka-touch din.”

        Napakurap si Queenie.

        Hindi niya akalaing maririnig niya ang ganoong kataga mula sa binata.

        Natawa ito nang mapakla sa reaksyon niya.

        “Despite your doubts, I’m human, too, you know,” sabi nito. “May damdamin din naman ako.”

        Naalala ni Queenie ang patutsada niya rito kagabi – na hindi ito gentleman at hindi human.

        “I’m sorry about that remark last night,” napapahiyang sagot niya. “Napikon din kasi ako.”

        “Quite understandable under the circumstances,” sang-ayon ni Joed. “I was rude at tama lang na sinupalpal mo ako. Napahanga mo nga ako, e. Marunong kang magtanggol sa sarili kung kinakailangan. Ako naman, magulo talaga ang isip ko kagabi. Galit ako sa mga narinig kong tsismis. Pagkatapos, nasorpresa pa ako nang makita kita.”

        “Nasorpresa?” pagtataka ng dalaga. “Akala ko, nabalitaan mo na nga ang tungkol sa akin. Pati ang mga tsismis.”

        Tumango si Joed.

        “And I was expecting to see a slut,” sagot nito. “Imagine my shock when I saw you. Disenteng-disente. Refined. A real lady.”

        Nagtaas ng kilay si Queenie.

        “Ows?” sagot niya. “E bakit ganoon pa rin ang salubong mo sa akin?”

        “Dala na iyon ng momentum ko,” pagtatapat ni Joed. “Sa New York pa lang kasi, marami na akong ni-rehearse na mga linya para sa una kong pagharap sa inyo ni Papa. Ang sama, ano?”

        “Ang sama talaga,” tango ni Queenie. “Hindi mo man lang muna kinausap ang Papa mo. Tinanong.”

        “I know, I know,” amin pa rin ng binata. “Pero paano ko siya basta na lang kakausapin after five years? Mahirap, e. Kahit nga kagabi, hindi mo ba napansing ikaw ang lagi kong kinakausap? Hindi ko pa rin siya madiretso.”

        “Kaya pala,” sagot ng dalaga. “You used me as a convenient target. Ang galing mo naman.”

        “Kasama na ang lahat ng iyon sa inihihingi ko ngayon ng kapatawaran,” sabi ni Joed. “Huhustuhin ko na nga ang pangungumpisal, e. I owe you this.”

        “O sige nga, ano pa?” himig-pabirong tanong ni Queenie.

        Tanggap na rin naman kasi niya ang pag-a-apologize ng kausap.

        “Kahit nakita ko kaagad kagabi na hindi ka tulad ng sinasabi nila na golddigger, naisip ko pa ring posibleng may genuine romantic relationship kayo ni Papa,” sabi ni Joed na nakayuko. “Nakita ko kasi na sincere ang pag-idolize mo sa kanya.”

        “I do idolize him,” sagot ni Queenie. “But like a father. He’s been very good to me. Napakataas ng respeto ko sa kanya. Kaya nga binabalewala ko ang mga tsismis. Sa iyo lang talaga ako napikon nang husto.”

        “Bakit?” tanong ni Joed.

        Nasukol ang dalaga.

        “S-Siguro kasi anak ka niya,” iwas niya. “Ayokong makadagdag sa mga problemang namamagitan sa inyo.”

        “Like I said earlier, medyo nagselos din ako sa pagturing niya sa iyo bilang anak,” sabi ni Joed.

        “I guess that’s understandable,” sagot ni Queenie. “Lalo pa dahil only child ka at nagkaroon kayo ng gap. Pagkatapos, papasok-pasok ako sa eksena.”

        “Kailan niya ikinuwento sa iyo ang tungkol kay Mama?” biglang tanong ni Joed.

        “Kanina lang,” sagot ni Queenie. “Pag-alis mo. Inabutan ko kasi siya na umiiyak pa. He wanted me to understand why.”

        “Akala ko, nauna ka pang nakaalam kaysa sa akin,” sabi ng binata.

        “Of course not,” sagot niya. “Joed, kahit parang anak na rin ang turing niya sa akin, iba ka siyempre. He loves you so much. He misses you. Hirap na hirap ang loob niya sa paglayo mo sa kanya. He wants you back. Nag-iisa kang anak niya.”

        “Hindi siya dapat naglihim sa akin,” sagot nito. “Pero naiintindihan ko na siya ngayon. Kung mahal ko pala si Mama, mas sobra pa ang pagmamahal niya. To the extent na nagpakababa siya nang ganoon. Gusto ko na ngang magalit sa kanya hindi dahil pinaglihiman niya ako kundi dahil nagpakawawa siya nang ganoon.”

        Totohanan nang ngumiwi sa sama ng loob ang mukha ni Joed. Bumagsak na rin ang mga luha nito.

        Nasaling ang damdamin ni Queenie. Nahilam din sa luha ang mga mata niya.

        “Nagagalit din ako ngayon kay Mama,” pagtatapat pa ng binata. “For once in my life, nagagalit ako sa kanya. Pero totoo rin `yung sabi ni Papa. Walang magagawa ang sinuman kung namatay ang feelings niya kay Papa at na-in love siya sa lalaking iyon. At least she was honest enough to tell her husband everything. And she loved me enough to want to be with me, kahit sanda-sandali lang taun-taon.”

        Pumipiyok na sa emosyon ang tinig ni Joed.

        “Hindi niya ako tuluyang inabandona,” pagpapatuloy nito. “Except in her final days. Iyon, inilaan na niya sa taong mas mahal niya.”

        Hindi na ito nakapagpigil. Tuluyan nang humagulgol.

        Awtomatiko ang naging reaksyon ni Queenie. Niyakap niya si Joed. Mahigpit. At hindi na rin niya napigil ang sariling makisabay sa pag-iyak nito.

        Matagal din bago naubos ang mga hagulgol ng binata. Bago humupa ang matindi nitong emosyon.

        “I’m sorry,” sabi nito pagkatapos, habang unti-unting umaalis sa pagkakayakap ni Queenie, na para bang biglang nakadama ng hiya.

“I’m such a loser,” dagdag pa nito habang pinupunasan ng dalawang palad ang mukha.

        “No, you’re not,” pahikbi pa rin pero mariing tanggi ni Queenie. “Of course not.”

        Tumayo si Joed. Kumuha ng isang kahon ng tissue mula sa cabinet ng bar na nasa isang gilid ng silid. Iniabot nito ang kahon sa dalaga matapos makakuha ng para sa sarili.

        Sabay pa silang suminga.

        Sabay ding biglang natawa sa sitwasyon.

        “I think I need a drink,” sabi ni Joed pagkaraka. “Join me?”

        “Hindi ako umiinom,” iling ni Queenie. “Shandy lang ang kaya ko. Mas lamang pa ang Seven-Up kaysa beer sa timpla ko.”

        “May alam akong magugustuhan mo,” sabi ni Joed. “Tingnan natin kung kumpleto pa rin sa supplies si Aling Lerma.”

        Muli nitong inusisa ang laman ng bar.

        “Aha, kumpleto pa,” sabi nito.

        “Baka malasing ako niyan, ha?” pag-aalala ni Queenie.

        “Hindi ka malalasing pero aantukin ka,” sagot ni Joed. “Paborito ko itong Tagaytay drink noong college. Hot chocolate with Kahlua. Complete with miniature marshmallow toppings. Perfect for a rainy night. Bagay din sa mga sisinghut-singhot na katulad natin.”

        Muling natawa si Queenie.

        Naglabas ng dalawang mug si Joed. Pinuno ng mainit na tubig mula sa airpot na nakapatong din sa isang bahagi ng bar.

        “Instant hot choco lang ito, ha?” parang paghingi pa nito ng dispensa. “Pero masarap. Garantisado.”

        Maya-maya lang ay dala na nito ang dalawang mug pabalik sa tabi ni Queenie.

        Iniabot nito sa kanya ang isa.

        “Careful. It’s hot,” sabi nito.

        Hinipan muna ng dalaga ang likido bago maingat na tinikman.

        “Mmm, masarap nga,” sabi niya. “Hindi naman lasang may liquor, a.”

        “Mas pang-flavor lang naman kasi ang Kahlua,” sagot ni Joed. “At saka pampa-relax.”

        Saglit silang natahimik habang sumisimsim ng kanya-kanyang inumin.

        “Magkuwento ka naman about yourself,” biglang sabi ni Joed maya-maya. “Para hindi ako lugi. Bistado mo na ang mga drama ko sa buhay, e.”

        Nangiti si Queenie.

        “Madrama rin ang buhay ko,” sagot niya. “Ibang klase nga lang. Ibang mga problema naman ang dinaanan ko.”

        Nagkuwento nga siya. Lahat ng tungkol sa kanya at sa pamilya niya. Nakasentro sa naging pinakamatinding problema nila – ang kahirapan ng buhay nila noon.

        “Hindi problema ang tawag ko sa mga naranasan mo,” salungat ni Joed nang matapos siya. “Challenges lang ang mga iyon – and you hurdled them all. Ang importante, masaya ang pamilya ninyo. At sabi mo nga, namatay ang Daddy mo na walang anumang emotional problems.”

        “Ipinagpapasalamat ko nga iyon,” amin ng dalaga.

        Mabagal na ang pananalita nila kapwa. Naubos na kasi nila ang kanilang mga spiked hot chocolate. Umeepekto na ang pagka-groggy. Mas napabilis pa siguro ng pagod nilang emosyonal at pisikal.

        Nakaupo pa rin sila nang magkatabi sa mga higanteng throw pillow. Pero hinatak na ni Joed patungo sa may likuran nila ang higante namang bean bag. Ginawa nila iyong sandalan.

        Halos pahiga na nga ang pagkakasandal nila roon.

        “Mas masuwerte ka dahil I can’t say the same thing for myself,” pagtatapat nanaman ng binata, pero sa mas kalmante nang boses. “Kahit may masasaya akong mga alaala kay Mama, kakaunti lang iyon. Iyon namang mga alaala kong kasama si Papa, laging kaming dalawa lang. At laging pareho kaming maypagkamiserable. Laging may kulang. That has been the story of my life.”

        “E di baguhin mo na ngayon,” sagot ni Queenie. “Puwede pa rin kayong maging masaya na mag-ama. Ano pa ang humahadlang sa inyo? Lahat ng material riches, nasa inyo na. It’s up to you to claim your true happiness, as well. Iyong hindi nabibili ng pera.”

        “Alam ko kung ano ang humahadlang sa akin,” amin ni Joed. “Stupid pride. Binabawi ko na iyong sinabi ko kanina na I’m not stupid. Actually, I am. Napaka-istupido ko para tikisin ang sarili kong ama. Sayang `yung five years ko sa New York. All I had to do was confront him five years ago. Kung nagpursige ako, I’m sure, napilit ko siyang magtapat. Hindi ko naman kasi siya kinumpronta nang totohanan, e. Puro pabarumbadong attitude lang ang ipinakita ko. I’ve been so immature.”

        Gigil na gigil ito sa sarili.

        “It’s called growing up,” pangongonsola ni Queenie. “We all learn from our mistakes. Mabuti nga, na-realize mo iyan ngayong may panahon pang magkaayos kayong mag-ama.”

        “You’re right,” tango ni Joed. “Bukas, kakausapin ko siya. Aayusin ko na ang lahat. You’ll never have to worry about me giving him any heartaches again. Pangako iyan. Hindi ko na siya pagkukunsumihin.”

        Nangiti si Queenie.

        “Yey!” masayang sagot niya, kahit nananamlay na.

        Tumawa rin si Joed. Pero mahina na.

        Pagkatapos na pagkatapos ng palitang iyon, pareho nilang hindi napansing sabay din silang nakatulog na lamang nang basta. Magkatabi ang mga ulo sa bean bag. Medyo nakahilig pa sa isa’t isa.

 

SABAY na dumilat sina Queenie at Joed dahil parang may komosyon sa ibaba ng bahay.

        Nagkagulatan pa sila nang ang makamulatan ay ang mukha ng isa’t isa. Magkaharap nang halos magkadikit na.

        Nang makumpleto ang pagkagising nila, lalo silang nagulat nang mamalayang magkayakap din pala sila sa pagkakahiga nang nakaunan pa rin sa bean bag.

        Si Queenie ang unang kumalas. Mabilis siyang tumayo. Pulang-pula ang mukha.

        Tumayo na rin si Joed. At para siguro madisimula ang embarassment nila, dumiretso ito sa bintana. Dinungaw ang komosyon sa ibaba.

        At biglang nagliwanag ang mukha nito.

        “Si Papa!” bulalas ng binata.

        “Ha?” gulat na sagot ni Queenie. “Teka, mag-aayos lang ako.”

        “Mauuna na ako sa ibaba, ha?” paalam naman ni Joed.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento