FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER
9
NAKALATAG
sa kamang hindi nagamit ni Queenie ang kanyang pantalon, blusa’t mga panloob.
Nalabhan na’t naplantsa.
Lalong lumalim ang pamumula ng dalaga.
Ibig sabihin kasi’y nakita sila ni Aling Lerma na nakatulog nang ganoon sa family
room. Nadaraanan iyon patungo dito sa silid na dapat sana’y ginamit niya
kagabi.
Kahit wala naman talagang namagitan sa
kanila ni Joed, hiyang-hiya pa rin ang dalaga sa katiwala. Hiyang-hiya rin siya
sa binata.
Nagmamadali siyang nag-shower,
nagsepilyo’t nagbihis. Kailangang makababa siya agad kay Don Jose.
Naikuwento na kaya ni Aling Lerma sa matanda ang nakitang
ayos nila ni Joed? Naku, nakakahiya talaga. Pati na kay Don Jose.
Ganoon pa rin ang ayos ni Joed pagpanaog ni Queenie nang nakabihis
na. Halatang ni hindi pa man lang nakapaghilamos ang binata. Pero masaya na
itong nakikipag-usap sa ama.
Naisip ni Queenie, mabuti naman at mukhang sa sandaling
panahong nagkasarilinan ang mga ito ay nagkasundo na rin.
“Good morning!” pilit ang ngiting bungad ng dalaga.
“Good morning, hija!” tuwang-tuwang sagot ni Don Jose.
Tumayo pa ito para salubungin siya ng yakap.
“Maraming, maraming salamat sa ginawa mo,” sabi pa nito.
“Sus, para iyon lang,” sagot niya.
“Hindi simpleng bagay iyon,” giit ng Don. “Mabuti na lang at
nag-apologize na sa iyo itong si Joed. At napagbuhusan ka pa rin pala niya ng
loob sa magdamag. Dalawa na kami ngayong inaalalayan mo.”
“Okay na kami,” simpleng sagot niya.
Pero hindi siya makatingin nang diretso kay Joed.
“May magic touch nga pala itong si Queenie, Papa,” sabi ng
binata. “I don’t know how, pero mula sa pagkapikon ko kagabi, I found myself
spiiling out everything to her. Pagkatapos, naliwanagan din ako. Gumaan ang
loob ko. I finally decided that I would talk to you today. Para namang sinadya
na bigla kang dumating.”
“Hindi ako nakatulog kagabi kahit alam kong safe kayo rito,”
amin ng matanda. “I really wanted to talk to you again, son. Nag-alala rin ako
dito kay Queenie. Baka nag-away na kayong dalawa nang tuluyan. Mabuti na lang
at ganito ang dinatnan ko ngayong umaga. Thank God.”
“Nagpapasalamat din ako na hindi na ako problemado,” sagot ni
Joed. “Sandali nga pala. I’ll just grab a quick shower bago tayo mag-breakfast.
I won’t be long. Doon na natin sa dining room ituloy itong kuwentuhan.”
“Ako naman, mauuna nang umuwi,”
singit ni Queenie.
Napatingin sa kanya ang
mag-ama.
“What?” tanong ni Joed. “Why?”
“I’ll leave you two alone,” sagot niya. “Marami pa kayong
pag-uusapan, e.”
“You don’t have to go,” sabi ni Don Jose. “Wala na kaming kailangang itago pa sa iyo. Ngayon pa?”
“No,” iling niya. “I insist. Iba siyempre iyong makapag-usap
kayo nang masinsinan nang matagal. You’ve barely scratched the surface. Pagbalik
naman ninyo sa Manila, nandoon pa rin ako. Saka na tayo mag-get together uli.”
“Mag-breakfast ka man lang muna,” sabi ni Joed.
“I can get breakfast along the way,” sagot niya. “Don’t worry
about me. Ayokong maantala pa ang pag-uusap ninyong mag-ama. Marami naman akong makakainan diyan. Parang pasyal ko na rin.”
Hindi
talaga siya nagpapigil sa dalawa.
Humalik
na agad siya ng pamamaalam sa noo ni Don Jose.
“See you in Manila,” sabi niya.
Pagkatapos, nginitian niya nang mabilis si Joed at kinawayan
bago halos patakbong lumabas ng bahay.
ANG totoo niyon,
tumatakas si Queenie. Liban kasi sa nahihiya siya sa nangyari sa kanila ni
Joed, hindi rin niya mapigil ang nag-uumapaw niyang kaligayahan.
Ngayong umaga, paggising, nasiguro na niya ang kanyang
nadarama. For the first time in her life, she’s in love. In love siya kay Joed
Del Oro.
Habang nagmamaneho si Queenie, nakangiti
siya. Hindi
niya mapigil.
Nakita niya kagabi hanggang kaninang madaling araw ang tunay
na pagkatao ni Joed. At tuluyan nang nasilo nito ang kanyang puso.
Kaya siguro sa kabila ng pang-aaway sa kanya ng binata nitong
nakaraan ay may nadama pa rin siyang kakaibang atraksyon dito. Kahit paano’y
parang naaninag pa rin niya ang likas na kabutihan ni Joed.
Alam na niya ngayon na malalim na sama ng loob lang ang nagbunsod
kay Joed para maging brusko. Na hindi nito natural ang ganoong pag-uugali.
Ang tunay na Joed ay sensitibo. Vulnerable.
Malalim magmahal kaya malalim ring masaktan.
Hindi ito nahiyang magbukas ng damdamin
sa kanya. Hindi nahiyang umiyak.
Noon pa man, naniniwala na si Queenie na
hindi totoo ang kasabihang hindi umiiyak ang tunay na lalaki. Kalokohan para sa
kanya ang ganoong paglilimita sa naturalesa ng tao.
Hanga pa nga siya sa mga lalaking may
sapat na kumpiyansa sa sarili para magpakita ng tunay na niloloob. Marunong
umamin ng kahinaan. Marunong masaktan. Pero sa hulihan ay napanghahawakan pa
rin ang sitwasyon.
Ngayo’y kilalang-kilala na niya si Joed
Del Oro. Isa itong lalaking mahirap iwasang ibigin.
Kaya nga siguro hiyang-hiya siya sa
nagisnan nilang ayos nilang dalawa pagkagising. Kinabahan siya na baka nahalata
siya ng binata.
Kaya rin nagmamadali siyang tumakas.
Baka rin mabasa ni Don Jose sa kanyang anyo ang katotohanan.
Kailangan niya ng kaunting panahon at
espasyo para kalmahin ang kanyang sarili. Para pag-aralan kung paano niya
maitatago ang nadarama niyang ito.
Ang pinakakonsolasyon niya’y magkaibigan
na sila ni Joed. Hindi na ito galit sa kanya. Wala nang mga pagdududa.
Natutuwa siyang naresolba na ang mga
ipinaghihirap nito ng loob.
Ganoon din sa parte ni
Don Jose.
Ngayo’y magiging panatag na ang dalawang lalaking mahalaga sa
kanya. Magiging masaya na.
Nasa Katipunan na ang dalaga, sa
Napilitan siyang tumigil sa nadaanang McDonald’s.
Pero hindi naman niya halos nalasahan ang kanyang kinain. Talagang
panglaman-tiyan lang. Masyado pa siyang excited.
Wala sa kinakain niya ang kanyang atensyon.
Pagkakain ay dumiretso na
siya sa kanyang inuupahang townhouse.
Papaibis na siya para
magbukas ng gate nang mamataan niya ang kulay asul na Crown na tumigil sa
likuran ng kotse niya.
“Joed!” bulalas ng dalaga habang nakamulagat.
Mabilis na umibis ang binata.
“Akin na ang susi ng gate,” nakangiting
sabi nito nang makalapit sa kanya. “Ako na’ng magbubukas.”
Parang namamalikmatang iniabot nga niya
rito ang hawak-hawak nang susi.
Nang mabuksan ang gate ay sinenyasan
siya nitong ipasok na ang kotse niya.
Sunod pa rin si
Queenie.
Pagkatapos, ipinasok naman ni Joed sa garahe ang Crown bago
nito muling isinara ang gate.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Queenie pagbalik nito sa
tabi niya.
Nakatayo siya sa tabi ng kanyang
kotse. Nakakunot ang noo.
Hindi niya maintindihan ang mga
pangyayari. Parang nabablangko ang isip niya.
“Buksan mo muna ang bahay,” sagot ng
binatang nakangiti pa rin.
Tumalima siya.
“Si Papa?” tanong niya
habang nagbubukas ng pinto.
“Mamayang hapon ko pa pinagbibiyahe pauwi para hindi
masyadong mapagod,” sagot nito. “Sabi ko, mag-relax na muna siya roon. Kung gusto
nga niya `ka ko, mag-overnight na rin siya roon at nang makapag-golf sa country
club.”
“E bakit mo iniwan?” sumbat ni Queenie pagkapasok nila ng
bahay. “Hindi ba mag-uusap nga kayo?”
Nakatayo na sila sa salas.
“Nagkaintindihan na kami,” sabi ni Joed habang isinasara ang
front door. “We’ve embraced each other. Pinatawad na namin ang isa’t isa at ang
mga sarili namin sa lahat-lahat. Nasabi na namin sa isa’t isa how much we love
each other.”
“Oo nga, nag-reconcile na kayo,” katwiran ng dalaga. “Pero
sapat na ba iyon? Paano na iyong mga issues na kailangan pa ninyong himayin?
Mabuti na iyong walang maiwang mga hindi-pagkakaunawaan.”
“Ang mahalaga ay totally open na kami ngayon sa isa’t isa,”
sagot ni Joed. “Everything else, we can talk about for the rest of our lives.
Nangako kaming lagi nang magiging bukas ang communication lines namin sa isa’t
isa.”
“E bakit hindi na ninyo itinuloy-tuloy?” pagtataka ni
Queenie. “Naroon na rin lang kayo’t magkasama. Sayang naman ang
pagkakataon.”
Muling sumilay ang misteryosong ngiti sa
mga labi ng binata.
“May iba kasi kaming pinag-usapan na
napakahalaga rin,” paliwanag nito. “At hindi puwedeng maipagpaliban. In
fact, right afterwards, nagkaisa kami sa aming conclusion. I believe that’s
proof enough na magkasundo na nga talaga kami.”
Napabuntonghininga si Queenie.
“Okay,” sabi niya. “Hindi na ako
mag-uusisa. Private na sa pagitan ninyong mag-ama kung ano man ang pinag-usapan
ninyo. Pero bakit mo pa ako sinundan? If you’re trying to do the same thing I
did last night, hindi naman kailangan. Safe
na safe ang pag-uwi ko dahil umagang-umaga ngayon at wala akong pinoproblema.”
“Ako,
meron,” sagot ni Joed. “May malaki akong problema dahil may hindi ako nasabi sa
iyo. At iyon ang napagkasunduan namin ni Papa na mahalagang bagay – na hindi na
puwedeng ipagpaliban pa.”
Kumunot nanaman ang noo ni Queenie.
“What about?” tanong
niya.
“About us,” seryoso nang pahayag ni Joed. “The two of us.”
“H-Ha?” namimilog ang mga matang sambit ng dalaga.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento