FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
POWER dressing ang
ginawa ni Rhianna pagdating ng Lunes. Kung dati ay napaka-casual lang ng
kanyang office get-up, nang umagang iyon ay bigla siyang nagsuot ng business
suit. Ang intensiyon niya ay unahan ng gitla si Antonio Durano.
Hindi palda ang pang-ibaba ng kanyang suit. Talagang
nagpantalon siya. Dark gray pa ang kulay ng magkaterno niyang slacks at blazer.
Yari nga lang sa malambot na seda. Ganoon din ang material ng inner blouse
niya. Old rose naman ang kulay niyon, tama lang para palambutin nang kaunti ang
timpla ng kanyang over-all look.
Actually, naka-spaghetti straps lang ang kanyang inner blouse.
Hindi bale, sabi niya sa sarili. Natatakpan naman ng blazer.
Ang sapatos niya, black
leather ankle boots na may three-inch-high chunky heels at squared toes. Sophisticated
na siga ang dating. Lalo na kapag tinernuhan ng kanyang black leather briefcase.
Hindi na siya kailangang mag-make-up. Dati nang flawless ang
kanyang complexion. Well-defined ang kanyang maiitim na kilay at deep-set eyes.
Mamula-mula naman ang kanyang mga labi.
Pero kailangan niyang ayusin ang kanyang buhok. Kapag kasi
hinayaan niya iyong nakalugay na tulad ng madalas niyang gawin, masisira ang impact
ng kanyang power suit. Paano’y very soft and feminine talaga ang impression na
ibinibigay ng kanyang lampas-balikat na buhok na may natural curls. Kahit nga
ganitong ipinusod na niya iyon sa may batok ay kumakawala pa rin ang maraming spiral
strands sa paligid ng kanyang mukha.
“Wow!” sabi ni Tina pagpasok niya sa office nila. “Talagang dressed
to kill ka, ha? Just don’t do it literally, tita.”
Tinawanan niya ito, sabay thumbs up.
Bihis na bihis din naman ang tatlo
niyang kasama. Panay naka-business attire. Pare-pareho silang handang
magharap ng no-nonsense na first impression sa kanilang magiging boss.
“Alam mo ba ang nabalitaan namin sa
labas?” sabi ni Gizelle. “Over the weekend pala, pinaayos iyong conference
room diyan sa kabila. Ipina-rush sa interior decorator. Ginawang private office
para sa magiging boss man natin. Ang ganda-ganda raw.”
“Ang laki niyon, a,” pahumindig na puna
ni Rhianna, nakataas pa ang kilay. “Mas malaki nang di hamak kaysa sa office
ni Sandra. Bakit naman ganoon, samantalang pareho lang sila ng job title – vice
president. That’s unfair.”
“Pumapapel siyempre si Uncle dito sa bago niyang kasosyo,”
sagot ni Megan. “That office represents the new business partner, di ba?
Kailangan, bongga ang dating.”
“Uncle” ang tawag nila kay C.P.
Montes, ang big boss ng Exalt, kapag sila-sila lang ang nag-uusap. Ni hindi
nila ito ipinaririnig kay Sandra.
“Paano iyan, wala nang conference room,” sabi ni Tina.
“Magpa-partition na lang daw ng panibagong kuwarto sa dulo,
ibabawas sa area ng stockroom,” pagkukuwento pa ni Gizelle. “Inuna lang talaga
nila itong para kay Mr. Durano. Isa pa, tamang-tama para sa kanya ang location
nito dahil katabi lang natin.”
“Well, at least hindi siya dito mismo sa kuwarto natin
inilagay,” sabi ni Rhianna. “Can you imagine kung kasama natin siya rito the
whole day, everyday? Baka hindi tayo makapagtrabaho nang matino.”
Alas-diyes na nang tawagan sila ng sekretarya ni Sandra.
Pinapupunta na raw sila nito sa opisina ng bago nilang boss.
“Nandiyan na pala,” sabi ni Rhianna. “O, ready na ba tayo, girls?”
“Ready as we can ever be,” sagot ni Tina.
Pero ang hindi pala ganap na handa ay si Rhianna. Ang
pinaghandaan kasi niya ay iyong Antonio Durano na natatandaan niya five years
ago. Hindi ang lalaking nakaharap niya sa newly-furnished office na iyon.
Hindi na nga niya nagawang usyosohin ang mga pagbabagong ginawa
sa dating conference room. Natuon na lamang ang
kanyang pansin sa lalaking ipinakilala ni Sandra sa kanila.
Sa unang tingin ay
estranghero sa kanya ang lalaking ito. Ang una nga niyang impresyon ay mukha
itong basketball player. Matangkad at matipuno ang pangangatawan. Mestisuhin,
guwapo, simpatiko. Clean cut ang gupit, maputi at makinis ang kutis, mukhang
kaylinis at kaybango ng kabuuang anyo. Sa kabila niyon, may ere ito ng authority
kahit nakangiti at kahit casual lang ang suot na khaki pants at puting t-shirt na
de kuwelyo.
Gusto na sana niyang maniwala
na nagkamali siya ng akala. Na hindi ito ang Antonio Durano na nakaklase niya
sa Colegio Del Paraiso Elementary and High School.
Pero nang tumutok sa kanya ang tingin ng
binata, nakilala niya ang mga matang iyon. Ang mga matang noong araw ay madalas
niyang mahuling nakatitig sa kanya na puno ng pagsamba’t pag-asam.
Ngayon nga lang ay wala ang mga emosyong
ganoon sa mga mata ng binatang kanyang kaharap. Cool na cool ito sa
pagkakatitig sa kanya. Detached kahit nakangiti. Polite pero impersonal.
Isa-isa silang ipinakilala ni Sandra kay
Antonio Durano. Isa-isa rin silang binigyan nito ng karampatang acknowledgement.
“Please call me Anto,” mapagpakumbabang
sabi pa nito. “Natuwa nga ako noong sabihin ni Sandra na on first name basis
kayong lahat dito. Let’s continue that tradition. I believe it creates a better
working atmosphere.”
Pagkatapos, muling tumutok ang pansin ng binata sa kanya.
“Remember me, Rhianna?” sabi nitong nakangiti pa rin. “Nabanggit ko na kay
Sandra na dati tayong magkaklase sa elementary at high school. What a small
world, ano? Nagulat ako noong makita ko ang pangalan mo sa files na ipinadala
sa akin ng personnel department.”
Bago pa man siya nakasagot ay bumaling
na ang tingin ni Anto sa tatlo niyang mga kasama.
“Please don’t misunderstand my
enthusiasm,” paliwanag nito sa tatlong babae. “Maaaring dati na kaming
magkakilala ni Rhianna pero that doesn’t mean na magkakaroon ng pagkakaiba ang
pagtingin ko sa kanya compared sa inyong lahat. I firmly believe in
professionalism in the workplace. Incidental lang iyong pagiging former
classmates namin.”
“Of course,” tango ni Tina, maliwanag
ang ngiti.
“Well, now that I’ve introduced all of
you to each other, I think I better go,” sabi ni Sandra. “Marami pa kayong
pag-uusapan. Anyway, if you need to ask me about anything, Anto, nasa kabilang office
lang ako. Kayo rin, girls. Remember, I’ll always be available for any of you.”
“Thank you, Sandra,” sagot ng binata.
Sina Rhianna naman ay sabay-sabay na
nagsipagngitian at nagsipagtanguan sa kanilang former boss.
Kumaway pa ito sa kanilang lahat bago
tuluyang umalis.
“Please take your seats, ladies,” sabi
ni Anto nang magsara ang pinto sa likod ni Sandra.
Nagmuwestra ito patungo sa kinaroroonan
ng pang-anim katao na bilugang conference table. Nasa isang sulok iyon ng
malaking silid, malayo sa malapad na executive desk.
Noon lang naigala ni Rhianna ang kanyang
tingin sa kabuuan ng opisina. Palibhasa lahat ng gamit doon ay bagung-bago, sa
tantiya niya’y mas maganda pa iyon kaysa sa mismong opisina ni C.P. Montes.
Naisip tuloy niya na pati ang matandang binata ay na-impress marahil nang husto
kay Anto kaya nagpa-impress din sa pagpapaayos ng magiging tanggapan ng binata.
Hinintay muna ni Anto na makaupo silang
apat nang paikot sa conference table bago nito kinuha ang isa sa dalawang
natitirang silyang naroon.
“There’s going to be some pretty big changes in our division,”
bungad agad nito pagkaupung-pagkaupo pa lamang. “Especially with regard to
personnel.”
Nagkatinginan sina Rhianna.
Napangiti naman ang boss nila.
“Don’t be scared,” sabi nito. “In fact, ikatutuwa ninyo ang
ibabalita ko. Magdadagdag tayo ng tao. And, of course, that means promotions
for all of you.”
Muling nagkasulyapan ang apat na babae, may pigil nang excitement.
Tiningnan ni Anto si Rhianna.
“I noticed na ikaw lang ang full-time writer ngayon,
Rhianna,” sabi nito. “Nakakatawa naman yata iyon. Paano ka matatawag na editor-in-chief
kung ikaw rin ang kaisa-isang staff writer. But we’ll fix that. Kukuha tayo ng
tatlo pang staff writers. Of course, tatanggap din tayo ng articles mula sa contributors
at freelancers. Magiging tunay na editor-in-chief ka na talaga.”
Tumango siya, bahagyang nakangiti.
Binalingan naman ng binata si Tina.
“Tina, Ms. Art Director,”
sabi nito. “Kukuha rin tayo ng dalawa pang artist-photographers na idi-direct
mo.”
“Hay, salamat naman,” bulalas ni Tina.
Bahagya silang nagkatawanan.
“Ganoon din sa advertising,” tango ni Anto kay Megan. “We’ll
hire two more people to help you out, Megan. As the new advertising accounts manager,
hindi mo na kailangang balikatin pati ang paniningil. Ibigay mo na sa magiging
tao mo ang trabahong iyon. You concentrate on bringing in the accounts.”
Tuwang-tuwang tumango nang tumango si Megan. Hindi
makapagsalita.
“And, finally, on the administrative side,” sabi ni Anto na
tumitingin kay Gizelle, “we will be needing an all-around secretary as well as
a messenger-gopher. You, Gizelle, as the new administrative officer, will be
supervising them. You will be handling the bigger administrative
responsibilities, okay?”
“Okay na okay,” masayang sagot ni Gizelle.
“Siyempre pa, your new responsibilities come with a
corresponding salary increase,” dagdag pa ng binata. “Ngayon, para mapondohan
natin ang lahat ng ito, kailangang doblehin natin ang number of pages ng magazine.
Magiging monthly na rin ang labas natin instead of every other month.
Furthermore, hindi na lang ito pang-turista. Magiging trendy lifestyle magazine
na ito para mas malawak ang readership. This means we will be covering
practically everything. Naroon pa rin ang places-to-visit including eating
places and other night spots, pero kasama na ngayon pati ibang lifestyle needs
- mga health spas, grooming places, clothes shops, cosmetics and toiletries,
pati home furnishing. We will be distributing the magazine for free in the
bigger department stores aside from the usual hotels and restaurants. At
siguradong pag-aagawan tayo ng mga tao dahil nga libre. Incidentally, we will
be renaming the magazine as People and Places, Manila.”
“Maganda iyan,” sabi agad ni Megan. “Lahat din halos ng klase
ng kompanya, mahihingian na natin ng ads. Puwera na lang siguro punerarya.”
Tawanan sila. Pati si Rhianna ay hindi nakapagpigil.
Napansin naman niyang walang hang-up si Anto na
makipagtawanan sa kanila.
Napansin din niyang parang kaybilis
na nakagaanan ng loob ng mga kasama niya ang binata. Siya lang yata ang
hindi pa rin kumportable rito.
May naalala siyang banggitin bago pa magkalimutan ang lahat
sa excitement of the moment. Ayaw niyang palabasing pati siya ay silaw na silaw
sa paghanga sa bagong-sulpot na golden boy ng kompanya.
“Due na next month ang next issue natin,” sabi niya nang
mamatay ang tawanan. “Halfway-done na ang pages. Sayang naman kung ibabasura
natin iyon. Kailan ba natin babaguhin ang magazine? Matagal na proseso rin ang hiring
ng bagong staff. Ano ba ang timetable natin? Is it doable?”
Kampanteng-kampante
ang ngiting ibinaling ni Anto sa kanya.
“You can go ahead with this issue,” sagot nito. “In the
meantime, I’ll do the hiring. Sa kasunod na issue natin sisimulan ang bagong format.
I assure you, this is definitely doable. Last year, after graduation, I flew to
Hongkong. Mag-isa. I set up a magazine for Asia-wide distribution. Doon na ako
nag-hire ng tao. Doon na ako naghanap ng printer. Doon na rin ako nag-establish
ng contacts for advertising, distribution, and marketing. In two months, we
were out in the market all over Asia. By the time I left the magazine to my
staff eight months later, we were among the top-selling Asian magazines in
Hongkong and Singapore. I intend to do the same for this magazine.”
Halatang impressed na impressed pang lalo sina Tina, Megan at
Gizelle. Panay-panay ang tango ng mga ito.
Napilitan na ring tumango si Rhianna.
Sa totoo lang, nayayabangan siya kay Anto. Kahit pa impressive
naman talaga ang ikinuwento nito. At kahit wala na siyang makitang butas sa mga
plano nito.
Pero si Anto pala mismo ay may nakikitang posibleng maging
problema.
“May kailangan lang tayong pakaingatan,” sabi pa nito.
“Mabuti ngayong aapat lang kayo, streamlined ang trabaho. Kanya-kanya kayo ng
linya at malinaw ang hatian ng tasks. Pag nadagdagan na tayo, kailangang maging
mas efficient pa tayo. Mahirap maging kampante. Baka magkapasahan ng trabaho,
magkaturuan o magkasisihan. Puwede rin namang maging OA at mag-overlap
unnecessarily ang trabaho. Sayang din iyon. Waste of time and effort. Para
maiwasan ang alinman sa mga possible problems na ganoon, gagawa tayo ng malinaw
na flowchart at job assignments. Kailangang maging maliwanag kung sino ang
responsable sa aling gawain. We have to be very professional about everything.”
Muling napatango si Rhianna.
Unti-unti na niyang nakikita kung bakit kinuha ni C.P. Montes
si Antonio Durano. Kahit pa ka-batch lang niya itong nag-graduate, malayo na
nga ang narating ng karanasan ng binata kung ikukumpara sa kanya. Anumang
pagtaas ng kilay ang gawin niya, hindi niya maitatangging magaling nga ang bago
niyang boss.
Magaling na, guwapo pa.
Sa halip na
matuwa siya ay kung bakit parang lalong hindi mapakali si Rhianna sa kanyang
kinauupuan.
At hindi pa pala tapos si Anto. Nakangiting gumala ang tingin
nito sa kanilang apat.
“Oo nga pala, ladies,” sabi nito. “I appreciate your dressing
up this morning to welcome me. Pero, huwag kayong mag-alala, nabanggit na rin
sa akin ni Sandra na casual lang ang dress code n’yo rito. I don’t intend to
change that. Let’s just be comfortable in the office para maging mas productive
din tayo. Siguro, i-reserve na lang natin ang ating dressier attire kapag may
kailangan tayong haraping mga kliyente.”
Dismayadung-dismayado si Rhianna. Useless
lang pala ang matagal niyang pagpili ng isusuot kaninang umaga. Sa halip na
magitla o ma-impress, parang natatawa pa sa kanila si Anto. So much for power dressing. Wala yata
talagang makakasindak sa lalaking ito.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento