Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Lunes, Hunyo 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

 

“ANG suwerte mo, Rhianna,” pigil na tili ni Gizelle pagbalik nilang apat sa office nila. “Ang guwapo na ng dati mong suitor. Ang galing-galing pa. Aay, idol!”

        “Paano naman kaya ako sinuwerte roon?” nakataas ang kilay na tanong niya rito. “Narinig mo ba ang sinabi niya kanina? Incidental lang na dati kaming magkaklase. Sa hitsura niya ngayon, nakakagulat nga na naalala pa niya ako. Ang laki ng ipinagbago niya.”

        “O, bigla kang atras ngayon, ano?” kantiyaw ni Megan. “Your frog turned into a prince. Hindi na totoy na payatot si Mr. Antonio Durano.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Tina. “Paano na ngayon, Rhianna? Blessing in disguise pa pala na siya nga ang naging boss natin. Biglang-bigla, masaya ka na sa muli ninyong pagkikita, ano?”

        “At sino naman ang nagsabi niyan?” irap niya. “Kayo lang naman itong impressed na impressed sa bago nating boss, a. Sa totoo lang, nagbago nga siya but not necessarily for the better. Noong araw, very humble siya. Ngayon naman, yumabang na.”

        “Kasi naman, marami na siyang maipagmamayabang,” pagtatanggol ni Gizelle sa binata. “Sa looks at looks na lang, o. Kung payat nga siya noong araw, tingnan mo naman ang body niya ngayon, tita. Mukhang athlete. Bagay na bagay sa mukha niyang pang-glamour boy naman. And to top it all, may ibubuga siya sa brains at sa diskarte. Hindi na siya bookish intellectual lang. Street smart na rin at overflowing with self-confidence. O, di ba iyon ang sinabi mo sa iyong essay na hinahanap mo sa isang dream guy?”

        Nagtatawanang nag-high-five pa sina Gizelle at Megan.

        “Sige, ganyan kayo,” pagmamaktol naman ni Rhianna. “Pagkaisahan ninyo ako. Porke nakakita lang kayo ng guwapo.”

         “Ayan, aminado ka rin namang guwapo si Boss Anto, a,” kantiyaw pa rin ni Tina.

        “Guwapo na nga kung guwapo,” pagkikibit-balikat ni Rhianna. “Sige, athletic nga ang physique niya ngayon. Granted din na magaling siya and he knows the business. So what? Dapat lang naman na maging magaling ang boss natin, di ba? And like he said, dapat lang na maging professional ang turing natin sa kanya.”

        “Hmm, baka naman nagseselos ka na sa admiration namin sa iyong high school suitor,” tukso ni Tina. “Hindi naman namin siya aangkinin, e. Ang sinasabi nga namin, now is the right time para sa inyong reunion and reconciliation. Bagay na bagay na kayong dalawa.”

        “He! Tigilan n’yo nga ako,” sagot ni Rhianna. “Baka may makarinig sa inyo niyan, sige. Nakakahiya. Baka sabihin niya, ako naman ngayon ang may interes sa kanya. Excuse me. Trabaho lang ito, ano. Walang personalan.”

        Padabog niyang tinungo ang kanyang desk sa pinakadulo ng kuwarto. Hinubad niya ang kanyang blazer at isinampay sa likod ng kanyang swivel chair. Pagkatapos, mabilis niyang kinalas ang pagkakapusod ng kanyang buhok. Sinuklay lang niya iyon ng kanyang mga daliri para muling bumagsak hanggang sa kanyang balikat.

        “O, bakit?” pagtataka ni Megan sa kanyang ginagawa. “Ano iyang ginagawa mo? Japorms na japorms ka pa naman.”

        “Hindi mo ba narinig ang boss natin?” paalala niya rito. “Maraming salamat daw sa pagbibihis natin para sa kanya pero hindi na raw kailangan. Let’s just be comfortable na lang daw in the workplace. The nerve! Ang conceited talaga. Nag-assume agad siya na nagbihis tayo’t nag-ayos nang ganito para lang sa kanya. As if!”

        “E hindi nga ba?” natatawang sagot ni Gizelle. “Talaga namang intensyon nating magpa-impress sa bago nating boss kaya naka-business attire tayong lahat ngayong umaga.”

        “Oo nga, gusto nating magpa-impress but in the professional sense,” katwiran ni Rhianna. “Parang pagpapakita na rin iyon ng respeto sa isang bagong boss. But the way he said it, para bang nagpaganda pa tayo para lang sa kanya personally. Nakakainis. Well, I’ll take his word literally. Bahala siya. From now on, isusuot ko kung ano ang kumportable sa akin.”

        At inayos pa niya ang kanyang spaghetti straps.

        “You go, girl,” tumatawang sang-ayon ni Tina.

        “Ay, oo, mag-aalis na rin ako ng blazer,” tumatawang sabi ni Gizelle. “Baka dumaan dito si Boss Anto, e. Mas sexy tayo kung wala tayong mga blazer.”

        “Oo nga, ano,” nakikitawang sagot ni Megan. “Ako rin.”

        “Aba, hindi ako pahuhuli,” sabi naman ni Tina.

        “Mga lukaret,” irap ni Rhianna. “Ako, pupunta muna sa ladies’ room.”

        Pero nang mapag-isa siya roon, nag-isip-isip ang dalaga. Ano nga ba ang ikinaiinis niya?

Kung ang inaalala niya ay baka gantihan siya ni Anto dahil sa kanilang nakaraan, dapat naman siguro ay bigyan muna niya ito ng pagkakataon. Baka naman kaya nitong patunayan ang katotohanan ng ipinahayag nitong pagiging professional sa trabaho.

At sa nakita niya kaninang asta at personalidad ng binata, malamang ngang mapangatawanan nito ang binitiwang pahayag.

Natigilan si Rhianna.

Hindi nga kaya iyon mismo ang ipinagmamaktol niya? Iyong pagiging napaka-professional ng attitude ni Anto sa kanya kanina? Kinilala nga siya bilang former classmate pero hanggang doon lang - at may kasunod pa agad na pasubali na hindi siya makakaasa ng ano mang special treatment mula rito.

 Oo nga’t iyon mismo ang sinabi niyang gusto niyang mangyari - pero noon iyon. Noong ang inaasahan niyang darating ay iyong Anto na kilala niya five years ago.

Ibang-iba na si Anto ngayon. Tama si Megan. Her frog turned into a prince. At tama rin si Gizelle. Lahat nga ng mga katangiang dinetalye niya sa kanyang high school essay tungkol sa kanyang dream guy ay kinakatawan na ngayon ng kanilang boss.

At heto siya ngayon, head-over-heels sa paghanga.

Nabaligtad na nga nang husto ang sitwasyon. Kung kailan bilib na bilib na siya kay Anto, saka naman napakalamig na ng tinging iniuukol nito sa kanya.

Hayun na. Natumbok na niya. Iyon na mismo ang dahilan kung bakit hindi siya magkandatuto sa pagkainis. Kung bakit gusto niyang kunin ang buong rolyo ng toilet paper para ibalibag sa dingding.

Lumabas ng cubicle si Rhianna. Humarap sa salamin.

Tinitigan niya ang kanyang repleksyon. Aba, mas maganda rin naman siya ngayon kaysa noong high school, a. Mas tumangkad siya. Nadagdagan ang curves niya in the right places. Naging mas defined ang contours ng kanyang mukha. Pero napanatili niya ang kanyang schoolgirl complexion.

At hindi lang din siya sa looks nag-improve. Mas sopistikada na siya ngayon sa maraming bagay. Isa nang full-fledged Makati yuppie. Hindi na matatawag na probinsiyana.

Sa trabaho naman, walang maipipintas sa kanya. Bigay-todo siya kung magtrabaho. Quality work. Napatunayan naman niya sa naging track record ng magazine.

Ah, taas-noo siyang makakaharap kay Anto. May maipagmamalaki rin naman siya.

Muling inayos ni Rhianna ang mga strap ng blouse niya. Saka niya sinuklay uli ng mga daliri ang kanyang buhok. Bahagya na siyang nakangiti habang nakatingin sa kanyang repleksyon.    

        Hindi pa lang kasi siya nakikita ni Anto sa ayos niyang ito. Kailangang makapag-isip siya ng dahilan para makabalik sa opisina ng binata. Tingnan lang niya kung hindi masira ang cool na cool na maskara ng bago niyang boss.

 

KUMATOK si Rhianna sa pinto ng opisina ni Anto.

        “Come in,” sabi nito.

        Pumasok siya.

        “Excuse me,” sabi niya sa may pinto pa lang. “Dinala ko itong materials ng next issue. Baka kasi may gusto kang ihabol na changes. At this point, puwede pa nating ipasok kung hindi naman gaanong drastic.”

        Sinadya niyang tumigil muna sa may pinto. Nakangiti. Parang naka-pose.

        Nagtaas ng mukha si Anto pero saglit lang.

        “O, Rhianna, come in,” sabi lang nito bago uli ibinalik ang tingin sa papeles na nasa desk nito. “Upo ka,” dagdag pa nito na parang wala sa sariling iminuwestra ang visitor’s chair na nasa tapat ng mesa nito.

        Sumunod si Rhianna matapos maisara ang pinto sa likuran niya. Inilapag niya ang hawak na folder sa mesa ng binata kasabay ng pag-upo.

        Saka lang siya muling tiningnan ni Anto.

        “I’m sorry,” sabi nito. “Binabasa ko kasi itong mga draft ko ng proposals para sa mga lalapitan ni Megan na bagong advertising prospects natin. Crucial ito, e. Ano nga uli iyong kailangan mo?”

        Nakatingin na si Anto nang diretso sa kanya pero wala pa ring nagbago sa ekspresyon ng mukha nito. Napaka-neutral. Parang ni hindi nito napansin na naka-blouse na lang siya ngayon na may spaghetti straps. O na nakalugay na ang kanyang buhok.

        Parang inip na inip pa nga ang binata na makabalik na sa dinatnan niyang pagbabasa nito.

        Inulit ni Rhianna ang kanyang kunwa-kunwariang pakay. Kulang na sa enthusiasm ang kanyang boses.

        “Iiwanan ko na lang sa iyo,” pagtatapos niya. “Bahala ka na kung kailan mo mabigyan ng time. Basta huwag lang lalampas sa Friday ang pagsabi mo sa amin kung may gusto kang gawing changes.”

        “Okay,” tango ni Anto. “I’ll remember that. Thank you.”

        May finality ang huli nitong mga salita. Nakuha na agad ni Rhianna na tapos na ang kanilang pag-uusap.

        “Sige,” sabi na lang niya habang papatayo na. “Just let us know if you need anything more.”

        Tumango si Anto.

        Bago pa man nakatayo nang diretso si Rhianna ay nakatutok na uli ang mga mata ng binata sa mga papeles nito sa desk.

        Sambakol ang mukha ng dalaga nang makatalikod. Kung hindi siya nakapagpigil ay baka naibalibag pa niya nang pasara ang pinto ni Anto.

 

PAGSARA na pagsara ng pinto ay napasandal si Anto sa kanyang swivel chair.

        “Whew!” sabi niya bago ipinunas ang dalawang palad sa mukha.

        Pagkatapos ay napatingala siya sa kisame.

        Hindi niya akalaing ganito kahirap. Akala niya, na-outgrow na niya ang teenage crush niya kay Rhianna.

        Hindi naman niya talaga inaasahang magkikita sila rito sa Manila. At magkakasama pa sa trabaho.

        Nagkataon lang na magkaibigan si C.P. Montes at ang isa rin niyang uncle. Nang mapabalitang naghahanap ang Exalt ng makakasosyo sa magazine business, tinimbrehan siya ng uncle niya. Alam palibhasa nitong may nailunsad na rin siyang magazine sa Hongkong. Agad naman niyang sinunggaban ang oportunidad. Gustung-gusto niya ang ganitong challenge.

        Kahit na nang makita niya ang pangalan ni Rhianna sa past issue ng Places, Manila Magazine, hindi iyon nakaapekto sa kanyang pakikipag-negotiate kay C.P.

        Natuwa siya nang makilala niya ang pangalan ni Rhianna, oo. Natuwa siya na malayo na rin pala ang narating ng dalaga.

        Okay, siguro nga sumagi rin sa isip niya ang tuwa na magiging subordinate niya ito. Na siya ang magiging boss nito. Siyempre, he’s only human. Pagkatapos ng ginawa ng dalaga noong nasa high school sila, parang makakabawi nga naman siya sa magiging sitwasyon nila ngayon.

        Pero kung naisip man ni Anto ang tungkol doon, sasandali lang. At siya na rin mismo ang agad na nagbura niyon sa kanyang isipan.

        Ang pinagtuunan niya ng pansin ay ang terms ng deal. Kung pantay ba ang benepisyo sa kanilang dalawa ni C.P. Ganoon kasi siya sa negosyo. Ang gusto niya ay iyong tinatawag niyang win-win situation. Iyong both sides, panalo. Walang talo. Lalo pa kung ganitong long-term business partnership ang pinag-uusapan.

        Iyong nagkataong editor-in-chief ng magazine si Rhianna, incidental lang iyon. Walang kinalaman sa desisyon niya. Intensyon niyang maging napaka-professional sa trabahong ito. Walang personalan.

        Tutal naman, sabi niya sa sarili, five years ago pa iyon. Napakarami nang nangyari magmula noon. Nag-aral na siya’t nakapagtapos sa UP. Nakapaglunsad ng magazine abroad. Marami nang nagbago sa kanya. Kasama na roon ang pag-iwan niya sa kanyang teenage infatuation.

        Oo, inaamin niyang kapag binabalikan niya ang mismong mga pangyayari five years ago, masakit pa rin. Para sa kanya, understandable iyon. First time kasi siyang nasaktan nang malalim. First heartache niya iyon. Siyempre, malakas ang impact at mahirap makalimutan ang sakit.

        Pero hindi ibig sabihin niyon na ganoon pa rin ang feelings niya para kay Rhianna. Sinubukan nga niyang alalahanin ang dalagitang naging sentro ng buhay niya mula elementary hanggang fourth year high school. At natawa na lamang siya sa kanyang sarili.

        Maganda nga si Rhianna noon. Hindi matatawaran iyon, kahit sa alaala na lang. Pero napaka-childish ng dalagita. Siguro, dahil iyon sa mas bata ito nang halos isang taon sa kanilang magkakaklase. Seven years old silang lahat nag-grade one samantalang ito ay six years old pa lang noon. Kaya rin siguro nakawilihan na ng klase nilang ituring ito na baby ng batch. Naging spoiled tuloy.

        Dapat sana ay hindi na siya nagulat sa pang-ii-snob sa kanya noon ni Rhianna. Dapat ay nakita na niya na sa napakabata pa nitong pananaw ay wala nga siyang binatbat. Pero palibhasa teenager din siya noon at talagang tinamaan sa puso, nagsumige siya. Hanggang sa masaktan nga siya nang husto.

        Ah, ngayon nama’y nasa wastong pagkahinog na ang kanyang pag-iisip. Hindi na niya papatulan ang mga alaalang iyon. Hindi na niya iindahin kahit kumukurot pa rin sa kanyang puso.

        Ang mahalaga, nailinaw na niya sa kanyang sarili na tapos na ang episode na iyon ng kanyang buhay. Isang dating kaklase na lang niya si Rhianna. Mahaharap na niya ito at mapakikitunguhan professionally bilang subordinate sa trabaho.

        Iyon ang kampante niyang inakala bago niya muling nakaharap ang dalaga. Hindi niya akalaing mayayanig ang kanyang buong mundo sa muli nilang pagkikita.

        Mas gumanda pa kasi si Rhianna. At hindi na mukhang nene. Sophisticated na.

        Sa unang pagkakita pa lang niya rito kanina, kamuntik na niyang nakalimutan ang mga pangako niya sa sarili. Kamuntik na siyang nabalik sa dati niyang katorpehan. Mabuti na lang, nagawa pa niyang panghawakan ang kanyang sarili.

        Noong ipahayag niyang magiging professional ang pakikitungo niya sa lahat kahit pa naging kaklase niya si Rhianna, sinasabi niya iyon pati sa kanyang sarili. Paalala.

        Kung bakit bumalik pa si Rhianna sa kuwarto niya. Mag-isa. At iba na ang ayos.

        Halos ayaw na nga niya itong tingnan. Ganoong-ganoon na kasi ang buhok nito kapag nakalugay kahit noong elementary at high school. Mahaba na may malalaking curls. Gandang-ganda siya roon, noon pa man. Tingin niya’y babaeng-babae si Rhianna kapag nakalugay nang ganoon ang buhok nito.

        Pero noon ay hindi ito nagsusuot ng gaya ng suot nito ngayon. Si Rhianna - naka-spaghetti straps? Kamuntik nang lumuwa ang mga mata niya. Lalo tuloy niyang pinakaiwas-iwasang matingnan nang matagal ang dalaga.

        May bumabagabag pa kay Anto. Hindi naman kaya siya nagmukhang suplado kanina? Bahala na. Hindi na baleng mapagkamalan siyang suplado, basta mapanatili niya ang pagiging professional.

        Mas nakakahiya kung ngayon pa siya bibigay. Kung ngayon pa siya muling masupalpal ni Rhianna. Hinding-hindi na niya papayagang maulit iyon.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento