FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
INSPIRED
na inspired si Rhianna. Tuluy-tuloy ang pagbu-bloom niya. Nagkaroon na yata ng
permanenteng blush ang kanyang mga pisngi. At sa kakaunting bagay lang ay
napapangiti na siya. Maligayang-maligaya.
Kung tutuusin, wala namang nabago sa
pakikitungo ni Anto sa kanya. Parang mas umiiwas pa
nga ang binata pagkatapos ng kanilang night out. Ngayong linggong ito,
mas madalang ang pagpunta nito sa kuwarto nila. Mas madalas itong nagkukulong
sa sariling opisina o kaya nama’y nagpapa-set kay Megan ng meeting sa labas sa
mga prospective advertisers at distributors.
Pero,
siyempre, hindi nito maiwasan nang ganap ang magawi pa rin sa kuwarto nila. May mga
bagay pa ring kailangan nitong i-discuss sa grupo.
Sa mga iilang pagkakataong iyon,
todo-todo ang pag-iistima ni Rhianna sa binata. Naka-full blast ang power ng
kanyang charms, kumbaga. Siyempre, sa paraan namang hindi obvious. Parang
natural na natural lang.
Sabi nga ni Tina, “Mabuti naman, hindi ka
na high blood kay Anto. Nakatulong din `yong pagsama niya sa atin last Friday,
ano?”
Nagkibit-balikat siya.
“I guess so,” sabi kunwari niya. “Nakita
ko rin namang he’s making an effort to bond with us. Dapat lang din siguro na
ibigay ko sa kanya ang parehong pakikisama na ibinibigay ko kay Sandra.
Makakasira sa trabaho natin kung paiiralin ko ang inis, e. So, ngayon, I’m just
focusing on his positive points.”
“Madali naman `yon dahil napakarami
niyang positive points,” nakangiting sagot ni Gizelle. “Kahit mag-focus ka na
lang sa hitsura niya, positive na positive na.”
“Aba,
hindi lang sa hitsura. Sa galing din. Impressed na impressed nga ang
mga prospective advertisers natin na nakakausap niya in person, e,”
pagkukuwento ni Megan. “Alam n’yo ba, parang ang daling makakuha ng new accounts
kapag siya ang nakapronta. Nagiging napakadali tuloy ng trabaho ko. Nakaka-guilty
nga lang dahil parang siya ang nakaka-clinch ng deal sa halip na ako.”
“Siya naman ang nagboboluntaryo na
makipag-meeting sa mga prospect mo, a,” sabi ni Tina. “Hindi mo naman
hinihiling na gawin niya iyon.”
“Napansin ko nga na panay ang labas niya
this week,” tango ni Megan. “Kaya siguro pinangunahan na tayo na hindi siya
makakasama sa night out natin this Friday. Pagod na siguro.”
Napangiti na naman si Rhianna.
Alam niya kung bakit ayaw nang sumama ni
Anto sa kanila. Hindi na nito kayang umarte na tulad ng ginawa nito noong
nakaraang Biyernes. Halata niyang hirap na hirap na ito noon na magpanggap na unaffected
sa kanya.
At sigurado siyang iyon din ang dahilan
kung bakit umiiwas si Anto na magkita sila ngayong linggo. Kapag narito nga ang
binata sa kuwarto nila, seryosong-seryoso ito. Tutok na tutok lang sa trabaho. Composed
na composed.
Siya naman, lihim na natatawa. Alam na kasi niya ang totoo.
“Sige
lang,” sabi niya sa sarili. “Pagbibigyan muna kita. Kawawa ka naman, e.
Hindi kita bibiglain. I’ll give you time to readjust to my presence. To my
reentry into your life.”
Relaxed na siya. Pagdating nga ng night
out nila nang sumunod na Biyernes, pakiramdam ni Rhianna ay nagsi-celebrate
siya. Iyon kasi mismong hindi pagsama sa kanila ni Anto ay itinuturing na
niyang isa sa kanyang mga victories.
Lunes uli nang gawin niya ang kanyang first
major move.
Umaga nang puntahan niya si Anto sa
opisina nito.
“O?” halatang nagulat na sambit ng
binata nang pumasok siya matapos kumatok. “May problema ba?”
“May gusto lang sana akong i-discuss
with you, kung puwede,” malumanay na sagot niya, bahagyang nakangiti.
“Of course,” halata pa ring napipilitang
sagot ni Anto. “Come in. Sit down. Tungkol ba sa lalabas na issue? O doon sa
susunod? By the way, naibigay na sa akin ni Gizelle itong mga nagsidatingang applications.
Marami na rin. I’ll be reading through them today at bukas, patatawagan ko na
`yong mga bibigyan natin ng preliminary interviews this week.”
Tumango
siya habang papaupo.
Ang
bilis-bilis ng pagsasalita ng binata. Halatang kinakabahan.
Si
Rhianna naman, kalmadong-kalmado. Pinaghandaan niya nang husto ang kanyang mga
sasabihin.
“Actually,
ibang bagay ang gusto kong i-bring up,” sagot niya kay Anto. “Nasabi mo nga
kasi noon pang first day mo rito na you believe in professionalism in the
workplace, hindi ba? Kaya naglakas-loob na rin akong mapag-usapan natin ito.
Para sana once and for all, mapanatag na ako.”
Napakunot-noo si Anto.
“I’m at a loss,” sabi ng binata. “What
exactly do you mean?”
“Tungkol ito sa nangyari sa atin five
years ago, in high school,” sabi ni Rhianna. “Just to clear everything up
between us, gusto ko sanang mag-apologize for my actions and my attitude then.
Kahit na alam kong hindi iyon makakaapekto sa ating professional working
relationship ngayon, dala-dala ko pa rin sa dibdib ko, e. I was so childish
then. Nakakahiya nga pag naiisip ko ngayon. For the record, please accept my
sincere apology.”
Hindi
man niya sinasadya, nag-blush ang dalaga habang nagsasalita. Hindi rin naman
niya ikinailang iyon. Nagustuhan pa nga niya. Dagdag din iyon sa effectiveness
ng kanyang presentation.
At effective naman talaga. Dahil nagsasalita
pa siya’y unti-unti na ring namula si Anto.
Napayuko ito. Itinutok ang mga mata sa
mga papeles sa mesa. Hindi makatingin nang diretso sa kanya.
Sincere naman talaga si Rhianna sa
kanyang pag-a-apologize. Totoo namang pinagsisisihan na niya ang ginawa niya
noong pangmamata sa binata.
Pero may iba pang dahilan ang
pagpapahayag niyang ito. Gusto niyang maipaalala nang harap-harapan kay Anto
ang kanilang nakaraan na parang pilit nitong binabalewala. Gusto uli niyang
maging buhay na buhay sa pagitan nilang dalawa ang nakaraang iyon. Or at least
ang katotohanang in love na in love sa kanya si Anto noong mga panahong iyon.
Bakasakaling mapaamin niya ito uli
ngayon. Lalo pa kung ganitong siya na mismo ang nagsasabing pinagsisisihan na
niya ang ginawa niyang pang-ii-snob dito noon.
Nang hindi na kumibo ang binata,
nagpatuloy si Rhianna.
“I don’t really need to hear anything
from you,” sabi niya. “Okay na sa akin na
nasabi ko ang gusto kong sabihin. Nakakaluwag na sa dibdib. I’m sorry if
this is causing you embarrassment. Pero ako nga ang sobrang embarrassed ngayon sa
ginawa ko noon. I’m really so sorry for all that childishness.”
At tumayo na siya mula sa kanyang
kinauupuan.
Bigla ring tumayo si Anto.
“You didn’t have to do this,” sabi ng
binata.
“Kailangan,” pagsasalungat niya rito. “At
least, ako, kailangan kong sabihin ito sa `yo. Siguro, para na rin sa sarili
kong peace of mind. Para wala na akong dinadalang
pasanin na ikinahihiya ko sa `yo. Mabuti na itong ganito na alam mong na-realize
ko na ang kababawan n`ong mga pinaggagagawa ko noon.”
Umiling si Anto.
“Wala na iyon,” sagot nito. “Let’s just
forget about it. Ako rin naman, naging insensitive noon. Padalus-dalos. Let’s
just forgive ourselves for our youthful follies.”
“Thank you,” nakangiting sabi ni
Rhianna. “Ngayon, clean slate na uli tayo. A new beginning.”
Naglahad pa siya ng kamay.
Kinamayan naman siya ng binata.
“Ako
ang dapat magpasalamat sa `yo,” sabi nito. “I wasn’t expecting
this at all. But, yes, here’s to a new beginning.”
KUNG
inakala ni Rhianna na iyon na ang sagot sa kanyang pinoproblema, nagkamali
siya. Dahil kahit pagkatapos ng ginawa niyang pag-a-apologize na iyon, wala pa
ring nabago sa pakikitungo ni Anto sa kanya.
Oo nga, naging abala na ito sa pag-i-interview
sa sanlaksang mga aplikante. Pero nagkakausap pa rin naman sila nang
paminsan-minsan. At sa mga pagkakataong iyon, wala pa rin siyang madama ni katiting
na personal connection mula rito. Lagi pa rin itong nakadistansiya. Napaka-professional.
Hindi na rin tuloy niya malaman kung ano
ang ikukuwento sa mga email niya kay Urielle. Nahihiya na rin siya dahil wala
siyang mai-report na developments matapos niyang magmalaking mapapaamin na niya
si Anto very soon.
Sa kanyang frustration, naisip tuloy ni
Rhianna, “Gayumahin ko na lang kaya ang lalaking ito?”
Naalala niya ang napagkuwentuhan nila
noon ni Urielle.
Ang
pamilya kasi ni Urielle ay pawang mga herbalist. Albularyo nga sa
Paraiso ang nanay nito at ang lahat ng mga lola nito hanggang sa kanunu-nunuan.
Mismong
ang kaibigan niya ay isang expert herbalist na rin. Ang kaibahan nga lang
nito’y graduate ito ng Medical Technology at may kasama nang scientific
research ang pagsasanay ni Urielle. Up-to-date nga ito pati sa mga bagong developments
sa herbal medicine abroad. In touch ito sa mga ganoong tipo ng organisasyon all
over the world sa pamamagitan ng internet.
Noong nasa college pa sila, napag-usapan
nila minsan ang tungkol sa mga gayuma.
“Karamihan naman sa tinatawag na gayuma,
actually, natural aphrodisiacs lang,” paliwanag sa kanya ni Urielle. “Effective
iyon kung in the first place, may gusto na talaga sa iyo `yong taong paiinumin
mo niyon. Parang bibigyan mo na lang ng pampagana, kumbaga. Kasi, kung talagang
walang kahit na anong attraction, wala rin. Maghahanap lang iyon ng talagang
gusto niya. Unless, of course, manyakis `yong tao. Iyong kahit na sino, puwede
na.”
Nagkatawanan lang sila noon. Pero
naaalala pa niya ang pangalan ng ilang mga natural herbal aphrodisiacs na
binanggit ni Urielle.
May kumislap na pilyang ideya sa isip ni
Rhianna.
Mayroon kaya rito sa Manila noong mga herbs
na iyon? Kunsabagay, narinig niyang maraming nagtitinda ng herbal medicine sa
Quiapo.
Natawa siya sa sarili. “Kung may gusto
pa si Anto sa akin, siguradong sa isang dose lang ng isa sa mga herbs na iyon,
bibigay na siya.”
Sa simula’y biro lang iyon. Pero habang
tumatagal, naiintriga si Rhianna. Na-e-excite.
Napakapormal kasi ni Anto. Ano kaya ang
gagawin nito kapag nakainom ng aphrodisiac?
At saka sa pagkakakilala niya sa binate hindi
rin naman ito yung tipo ng binanggit ni Urielle na “kahit sino pwede na.”
Samakatuwid, alam niyang kahit ahinan niya ng ganoon si Anto ay hindi siya nito
“papatulan” kung hindi in love pa rin sa kanya.
Unti-unti, may nabuong plano sa isip
niya.
Inip na inip nga siya dahil kailangan pa
niyang hintayin ang Sabado bago siya makakapunta sa Quiapo.
Mabuti na lang, batambata pa si Rhianna
kung titingnan. Puwede pa siyang pumasang college
student. Iyon kasi mismo ang ginawa niyang dahilan sa paglapit sa mga vendor sa
Quiapo. Nahihiya siyang basta na lang magtanong ng tungkol sa mga natural
herbal aphrodisiacs.
Pinili niyang
lapitan iyong mga may edad nang babae. Sinabi niyang estudyante siya na
gumagawa ng report tungkol sa herbal medicine. Siyempre, sakop ang lahat ng
klase. Kaya nagtiyaga siyang makinig ng tungkol sa iba’t ibang tipo ng halamang
gamot. Kunwari, kasama lang sa kabuuang report niya ang
tungkol sa natural aphrodisiacs.
Pagkatapos
ng naka-tape pa kunwaring interview, bumili siyempre si Rhianna ng ilang mga sample
na ipapakita kunwari niya sa kanyang professor at mga kaklase. Kasama sa
kanyang mga sample ang napili niyang herbal aphrodisiac.
Ang turo
ng manang na tindera, pakuluan daw niya ang mga tuyong ugat na iyon sa dalawang
tasa ng tubig hanggang sa dalawang kutsara na lang ang natitirang likido. Iyon ang
ihahalo niya sa pagkain o inumin.
“Hindi ho ba ito mapait?” tanong ni
Rhianna.
“Iyan
ang kainaman niyang ugat na iyan,” sagot ng tindera. “Halos wala iyang lasa pag
pinakuluan. Kaunting-kaunti lang ang ikinaiba sa tubig. Para bang
pinakuluang buhok ng mais. Wala ring amoy.”
“Aaah...” tango ng dalaga.
Pagdating sa kanyang pad, ibinukod na
agad niya ang aphrodisiac sa iba pang mga “samples” na nabili niya. Inilagay
niya ito sa selyadong garapon sa tabi ng kanyang kama.
Ang kailangan naman niyang pagplanuhan
ay kung paano niya ito maipapainom kay Anto. Kailangang nasa tamang lugar sila
at sitwasyon.
May naisip na agad siyang posibilidad.
Lunes pa lang ay sinimulan na ni Rhianna
ang groundwork sa kanyang set-up. Natagalan siya pero pagdating ng Huwebes ay
may naiprisinta na siyang proposal kay Anto.
Pinuntahan uli niya ito. Sinasadya
niyang puntahan ito kapag may kailangan siya kaysa hintayin na lang kung kailan
ito nagagawi sa kanilang kuwarto.
“May proposal ako para sa cover story ng
first issue natin sa bagong format,” bungad niya sa binata. “Can you spare me a
few minutes? Sabi ni Gizelle, mamayang hapon pa uli ang next interview mo.”
“Sure,” sagot ni Anto. “Come in.”
“May napag-alaman akong kabubukas na inn
sa Antipolo hills,” pagkukuwento niya nang nakaupo na siya sa tapat ng desk
nito. “Nagpadala ito sa atin ng brochure. Pero ang maganda rito, hindi pa
gaanong publicized. Medyo private at exclusive pa. At saka kakaiba ang style nila.
May individual mini-cottages na nakakalat sa gilid ng bundok. Bawat isa, may
magandang view at may privacy. May room service din mula sa kanilang central
kitchen. Actually, that’s the only option dahil wala silang restaurant o coffee
shop. Gourmet food naman daw ang sine-serve. And based on the photos they sent,
maganda ang lugar. Rustic. Very natural.”
Tumango-tango si Anto.
“Sige,” sagot nito. “Why don’t you
explore the possibility? Isama mo na si Tina to take photographs.”
“Actually, nakausap ko na ang owner over
the phone,” sabi niya. “And they’re inviting you to come with me this Saturday
for exploratory talks. Para raw makita mo rin ang lugar at facilities at
matikman ang food nila. Lunch and onwards daw. Are you free?”
Natigilan ang binata.
Sumige si Rhianna.
“Ito ang nakikita kong pinakamaganda
nating choice kung sakali,” sabi niya. “Tamang-tama na pang-weekend get-away ng
readers natin. Hindi malayo, hindi kailangang mag-out-of-town. Hindi rin
sobrang expensive. Bago pa at hindi gasgas sa publicity. Still, I’d like you to
see for yourself para dalawa tayong makapagdesisyon. Sabi mo nga, crucial ang first
issue natin. Kailangang tamang-tama ang timpla lalo na sa cover story.”
Napabuntonghininga si Anto.
“Okay,” tango nito pagkatapos. “I guess
I’ll have to make time for this.”
“Doon na lang tayo magkita,” masiglang
pahayag ni Rhianna bago pa makapag-back-out ang binata. “Mga eleven a.m. daw.
Heto, o, I’ll leave you the brochures. Nandiyan ang exact address nila at sketch
ng location.”
Tumango uli si Anto.
“IT’S
just a business lunch,” paulit-ulit na sinasabi niya sa sarili nang makaalis na
si Rhianna.
Parang
kinakalma ng binata ang sarili. Pinapanatag ang sariling pangamba.
Kung
pupuwede lang talaga, ayaw niyang makasama si Rhianna nang matagal, lalo pa sa
labas ng opisina. Pero ano naman ang magagawa niya kung ganitong hinihiling ng
trabaho? Dapat nga siyang maging professional, hindi ba?
Kunsabagay,
may kausap naman silang iba. Iyong may-ari ng inn na iyon.
At saka hindi naman pala sila magsasama sa iisang sasakyan. May sarili
nga palang kotse si Rhianna. Doon na lang sila magkikita. Mabuti na lang.
“Okay, Anto, get a firm hold on yourself,”
sabi niya sa sarili. “Trabaho lang ito. Walang personalan.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento