FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 6
BUSINESS meeting nga
ang pupuntahan nila kaya napilitan si Rhianna na magsuot ng blazer. Kung
bibistahan siya, editor-in-chief nga ang kanyang dating. Old rose blazer, light
pink inner dress at beige leather flats na ballerina style. Naka-clip pa ang
buhok niya sa may batok. Very proper.
Ang hindi alam ng nakakakita, kapag inalis niya ang blazer ay
naka-spaghetti straps lang ang kanyang light pink linen dress. Mataas nga ang neckline
niyon sa harapan pero halos backless naman sa likuran.
Very feminine din ang dala niyang maliit na beige leather
shoulder bag. Kasama ng kanyang ballerina flats, girl na girl nga ang kanyang
dating.
Hindi naman niya kailangang magdala pa ng kung anu-ano
ngayon. Exploratory talks nga lang ito. Wala pang tunay na interview na magaganap.
Tama na iyong maliit niyang notebook para sulatan ng kanyang mga obserbasyon.
Nauna siyang dumating sa Country Cottage Inn. Pagtigil pa
lang ng kotse niya sa driveway sa harap ng pinto ng lobby, sinalubong na siya
ng mag-asawang may-ari ng lugar.
Natimbrehan na siguro agad ang mga ito ng guwardiya sa gate na dinaanan niya sa
may paanan ng bulubundukin.
“Ms. Mercado,” sabi ng nakangiting matrona. “Welcome to
Country Cottage Inn. I’m Ditas and this is my husband, Tom. Ipaubaya na lang
natin sa valet ang kotse mo for parking.”
May naghihintay na ngang unipormadong valet sa tabi ng pinto
ng kotse niya.
Nakangiting umibis na rin si Rhianna. Ibinigay niya sa lalaki
ang susi ng sasakyan. Binigyan naman siya
nito ng claim tag na kung saan nakasulat na ang plate number niya.
“Please call me
Rhianna,” sabi niya nang lapitan ang mag-asawang Ditas at Tom, nakalahad na ang
kamay.
Kinamayan siya ng dalawa.
“Welcome,” sabi pa ni Tom.
“Darating din si Mr. Durano,” sabi niya.
“Good, good,” tango ni Ditas. “Let’s have a cold drink while
waiting.”
Dinala siya ng mga ito sa loob ng lobby. Wala ngang restaurant
doon pero may mga upuan namang para ring sa mga lobby ng hotel. Talaga raw may
libreng welcome drinks para sa guests habang inaayos ng mga ito ang registration.
Ice cold fresh buko ang dinala ng unipormadong butler para sa
dalaga.
“Nakahanda na ang isang cottage para kay Mr. Durano,”
pagkukuwento ni Ditas. “Salamat nga pala sa tip mo. We made sure na iyong mga
paborito niyang pagkain ang ise-serve for lunch. Nakakuha kami ng fresh oysters.
Mayroon ding baked tahong. May spicy Thai eggplant salad. To balance the taste,
may steamed fresh asparagus spears on the side. May champagne on ice nang
naghihintay. May wild mushroom soup. Ang main course, rare Angus beef rib-eye
steak. Don’t worry, mayroon namang well-done na tenderloin steak para sa `yo. Usually
talaga, silang mga lalaki lang ang mahilig sa rare.”
Nangiti si Rhianna.
Sinadya niyang magpahanda ng mga pagkaing may natural aphrodisiac
effect din. Pang-back-up sa dala niyang herbal aphrodisiac.
Iyong rare rib-eye steak, nagkataong narinig niya noon sa
kuwentuhan sa Friday’s na paborito talaga ni Anto. Nagkataon ding may natural
aphrodisiac effect ang rare beef steak.
“We won’t join you for lunch,” sabi ni Tom. “Itu-tour lang
muna namin kayo around the property at ihahatid sa cottage. Pagdating doon, mas
maganda siguro kung ma-experience ninyo ang maging parang guest talaga.
Dadalhan kayo roon ng lunch at iiwanan na kayo ng server n’yo. Your boss can see
for himself kung gaano kasarap ang mag-dine nang ganoon sa veranda ng isang private
hillside cottage.”
Tumango siya.
“That sounds like a good idea,” sabi niya. “Mas magiging
makatotohanan nga ang evaluation niya sa lugar pag ganoon.”
Ang totoo, tuwang-tuwa siya dahil mas mapapadali ang
pagbibigay sa kanila ng privacy. Mas madali niyang maisisingit sa pagkain o
inumin ni Anto ang kanyang dalang aphrodisiac.
Originally kasi, akala niya’y makakasalo nila ang mag-asawa
sa pananghalian. Ang plano sana niya’y isisingit ang dala niyang herbal concentrate
sa juice o kape ni Anto. Umaasa siyang kasabay ng epekto ng mga pagkaing
ipinahanda niya for lunch ay magsisimula na itong maging uncomfortable bago
matapos ang kanilang meeting.
Pagkatapos ng usapan, balak sana niyang yayain ang binata na
maglakad-lakad sa paligid ng inn o kaya nama’y magpahangin nang sandali sa veranda
ng isa sa mga cottages. Siguro naman ay mabibigyan sila ng mga kausap nila ng
kaunting privacy. At bakasakaling doon na magtapat si Anto.
O kaya
naman, maaaring yayain na siya nitong magtuloy sila sa ibang lugar kung saan
sila makakapag-usap nang sarilinan.
Buong-buo ang tiwala niya sa gagamiting aphrodisiac. Pero
hindi naman niya inaasahang may mangyayaring kung ano sa pagitan nila. Knowing
Anto at ang pagiging napakapormal na tao nito, ang expected lang niyang
magiging epekto ng aphrodisiac ay ang makawala ito nang kahit kaunti sa ganoong
kapormalan. Sapat lang para mailahad nito ang totoong nadarama. At bakasakaling
mahagkan pa siya nito. Sana nga.
Pero kung ganitong iiwanan pala silang dalawa sa cottage
for lunch, aba, mas maganda. Mas mapapadali ang gagawin niya. Mas conducive din
ang atmosphere para sa pagtatapat ni Anto. At mas malamang na mahagkan siya
nito. Haay!
Halos eksaktong alas-onse
nang dumating si Anto.
Naka-long-sleeved shirt ito na walang kurbata at naka-twill
slacks. Ganoon ang lagi nitong suot kapag nakikipag-meeting sa labas ng
opisina.
Parang hindi man lang ito napagod sa haba ng ibiniyahe.
Kunsabagay, naisip ni Rhianna, malakas siguro ang aircon ng kotse nitong
bagung-bago.
At lagi naman talagang parang kaybangu-bangong tingnan ni
Anto.
Ipinakilala niya ito sa mag-asawang Ditas at Tom.
“Please call me Anto,” sabi rin agad ng binata habang
nakikipagkamay sa dalawa.
Dinala rin nila si Anto
sa loob ng lobby. Binigyan ng welcome drink.
Doon na ipinaliwanag ng mag-asawa ang lahat ng tungkol sa
Country Cottage Inn. Kung bakit nila ito naisipang itayo. Kung saan sila
nakakuha ng inspirasyon. Kung anu-ano ang mga advantages nito laban sa ibang mga
inn o hotel.
“Ang maipagmamalaki namin dito ay ang privacy,” sabi pa ni
Ditas. “Sinadya naming huwag gawing dikit-dikit ang cottages. Ni hindi
nagkakatanawan. At napapalibutan pa ng mga punongkahoy at flowering plants ang
bawat unit. So, in the cottage, para talagang nasa sariling mundo ang guest.
Away from it all. Communing with nature. Any time of the day or night, maganda
ang tanawin. Masarap ang simoy ng hangin.”
“Hindi ito tulad ng ibang mga resort na pupuntahan ng mga tao
kapag gusto nilang mag-socialize,” sabi naman ni Tom. “Kabaligtaran ito. Dito
pupunta ang mga tao kung gusto nilang mamahinga. Magkaroon ng quiet time and
personal space. Kaya nga wala kaming restaurant o common pool. May
kanya-kanyang jacuzzi lang sa bawat cottage. Ideal ito for people who want to
be alone for a while. O kaya naman para sa honeymooners o mga mag-asawang
gustong mag-weekend date on their own na hindi gaanong lalayo sa kinaroroonan
ng pamilya.”
Tango nang tango si
Anto. Halatang nagugustuhan ang mga naririnig.
“Let’s take a ride through the whole complex,” anyaya ni
Ditas. “Pagkatapos, ihahatid namin kayo sa pinakamataas na cottage. We reserved
that for you. Iiwanan na namin kayo roon. Hahatdan naman kayo
ng lunch.”
“Won’t you be joining us?”
gulat na sabi ng binata.
“We’d like you to experience how it is to be actual guests in
the cottage,” sagot ni Tom. “Iba rin ang feeling kapag you’re on your own, e.
Masisira iyon kung kasama pa kami.”
“After all, nakasalalay sa magiging impressions ninyo ang decision
kung mapipili nga ba kami for your cover story,” dagdag ni Ditas. “We’d like to
have a good chance for that slot. Kaya, please, just try to enjoy the
experience of being guests here.”
Walang nagawa si Anto kundi ngumiti at tumango na lamang.
Para kay Rhianna, parang kaytagal ng ginawa nilang tour.
Kahit pagkagaganda ng inikot nilang mga cottages, na bawat isa’y may sariling
disenyo, inip na inip na siyang marating iyong nakareserba para lang sa kanila.
Naiwan sa parking lot sa may lobby ang kanilang mga sasakyan.
Jeepney ng inn, na siyang talagang naghahatid at sumusundo sa mga guests
paroo’t parito sa cottages, ang ginamit nila sa pag-iikot.
Finally, naihatid din sila sa cottage na nasa pinakaituktok
ng bulubundukin.
“This is the best unit we have,” sabi ni Ditas habang
nakatayo sila sa labas ng cottage. “Kapareho lang ng sa iba nating napuntahang cottages
ang facilities dito, except for the view. Pinakamaganda ang view dito. At
palibhasa nasa itaas, all-around din ang view, hindi sa iisang direksyon lang.
Kaya nga ito ang tinatawag naming Honeymoon Cottage.”
May tumigil na isa pang jeepney sa may likuran ng sinakyan
nila.
“Heto na pala ang naghahatid ng lunch, e,” sabi ni Tom.
“Tamang-tama ang timing. O, paano, iiwan na namin kayo. Oo nga pala, Anto, the cottage
is at your disposal for the entire weekend. Compliments of the house.”
“H-ha?” gulat na sabi ng binata.
Pati si Rhianna ay nagulat. Wala
naman kasi iyon sa napag-usapan nila.
Nahalata yata ni Ditas ang biglang
pamumula nilang dalawa kaya sinalo nito ang sitwasyon.
Kakaiba nga naman ang implikasyon ng
sinabi ng mister nito. Para bang ina-assume na may relasyon sina
Rhianna at Anto at posibleng mag-overnight sa cottage.
“Ibig sabihin lang, puwede kayong magdala pa ng mga family
members o friends ninyo rito hanggang bukas ng gabi,” pagdidisimula ng matrona.
“May phone naman diyan sa loob kung may gusto kayong tawagan para humabol
dito.”
“Ahm...b-bahala na,” sagot ni Anto na halatang asiwang-asiwa.
Nauna nang nakapanhik sa cottage ang mga nagdala ng pagkain. Ngayo’y palabas na uli ang mga ito.
“Sir, the table’s ready,”
sabi pa ng unipormadong server kay Anto. “Tawagan n’yo na lang ho kami kung may
karagdagan kayong order. O kung gusto na ninyong ipaligpit ang table. Sabihin lang
ho ninyo sa operator na i-connect kayo sa housekeeping.”
“Thank you,” tango ng binata.
Napansin ni Rhianna na parang nagsisimula na itong
pagpawisan. Kunsabagay, walang aircon ang sinakyan nila patungo sa cottage dahil
nga jeepney. At katanghaliang tapat.
“Pero malakas at presko naman ang hangin, a,”
naisip niya. Kahit nga naka-blazer pa rin siya, hindi naman siya
pinagpapawisan.
Nangiti sa sarili ang dalaga. Alam niya kung bakit
pinagpapawisan si Anto. Hindi dahil sa init ng araw. Ibang init ang iniiwasan
nito. Natatakot itong magkasarilinan sila. At sa pribadong cottage pa man din.
Pero nang umalis na sina Ditas at pati na ang jeepney na
naghatid ng pagkain nila, hindi na puwedeng hindi siya yayain ng binata na
pumanhik sa cottage.
“Tamang-tama, nagugutom na ako,” nakangiting sagot ni
Rhianna. “Uhaw na uhaw na rin ako. Siguro naman, may nakahanda silang cold drink.”
Nang mamataan niya sa ibabaw ng nakahandang mesa sa veranda
ang champagne na nakalubog sa silver bucket na puno ng ice, iyon agad ang
nilapitan ng dalaga.
“Pakibuksan naman ito,” sabi niya sa kasama. “I’ve never
opened a champagne bottle before. Sayang kung mag-overflow.”
“Champagne?” nakataas ang kilay na sagot ni Anto. “Don’t tell
me na iinom ka niyan ngayon? Alalahanin mo, we both have a long drive back.
Hindi natin dapat galawin iyan.”
“Huwag ka namang killjoy,” nakangiting pakli ni Rhianna.
“Ngayon nga lang ako makakainom ng champagne with lunch. Usually pang-dinner or
after dinner ito. At saka hindi naman nakakalasing ang champagne. Huwag kang
mag-alala, staple sa bawat kitchen dito ang coffee percolator at daily supply
ng freshly-ground coffee beans. We can have coffee later - kahit gaano karami -
before we drive home.”
At hinugot na niya mula sa silver ice bucket ang bote ng champagne.
Napilitan si Anto na kunin iyon nang iabot niya rito.
“Wala naman yata silang iniwan na corkscrew,” sabi ng binata.
“Hindi ko ito mabubuksan with my bare hands.”
“Of course, may iniwan silang corkscrew,” nakangiting sagot
niya, iwinawagayway pa ang naturang gamit sa ere. “It was right here beside the
bucket.”
Wala nang maidahilan si Anto. Ekspertong binuksan na nito ang
bote.
Kinuha naman ni Rhianna ang dalawang long-stemmed champagne
flutes at iniabang na iyon sa harap ng binata.
“Kumain na muna tayo,” sabi pa ni Anto. “Mabilis kang mati-tipsy
kung walang laman ang sikmura mo at maunang papasok itong alcohol. Mas mabilis
itong maa-absorb sa iyong bloodstream.”
“Don’t worry, sasabayan ko na rin agad ng pagkain,” sagot
niya. “Join me, ha? Sayang naman kung hindi natiin iinumin itong champagne.
Lumilipas ito kapag nabuksan na, hindi ba? Nagiging flat pag nakawala na ang
bubbles. Hindi na rin naman nila mapapakinabangan. We might as well enjoy it.”
“Para ka namang hindi pa nakakainom ng champagne,” parang
paninita ni Anto.
Natawa lang si Rhianna.
“Sobra ka naman,” sagot niya. “Marunong
naman akong uminom ng champagne kaya alam kong hindi tayo malalasing dito. Just
enough for us to enjoy what they prepared. Kasama ito sa ambience ng cottage na
gustong ipa-experience sa atin nina Ditas. To be fair to them, kailangang
buong-buo ang pag-test run natin sa kanilang offerings, hindi ba?”
“Hindi naman natin talaga masusubukan nang buong-buo ang cottage
na ito,” sagot ng binata. “We’ll just be staying for a few hours.”
“Why don’t you stay overnight?” sabi niya rito. “Puwede naman kitang iiwan dito mamaya.”
“At ano naman ang gagawin ko rito nang
mag-isa?” pakli ni Anto.
Pagkatapos, namula ito. Napansin yata na
parang imbitasyon sa kanya ang tinuran.
Mabilis nitong pinuno ang
dalawang basong hawak pa rin niya sa harap nito. Pagkatapos, ipinatong nito ang
bote sa mesa at mabilis na tumalikod.
“Excuse me,” sabi nito. “I need to go to the washroom.”
Pinakawalan ni Rhianna ang mahinang giggle nang makaalis si
Anto. Pagkatapos, naalala niyang tamang-tamang pagkakataon na iyon para sa
kanyang misyon.
Ibinalik niya ang dalawang baso ng champagne sa maliit na
bilugang silver tray na nasa mesa. Mabilis niyang inilabas mula sa kanyang shoulder
bag ang maliit na bote na kinalalagyan ng kanyang herbal aphrodisiac
concentrate. Isinalin niya iyon sa isa sa mga basong kristal. Itinago rin niya
uli ang bote sa kanyang bag.
Tinandaang mabuti ni Rhianna kung aling baso ang nilagyan
niya ng aphrodisiac. Iyong nasa kanan. Katabi ng baked tahong.
Pagbalik ni Anto, siya naman ang nagpaalam dito.
“Excuse me, pupunta
lang din ako nang washroom. Mabilis lang ako. Don’t start drinking yet. Mag-toast
muna tayo pagbalik ko.”
NAPAILING si Anto.
Hindi niya gusto ang mga nangyayari. Hindi ganito ang inaasahan niya sa business
lunch na ito. Bakit ba nauwi ang lahat sa private lunch na kung saan dadalawa
lang sila ni Rhianna ang magkasalo? At sa tinawag pa man ding Honeymoon Cottage
ng inn.
“Well, it’s just for a few hours,” sabi na lang niya sa sarili.
“I can do this.”
Wala sa sariling dumampot siya ng isang piraso ng baked
tahong para papakin. Pagkuha niya rito ay dumulas ang topping nitong grated cheese
at fried garlic. Natapon sa katabing silver tray na kinapapatungan ng mga baso
ng champagne.
Lalong napailing ang binata sa kanyang clumsiness. Alam na
niyang importante kay Rhianna ang ma-enjoy nang husto ang champagne at ang ambience
ng lugar. Nakakasira ang ginawa niyang kaburaraan.
Ibinalik niya ang tahong sa gilid ng serving tray nito. Inalis
niya mula sa silver tray ang dalawang baso ng champagne at ipinatong muna ang
mga ito sa mesa. Pagkatapos, dinala niya ang tray sa kusina at binanlawan ng running
water sa sink bago pinunasan ng hand towel. Saka niya ito ibinalik sa mesa.
Ibinalik din niya rito ang dalawang baso ng champagne.
Palibhasa wala namang dahilan para maging eksaktong-eksakto
ang pagkakabalik niya sa dalawang magkatulad na baso, hindi na niya inalintana
kung alin ang originally ay nasa kaliwa at alin ang nasa kanan. Malay ba niya na
nagkapalit pala ang mga iyon?
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento