Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Lunes, Hunyo 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

NAGISING si Rhianna nang walang hangover. Malinaw na malinaw agad ang kanyang isip.

        Kunsabagay, totoong hindi naman talaga siya nalasing sa nainom niyang champagne. Paano siyang magkaka-hangover? Ang nakadale pala sa kanya ay iyong epekto ng herbal aphrodisiac, na mas lalo pang pinaigting ng kombinasyon ng kaunting alcohol at iba pang aphrodisiac food na kinain niya sa pananghalian.

        Ang nangyari, nawalan siya ng kontrol sa kanyang inhibitions. Kumbaga, nawalan ng censor ang kanyang sarili. Kung ano ang nasa isip at puso niya, iyon ang sinabi at ginawa niya. Walang tabing ng hiya o pag-aalinlangan. Pero palibhasa hindi iyon dala ng kalasingan, alam na alam niya ang lahat ng naganap. Natatandaan niya to the smallest detail.

        Alam din niya na walang naganap na hindi niya ginusto, kahit pa sabihing under the influence siya kanina ng nainom niyang aphrodisiac. Sabi nga ni Urielle, hindi kayang ipagawa ng anumang aphrodisiac sa tao ang ayaw nitong gawin. Tulad din ng kung paanong mahirap ma-hypnotize ang isang taong ayaw makipag-cooperate.

        In other words, ang mga ginawa niya kanina ay gusto rin talaga niyang gawin. Hindi nga lang siguro niya kayang gawin iyon kung wala ang aphrodisiac dahil mangingibabaw ang kanyang mga defense mechanisms na dala ng kanyang mga social inhibitions. Ng mga nakalakhan niyang dapat at hindi dapat.

        Iyon lang ang hinawi ng aphrodisiac. Ang kanyang mga inhibisyon. At pinakawalan ang kanyang natural. Ang totoong gusto ng kanyang damdamin.

        Kaya naman biglang-bigla, ngayon, hiyang-hiya na si Rhianna. Lalo pa’t natagpuan niya ang sarili na wala pa ring saplot kundi manipis na puting kumot. Si Anto pa marahil ang nagkumot niyon sa kanya.

        Nakita niya agad ang binata. Nakasubsob ang ulo sa mesang nasa sulok ng kuwarto. Tulog.

        “Mabuti na lang,” naisip niya.

        Tiningnan niya ang suot pa rin niyang relo. Mag-a-alas-singko na pala nang hapon. Nakikita nga niyang maliwanag pa sa labas.

        Maingat na bumangon ang dalaga. Ayaw niyang makagawa ng anumang ingay. Ayaw niyang magising si Anto.

        Hindi niya ito kayang harapin. Mamamatay yata siya sa hiya. Gusto lang niyang makatakas na.

        Hindi na nga siya nag-shower man lang muna. Ayaw niyang i-risk na baka magising si Anto. Basta nagbihis na lang siya. Hindi na baleng lukot na lukot ang kanyang bestida. Pilit na lang niya iyong pinlantsa ng kanyang mga palad.

        Iyong telepono sa living room ang kanyang ginamit. Mahina lang ang kanyang boses nang mag-request siya ng sundo na jeepney.

        “Maglalakad-lakad na ako pababa,” sabi pa niya. “Salubungin na lang ninyo ako along the way.”

        Gusto na talaga niyang makalayo as soon as possible.

        Kakaunti pa lang naman ang kanyang nalalakad bago niya nakasalubong ang sundong jeepney.

        Pagdating sa lobby, kinailangan pa niyang magpaalam kina Ditas at Tom.

        “Hindi pa decided si Anto kung mag-o-overnight ba siya o hindi,” sabi na lang niya sa mga ito. “Pero mauuna na akong umuwi. The office will let you know about the final decision on the cover story. Palagay ko, malaki ang posibilidad na inyo na nga iyon. At least, inyo na ang boto ko. I’m really impressed with your place, your services and your food. Maraming, maraming salamat din sa inyong hospitality.”

        Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa.

        “Welcome kayo rito any time,” sabi pa ni Ditas. “May permanent discount na para sa inyo.”

        Tumango si Rhianna.

        “Thank you very much,” ulit niya kahit alam niyang malabo nang magbalik pa siya roon.

        Sa mahabang biyahe pauwi, nakapagdesisyon ang dalaga.

        Hindi na siya sisipot sa opisina. Hindi na niya kayang magpakita pa uli kay Anto. Magpapadala na lang siya ng kanyang resignation letter. Uuwi na muna siya sa Paraiso. At kung kinakailangan, kung hanggang doon ay magawi ang binata, pupunta na muna siya sa States. Sa mga Kuya Rhett niya.

        Hindi niya kayang ipagtapat kaninuman ang kanyang ginawa. Kahit pa kay Urielle. Sigurado kasing pagagalitan siya nito pag nalaman ang paggamit niya ng herbal aphrodisiac para sa ganoong intensiyon. Pangunahin nitong paninindigan na hindi dapat ginagamit sa mali ang ganoong mga halaman.

        Kung bakit naman kasi pinangahasan pa niyang gawin ang kalokohang iyon. Sising-sisi talaga siya. Kung maibabalik lang sana niya ang oras.

        Kahit naman siguro si Anto talaga ang nakainom ng aphrodisiac na iyon, hindi pa rin niya maririnig ang pinakahihintay niyang pagtatapat nito ng pag-ibig. Alam na niya iyon ngayon.

        Hindi nga ba’t panay pag-awat ang unang reaksiyon nito sa kanya kanina? Naging napaka-agresibo lang talaga niya kung kaya bumigay na rin ito sa huli. Kasi nga naman, naging crush siya nito five years ago. Syempre, andun pa rin naman siguro kahit paano ang atraksyon. Pero sa kabila ng lahat, hindi nito itinuloy nang ganap. Hindi nito pinagbigyan ang sariling kalikasan all the way. Ano nga ba iyong sinabi nito? “This isn’t right, Rhianna.”

        Ang lakas talaga ng kontrol nito sa sarili. Lalo pa siyempre kung ganoong wala naman pala talaga itong gusto sa kanya. Nadarang lang. Siguro, nagtimpi ito dahil likas na gentleman. Pwede ring takot na mapikot. Baka nga naman magbunga iyon, wala naman kasi silang dalang proteksiyon. Playing safe si Anto.

        Hiyang-hiya na nga si Rhianna, ang sakit pa ng nadarama niyang pagkabigo. Nagkamali pala siya ng akala. Wala na talagang gusto sa kanya si Anto. At pagkatapos ng pangyayaring ito, wala na rin malamang pati respeto nito sa kanya.

        Nagmamaneho siya’y hindi niya mapigil ang kanyang pag-iyak. Panay ang punas niya sa kanyang mga matang nanlalabo sa luha. Mabuti na lang, nakauwi siya nang matiwasay.

        Naligo lang siya at nagbihis bago niya ginawa na agad sa computer ang kanyang resignation letter. Isinulat din niya ang kanyang pinakahuling rekomendasyon para sa launching issue - ang gawing cover story ang Country Cottage Inn. Pagkatapos, nag-print out na siya ng final copy, kasama pati envelope. Imi-mail na lang niya bukas ng umaga bago siya magbiyahe pauwi sa Paraiso. Same day delivery.

        Ang sunod niyang inasikaso ay ang pag-eempake. Kailangang maimis niyang lahat ang kanyang mga gamit kahit partial lang ang kaya niyang dalhin sa Kia bukas. Basta’t naka-pack na ang maiiwan pang mas malalaki at mabibigat na items, puwede niyang ipa-pick up ang mga iyon sa kanilang mga tauhang lumuluwas para kumuha ng stock sa Divisoria. Ibibilin na lang niya sa kanyang landlady. Tutal, bayad siya hanggang katapusan. May mababawi pa nga siyang deposit.

        Inabala ni Rhianna ang kanyang sarili para hindi na niya isipin ang naganap sa Antipolo. Para bang kapag hindi niya inisip iyon ay parang hindi rin naganap.

        Pero hinabol siya ng pangyayari. Tumunog ang doorbell. At nang buksan niya ang pinto, si Anto ang natagpuan niyang nakatayo sa labas ng screen door.

        Hindi binuksan ni Rhianna ang screen door.

        “Paano mo nalaman kung saan ako nakatira?” pagtataka niya.

        “May access ako sa files ng personnel department,” sagot ng binata. “Just like you. Kumuha rin ako noon ng kopya ng file mo, gaya ng pagkuha mo ng kopya ng file ko.”

        Natigilan siya. Alam pala iyon ni Anto. May espiya siguro ito sa departamentong iyon. O baka kaunting pa-charming lang nito ay ibinisto na agad siya ng kung sinong clerk doon.

        Hindi na nag-abala si Rhianna na pagtakpan pa ang kanyang ginawa kahit puwede pa rin niyang sabihing para lang iyon sa file ng magazine division. Iba ang pinagtuunan niya ng pansin.

        “Wala na tayong dapat pag-usapan,” sabi niyang pilit na nagtataas-noo. “I’m sending in my resignation. Don’t worry. Hindi mo na ako makikita sa opisina. Now, please go.”

        Hindi kumilos si Anto.

        “Open the door, Rhianna,” sagot nito sa mababa pero maawtoridad na boses. “Marami tayong pag-uusapan diyan sa loob. Unless you prefer that I say my piece out here, na maririnig ng kahit na sino.”

        Nasukol siya. Binuksan niya ang pinto.

        Pagpasok ni Anto, ini-lock nito ang screen door.

        “Don’t bother,” sabi niya. “Hindi ka naman magtatagal.”

        “I’ll stay as long as necessary,” sagot nito.

        At isinara nito pati main door.

        Napaatras si Rhianna.

        “Kung may iniisip kang masama, I’m warning you. Hindi na clouded ang isip ko ngayon. Sisigaw ako. Marami akong neighbors dito sa compound,” lakas-loob na pahayag niya.

        Natawa si Anto.

        “Look who’s talking,” sagot nito. “Ako pa ngayon ang pagsasabihan mo ng ganyan pagkatapos ng tinangka mong gawin sa akin? Iyan ang hirap sa double standard, e. Kung lalaki ang nagtangkang magpainom sa iyo ng aphrodisiac, siguradong ihahabla mo ng attempted rape. Pero dahil ikaw na babae ang gumawa ng ganoon, gusto mong balewalain na lang. Hindi biro iyon, Rhianna. Hindi mo puwedeng burahin nang ganoon na lang.”

         Natameme ang dalaga. Aminado siya, tama si Anto.

        Kinuha na lang niya mula sa computer table ang kanyang resignation letter. Ibinigay niya ito sa kaharap.

        “There, that proves it,” sabi niya. “I resign. I’m giving up my job. Nakikita mo naman, nag-eempake na rin ako. I’m giving up this place, too. Iyan ang kabayaran sa ginawa ko. That’s the price I have to pay.

        Pinasadahan lang ni Anto ng tingin ang kanyang sulat. Pagkatapos, nilamukos iyon at itinapon sa isang tabi.

        Manghang napamulagat ang dalaga.

        “Ano pa ba ang gusto mo?” bulalas niya. “Nag-boomerang na nga sa akin ang bad intentions ko, e. Hindi ba’t ako na nga ang nakainom ng potion na iyon? Ako na nga ang nagkalat. Hindi pa ba sapat na parusa iyon? Ano pa ang gusto mo? Isusumbong mo ako sa management? Ipapahiya sa mga tao sa kompanya? Kakasuhan mo ako? Ipakukulong? Ano?”

        “Sagutin mo muna ito,” pakli ni Anto. “Bakit mo ginawa iyon?”

        Naumid si Rhianna.

        Hindi pa ba sapat ang humiliation niya? Kailangan pa bang aminin niyang in love na siya kay Anto? Ngayon pang ganito na ang tingin nito sa kanya?

        Nang hindi siya kumibo ay ito na rin ang muling nagsalita.

        “I think I know why,” sabi nito. “May nabanggit ka nga kanina. Sabi mo, gusto mo akong paaminin na gusto pa rin kita. Sabi mo pa, isnabero na kasi ako. So, nasaktan ang pride mo dahil hindi na ako parang tutang susukut-sukot sa iyo. Hinahanap mo ang dating Anto na puwede mong gawing doormat. Well, he’s gone. Wala na siya. Ibang Anto na ako ngayon.”

        Parang sinampal si Rhianna.

        Mas masakit pa pala kapag ganoong diretsahan na niyang naririnig mula mismo sa bibig ni Anto. Wala na iyong Antong in love na in love sa kanya noon. Iba na nga ito ngayon.

        Pero sa mga sinabi ng binata, may natagpuan si Rhianna na puwede niyang gawing panakip sa kanyang sobra-sobra nang pagkapahiya. Hindi na baleng magsinungaling siya.

        Nagtaas-noo uli siya.

        “You’re right,” sabi niya. “Nasaktan nga ang pride ko. Ang yabang-yabang mo na kasi. So I wanted to teach you a lesson. Gusto kong ipakita sa iyo na hindi mo pa rin ako ma-resist. At kung ikaw sana ang nakainom ng aphrodisiac na iyon, hindi mangyayari ang naganap kanina. Susupalpalin lang uli kita, just like I did five years ago. Sinuwerte ka lang at ako ang nakainom no’ng herbal concentrate. Wala lang talaga ako sa sarili ko kaya may nangyaring ganoon.”

        Akala niya, lusot na siya.

        Pero nagtatawa lang uli si Anto.

        “I don’t believe a word of that,” sagot nito. “Iba ang palagay ko. I think you’re attracted to me, kaya napipikon kang hindi na kita tinatratong katulad ng pagtrato ko sa iyo noong high school. Kaya nakapag-isip ka ng drastic measures.”

        “Ang kapal mo,” awtomatikong tugon ni Rhianna.

        “On the contrary, I’m everything you said you wanted in your high school essay, remember?” parang nang-iinis pang paalala ng binata. “May self-confidence na ako ngayon.”

        “I hate what you’ve become,” mariing sabi ng dalaga. “Masyado ka nang conceited.”

        “You don’t hate me, you want me,” salungat ni Anto. “Pero padalus-dalos ka. Kung noong araw, sinita mo ako dahil hindi ko alam ang sinasabi ko tungkol sa love, ibinabalik ko naman iyon sa iyo ngayon. You’re attracted to the package you see. The new me. Pero hindi mo pa ako talagang kilala. Like I said, maraming nagbago sa akin. So I want you to get to know me even better.”

        “Ayaw na nga kitang makita, e.” paasik na sagot ni Rhianna.

        “Wala kang choice,” iling ni Anto. “Dahil sa tinangka mong ginawa kanina, may kasalanan ka sa akin. May utang ka. A moral debt. Kailangang bayaran mo iyon. At ang kabayarang hinihingi ko, three months. You have to stay for at least three months. Hindi ka puwedeng mag-resign. We have to work together. And I promise you, after those three months, mapapatunayan mo sa sarili mo na talagang in love ka nga sa akin. Wala nang doubts. May basis na dahil kilalang-kilala mo na uli ako. At saka pa lang ako maniningil nang ganap.”

        “Maniningil nang ganap?” ulit ni Rhianna. “Akala ko ba, kabayaran na `yong three months? Ano pa?”

        “Ano pa?” sabi ni Anto. “Nakalimutan mo na ba ang pagtitimping ginawa ko kanina? Akala mo ba madali iyon? Nagtiis lang ako dahil labag sa prinsipyo kong angkinin ka while you were not in full control of yourself. That’s why I’m giving you three months. After that, patutunayan ko sa iyo na hindi mo na kailangang uminom ng aphrodisiac. Kung kanina, everything was for your fulfillment and satisfaction, after three months it will be my turn. And you will be very willing.”

        Pulang-pula si Rhianna.

        “Never again!” mariing pahayag niya.

        “Really?” sabi ni Anto bago mabilis na lumapit sa kanya.

        Bago pa siya nakaiwas ay kinabig na siya nito sa beywang. Nang halos magdikit na ang kanilang mga mukha ay kusang napapikit ang kanyang mga mata at napaawang ang kanyang mga labi. Parang wala sa control ng kanyang isip.

        “I can take you now if I want to,” bulong ni Anto sa tapat ng bibig niya.

        Langhap pa niya ang hininga nito.

        Pero agad din siyang binitiwan ng binata. Nanlambot ang mga tuhod niya. Mabuti at malapit ang dingding sa kanyang likuran. Napasandal siya.

        Nang lumayo si Anto ay parang talunan si Rhianna. Nangangatal ang kanyang buong katawan.

        “Why don’t you just get it over with?” nanghihinang sabi niya. “Sagarin mo na ngayon ang paniningil. Tutal naman, heto, napatunayan mo na ang gusto mong ipamukha sa akin. Bakit patatagalin mo pa?”

        Umiling si Anto.

        “Not like this,” sagot nito. “Puwede mong sabihing after-effect lang ito ng aphrodisiac. At malamang na physical attraction lang ang nararamdaman mo ngayon. Ayoko niyon. After three months, I’m very sure, hindi mo na maikakaila na in love ka sa akin. That’s when I want to make love to you all the way. I won’t have anything less.”

        Pagkatapos, lumakad na ito patungong pinto.

        “Huwag ka nang mag-empake,” sabi pa nito. “You need to rest. I’ll see you at the office on Monday. Don’t worry, I’ll be very discreet. This is just between the two of us. Walang ibang makakaalam.”

        At tuluyan na itong umalis.

        Naiwan si Rhianna na nakasandal sa dingding. Nangingipuspos.

        Grabe palang maningil si Anto. Gusto siyang angkinin nang buong-buo, body, heart and soul. At ni wala naman itong iniaalok na katugong damdamin.

        Kunsabagay, siya ang may nagawang kasalanan kaya siya lang ang dapat na magbayad. At parang nilubos na rin nito pati ang paniningil sa kasalanan niya five years ago.

        Napapikit si Rhianna. Tama ang lahat ng sinabi ni Anto. In love na nga siya rito ngayon pero may kababawan pa itong nararamdaman niya. Hindi pa nga niya lubos na nakikilala ang bagong Anto. Attracted lang siya rito, physically. At pati na rin sa panlabas nitong personalidad at naipakitang gilas sa trabaho, so far.

        Pero ngayon pa lang, halos nakatitiyak na siyang tama rin ang hula ng binata. After three months, lalo lang niyang mapapatunayan sa kanyang sarili na in love nga siya sa pangkabuuang pagkatao ni Anto. Dahil kahit nga ang nakakapikon na kayabangan nito’y hindi niya magawang kamuhian nang totoo.

        Okay, sige, magbabayad siya ng utang. Hihintayin niya ang three months na iyon. At gagawin niyang very memorable ang kanilang singilan.

        Pero pagkatapos na pagkatapos niyon, saka siya aalis. Pupunta na talaga siya sa States, for good. Bakasakaling doon niya makalimutan si Anto.

 

NAKANGITI si Anto habang nagmamaneho pauwi.

        Kung tutuusin, bitin pa rin siya. Bitin na bitin. Lalo na pagkatapos nitong huli nilang pag-uusap ni Rhianna. Muling nagbangon ang lahat ng pananabik niya sa dalaga.

        Pero kakayanin niyang maghintay. Kahit parang pagkahaba-haba ng tatlong buwan. Kung noong high school nga, nakapagtiyaga siya nang apat na taon, itong tatlong buwan pa? At ngayon pang alam na niyang abot-kamay niya ang langit?

        Alam na naman niyang mahal na siya ni Rhianna. Hindi gagawa ng ganoon ang dalaga kung simpleng attracted lang ito sa kanya. Kaya kung tutuusin ay puwede na sana niya itong napagbigyan kanina sa pad. Pero hindi niya ginawa. This time kasi, gusto na niyang maniguro. Gusto niyang pahinugin muna nang husto ang kanilang relasyon. Iyong puwedeng ilaban nang panghabambuhay.

        Ito mismo ang pagpapatunay niya sa sincerity ng feelings niya kay Rhianna. Itong kagustuhan niyang maging solid ang kanilang foundation. Na masiguro muna ng dalaga ang sarili nitong damdamin bago sila pumasok sa pangmatagalang commitment.

        Three months lang na pagtiyatiyaga. Pagkatapos, makakasama na niya ang kanyang first love, for good.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento