Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Lunes, Hunyo 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 9

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 9

HINDI alam ni Rhianna kung paano niya haharapin ang araw pagpasok niya nang sumunod na Lunes. “Bahala na,” sabi na lang niya sa sarili.

        Pero si Anto na rin ang gumawa ng paraan para mapagaan ang kanyang sitwasyon. Biglang-bigla, ang sigla-sigla ng binata. Punta ito nang punta sa kuwarto nila para ikunsulta ang kung anu-ano kung kani-kanino. Natural na natural naman ang kilos nito kaya hindi siya gaanong naaasiwa. Kahit kapag siya ang kinakausap ay parang walang anumang naganap sa pagitan nila.

        “Upbeat na upbeat ka ngayon, a,” pansin pa nga ni Tina sa binata.

        “Inspirado ako, e,” nakangiting sagot nito. “Everything’s shaping up just the way I like it.”

        Nakakahawa ang enthusiasm ni Anto. Lalo pa’t isinasali nito ang buong original staff sa maraming pagdedesisyon.

        Tulad na lang ng pagpili sa kanilang idadagdag na mga tao. Kahit na ang binata ang gumawa ng initial screening sa mga aplikante, sa kanila naman ipinasa ang pagbibigay ng exam sa mga “finalists.” At bawat isa sa kanila ay binigyan ng pagkakataon na ma-interview din ang mga pumasa para sa kani-kanilang mga section. Pagkatapos ay pinakinggan nito ang kanilang mga rekomendasyon bago ito gumawa ng final decision.

        Mga dalawang linggo ring inabot ang buong prosesong iyon. At napakalaking tulong niyon para medyo matabunan ang pagkailang ni Rhianna.

        Iyon na rin ang ginawa niyang panakip na kuwento sa mga email niya kay Urielle. Sinabi niyang abalang-abala silang lahat sa trabaho kaya isinaisantabi muna niya ang anumang personal na intensiyon kay Anto.

        Nang pumapasok na ang mga bago nilang staffers, tumutok naman sila sa training at sa binanggit na noon ni Anto na streamlining ng job functions, work flow at office procedures. Kayrami nilang natutunan sa binata. Nadagdagan pa ang paghanga dito ni Rhianna.

        Dalawang linggo rin ang iginugol nila sa pag-aayos na iyon. Lumipas ang una sa tatlong buwang taning nang hindi halos napapansin ng dalaga.

        Pagdating ng pangalawang buwan, nailabas na nila ang huling issue ng old format ng Places, Manila Magazine at nasa kainitan na sila ng paghahanda para naman sa first issue ng People and Places, Manila Magazine. Lalong naging abala si Rhianna.

        Pinakinggan ni Anto ang rekomendasyon niyang ituloy ang paglagay sa Country Cottage Inn bilang cover story.

        Ilang na ilang pa rin siya kapag napapag-usapan ang Country Cottage Inn. Napilitan lang siyang ibigay ang kanyang rekomendasyon in fairness kina Ditas at Tom dahil talaga namang deserving ang lugar, at para rin sa ikagaganda ng magazine. Bilang professional, dapat lang na ibigay niya ang tamang opinyon.

        Pero kahit habang sinasabi niya ang rekomendasyong iyon sa kanilang staff meeting ay hindi makatingin si Rhianna nang tuwid kay Anto. Alam niya kasi ang naglalaro sa isip nito. Alam niyang pareho sila ng naaalala kapag nababanggit ang lugar na iyon.

        Lihim siyang nagpasalamat na hindi ipinilit ng binata na siya ang sumulat ng cover story. Wala itong anumang reaksiyon nang ibigay niya ang assignment sa iba.

        Muli, nagpakalunod si Rhianna sa trabaho. Madali namang gawin dahil talagang dumoble ang kanilang workload nang doblehin ang kapal ng magazine. Nadagdagan nga siya ng staff writers at tumanggap na sila ng freelance contributors pero mas matrabaho pa pala ang pagsubaybay at pag-edit ng trabaho ng iba kaysa noong siya lang ang gumagawa ng lahat.

        Natapos ang ikalawang buwan nang hindi pa natatapos ang launching issue. Sa ikatlong buwan ay naging mas hectic pa nga ang schedule ni Rhianna. Bilang editor-in-chief, nasa kanya ang pressure ng pagbubuo na mismo ng magazine.

        Hindi na niya gaanong napapag-isipan ang tungkol sa kanila ni Anto kahit pa halos araw-araw ay magkadikit sila. Hands-on din kasi ang binata sa bawat aspeto ng trabaho. Laging nakaantabay kahit hindi naman siya inaagawan ng eksena. Hindi ito nakikialam sa mga desisyong sakop ng kanyang area of responsibility.

        Pero kapansin-pansin ang pagiging ideal boss ni Anto. Wala itong inuurungang gawain. Kapag nagkakasabay-sabay ang pag-ring ng apat nilang telepono at hindi na kayang sagutin ni Gizelle at ng assistant nito, ang binata mismo’y umaakto ring parang sekretarya. Noong nagsumbong si Megan na may prospective advertiser na medyo nagparinig dito ng indecent proposal, ito na ang pumunta sa kasunod na pakikipag-meeting sa taong iyon. Noong nagkasabay-sabay ang schedule ng mga photo shoot nina Tina at nagkulang sa tao, nadiskubre nilang mahusay din pala itong professional photographer dahil nagboluntaryo itong akuin ang isa sa mga naka-schedule na shoot.

        Kahit tuloy tambak ang trabaho nila, hindi harassed ang pakiramdam ni Rhianna. Para bang lagi silang may Superman na handang mag-troubleshoot kapag nagkakaproblema.

        Natapos ang kanilang editorial work nang isalang ang magazine sa imprenta sa ikatlong linggo ng buwang iyon. Ganoon pa man, kailangan pa ring subaybayan ni Rhianna na laging husto ang quality ng printing ng pages nila. Kasama niya si Anto. Kasama rin naman nila si Tina.

        Sa huling linggo ng buwan, nasa kanila na ang magazine. Ang pinagkaabalahan naman nila ay ang paghahanda para sa grand launching ng People and Places, Manila Magazine sa New Haven Spa Hotel sa Makati.

        Sa bilang ni Rhianna, papatak ang launching party sa unang linggo pagkatapos ng tatlong buwang ibinigay sa kanya ni Anto. Pero pilit muna niyang iwinawaksi mula sa kanyang isip ang implikasyon niyon. Masyado pa siyang maraming kailangang asikasuhin.

        Bahala na kung wala na siya sa araw na iyon. Hindi na siguro importanteng naroon pa siya. Ang mahalaga’y naihanda niya ang lahat ng dapat ihanda. Nagawa niya nang walang labis at walang kulang ang kanyang trabaho.

        Kunsabagay, wala namang anumang indikasyon na naaalala pa ni Anto ang banta nitong “paniningil.” Hindi na uli sila nag-usap nang tungkol doon. At wala naman itong ikinikilos na kakaiba.

        Pero kung tutuusin, sa kabila ng lahat ng kaabalahang kinalubugan ni Rhianna, lagi’t lagi siyang aware sa presence ni Anto. Kahit hindi sila nag-uusap nang tungkol sa personal na mga bagay, napapansin niya ang bawat pag-agapay nito sa kanyang pagtatrabaho.

        Oo nga’t wala namang ginagawang pag-aasiste si Anto sa kanya na hindi rin nito ginagawa para sa iba nilang mga kasama sa trabaho. Pero iyon nga mismo’y nakakapagpabuntonghininga na kay Rhianna. Hangang-hanga siyang lalo sa ugali ng binata.

        Ibang-iba na talaga ito ngayon kaysa noon. Mabait pa rin. Mapagpakumbaba. Matulungin. Pero nagagawa na nito ang lahat nang iyon nang hindi ito nagmumukhang “doormat.” Na hindi ito namemenos. Malakas na nga kasi ang self-confidence ng binata. Ang presence at air of authority.

        Tama si Anto, in love na in love na nga siya rito. Hindi na niya maitatanggi. At dahil doon, mas masakit pa ngayon sa kanya ang gagawin niyang paglayo. Mas masakit kaysa kung three months ago na lang siya nakalayo. Baka by this time sana ay medyo naka-recover na siya.

        Mapait ang reyalisasyon ni Rhianna. Matalino nga si Anto. Siniguro nitong mas magiging sulit ang sisingilin nitong kabayaran mula sa kanya. Mas mabigat ang kanyang kaparusahan.

        Friday night, kasama uli sila ng buong staff sa TGIF night out. Hinintay ni Anto na matapos ang gabi bago siya nito kinausap. Naglalakad na silang palabas ng restaurant nang sabayan siya nito. Nagkataong nasa hulihan siya ng grupo.

        “I’ll pick you up tomorrow night at seven,” sabi nito. “Dress up in your best formal wear.”

        Nabigla siya pero wala siyang isinagot. Basta’t tumango na lamang siya.

        Halos manginig ang mga kamay ni Rhianna sa manibela habang nagmamaneho siyang pauwi. At hindi siya makatulog nang magdamag na iyon.

        Kinabukasan, hindi naman siya makakain. Palakad-lakad lang siya sa kanyang studio pad. Balisa. Hindi malaman ang gagawin.

        Alas-sais na nang maligo siya’t magsimulang magbihis. Ni hindi na nga siya nagtagal sa pagpili ng isusuot. Basta’t kumuha siya ng isa sa kanyang mga pormal na damit. Nagkataong very light pink na long dress ang nahugot niya mula sa closet, yari sa stretch satin at stretch chiffon, may spaghetti straps, naka-cowl neckline sa dibdib, at ganoon din ang estilo sa likod. Katamtaman lang ang baba ng neckline na iyon sa harap pero halos bare back sa likod.

        Hindi na niya napansin ang pagkakahawig ng long dress na iyon sa light pink linen dress na suot niya noon sa Antipolo.

        Basta’t pumulot na lang din siya mula sa kanyang shoe collection ng puting high-heeled mules at mula sa kanyang bag collection ng puting evening bag.

        As usual, wala siyang make-up kundi isang pahid ng clear lip balm. Nakalugay lang ang kanyang buhok dahil wala siyang sapat na konsentrasyon para pa ipusod iyon nang pormal.

        Six-thirty pa lang ay handa na siya. Tatlumpung minuto pa uli siyang palakad-lakad bago dumating si Anto.

        Pormal na pormal nga ang binata. Naka-tuxedo pa. Halos mapasinghap siya sa kaguwapuhan nito.

        “You look ravishing,” sabi rin nito pagkakita sa kanya.

        “Tamang-tama para sa nakalaang mangyari,” sagot ng isip niya.

        Pero tahimik lang siyang sumama kay Anto. “Like a lamb being led to the ultimate sacrifice,” naisip pa niya.

        Hindi na rin naman kumibo ang binata. Basta’t inalalayan lang siya sa pagsakay sa kotse nito. At dinala na siya sa condominium tower na tinitirhan nito. Nakilala niya agad ang building batay sa address na nakita niya sa kinopya niyang file ng personnel department.

        Gustong mapaismid ni Rhianna. Doon lang din naman pala siya iuuwi, pinagbihis pa siya nang pormal. Para naman silang nagdadrama pa gayong pareho naman nilang alam na hindi ito isang formal date kundi pagbabayad-utang lang.

        Nang makita niyang pindutin ni Anto sa elevator ang patungo sa rooftop, medyo nagtaka na siya. Pero inisip na lang niyang baka may restaurant doon at magdi-dinner muna sila.

        Hindi restaurant ang nabungaran niya paglabas nila ng elevator kundi poolside na napapaligiran ng garden na napapaligiran naman palm trees. Pero kakaiba ang ayos ng poolside sa gabing iyon. Kumukutikutitap ang firefly lights na nakabalot sa lahat ng palm trees. May nangakasinding floating candles sa pool. Katabi ng tatlong naglalakihang floating floral arrangements na pawang heart-shaped at yari sa pagkarami-raming fresh red roses.

        May pandalawahang mesang nakahanda sa ilalim ng maliit na gazebo na nasa kalagitnaan ng malapad na pool, mararating sa pamamagitan ng nakaarkong bridge. May dekorasyon ding red roses ang magkabilang rails ng bridge na iyon at maging ang mga pillars ng gazebo. May kandila naman sa table for two.

        Hustong paglabas pa lang nila mula sa elevator ay nagsimulang tumugtog ang isang string quartet. Nagsimula ring kumanta ang isang choral group na kinabibilangan ng may sandosena yatang mga lalaki’t babae na pawang naka-formal wear. Nakapuwesto ang mga ito sa isang gilid ng rooftop, medyo malayo sa pool. Sapat lang para mabigyan ang gazebo ng kaunting privacy.

        Napaka-romantic ng music.

        “Ang lahat ng ito’y para sa `yo...”

        Naglakad si Rhianna hanggang sa may gilid ng pool. Gumala ang mga mata niya sa paligid. Parang fairy tale. Parang dream come true. Ang ganda-ganda. Ang sakit-sakit naman.

        Tuluyan na siyang napahagulgol. Sabay talikod at takbo pabalik sa elevator.

        Nagsara na iyon kaya pinindot niya nang pinindot ang call button.

        Hangos namang lumapit si Anto sa kanya.

        “Bakit?” pagtataka nito. “What’s wrong? Hindi mo ba nagustuhan?”

        “How can you be so cruel?” pahikbing sumbat niya rito. “Of course, it’s wonderful. And you’re wonderful. Walang ka-effort-effort, you made me fall in love with you. Hindi pa ba sapat na pananakit sa akin iyon? And tonight, handa naman akong tumupad sa usapan natin, a. One night just for you. Ibibigay ko ang lahat-lahat - my body, my heart and even my soul. Kahit walang kapalit na damdamin mula sa iyo. Bakit kailangang gawin mo pa itong production number na ito? Lalo mo lang ipinamumukha sa akin kung ano ang hindi ko makakamtan kailanman. There won’t be any happy ending for us. Ilusyon lang ang gabing ito. Pagbabayad-utang. One night stand.”

        At muli siyang napahagulgol.

        “No, Rhianna...” halatang natatarantang ni Anto. “Please don’t cry. I didn’t mean to hurt you.”

        “Hindi mo nga siguro natantiya kung gaano kasakit ito para sa akin,” sagot niya. “Akala mo, isa lang akong scheming woman na dapat gantihan.”

        “No,” ulit ni Anto na nagpapakailing-iling. “Rhianna, I wanted tonight to be very special. I’m sorry kung ginamit kong dahilan `yong paniningil ko sa ginawa mong kasalanan. Ploy ko lang naman iyon para mag-stay ka nang three months, e. Para masiguro mo ang feelings mo sa akin. Dahil ako, matagal nang siguradong-sigurado ako sa feelings ko sa `yo. And tonight, I wanted to give you this.”

        May kinuha ang binata mula sa bulsa ng pantalon nito. Binuksan sa harapan niya ang isang maliit na red velvet box. Kumikinang na white gold diamond solitaire ring ang tumambad sa kanyang paningin.

        “I love you, Rhianna,” madamdaming pahayag ni Anto. “Will you marry me?”

        Dala marahil ng labis na pagkabigla, at dahil buong araw siyang hindi kumain, bigla na lang nawalan ng malay ang dalaga.

 

NASA isang bedroom na siya nang mahimasmasan. Nakahiga sa isang kama. Nakatunghay sa kanya si Anto.

        “Are you okay?” nag-aalalang tanong nito. “Ituloy kaya kita sa ospital?”

        Umiling siya.

        “Gutom lang siguro ako,” sagot niya. “Hindi ako nakakain kanina sa sobrang nerbiyos, e.”

        “Poor baby,” sabi ni Anto. “Sandali, ikukuha kita ng food.”

        “Paano `yong ipinahanda mo sa rooftop?” tanong niya rito. “Ginastusan mo `yon.”

        “Ipinadala ko na rito ang food,” sagot ng binata. “Pinauwi ko na ang musicians at ang choral group. Iyon namang decorations, hindi masisira iyon kahit hanggang bukas. Puwede pa rin nating ma-enjoy.”

        Tatayo na sana si Anto para kumuha ng pagkain pero hinawakan niya ito sa braso.

        “Tama ba `yong narinig ko kanina?” tanong niya rito.

        Muling naupo ang binata sa tabi niya. Kinuha nito ang kamay niya at dinala sa bibig nito. Hinagkan nang buong suyo.

        “I love you so much,” pahayag uli nito. “Noong makita kita uli sa office, I realized that I never stopped loving you. Pilit ko nga lang na itinanggi iyon kasi natakot akong masupalpal uli. Pero nabuhayan ako ng loob sa ginawa mo sa Antipolo. Kaya hindi na kita pinayagang makawala pa.”

        Parang puputok ang puso ni Rhianna sa sobrang kaligayahan.

        “I love you,” sabi rin niya kay Anto, nangingilid uli ang mga luha. “Every day, I seem to love you more and more.”

        Muling inilabas ni Anto ang singsing.

        “Will you wear my ring?” tanong nito. “Will you marry me?”

        “It will be a dream come true,” buong-pusong sagot ni Rhianna.

        Isinuot ni Anto ang singsing sa kanyang daliri.

        “Kiss me...” hiling ni Rhianna.

        Hindi na siya nagdalawang-salita. Muling nagtagpo ang kanilang mga labi, pero higit na madamdamin ang halik na ito kaysa sa mga una nilang pinagsaluhan.

        Maya-maya’y kumalas si Anto.

        “Kailangan mo munang kumain,” paalala nito.

        “May fresh strawberries ba?” nakangiting tanong ni Rhianna. “Kailangan ko lang ng quick snack. And besides, I like the taste of strawberries in your mouth.”

        Napaangat ang kilay ni Anto. May sumilay na pilyong ngiti sa mga labi nito.

        May strawberries nga sa handa. Ang ipinahanda pala ng binata ay iyon din mismong mga pagkaing pinagsaluhan nila sa Antipolo.

        “How about champagne?” tanong ng binata pagkatapos nilang pagsaluhan doon mismo sa kama ang isang bowl ng strawberries with whipped cream.

        “Ayoko,” iling niya. “Ayokong maging tipsy. I want to be in full control of my senses. At saka makakatagal pa iyan, e. May gusto na muna akong tapusing unfinished business.”

        At nginitian niya si Anto nang kaakit-akit.

        Hindi na niya kinailangang magdalawang-salita. Ang nangyari, si Anto ang nagbayad ng utang. Ng hindi nito natapos sa Antipolo.

        “See? I told you,” nakangiting sabi nito pagkatapos. “Hindi mo na kailangan ng aphrodisiac.”

        “You’re my aphrodisiac,” nakangiti ring sagot ni Rhianna. “Kaya may problema ka ngayon. Walang antidote sa `yo, e. And I just can’t have enough of you.”

        At muli niya itong kinabig para hagkan all over his face.

        “There will always be enough of me for you, Sweetheart,” pangako ni Anto. “Always.”

WAKAS

Basahin ang kwento ng pag-ibig

ng best friend ni Rhianna sa

Abakada ng Pag-ibig: Urielle

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento