Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 1

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakada ng Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene

Abakada ng Pag-ibig: Julianna

Abakada ng Pag-ibig: Krizha

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine

Abakada ng Pag-ibig: Monique

Abakada ng Pag-ibig: Niandra

Abakada ng Pag-ibig: Odette

Abakada ng Pag-ibig: Paula

Abakada ng Pag-ibig: Queenie

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna


ABAKADA NG PAG-IBIG: SHAIRA

by Maia Jose



 Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 2001

 ISBN: 971-824-076-4

 

Teaser:

MALIIT pa si Shaira ay nakilala na bilang gifted child. Isang genius. Kaya naman sa kanyang pagdadalaga, ang hinahangaan lang niyang mga lalaki ay iyong mga pinakamagagaling sa akademya. Hanggang sa makilala niya ang construction contractor na si Jigger - isang college dropout na umasenso sa pamamagitan ng self-study, pagsisipag at pagiging street smart. Napakarami palang maituturo ni Jigger na hindi pa alam ni Shaira.


CHAPTER 1

NAKATITIG si Shaira sa screen ng kanyang iMac, ang pinakamamahal niyang apple red personal computer. Pero sa mga sandaling iyon, hindi maintindihan ng dalaga ang mga numerong nasa screen. Sa kabila ng kanyang pagtatapos sa mga kursong B.S. Mathematics, B.S. Computer Science, M.S. Mathematics at M.S. Computer Science sa UP, sa kanyang pagkakaroon ng doctorate degree in Mathematics mula rin sa UP, at sa kanyang pagkakaroon ng Doctor of Science degree mula sa Massachusetts Institute of Technology Department of Electrical Engineering and Computer Science, hindi maintindihan ni Shaira ang formula na siya rin naman ang nagpasok sa computer.

Hindi rumerehistro sa kanyang utak ang kaharap na trabaho na bahagi ng isinusulat niyang libro. Inaagaw kasi ang kanyang atensyon ng mga sigaw at halakhak na nagmumula sa garden sa labas ng kanyang office/library.

Kung tutuusin, protektadong-protektado na sana si Shaira laban sa anumang distractions. Nakakulong siya sa isang sementadong kahon, 36 square meters ang sukat, sarado ang nag-iisang bintanang natatabingan ng makapal na drapes at naka-lock ang pinto. Insulated na dapat sa ingay ang mga dingding ng maliit na istrukturang iyon dahil punung-puno ng floor-to-ceiling shelves na halos lumulundo na sa nagsisiksikang mga libro at research papers. Malakas pa ang huni ng air conditioner na naka-set sa high cool.

        Dating art studio ng kanyang mas nakatatandang kapatid na si Paula ang maliit na gusaling iyon na nasa backyard lang ng kanilang family home. Nang mag-asawa at lumipat ng tirahan ang kilalang sculptor, ipina-renovate naman ni Shaira ang studio para sa kanyang pangangailangan. Ang naglalakihang mga bintana ay ipinasemento niya, liban sa isa. Ginawa niya iyon para may mapaglagyan ng bookshelves.

        Hindi na kasi sila magkasya ng kanyang Mommy at Daddy sa library sa main house. Palibhasa pare-pareho silang mga UP professors, araw-araw ay parami nang parami ang kanilang naiimbak na mga libro at iba pang papeles. Kinailangan na talaga niya ng sarili niyang espasyo.

        Lalo pa ngayong kailangan niyang mag-concentrate sa kanyang book project. Ito nga ang dahilan kung bakit hindi muna siya magtuturo sa susunod na sem. Naka-leave siya para sa proyektong ito. At ngayong sem break pa lang ay kailangang simulan na niya ang trabaho para maabot niya ang deadline ng kanyang boss na si Dr. Elmer Malabanot.

        Kung bakit naman kasabay ng kanyang pag-buckle down to work ay saka biglang naging refugee center ang kanilang bahay.

        Dumating mula sa States si Connie, kaisa-isang anak ng kanyang Uncle Walter — ang yumaong nakatatandang kapatid ng kanyang Daddy. Diniborsiyo ng kanyang pinsan ang asawang Amerikano at binitbit pauwi sa Pilipinas ang tatlong anak.

        Ulila na sa parehong magulang si Connie. Close ito sa kanila dahil liban sa Uncle nito ang daddy ni Shaira ay ninong pa nito sa binyag. Kaya nang kinailangan nito ng pansamantalang matutuluyan bago muling makapag-settle down sa Maynila ay sa kanila bumagsak.

        Hindi akalain ni Shaira na ganoong klase ng ingay at gulo ang kayang likhain ng tatatlong batang lalaki na may edad tatlo, apat at limang taong gulang.

        Hindi na sila sanay sa ganoong ingay sa pamilya Montelibano. Matagal nang walang bata sa bahay nila. Ang bagong-kasal na si Paula ay ni hindi pa naman naglilihi. Balak yatang magpalipas muna ng isang taon bago mag-baby.

        Tatlong magkakapatid sina Shaira. Panganay si Paula na isang kilala at premyadong sculptor ng male nudes. Panggitna siya na isang full professor sa UP College of Science Department of Mathematics. Bunso naman si Virginia na graduate ng Hotel and Restaurant Administration sa UP Asian Institute of Tourism, pero kasalukuyang walang trabaho.

        Ang Daddy nilang si Dr. William Montelibano ay propesor sa UP College of Law at may Doctor of Laws degree. Ang Mommy naman nilang si Dra. Zenaida Montelibano ay propesora sa UP College of Social Sciences and Philosophy at may dalawang doctorate degrees — sa History at sa Philippine Studies.

        Pamilya ng mga intelektuwal ang mga Montelibano. Kaya nga kahit noong mga paslit pa ang magkakapatid ay hindi matandaan ni Shaira na naging kasinlikot at kasing-ingay sila ng kanyang mga pamangking balikbayan. Para bang kahit noong mga bata pa sila’y lagi na silang seryoso at abala sa kanya-kanyang gawain.

        Lalo na siya. Wala pa kasi siyang isang taong gulang nang mapansin ng kanyang mga magulang na isa siyang gifted child. Advanced daw siya sa lahat ng bagay.

Eight months old pa lang siya ay nagawa na niyang tugtugin sa kanyang toy piano ang mga simpleng tunes na tulad ng “Twinkle, Twinkle Little Star.” Mga tatlong ulit lang daw niyang napanood at napakinggan ang pagtugtog ng kanyang Mommy sa mga iyon bago niya nagaya na gamit ang isang daliri.

        Wala pa ring one year old si Shaira ay araw-araw na siyang binabasahan ng libro ng kanyang Mommy at Daddy. Pinauupo siya ng mga ito sa kanilang  kandungan at inihaharap sa kanya ang mga children’s books. Isa-isang itinuturo ng mga ito ang mga salita habang binabasa ang mga iyon. Mataman naman daw siyang nagmamasid at nakikinig.

        Nang tumuntong siya ng isang taong gulang, nagsimula na siyang magsalita nang tuwid. Doon napatunayang kaya na niyang basahin nang malakas ang mga librong binasa sa kanya noon. Napatunayan ding hindi lang niya basta namemorya ang mga iyon dahil kapag nakita niya ang parehong mga salita sa ibang libro ay nababasa na rin niya nang malakas kahit nakapaloob sa ibang mga pangungusap.

        Sa pamamagitan ng mga scientific testing procedures ay napatunayang genius nga si Shaira. Agad siyang binigyan ng special tutorial classes.

        Nahigitan pa niya ang mga ekspektasyon ng kanyang mga mentors. Lilimang taong gulang pa lang siya nang natapos niya ang kabuuang elementary education. Sa edad na pito, natapos niya ang high school curriculum.

        Mula walo hanggang labing-isang taong gulang, binuno niya nang sabay ang B.S. Mathematics at B.S. Computer Science batay sa curriculum sa UP. Pero hindi niya iyon ginawa sa eskuwelahan. Panay tutorials lang.

        Para sa kanyang socialization, dinala siya ng kanyang mga magulang sa mga special interest courses kung saan mayroon siyang mga kaedad. Mga klase sa painting, stage acting at iba pa. Doon kasi, hindi halatang kaiba siya sa kanyang mga kaedad. Pupuwede sana siyang mag-blend in.

        Pero kahit kailan, at sa kahit na anong sitwasyon, hindi siya naging kumportable kasama ng ibang tao. Kahit hindi naman iniaanunsiyo ang kakaiba niyang pagkatao, feeling pa rin niya ay isa siyang freak. Para bang kapag tinanong na “Which of these is not like the others?” ay siguradong siya na iyong sagot.

        Sa bahay lang talaga siya kumportable, kasama ng kanyang pamilya. Doon, walang magtataka kahit maghapon siyang tahimik lang na nagbabasa o nagsusulat at kahit sanlaksang nagkakapalang mga libro ang kaharap niya. Tahimik lang din naman kasi si Paula sa pagdo-drawing o sa paglikha ng iba’t ibang figures sa pamamagitan ng play dough. Si Via naman ay malamang na naglalarong mag-isa ng bahay-bahayan, nagre-rearrange ng closet o nakikitulong sa paghihimay ng gulay sa kusina.

        Mula’t sapul ay tahimik nga ang pamamahay ng mga Montelibano. Kahit ang mga talakayan at debate nilang mag-anak tungkol sa iba’t ibang paksa sa tuwing nagkakasama-sama sila sa harap ng hapag-kainan ay nungkang nauwi sa pagtataasan ng boses. Laging kalmado.

        Kaya naman parang hinalukay ang mundo ni Shaira pagdating ng tatlo niyang mga pamangkin na pinangalanan pa man ding Alvin, Theodore at Simon katulad ng sikat na Chipmunks. Kung hindi ba naman may pagka-weird din talagang mag-isip ang kanyang pinsang si Connie.

        Palakas nang palakas ang hiyawan ng mga bata sa labas. Hindi na nakatiis si Shaira. Kaninang umaga ay wala na nga siyang nagawang trabaho dahil din sa ingay ng kanyang mga pamangkin. Hanggang ngayong hapon ba naman ay patuloy pa ring sisirain ng mga ito ang kanyang workday? Mag-a-alas-tres na’y wala pa siyang anumang natapos. Tumayo na siya at lumabas ng opisina.

        Pagbukas niya ng pinto, nakita niyang kasama ng tatlong bata si Connie. Nakikipagharutan at nakikipagbungisngisan din pala ito sa  mga anak.

        Natigilan si Shaira. Nahiya na siyang manaway.

        Napansin naman siya ng mag-iina.

        “Tita Shai! Tita Shai!” tawag ng panganay na si Alvin. “Come on! Let’s play!”

        “Let’s play! Let’s play!” parang echo na ulit ng pangalawang si Theodore.

        Nginitian naman siya nang pagkaliwaliwanag ng bunsong si Simon.

        “Oo nga naman, Shai,” sang-ayon ni Connie. “Mag-break ka naman diyan sa ginagawa mo. Sumali ka muna sa amin.”

        Ngumiti siya kahit medyo tabingi. Hindi lang niya masabi na paano naman niya kakailanganing mag-break samantalang ni hindi pa nga siya nakakapagsimulang magtrabaho nang matino?

        Tatanggi na sana siya pero sabay-sabay na lumapit ang tatlong bata. May humatak sa kanyang kanang kamay. May humatak sa kaliwa. Ang pinakabunso’y sa laylayan na lang ng shorts niya kumapit.

        “Come on, Tita Shai,” ulit ni Alvin.

        “Come...come...,” gaya naman ni Simon.

        “Let’s play tag,” hiling ni Theodore. “You’re it.”

        Hindi makapalag si Shaira. Mahirap palang kumawala sa ganoon kaliliit na mga bata. Feeling niya magiging kontrabida siya. Napilitan tuloy siyang sumunod na lang.

        Kunsabagay, hindi rin niya mapigilang matuwa sa mga pamangkin. Talaga naman kasing napaka-cute ng mga ito. Panay tabachingching. Namumutok ang mamula-mulang mga pisngi. Ang bibigat ng mga pang-upo. At ang bibilog ng mga matang parang nagmamakaawa sa kanya.

        “Okay, I’ll play,” sabi na rin ni Shaira. “But I don’t want to be it.”

        “That’s fine,” mabilis na tango ni Alvin bago bumaling sa ina. “Mom, you’re it.”

        “Ang daya mo, Shai,” tumatawang sagot ni Connie. “Sige na nga.”

        Piniringan nina Alvin at Theodore ang ina. Hirap pa ang mga ito na magbuhol ng panyo at hindi naman halos natakpan ang mga mata ni Connie pero nanatiling nakapikit ang babae. Nakikiayon sa mga anak.

        “I can’t see a thing!” kunwa’y reklamo pa nito nang sa wakas ay matapos ang mga bata.

        Tuwang-tuwa naman ang tatlong bubwit.

        “Hey, Mom,” sigaw ni Alvin. “Come and get me!”

        “Me! Me!” sigaw ni Simon.

        “You can’t catch me!” sigaw naman ni Theodore.

        Manood lang sa mga pakembot-kembot pang pagsayaw-takbo ng tatlong bata ay tawang-tawa na si Shaira. Hindi na siya ngayon nagtataka kung paanong napagtiyatiyagaan ni Connie na makipaglaro sa mga anak. Masarap nga pala.

        Maya-maya lang ay nakalimutan na niya nang tuluyan ang iniwan niyang trabaho. Malakas pa ang boses niya kaysa kay Connie. Para na rin siyang batang walang pakundangan kahit magpagulong-gulong sa lawn, lalo na nang pagtulungan siyang kilitiin ng tatlong baby monsters habang ginagatungan pa ang mga ito ng ina.

        Nasa ganoon silang kalagayan nang makita ni Shaira na nakatayo sa gawing paanan niya si Dr. Elmer Malabanot.

        Nakahalukipkip ang kanyang boss, salubong ang mga kilay. Halatang hindi aprub sa inabutang eksena.

        “S-Sir!” bulalas ni Shaira habang natatarantang bumabangon.

        Ang hirap pa namang awatin ng kanyang mga pamangkin. Mabuti na lang, napansin na rin ni Connie ang bisitang lalaki at tumulong ito sa pagpapatigil sa mga anak.

        “G-Good afternoon, Sir,” sabi ni Shaira nang makatayo na nang mahusay. “N-Nadaan ka?”

        “Busy ka yata,” maypagkasarkastikong sagot nito.

        Namula si Shaira.

        “H-Hindi naman, Sir,” sagot niya. “Oo nga pala, Sir, this is my cousin, Connie, and these are her kids, Alvin, Theodore and Simon.”

        Bumaling siya sa kanyang pinsan.

        “Connie, si Dr. Elmer Malabanot. Boss ko.”

        Hindi naglahad ng kamay si Connie. Tumango lang ito sa propesor. Pagkatapos, nagpaalam na agad ito kay Shaira.

        “Papasok na muna kami ng mga bata.”

        Bago siya nakasagot ay niyaya na nito ang mga anak.

        “Come on, guys, let’s get some ice cream.”

        May bata ba namang tatanggi sa ganoong treat? Nauna pa ang mga ito sa pagtakbo papasok sa main house.

        “Sorry about that, Sir,” sabi ni Shaira.

        Pakiramdam kasi niya, hindi binigyan ni Connie ng sapat na paggalang si Dr. Malabanot.

        “I thought you said you wanted to give this project an early start,” panunumbat pa rin ng lalaki.

        “I did,” tango ng dalaga. “I mean, I still intend to. Na-distract lang ako ng mga bata. Kadarating lang kasi nila from the States.”

        Napabuntonghininga ang boss niya.

        “Hindi conducive sa project mo ang ganitong atmosphere, Shaira,” sabi nito. “Baka hindi mo ma-meet ang deadline ko. Sabihin mo lang. I can give the project to other people. Alam mo namang maraming interesadong makipag-team-up sa akin. Binigyan lang kita ng priority.”

        “N-Naku, Sir, this won’t happen again, I promise,” natatarantang sagot niya. “I’ll meet your deadline, I assure you.”

        “Alam mo namang kailangan ko pa iyang ayusin pagkatapos ng trabaho mo. Preliminary work lang ang sa iyo. Baka ako pa ang magahol sa panahon sa pag-aayos ko niyan,” sabi pa ni Elmer Malabanot.

        “No, Sir, that won’t happen,” iling ni Shaira. “Pipilitin ko ngang mas mapaaga pa ang pag-submit ko nito.”

        “Good,” tango ng propesor. “So, I’ll leave you to your work, then. Siguro naman hindi ka na uli guguluhin ng tropang iyon. Why aren’t they in school? Hindi ba alam n’ong ina nila na kailangan ng mga bata ang early intellectual stimulation? Baka mabobo ang mga anak niya sa panay horseplay lang.”

        “Plano nga ni Connie na ihanap ng preschool ang mga bata next week,” pagtatanggol ni Shaira sa pinsan. “Nag-a-adjust pa lang kasi silang mag-iina dito. Three days ago pa lang sila dumating from the States.”

        “Well...whatever,” pagkikibit-balikat ni Dr. Malabanot. “Basta ba hindi mo na papayagang maistorbo nila ang trabaho mo, wala tayong pakialam sa family problems nila. So be a good girl and go back to work.”

        Tumango si Shaira.

        Tinalikuran na siya ni Elmer.  

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.) 

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

“SINO ba ang antipatikong iyan?” tanong ni Connie kay Virginia.

        Disimuladong tinatanaw nila ang bisita ni Shaira mula sa kitchen window. Hindi naman sila nakaharap sa bintana. Pasulyap-sulyap lang.

        “Hindi ba ipinakilala sa iyo?” sagot ni Via. “Si Dr. Malabanot iyan. Boss ni Shai.”

        “Ipinakilala nga pero ano ba namang klaseng boss iyan?” paismid na pintas ni Connie. “Maypagkabastos. Parang walang modo. Kung makatingin sa amin — pati sa mga bata, ha? — para bang mga ipis kami na gusto niyang i-exterminate.”

        Natawa si Via.

        “Eccentric talaga iyan,” sang-ayon nito. “Genius daw kasi. Kaya nga bilib na bilib diyan si Shai. Iyan ang kumumbinsi sa kanya na kumuha ng Doctor of Science degree sa MIT. Doon kasi iyan nag-aral mula sa pagkuha ng bachelor’s degree hanggang sa doctorate. One of the most brilliant minds daw in the Philippines. Kinukuha raw sana ng maraming kompanya sa States pero napilitang umuwi at mag-stay dito dahil nag-iisang anak at sakitin na ang mother. Ayaw naman daw ng ina na tumira abroad. Since rich naman sila, he had to let go of the professional opportunities sa States. Kaya hayan, natali sa UP. Bored and bitter na yata.”

        “It shows,” tango ni Connie. “Ang malas naman ni Shaira na iyan pa ang naging boss niya. Wala ba siyang malilipatang trabaho? Aba, baka mas brilliant pa siya sa taong iyan. I’m sure, marami siyang options. Bakit nga pala umuwi pa siya rito? Bakit hindi siya sa States nagtrabaho? Nandoon na nga siya sa Massachusetts. Wala namang nagpapauwi sa kanya na gaya ng mother niyang boss niya.”

        “Choice niya talagang umuwi na rito,” sagot ni Via. “Hindi raw siya kumportable na malayo sa pamilya at sa UP. She was only 16 noong matapos niya ang stint niya sa MIT, remember? Batambata pa. Kamuntik na nga raw niyang hindi tinapos iyong one year niya roon, nanghinayang lang siya. At kahit naman ngayon, ayaw pa rin niyang mag-abroad. Ni ayaw lumipat ng trabaho. She actually idolizes her boss, can you imagine?”

        “Hindi ko ma-take,” iling ni Connie.

        “Kung tutuusin, technically, hindi naman boss ni Shai sa UP si Dr. Malabanot,” paliwanag pa ni Via. “Pareho lang silang professors sa Math Department. Naging boss niya ito dito sa special project na nakuha nila mula mismo sa MIT. Kasama yata sa project itong librong gagawin nila. At thrilled na thrilled si Shai dahil siya ang kinuhang associate niyang taong iyan.”

        “Well, I can understand siguro kung hangaan niya ang intellectual capacity niyang si Malabanot,” sabi ni Connie. “Pero hanggang doon lang. Alangan naman kasing hindi niya nakikita na he may be brilliant but he’s a lousy human being.”

“Ay naku, kinilabutan nga ako noong marinig ko sa kanya minsan na mag-aasawa lang daw siya kung kasing-brilliant ni Elmer Malabanot ang mapapangasawa niya,” pagkukuwento ni Via. “Ang nakakatakot pa niyan, old bachelor iyang si Dr. Malabanot. He’s available. Pero ayoko ngang iyan ang mapangasawa ng sister ko.”

        “Aba, huwag nating payagan,” pahumindig na pahayag ni Connie. “He’s even worse than my ex-husband. At least, ako, masasabi kong nabulag ako noon dahil handsome iyong Amerikanong napangasawa ko. Hindi ko tuloy napansin agad ang masama niyang ugali. But at least he gave me three gorgeous sons. In contrast, ito namang si Malabanot, ang sungit-sungit na agad kahit sa pagmumukha pa lang. And he’s much too old for her.”

        “Forty-plus na nga iyan,” tango ni Via. “Palagay ko, past forty-five. He’s more than twenty years older than her.”

        “Matandang masungit na masama ang ugali,” iling ni Connie. “Ano ba naman iyang si Shaira? Paano naman niya naging idol iyan? Wala ba siyang nakakahalubilong mga ka-age niya? Iyong matino ang ugali.”

        “Marami, but according to her, they don’t measure up to the brilliance of this guy,” sagot ni Via.

        “Ano namang klase ng talino iyang hindi naman marunong magpakatao?” ismid ni Connie. “High IQ nga, low EQ naman. And we all know that emotional intelligence is just as important as intellect. Baka nakakalimutan ni Shaira iyon.”

 

NAKAPASOK na uli si Shaira sa kanyang office/library. Ikinandado pa niya ang pinto na para bang panigurong hindi na nga siya maiistorbo ninuman.

        Hindi pa rin siya nakaka-recover sa nangyari kanina. Bakit ba kung kailan siya bumigay sa kanyang mga pamangkin ay saka pa siya nasumpungan ni Dr. Malabanot? Takot na takot tuloy siya. Baka permanente nang napingasan ang confidence nito sa kanyang self-discipline. Sa kanyang kakayahang propesyunal. That would be the worst thing that could possibly happen to her.

        Idol niya si Dr. Elmer Malabanot. Ito na yata ang pinakamatalinong taong nakilala niya rito sa Pilipinas. Kung may kapantay man ito, nasa MIT ang mga iyon — sa Massachusetts Institute of Technology na itinuturing na pinakasentro ng science and technology education sa Estados Unidos.

        Oo nga’t sa MIT niya nakuha ang kanyang Doctorate in Science, pero si Dr. Malabanot ay doon nag-aral mula sa undergraduate course nito hanggang sa doctorate degree. Para kay Shaira, mas magaling ito nang di hamak kaysa sa kanya.

        Una niyang nakilala si Dr. Malabanot noong twelve years old pa lamang siya. Kumuha siya noon ng mga advance placement exams sa UP at naipasa niya ang lahat ng subjects para sa kabuuan ng mga kursong B.S. Mathematics at B.S. Computer Science. Kinuwistiyon iyon ni Dr. Elmer Malabanot at dahil sa pagtuligsa nito’y kinailangan tuloy niyang mag-aral pa ng isang buong taon sa UP — kinailangan niyang patunayang kabisadong-kabisado nga niya ang mga subjects na kanyang naipasa na sa mga exam.

        Nang maglaon ay naging mentor din naman niya si Dr. Malabanot. Doon niya napatunayan ang brilliance nito. Agad siyang humanga kahit 23 years ang itinanda nito sa kanya. Noong twelve years old siya’y 35 na ito.

Nagka-crush siya sa propesor kahit wala naman itong maipagmamalaking anumang physical attractiveness. Kahit masungit ito at mataray. Tinanggap niya ang lahat ng iyon bilang mga pribilehiyo ng isang henyo.

        Naipasa ni Shaira ang mga exams para sa B.S. Mathematics at B.S. Computer Science sa UP sa edad na dose. Pagkaraan ng isang taong proving period, binigyan siya ng diploma sa dalawang kurso sa edad na trese. Natapos naman niya ang M.S. Mathematics at M.S. Computer Science sa loob ng isa pang taon, sa edad na katorse. Wala nang kumuwistiyon doon lalo pa’t kabilang na sa kanyang advisers si Dr. Elmer Malabanot. Sa edad na kinse, nakuha niya ang kanyang doctorate in Math sa UP. Saka siya pumunta sa States para kumuha naman ng doctorate sa MIT.

        Iyon na yata ang pinakamahirap na taon ng kanyang buhay. Nahirapan si Shaira hindi sa pag-aaral kundi sa matinding kalungkutan. First time niyang nahiwalay sa kanyang pamilya at sa kanyang mga mentors sa UP na parang pangalawang pamilya na rin niya. Para siyang biglang naulila.

        Kung tutuusin, dapat sana’y madali siyang nakapag-adjust sa MIT dahil mas ka-level niya ang mga estudyante roon. Walang nakakapasok sa MIT na hindi matatawag na absolutely brilliant. Hindi pupuwede roon ang basta matalino lang. Pero dinaig si Shaira ng homesickness.

        Napaka-sheltered nga kasi ng kanyang childhood at adolescence. Laging pamilya lang niya’t mga immediate advisers ang nakapaligid sa kanya. Siya na rin mismo ang umaayaw na lumabas mula sa eksklusibong sirkulong iyon. Hindi tuloy siya natuto kung paano makisalamuha’t makisama sa ibang tao. Lagi siyang awkward.

        Pagkakuhang-pagkakuha niya sa kanyang doctorate, umuwi na agad si Shaira sa Pilipinas. Hindi niya pinansin ang kabi-kabilang mga offer sa kanya sa States.

        Siyempre, tinanggap agad siya bilang professor sa UP Diliman. Pinili niya ang Math Department kung saan naroon si Dr. Elmer Malabanot. Iyon na kasi ang “nakalakhan” niyang departamento sa UP. Kahit nakapailalim sa College of Engineering ang Computer Science, mas naging base pa rin niya noon ang Math Department.

        At doon na nga siya namalagi nitong huling anim na taon. Ang mga hawak niyang klase ay sa graduate level. Panay propesyunal na rin ang mga estudyante niya roon. Hindi siya marunong makitungo sa undergraduates.

        Lately, sa doctorate level na lang siya nagtuturo. Hindi na rin siya kumportable sa masteral level. May mga naging estudyante kasi siya noon na medyo pumorma sa kanya. Hindi niya nagustuhan iyon. At least, sa doctoral level, mas seryoso ang kanyang mga nagiging estudyante.

        Nitong taong ito, may nakuha si Dr. Malabanot na research grant mula sa MIT para sa paglalabas ng libro tungkol sa isang mathematical problem na matagal nang binubuno ng pinakamagagaling na mathematicians sa buong mundo. Wala pang nakaka-solve sa problemang iyon.

        Ang librong ilalabas nila ay hindi pa rin naman maglalaman ng solusyon para sa nasabing mathematical problem. Pero may nadiskubre si Shaira na isang teyoryang posibleng maging daan patungo sa pag-solve niyon.

        Nahuli ni Shaira ang tinatakbo ng sariling pag-iisip at napapahiyang itinama niya ito. “Heto na naman ako,” sabi niya, “at ang tendency ko na maging makasarili. Hindi nga lang pala ako ang nakadiskubre ng teyoryang iyon. Nadiskubre iyon habang ginagabayan ako ni Dr. Malabanot sa aking pag-aaral. Therefore, produkto iyon ng guidance niya sa akin. The credit should go to him.”

        Naisip pa niya, mabuti na lang at hindi ganap na nagalit sa kanya si Dr. Malabanot noong unang nadulas ang kanyang dila at nasabi niyang siya ang nakadiskubre ng teyoryang iyon. Sa halip, maingat nitong ipinaliwanag sa kanya ang katotohanan. Pinaalalahanan siya na huwag maging makasarili. Nang humingi siya ng dispensa, pinatawad naman agad siya. Huwag na nga lang daw niyang uulitin ang claim na iyon lalo pa’t may makakarinig na iba.

        Nagpapasalamat si Shaira na si Dr. Malabanot lang ang kaharap niya noong nadulas ang kanyang dila. Kung nagkataong kaharap niya ang Mommy o Daddy niya, mas nakakahiya. Ayaw niyang ma-disappoint sa kanya ang kanyang mga magulang lalo na sa issue ng ethics. Kaya nga magmula noon ay maingat na maingat na siya. Lagi na niyang ipinapahayag na si Dr. Malabanot talaga ang nakadiskubre sa naturang teyorya.

        Agad nitong ipinadala sa MIT ang project proposal na humihingi ng research grant kaugnay ng teyoryang iyon. At agad din itong nakatanggap ng approval. Ayon kay Dr. Malabanot, malaking factor ang pangalan nito sa pagkaka-approve sa grant.

Hindi naman siya pinabayaan ni Dr. Malabanot. Siya rin ang kinuha nitong associate para sa proyekto. At ngayon nga’y isusulat na niya ang draft para sa kabuuang libro. Pagkatapos ay aayusin iyon ng propesor.

Kinailangan niyang mag-leave sa pagtuturo. Hindi na bale na mas maliit kaysa sa kanyang suweldo sa UP ang ibinibigay sa kanyang allowance ni Dr. Malabanot. Sa bahay lang naman siya nagtatrabaho. At may savings naman siya. Naiintindihan niyang maliit lang talaga ang budget para sa isang research associate.

Desidido si Shaira na pagbutihin ang kanyang trabaho kahit napakaliit ng bayad. Dapat ay mas magaling kaysa dati niyang performance. Kailangang ma-impress sa kanya si Dr. Malabanot.

        Bakasakaling pagkatapos ng proyektong ito ay maisip na ni Dr. Malabanot na mag-settle down. At bakasakaling siya ang mapili nitong maging Mrs. Malabanot.

        Matagal nang pangarap ni Shaira iyon. Na maging Dr. Shaira Montelibano Malabanot. Sigurado kasing magiging brilliant ang lahat ng kanilang mga anak.

        Tinanong na niya noon ang propesor kung bakit hindi pa ito nag-aasawa. Ang naging sagot nito’y, “I haven’t found a worthy woman yet.” Kaya nga kailangang mapatunayan niyang she’s worthy of him.

        Lalo pa ngayong naranasan na niya kung paanong mag-enjoy sa piling ng kanyang mga pamangkin. Naku, lalo siyang na-excite sa ideya ng pagiging ina.   

        But first things first. Kailangan muna niyang tutukan ng pansin ang kanyang book project. Muling naupo si Shaira sa harap ng kanyang computer.

 

PAGKARAAN ng tatlong oras, nakaupo na si Shaira sa harap ng desk ng Daddy niya sa library ng main house, pagod na pagod.

        Hindi siya napagod sa pagtatrabaho, dahil hindi na naman niya nagawang magtrabaho. Magsisimula na lamang sana siya kanina nang kumatok sa kanyang office/library si Connie. Nang pagbuksan niya ito, tuluy-tuloy sa loob ang kanyang pinsan, parang machine gun ang bibig sa pagsasalita. Inirereklamo ang pambabastos daw na ginawa ni Dr. Malabanot. Ang dami na nitong sinabi.

        Siyempre, panay naman ang paghingi niya ng dispensa para sa kanyang boss. Sabay paliwanag na rin. Pero noon pa niya napatunayang mahirap talaga ipatanggap sa maraming tao na ang mga henyo ay may mga kanya-kanyang eccentricities.

        “E bakit ikaw, hindi ka naman ganoon?” sagot sa kanya ni Connie. “Genius ka rin naman, a. But you’re nice. Hindi ka nambabastos ng tao.”

        “Hindi naman ako kasinggaling ni Dr. Malabanot,” paliwanag pa niya.

        Iyon ang naging simula ng panibagong ratsada ni Connie. Na kesyo raw she shouldn’t shortchange herself. She shouldn’t put herself down. Huwag niyang maliitin ang sarili niya at huwag niyang ilagay sa pedestal “ang taong iyon.” Mainit talaga ang dugo ni Connie kay Dr. Malabanot.

        Naubos ang natitirang oras ng maghapon sa pag-pacify ni Shaira sa kanyang pinsan. In the process, napagod siya nang husto. Drained na drained siya emotionally and psychologically. Paano pa siya makakapagtrabaho ngayong gabi? Balak pa naman sana niyang magpuyat to make up for lost time.

        Kaya heto siya ngayon, naghihintay sa Daddy niya. Desperada.

        Pagdating na pagdating nito mula sa university, sinalubong na niya ito sa garahe.

        “Dad, pagkatapos mong magbihis, puwede ba tayong mag-usap sa library? It’s urgent.”

        Mukha ngang minadali ng Daddy niya ang pagbibihis. Sandali lang at heto na agad sa kanyang harapan.

        “Ano’ng problema?” tanong ni William Montelibano.

        Ikinuwento ni Shaira ang nangyari sa maghapon.

        “Palagay ko, I need to get away from here, Dad,” pagtatapos niya. “Wala namang kasalanan si Connie at lalo na ang mga bata, pero mahihirapan talaga akong mag-concentrate sa book project ko habang narito sila. And I don’t want to boot them out, either. Kailangan pa nila itong adjustment period na ito. Kailangan din ni Connie ang presence ninyo ni Mommy. Kaya ako na lang muna ang maghahanap ng sarili kong working space somewhere else. Ano kaya kung sa Silang?”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

INIHATID si Shaira nina William at Zeny sa Silang. Hindi naman kasi siya marunong magmaneho. Ni hindi na siya nagtangkang mag-aral mag-drive dahil siya mismo’y aminadong madali siyang ma-distract. Baka habang nasa manibela siya’y kung anu-anong mathematical theories ang kanyang pinagtutuunan ng atensyon.

Ang destinasyon nila’y ang maliit na halfway house ng pamilya Montelibano sa Silang, Cavite — katabi lang ng Tagaytay. Halfway house ang tawag nila roon dahil iyon ang ginagawa nilang stop-over point at tulugan kapag dinadayo nila ang mga beaches sa Batangas kung summer.

        Maliit at simple lang ang bahay na iyon. Single detached pero halos kadikit na ng katabing bahay. Nasa isang middle class subdivision.

        Pagtigil ng kanilang van sa harap ng halfway house, ang agad na tiningnan ng mag-anak ay ang mga katabing bahay.

        Last summer kasi, nag-iisa pa lang ang bahay nila sa blokeng ito. Last month lang nakita ni William — nang mag-check ito rito kasabay ng pagdalo sa isang conference sa Tagaytay — na may mga bago na silang kapitbahay. Iyon ang naging dahilan kung bakit pinayagan si Shaira ng mga magulang na tumira muna sa halfway house. Safe daw siya rito kung ganoong may mga katabi na sila.

Balak nina William at Zeny na makipagkilala na sa mga bago nilang kapitbahay. Ihahabilin ng mga ito si Shaira sa mga iyon.

        “Bakit parehong sarado?” pagtataka ni Zeny. “Akala ko ba, Daddy, nakita mong may mga nakatira na rito?”

        “Meron nga,” giit ni William. “Tingnan ninyo ang mga plantboxes nila, parehong maayos na natatamnan ng flowering plants. At kita n’yo nga, naaaninag sa mga salamin ng bintana na may mga kurtina sila sa loob. Nagkataon lang sigurong sabay na wala sa bahay ang neighbors natin.”

        “Sana nakipagkilala ka na sa kanila noong dumaan ka rito last month,” sabi ni Zeny. “Sayang ‘yong opportunity.”

        “Nagmamadali kasi ako noon kaya nag-drive through lang ako at ni hindi na ako bumaba,” sagot ng asawa. “Pero may tao sa dalawang bahay na iyan at that time. Parehong nakabukas ang mga front doors, e. Screen doors lang ang nakasara.”

        “Bakit kaya hanggang ngayon, itong tatatlong bahay pa lang ang naitatayo sa blokeng ito?” pansin ni Shaira. “Pati itong mga katabi nating blocks, hindi pa pinagpapatayuan ng bahay. Sold out na rin naman.”

        “Inabutan kasi ng krisis,” katwiran ng Daddy niya. “Kahit mga overseas workers, hindi basta naglalabas ng pera these days. Nag-iipon muna nang husto bago sumubo sa alanganin. Ako man, kung nagkataong hindi pa natin nabibili itong unit na ito, hindi ko rin ito bibilhin sa mga panahong ito.”

        “Tena na sa loob,” sabi ni Zeny. “Mai-on na ang ref para lumamig agad. Baka naman maya-maya lang darating na ang neighbors natin.”

        Pumasok na sila sa bahay.

        Malaki lang iyon nang kaunti sa office/library ni Shaira. Mga 54 square meters ang sukat, six meters ang lapad at nine meters ang haba. Dirediretso lang sa loob. Iisang parihabang espasyo ang sala, komedor at kitchenette. Ang tanging naka-wall-in ay ang maliit na toilet and bath. Open mezzanine naman ang sleeping area. Sadyang ginawang one-and-a-half storeys high ang kisame kaya presko hanggang sa tulugan.

        “Dito ko na sa dining table isi-set-up ang computer ko,” pahayag ng dalaga. “Sa kitchen counter na lang ako kakain ng meals.”

        Tinulungan siya ng mga magulang sa pagbababa ng kanyang mga gamit. Habang sine-set-up nilang mag-ama ang kanyang kumpletong computer system, iniayos naman ng kanyang mommy sa ref at sa kitchen shelves ang dala nilang grocery items at toiletries.

        “Anak, pag naubos itong mga binili nating fruits and vegetables, bumili ka uli ng replenishment, ha?” paalala ni Zeny. “Ayokong panay de lata lang ang lagi mong kinakain. Baka ka magkasakit. Magluto ka rin ng homecooked meals na fresh ang ingredients. In good working condition naman ang lahat ng kitchen appliances at kitchenware natin dito.”

        “Mommy, alam mo namang hindi ko linya ang magluto o magbusisi sa kusina,” sagot ng dalaga. “Si Via lang ang ganoon. Pero don’t worry about me. Fruit and vegetable country ito, di ba? Magtatanong na lang ako sa neighbors natin kung saan sila namimili. Doon na ako bibili ng aking fresh fruits and vegetables sa susunod. Isa-salad ko na lang ang gulay. Kaya ko na iyon. May binili naman ako kaninang salad dressing.”

        “Hindi ka ba talaga magkakanin?” tanong ni Zeny. “Puwede mo naman sanang dalhin dito ‘yong rice cooker sa bahay. Makakapagsaing naman kami roon the traditional way.”

        “Hassle pa,” iling niya. “Dagdag trabaho. Bibili na lang uli ako ng sandwich bread pag naubos iyang loaf na dala natin. I can live on sandwiches and salads and fruits. At kapag nasimulan ko na ang momentum ko sa trabaho, I won’t have time for anything else. Talagang seryosong trabaho na ito.”

        “Papasyalan ka na lang namin dito nang madalas,” sabi ni Zeny.

        “Huwag na lang kaya, Mommy,” iling uli ni Shaira. “Umiiwas nga kasi ako sa distractions, di ba? Mas maganda kung tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ko.”

        “Hindi na baby iyang anak natin, Mommy,” sabad ni William. “She’s 23 with an IQ of 200. It’s about time na matuto na siya ng kahit konting independence. Tutal, hindi naman ito kasinlayo ng Amerika. We’ll be just a few hours away.”

        Pabuntonghiningang tumango si Zeny.

        “Oo nga naman pala,” sagot nito. “At saka may cellphone ka naman, anak. Just call us if you need anything.”

        “I will,” pangako niya.

        Mga ala-una ng hapon nang dumating sila sa Silang. Nagtuloy kasi muna sila sa Tagaytay para mag-lunch at mamili.

        Alas-singko na ng hapon ay wala pa ang mga kapitbahay nila. Balisa na sina William.

        “Umuwi na kaya kayo?” sabi naman ni Shaira. “Para hindi kayo masyadong gabihin sa daan. Magwo-worry pa ako sa inyo niyan, e. Tutal naman, siguradong uuwi at uuwi rin dito itong mga neighbors natin. Ako na ang bahalang makipagkilala sa kanila.”

        “Sus, ikaw?” nakataas ang kilay na pakli ni Zeny. “E numero uno kang mailap sa tao, lalo na sa hindi mo pa kakilala.”

        Napakagat-labi ang dalaga. Aminado rin naman kasi siyang totoo iyon.

        “Pero palagay ko, it’s time na matuto ka na ring mag-socialize sa mga bagong kakilala,” sabi naman ni William. “Sige nga, dito mo simulan. Lubus-lubusin mo na itong bagong experience na ito. Marami ka pang kailangang matutunan sa buhay, e. Kung hindi natin sisimulan ngayon, baka makatandaan mo nang marami kang hindi kayang gawin.”

        Tinamaan na naman si Shaira. Bull’s eye pa.

        “I’ll do it, Dad,” pangako niya. “You’ll see. Pagsundo ninyo sa akin, ako pa ang magpapakilala sa inyo sa neighbors natin. But you have to go now to give me a chance to prove myself.”

        Bago mag-alas-singko y media ay nakaalis na sina Zeny at William.

        Naiwan si Shaira na nakatayo sa kanilang open driveway. Wala kasing bakod o gate ang bawat unit sa komunidad na iyon.

        Medyo kinakabahan na rin naman siya. Ayaw lang niyang ipahalata kanina sa kanyang mga magulang. Magmula ba naman noong 16 siya ay ngayon lang siya uli nahiwalay sa pamilya. Pakiramdam tuloy niya, teenager na naman siya.

        Papadilim na pa naman. Magdadapithapon na. At madilim pa ang dalawang bahay sa magkabila niya. Ang kasunod na ng mga iyon at ang hilerang katapat at katalikuran nila ay mga bakanteng lote.

        May natatanaw ding ibang mga bahay si Shaira, maliwanag at halatang may tao, pero ang pinakamalapit ay two blocks away pa.

        Pumasok na lang uli siya at nag-lock-up. Siniguro niyang bukas ang lahat ng ilaw sa loob at labas ng maliit na bahay.

        Ang hindi niya naisip, habang dumidilim sa labas ay para siyang naging on display sa loob ng maliwanag na bahay na wala pa namang mga kurtina.

        Basta’t habang palalim nang palalim ang kadiliman sa labas ay ayaw nang tumingin ni Shaira sa paligid. At para mabasag ang nakakapangilabot na katahimikan, nagsalang siya ng CD sa dala niyang mini-component system. Pinili niya iyong mga masasayang classical waltzes. Nilakasan niya nang husto ang pagpapatugtog.

        Pumasok siya sa banyo para maligo at magbihis. Conscious pa rin naman siya na hindi siya dapat na magbihis sa sleeping loft dahil wala iyong privacy. Iyon din ang dahilan kung bakit ang mga dala niyang pantulog ay panay maluluwang na tshirt at capri leggings. Pupuwede ngang isuot hanggang sa supermarket.

        Hanggang sa banyo, dinig na dinig pa ni Shaira ang musika.

        Hindi tuloy niya narinig ang pagdating at pagparada ng pulang box-type Lancer sa driveway ng isa sa kanyang dalawang kapitbahay.

 

NAGULAT si Jigger nang makitang pagkaliwaliwanag ng katabi niyang bahay. Ang alam niya’y hindi iyon tinitirhan ng may-ari. Ginagawa lang daw na bakasyunan tuwing summer, ayon sa kanyang real estate broker.

        Paglabas niya ng kotse, nayanig siya sa lakas ng musikang nagmumula sa bahay na iyon. Pero ang kakatwa’y hindi naman rock music ang pinatutugtog. Classical. Waltz pa.

        “Weird,” naiiling na sabi ng binata.

        Naisip niya, baka mag-asawang matanda ang bagong-dating sa bahay na iyon. Nasabi nga sa kanya ng broker na parehong professor sa UP ang may-ari ng bahay. Baka nagretiro na’t nagpasyang dumito sa Silang.

        Hawak na ni Jigger ang susi ng bahay at bubuksan na lamang niya ang kanyang front door nang matanaw niyang may naglalakad sa loob ng katabing bahay. Kitang-kita niya ang buong kabahayan dahil nga pagkaliwaliwanag nito at walang kurtina ang mga bintana. Nakabukas pa ang mga clear glass sliding windows kaya’t screen lang ang nakaharang sa kanyang line of sight.

        Natigilan ang binata sa kanyang nakita. Napakagandang babae. May hawak na tuwalyang ipinantutuyo sa mahabang buhok.

        Maluwang man ang suot nitong t-shirt ay halata namang slim ito. At may soft curves pa ring hindi maitago ng malambot na bagsak ng cotton tee.

        Upper half lang ng katawan ng babae ang natatanaw ni Jigger dahil hindi naman floor-to-ceiling ang mga bintana ng bahay. Pero sapat na iyon para mabatobalani siya.

        Agad niyang nirikisa ng tingin ang iba pang bahagi ng kabahayang iyon. Lahat naman liban sa banyo ay nakikita niya. Kung walang naiwang tao sa banyo, ibig sabihi’y nag-iisa rin ang babae sa bahay na iyon. Tulad niya.

        Single and unattached din kaya ang babaeng ito? Na-excite na nang husto si Jigger.

        Pumasok siya sa bahay at nagbukas ng ilaw. Hustong pagbaha ng liwanag sa kabahayan ay nakita niyang gulat na tumingin sa kanyang direksyon ang babae.

        Hinawi niya ang kurtina sa bintanang kaharap ng bahay nito at nagbukas siya sliding window.

        “Good evening,” nakangiting tawag niya.

        Halos sumigaw na siya para marinig siya nito sa kabila ng blaring music.

        Bahagyang nangiti ang babae at nagtaas ng kamay na parang sumesenyas nang “sandali lang.” Pagkatapos, hininaan nito ang musika bago lumapit sa bintanang kaharap na kaharap ng bintana niya.

        Dalawang metro lang ang nakapagitan sa kanilang mga bahay. Kung ganitong wala nang istorbong musika, makakapag-usap sila nang hindi na kailangang magsigawan pa.

        “Hi. Good evening,” nakangiti pa ring ulit ni Jigger sa normal na niyang boses. “May kapitbahay na pala ako. Ako nga pala si Jigger. Jigger Rosales.”

        “Hi,” bahagya pa rin ang pagkakangiting sagot ng babae. “I’m Shaira Montelibano.”

        Ang ganda namang pangalan, naisip agad ng binata. Bagay na bagay sa may-ari. Pero hindi niya sinabi iyon. Corny pakinggan, e.

        “Anak ka ng mga professors na may-ari ng bahay na iyan?” tanong na lang niya.

        Tumango si Shaira.

        “Dito ka na titira for good?” interesadong tanong pa ng binata.

        “Hindi,” iling ni Shaira. “May gagawin lang akong book project dito.”

        “Writer ka?” tanong pa rin ni Jigger.

        Umiling uli ang dalaga.

        “Math professor,” sagot nito.

        Napamulagat si Jigger.

        “Talaga?” sabi niya. “Hindi ka mukhang teacher. Ang suwerte naman ng mga students mo. Hindi ka rin mukhang terror, e.”

        “Graduate students na ang tinuturuan ko,” sagot ni Shaira. “Doctoral level. Hindi ko na sila kailangan pang i-terrorize.”

        Lalong namilog ang mga mata ng binata.

        “Ibig sabihin niyon, may Ph.D. ka na rin,” sabi niya. “Wow!”

        “Actually, Doctor of Science hindi Doctor of Philosophy,” malumanay na pagtatama ni Shaira.

        “Oo nga naman pala,” sabi ni Jigger. “So, mag-isa ka riyan habang ginagawa mo ang iyong book project?”

        Tumango ang dalaga.

        “Pero nandito ang parents ko kanina,” dagdag na sabi nito. “Gusto nga sanang makilala ang family ninyo.”

        “Nag-iisa lang ako rito,” pahayag ni Jigger. “Ulila na ako, e. Wala rin akong mga kapatid. Lalo namang wala pang asawa.”

        “G-Ganoon ba?” sagot ni Shaira. “E ‘yong bahay sa kabila? Bakit kaya wala pa ang mga nakatira roon?”

        “Hindi na siguro babalik ang mga iyon,” sagot ni Jigger. “Iyon kasing husband, overseas worker sa Middle East. Naiwan diyan ‘yong wife at dalawang anak. Kaso, nahuli yata ‘yong wife na nakikipag-boyfriend. Kaya two days ago, biglang dumating diyan ‘yong husband at kinuha ‘yong dalawang anak. Iuuwi na lang daw niya sa parents niya sa Davao. Bahala na raw ang misis niya riyan sa bahay, pero hindi na rin niya huhulugan ang monthly amortization.

“Wala ‘yong misis n’ong dumating si mister. Katulong lang ang dinatnan na kasama n’ong mga bata. Pero kahapon, dumating naman ‘yong misis. Nag-empake lang at umalis din, kasama na ‘yong katulong. Palagay ko, one of these days, malalaman na lang nating for sale na iyang bahay na iyan.”

        “Di wala na rin palang nakatira riyan,” parang problemadong sabi ni Shaira.

        “Bakit, problema ba iyon?” tanong ni Jigger.

        “Kasi...kasi akala namin magiging safe ako rito dahil may mga pamilya nang nakatira sa magkabila nitong bahay na ito,” bulalas ng dalaga.

        “Aba, safe ka pa rin naman dito, a,” mabilis na sagot ni Jigger. “Nandito naman ako. Ako’ng magiging bodyguard mo.”

        Napatingin sa kanya si Shaira nang nakataas ang kilay.

        “Oo, pangangatawanan ko iyon,” giit ni Jigger. “Kanina lang naman ako nawala nang matagal dahil may kinausap akong supplier sa Binondo. Kadalasan, itong mga buwang ito, nandito lang ako sa paligid ng subdivision. Dito ang mga projects ko ngayon, e. May ongoing at may pinaplano pa lang. Oo nga pala, construction contractor kasi ako. Ilan sa mga bagong-tayong bahay dito, project ko. Ang ibig kong sabihin, nandito lang ako palagi. Kung hindi man dito sa bahay, nandiyan lang sa malapit. Puwede mo akong tawagin any time kung may kailangan ka.”

        Nilubus-lubos na talaga niya ang pagpaparami ng pogi points.

        Unti-unti ngang bumaba ang kilay ni Shaira.

        “Thank you,” sagot nito. “But I think I’ll be fine. O sige, ha? Good night. Nice meeting you.”

        At nakangiti pa ring lumayo na ito sa bintana pagkatapos siyang kawayan nang saglit.

        Dismayadung-dismayado si Jigger.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)