FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada ng
Pag-ibig: Alexandra
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: SHAIRA
by
Maia Jose
Copyright Maria Teresa C. San Diego
All
Rights Reserved
Published in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 2001
ISBN: 971-824-076-4
Teaser:
MALIIT pa si Shaira ay nakilala na bilang gifted child. Isang genius. Kaya naman sa kanyang pagdadalaga, ang hinahangaan lang niyang mga lalaki ay iyong mga pinakamagagaling sa akademya. Hanggang sa makilala niya ang construction contractor na si Jigger - isang college dropout na umasenso sa pamamagitan ng self-study, pagsisipag at pagiging street smart. Napakarami palang maituturo ni Jigger na hindi pa alam ni Shaira.
CHAPTER 1
NAKATITIG si Shaira sa screen ng kanyang iMac, ang pinakamamahal niyang
apple red personal computer. Pero sa mga sandaling iyon, hindi maintindihan ng
dalaga ang mga numerong nasa screen. Sa kabila ng kanyang pagtatapos sa mga
kursong B.S. Mathematics, B.S. Computer Science, M.S. Mathematics at M.S.
Computer Science sa UP, sa kanyang pagkakaroon ng doctorate degree in Mathematics
mula rin sa UP, at sa kanyang pagkakaroon ng Doctor of Science degree mula sa
Massachusetts Institute of Technology Department of Electrical Engineering and
Computer Science, hindi maintindihan ni Shaira ang formula na siya rin naman
ang nagpasok sa computer.
Hindi rumerehistro
sa kanyang utak ang kaharap na trabaho na bahagi ng isinusulat niyang libro.
Inaagaw kasi ang kanyang atensyon ng mga sigaw at halakhak na nagmumula sa
garden sa labas ng kanyang office/library.
Kung
tutuusin, protektadong-protektado na sana si Shaira laban sa anumang
distractions. Nakakulong siya sa isang sementadong kahon, 36 square meters ang
sukat, sarado ang nag-iisang bintanang natatabingan ng makapal na drapes at
naka-lock ang pinto. Insulated na dapat sa ingay ang mga dingding ng maliit na
istrukturang iyon dahil punung-puno ng floor-to-ceiling shelves na halos
lumulundo na sa nagsisiksikang mga libro at research papers. Malakas pa ang
huni ng air conditioner na naka-set sa high cool.
Dating
art studio ng kanyang mas nakatatandang kapatid na si Paula ang maliit na gusaling
iyon na nasa backyard lang ng kanilang family home. Nang mag-asawa at lumipat
ng tirahan ang kilalang sculptor, ipina-renovate naman ni Shaira ang studio
para sa kanyang pangangailangan. Ang naglalakihang mga bintana ay ipinasemento
niya, liban sa isa. Ginawa niya iyon para may mapaglagyan ng bookshelves.
Hindi na kasi sila magkasya ng kanyang Mommy
at Daddy sa library sa main house. Palibhasa pare-pareho silang mga UP
professors, araw-araw ay parami nang parami ang kanilang naiimbak na mga libro
at iba pang papeles. Kinailangan na talaga niya ng sarili niyang espasyo.
Lalo pa ngayong kailangan niyang
mag-concentrate sa kanyang book project. Ito
nga ang dahilan kung bakit hindi muna siya magtuturo sa susunod na sem. Naka-leave
siya para sa proyektong ito. At ngayong sem break pa lang ay kailangang simulan
na niya ang trabaho para maabot niya ang deadline ng kanyang boss na si Dr.
Elmer Malabanot.
Kung bakit naman kasabay ng kanyang
pag-buckle down to work ay saka biglang naging refugee center ang kanilang
bahay.
Dumating mula sa States si Connie,
kaisa-isang anak ng kanyang Uncle Walter — ang yumaong nakatatandang kapatid ng
kanyang Daddy. Diniborsiyo ng kanyang pinsan ang asawang Amerikano at binitbit
pauwi sa Pilipinas ang tatlong anak.
Ulila na sa parehong magulang si Connie.
Close ito sa kanila dahil liban sa Uncle nito ang daddy ni Shaira ay ninong pa
nito sa binyag. Kaya nang kinailangan nito ng pansamantalang matutuluyan bago
muling makapag-settle down sa Maynila ay sa kanila bumagsak.
Hindi akalain ni Shaira na ganoong klase
ng ingay at gulo ang kayang likhain ng tatatlong batang lalaki na may edad
tatlo, apat at limang taong gulang.
Hindi na sila sanay sa ganoong ingay sa
pamilya Montelibano. Matagal nang walang bata sa bahay nila. Ang bagong-kasal
na si Paula ay ni hindi pa naman naglilihi. Balak yatang magpalipas muna ng
isang taon bago mag-baby.
Tatlong magkakapatid sina Shaira.
Panganay si Paula na isang kilala at premyadong sculptor ng male nudes. Panggitna
siya na isang full professor sa UP College of Science Department of
Mathematics. Bunso naman si Virginia na graduate ng Hotel and Restaurant
Administration sa UP Asian Institute of Tourism, pero kasalukuyang walang
trabaho.
Ang Daddy nilang si Dr. William
Montelibano ay propesor sa UP College of Law at may Doctor of Laws degree. Ang Mommy
naman nilang si Dra. Zenaida Montelibano ay propesora sa UP College of Social
Sciences and Philosophy at may dalawang doctorate degrees — sa History at sa
Philippine Studies.
Pamilya
ng mga intelektuwal ang mga Montelibano. Kaya nga kahit noong mga paslit pa ang
magkakapatid ay hindi matandaan ni Shaira na naging kasinlikot at kasing-ingay
sila ng kanyang mga pamangking balikbayan. Para bang kahit noong mga bata pa
sila’y lagi na silang seryoso at abala sa kanya-kanyang gawain.
Lalo na siya. Wala pa kasi
siyang isang taong gulang nang mapansin ng kanyang mga magulang na isa siyang
gifted child. Advanced
daw siya sa lahat ng bagay.
Eight
months old pa lang siya ay nagawa na niyang tugtugin sa kanyang toy piano ang
mga simpleng tunes na tulad ng “Twinkle, Twinkle Little Star.” Mga tatlong ulit
lang daw niyang napanood at napakinggan ang pagtugtog ng kanyang Mommy sa mga
iyon bago niya nagaya na gamit ang isang daliri.
Wala pa ring one year old si Shaira ay
araw-araw na siyang binabasahan ng libro ng kanyang Mommy at Daddy. Pinauupo
siya ng mga ito sa kanilang kandungan at
inihaharap sa kanya ang mga children’s books. Isa-isang itinuturo ng mga ito
ang mga salita habang binabasa ang mga iyon. Mataman naman daw siyang nagmamasid
at nakikinig.
Nang tumuntong siya ng isang taong
gulang, nagsimula na siyang magsalita nang tuwid. Doon napatunayang kaya na
niyang basahin nang malakas ang mga librong binasa sa kanya noon. Napatunayan
ding hindi lang niya basta namemorya ang mga iyon dahil kapag nakita niya ang
parehong mga salita sa ibang libro ay nababasa na rin niya nang malakas kahit
nakapaloob sa ibang mga pangungusap.
Sa pamamagitan ng mga scientific testing
procedures ay napatunayang genius nga si Shaira. Agad siyang binigyan ng
special tutorial classes.
Nahigitan pa niya ang mga ekspektasyon
ng kanyang mga mentors. Lilimang taong gulang pa lang siya nang natapos niya
ang kabuuang elementary education. Sa edad na pito, natapos niya ang high
school curriculum.
Mula walo hanggang labing-isang taong
gulang, binuno niya nang sabay ang B.S. Mathematics at B.S. Computer Science
batay sa curriculum sa UP. Pero hindi niya iyon
ginawa sa eskuwelahan. Panay tutorials lang.
Para sa kanyang socialization,
dinala siya ng kanyang mga magulang sa mga special interest courses kung saan
mayroon siyang mga kaedad. Mga klase sa painting, stage acting at iba pa.
Doon kasi, hindi halatang kaiba siya sa kanyang mga kaedad. Pupuwede sana
siyang mag-blend in.
Pero kahit kailan, at sa kahit na anong
sitwasyon, hindi siya naging kumportable kasama ng ibang tao. Kahit hindi naman
iniaanunsiyo ang kakaiba niyang pagkatao, feeling pa rin niya ay isa siyang
freak. Para bang kapag tinanong na “Which of these is not like the others?” ay
siguradong siya na iyong sagot.
Sa bahay lang talaga siya kumportable,
kasama ng kanyang pamilya. Doon, walang magtataka kahit maghapon siyang tahimik
lang na nagbabasa o nagsusulat at kahit sanlaksang nagkakapalang mga libro ang
kaharap niya. Tahimik lang din naman kasi si Paula sa pagdo-drawing o sa
paglikha ng iba’t ibang figures sa pamamagitan ng play dough. Si Via naman ay
malamang na naglalarong mag-isa ng bahay-bahayan, nagre-rearrange ng closet o
nakikitulong sa paghihimay ng gulay sa kusina.
Mula’t sapul ay tahimik nga ang pamamahay
ng mga Montelibano. Kahit ang mga talakayan at debate nilang mag-anak tungkol
sa iba’t ibang paksa sa tuwing nagkakasama-sama sila sa harap ng hapag-kainan ay
nungkang nauwi sa pagtataasan ng boses. Laging kalmado.
Kaya naman parang hinalukay ang mundo ni
Shaira pagdating ng tatlo niyang mga pamangkin na pinangalanan pa man ding
Alvin, Theodore at Simon katulad ng sikat na Chipmunks. Kung hindi ba naman may pagka-weird din talagang mag-isip ang kanyang
pinsang si Connie.
Palakas nang palakas ang hiyawan
ng mga bata sa labas. Hindi na nakatiis si Shaira. Kaninang umaga ay wala na
nga siyang nagawang trabaho dahil din sa ingay ng kanyang mga pamangkin. Hanggang ngayong
hapon ba naman ay patuloy pa ring sisirain ng mga ito ang kanyang workday?
Mag-a-alas-tres na’y wala pa siyang anumang natapos. Tumayo na siya at lumabas
ng opisina.
Pagbukas niya ng pinto, nakita niyang
kasama ng tatlong bata si Connie. Nakikipagharutan at nakikipagbungisngisan din
pala ito sa mga anak.
Natigilan si Shaira. Nahiya na siyang manaway.
Napansin naman siya ng
mag-iina.
“Tita Shai! Tita Shai!”
tawag ng panganay na si Alvin. “Come on! Let’s play!”
“Let’s play! Let’s play!” parang echo na
ulit ng pangalawang si Theodore.
Nginitian naman siya nang
pagkaliwaliwanag ng bunsong si Simon.
“Oo nga naman, Shai,” sang-ayon ni
Connie. “Mag-break ka naman diyan sa ginagawa mo. Sumali ka muna sa amin.”
Ngumiti siya kahit medyo tabingi. Hindi
lang niya masabi na paano naman niya kakailanganing mag-break samantalang ni
hindi pa nga siya nakakapagsimulang magtrabaho nang matino?
Tatanggi na sana siya pero sabay-sabay
na lumapit ang tatlong bata. May humatak sa kanyang kanang kamay. May humatak
sa kaliwa. Ang pinakabunso’y sa laylayan na lang ng shorts niya kumapit.
“Come on, Tita Shai,” ulit ni Alvin.
“Come...come...,” gaya naman ni Simon.
“Let’s play tag,” hiling ni Theodore.
“You’re it.”
Hindi makapalag si Shaira. Mahirap palang kumawala sa ganoon kaliliit na mga bata. Feeling niya
magiging kontrabida siya. Napilitan tuloy siyang sumunod na lang.
Kunsabagay, hindi rin niya
mapigilang matuwa sa mga pamangkin. Talaga naman kasing napaka-cute ng mga
ito. Panay tabachingching. Namumutok ang mamula-mulang mga pisngi. Ang bibigat
ng mga pang-upo. At ang bibilog ng mga matang parang
nagmamakaawa sa kanya.
“Okay, I’ll play,” sabi
na rin ni Shaira. “But I don’t want to be it.”
“That’s fine,” mabilis na tango ni Alvin
bago bumaling sa ina. “Mom, you’re it.”
“Ang daya mo, Shai,” tumatawang sagot ni
Connie. “Sige na nga.”
Piniringan nina Alvin at Theodore ang
ina. Hirap pa ang mga ito na magbuhol ng panyo at hindi naman halos natakpan
ang mga mata ni Connie pero nanatiling nakapikit ang babae. Nakikiayon sa mga
anak.
“I can’t see a thing!” kunwa’y reklamo
pa nito nang sa wakas ay matapos ang mga bata.
Tuwang-tuwa
naman ang tatlong bubwit.
“Hey, Mom,” sigaw ni
Alvin. “Come and get me!”
“Me! Me!” sigaw ni Simon.
“You can’t catch me!” sigaw naman ni
Theodore.
Manood lang sa mga pakembot-kembot pang
pagsayaw-takbo ng tatlong bata ay tawang-tawa na si Shaira. Hindi na siya
ngayon nagtataka kung paanong napagtiyatiyagaan ni Connie na makipaglaro sa mga
anak. Masarap nga pala.
Maya-maya lang ay nakalimutan na niya
nang tuluyan ang iniwan niyang trabaho. Malakas pa ang boses niya kaysa kay
Connie. Para na rin siyang batang walang pakundangan kahit magpagulong-gulong
sa lawn, lalo na nang pagtulungan siyang kilitiin ng tatlong baby monsters
habang ginagatungan pa ang mga ito ng ina.
Nasa ganoon silang kalagayan nang makita
ni Shaira na nakatayo sa gawing paanan niya si Dr. Elmer Malabanot.
Nakahalukipkip ang kanyang boss,
salubong ang mga kilay. Halatang hindi aprub sa inabutang eksena.
“S-Sir!” bulalas ni Shaira habang natatarantang
bumabangon.
Ang
hirap pa namang awatin ng kanyang mga pamangkin. Mabuti na lang, napansin na
rin ni Connie ang bisitang lalaki at tumulong ito sa pagpapatigil sa mga anak.
“G-Good afternoon, Sir,”
sabi ni Shaira nang makatayo na nang mahusay. “N-Nadaan ka?”
“Busy ka yata,” maypagkasarkastikong
sagot nito.
Namula si Shaira.
“H-Hindi naman, Sir,” sagot niya. “Oo
nga pala, Sir, this is my cousin, Connie, and these are her kids, Alvin,
Theodore and Simon.”
Bumaling siya sa kanyang pinsan.
“Connie, si Dr. Elmer Malabanot. Boss
ko.”
Hindi naglahad ng kamay si Connie.
Tumango lang ito sa propesor. Pagkatapos, nagpaalam na agad ito kay Shaira.
“Papasok na muna kami ng mga bata.”
Bago siya nakasagot ay niyaya na nito ang
mga anak.
“Come on, guys, let’s get some ice
cream.”
May bata ba namang tatanggi sa ganoong
treat? Nauna pa ang mga ito sa pagtakbo papasok sa main house.
“Sorry about that, Sir,” sabi ni Shaira.
Pakiramdam kasi niya, hindi binigyan ni
Connie ng sapat na paggalang si Dr. Malabanot.
“I thought you said you wanted to give
this project an early start,” panunumbat pa rin ng lalaki.
“I did,” tango ng dalaga. “I mean, I
still intend to. Na-distract lang ako ng mga bata. Kadarating lang kasi nila
from the States.”
Napabuntonghininga ang boss niya.
“Hindi conducive sa project mo ang
ganitong atmosphere, Shaira,” sabi nito. “Baka hindi mo ma-meet ang deadline
ko. Sabihin mo lang. I can give the project to other people. Alam mo namang
maraming interesadong makipag-team-up sa akin. Binigyan lang kita ng priority.”
“N-Naku, Sir, this won’t happen again, I
promise,” natatarantang sagot niya. “I’ll meet your deadline, I assure you.”
“Alam mo namang kailangan ko pa iyang
ayusin pagkatapos ng trabaho mo. Preliminary work lang ang sa iyo. Baka ako pa
ang magahol sa panahon sa pag-aayos ko niyan,” sabi pa ni Elmer Malabanot.
“No, Sir, that won’t happen,” iling ni
Shaira. “Pipilitin ko ngang mas mapaaga pa ang pag-submit ko
nito.”
“Good,” tango ng
propesor. “So, I’ll leave you to your work, then. Siguro
naman hindi ka na uli guguluhin ng tropang iyon. Why aren’t they in
school? Hindi ba alam n’ong ina nila na kailangan ng mga bata ang early
intellectual stimulation? Baka mabobo ang mga anak niya sa panay horseplay lang.”
“Plano nga ni Connie na ihanap ng
preschool ang mga bata next week,” pagtatanggol ni Shaira sa pinsan. “Nag-a-adjust pa lang kasi silang mag-iina dito. Three days
ago pa lang sila dumating from the States.”
“Well...whatever,” pagkikibit-balikat ni
Dr. Malabanot. “Basta ba hindi mo na papayagang maistorbo nila ang trabaho mo,
wala tayong pakialam sa family problems nila. So be a good girl and go back to
work.”
Tumango si Shaira.
Tinalikuran na siya ni Elmer.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento