FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER
10
BASTA ang
alam ni Shaira, kailangan niyang magpaliwanag kay Jigger. Humingi ng tawad.
Bahala na kung tanggapin ba nito ang kanyang paliwanag o hindi. Gagawin niya
ang lahat, makabawi lang siya.
Halos patakbong lumabas ng bahay ang
dalaga. Pagbukas niya ng pinto, bumangga siya sa papasok namang si Jigger. Mabuti na lang, agad siya nitong nahawakan sa magkabilang balikat. Pareho
silang hindi natumba.
Pareho rin silang hindi
agad nakapagsalita. Nagkatitigan lang.
Doon nakita ni Shaira ang
lalim ng hinanakit sa mga mata ng binata. Muling bumulwak ang mga luha sa
namumugto na niyang mga mata.
“I’m sorry,” pahikbi niyang
pahayag.
Kaybilis namang lumambot ng
ekspresyon ng mukha ng binata.
“Shhh,” sagot nito sa
kanya. “Tama na. Okay na.”
Sinapo pa nito ng mga palad ang kanyang
mukha. Pinahid ng mga hinlalaki ang bumabagsak niyang mga luha.
Nang hindi pa rin maampat ang mga iyon
ay hinagkan na siya nito sa labi. Malalim. Punong-puno ng damdamin.
Yumakap siya nang buong higpit kay
Jigger. Natatakot pa rin siyang baka bigla itong mawala.
Tinangka niyang ipaabot sa pamamagitan
ng kanyang halik ang hindi pa niya naipapahayag sa mga salita.
Tumalab nga yata dahil nang kumalas ang
binata’y iyon din mismo ang unang idineklara nito.
“I love you, Shai...”
Napahikbi na naman siya.
“I love you, Jigger,” sagot niya habang
nagsusumiksik uli sa dibdib nito. “Thank you for coming back.”
“Hindi naman talaga kita puwedeng
pabayaan sa ganoong kalagayan kahit pa paulit-ulit mo akong ipagtabuyan,” sagot
ng binata. “Babalik at babalik ako hanggang masiguro kong okay ka
na.”
“At hindi naman ako
magiging okay kung wala ka,” tumitingalang pahayag ni Shaira. “I’m sorry if I
shut you out kanina. Hindi ko kasi matanggap na naging napakabobo ko sa
pagpaniwala kay Dr. Malabanot. Ang linaw-linaw nga naman pala ng panlolokong
ginagawa niya, hindi ko pa nakita.”
“Masyado ka lang kasing loyal,” sagot ni
Jigger. “Hindi naman masama iyon. Sumobra nga lang.”
“Well, from now on,
ibibigay ko lang ang loyalty ko sa taong deserving,” pangako ng dalaga. “Along
with all my love.”
“At sino naman kaya ang masuwerteng
taong iyon?” tanong ni Jigger.
“E di, siyempre, ang magiging husband ko,”
sagot ni Shaira. “Will you marry me?”
Namilog
ang mga mata ng binata.
“Kailangan pa bang
itanong iyon?” sagot nito pagkaraka. “Siyempre, I’ll marry you. Pagkatapos mo ba naman akong pagsamantalahan nang ilang ulit.”
Napahumindig si Shaira.
“Ako pa pala ang
nagsamantala, ha?”
“Aba, tingnan mo naman
ang sitwasyon, your honor,” katwiran ni Jigger. “Isa kang establisadong
university professor samantalang ako’y isa lang inosenteng college dropout...”
“Huuu...,” sagot ni Shaira, sabay kiliti
sa katipan.
Gumanti naman si Jigger. Hanggang sa
nakarating na sila sa gitna ng bahay sa paghaharutan. Hanggang sa bumagsak na
sila sa sahig ng salas.
“Teka...teka...,” sabi ni Shaira nang
mapansin niya ang pinatutunguhan nila. “Tatawagan ko muna uli sina Mommy. Pag
hindi raw kasi nila natanggap ang pangalawang tawag ko, pupunta sila rito ngayon
din. Baka abutan na naman tayo, sige ka.”
“Sabihin mo, huwag na
silang umalis,” sagot ni Jigger. “Tayo na lang ang luluwas. Tayong dalawa na.
Kakausapin ko na sila nang pormal.”
“Ngayon?” tanong niya.
“Well, pagkaraan ng isang
oras...,” nakangiting sagot ng binata.
“ANO naman
ang balak ninyo tungkol kay Malabanot?” tanong ni Connie. “Kung ako ang tatanungin, dapat sa kanya sampahan ng demanda. Kanina na
nga lang, noong nag-iingay siya rito, parang gusto ko nang ipadampot sa mga
barangay tanod, e. Sinasabi ko na nga ba, talagang hindi mapagkakatiwalaan ang
taong iyon. Noon
pa, mainit na ang dugo ko roon.”
Kasalo na ng buong mag-anak sina Shaira
at Jigger sa isang late dinner nang gabing iyon. Talagang hinintay sila ng mga
ito nang magpasabi silang darating.
Pati ang mag-asawang Paula at Richard ay
tinawagan ni Zeny para makilala si Jigger.
Sa
harap ng buong pamilya, kasama si Connie (tulog na nga lang ang tatlong
Chipmunks), ay nagsabi na sina Shaira at Jigger ng tungkol sa balak nilang
pagpapakasal as soon as possible.
Wala
namang kumontra.
Wala
ring naging negatibong reaksyon ang mag-anak kay Jigger. Kahit pa nalaman ng
mga itong hindi college graduate ang binata.
Kung
tutuusin, alam na ni Shaira na ganoon ang mangyayari. Kilala naman niyang malawak
ang pag-iisip ng kanyang mga kapamilya.
Hindi
lang kasi siya naging ganap na tapat sa mga ito noon kaya hindi tuloy nakita ng
mga ito ang panloloko sa kanya ni Dr. Malabanot. Hanggang
kasungitan lang ng propesor ang nagawang tuligsain ng mga ito.
Nang ipagtapat niya kanina ang lahat-lahat ay galit na
galit ang kanyang pamilya.
“Bakit naman hindi mo sinabi sa amin ang totoo,”
sumbat pa sa kanya ni Zeny. “Buong akala tuloy namin, talagang kanya iyong
theory na iyon. Hindi ka namin naprotektahan.”
“He
doesn’t deserve his place at UP,” pahayag ni William. “Connie’s right. Kung
gusto ninyo, puwede natin siyang ireklamo.”
“Hindi na namin pag-aaksayahan ng panahon
si Dr. Malabanot,” sagot naman ni Shaira. “Hassle pa iyon, e. Pero hindi ko rin
ibibigay sa kanya ang trabaho ko. Bahala siyang gumawa ng sarili niyang paper
para sa hiningi niyang grant. Kapag naman wala siyang nai-submit na matinong
results sa deadline, tiyak na hahabulin siya ng MIT.
“Ako naman, itutuloy ko ang project ko
kahit walang research grant. Susuportahan naman daw ako ni Jigger, e.
Afterwards, sabay-sabay ko itong ipapadala sa MIT at sa iba pang institutions.
Ipo-post ko rin sa internet. Bale free contribution ko na lang ito sa buong
mundo bago ako tuluyang mag-retire sa field na iyon.”
“Talaga bang desidido ka nang umalis sa
pagtuturo sa UP?” tanong ni Via.
Tumango si Shaira.
“Pagkatapos nitong project na ito,
aasikasuhin ko naman ang pagbabalanse sa ibang parte ng buhay ko,” sagot niya.
“Gusto ko namang maging well-rounded.”
At nakangiting nagmuwestra siya nang
pabilog sa may bahagi ng kanyang tiyan.
“Naku, uunahan pa yata tayo, Rich,”
angal ni Paula.
“A, diyan kami magkakapaligsahan ni
Jigger,” tumatawang sagot ng mister nitong si Richard. “Kapag ganyan pa namang
may challenge, lalo akong ginaganahang lumaban.”
“E di mabuti at nang dumami agad ang mga
apo namin,” sabad ni William. “Magkaroon na pati ng dagdag na kalaro sina
Alvin, Theodore at Simon.”
“SHAI, hindi
mo kaya ma-miss ang academic world?” tanong ni Jigger nang dadalawa na lang
silang nakaupo sa garden ng mga Montelibano. “Alam
mo, okay lang naman sa akin kung ano ang maging desisyon mo. Kahit magbalik ka
sa university. O kung gusto mong lumipat ng trabaho.”
“Gusto ko rin naman munang
lumayo roon,” sagot niya. “Liban kay Dr. Malabanot, gusto ko ring iwanan muna
ang field na iyon pagkatapos nitong isinusulat ko. Naisip kong hindi lang naman
Mathematics ang mahalaga sa mundo o sa buhay. Marami pang iba na gusto ko naman
ngayong pagtuunan ng pansin.”
“Hindi ka kaya ma-bore pag hindi ka na nagtuturo?”
tanong ni Jigger. “Sa income, wala tayong magiging problema. Ikaw ang
inaalala ko. Hindi ka sanay na hindi nag-aaral o nagtuturo.”
“Paano naman ako mabo-bore samantalang
ang dami-dami ko pang kailangang pag-aralan,” sagot niya. “Mag-aaral pa akong
magluto at mag-asikaso ng pamamahay. Mag-aaral ako ng tungkol sa pregnancy at
panganganak. Pagkatapos niyon, mag-aaral ako ng tungkol sa pag-aalaga ng baby,
ng toddler, ng pre-schooler. Aba, never-ending yatang pag-aaral ang gagawin ko.
Later on naman, magiging teacher na rin ako. Exclusive na nga lang muna sa mga
anak natin. Pag malalaki na sila, saka ko babalikan uli ang professional na
pagtuturo. Gusto kong tumulong sa mga programs para sa gifted children para
magabayan sila na maging mas well-balanced ang buhay.”
“May nakakalimutan ka pa sa mga
tututukan mo,” pilyo ang pagkakangiting paalala ni Jigger. “’Yong sinimulan
nating pag-aralan. Mamasterin pa natin iyon, di ba?”
“O, huwag kang magsisimula riyan Mr.
Rosales at narito ka sa pamamahay ni Dr. William Montelibano,” nakataas ang
kilay na sagot ni Shaira.
“Ito nga ang mahirap kapag naging
official na, e,” iling ni Jigger. “Nasasakop na tayo ngayon ng rules of the
court ng Daddy mo. Ibig sabihin, kailangan nating mag-behave hanggang sa
wedding. Ang tagal naman.”
“Kaya nga simulan na agad natin bukas
ang paglakad sa papeles,” sagot ni Shaira. “Mabilis lang iyon pag katulad ng
pinaplano nating no frills wedding. Mula sa court, diretso sa simbahan.
Tayu-tayo lang. Wala nang entourage, wala nang mga trahe de boda. Basta maghahanap
lang ako ng dress na noon ko pa gustong isuot just for you. Kailangang
naka-spaghetti straps, skin-tight at micro-mini. O, okay bang wedding outfit
iyon?”
Kumislap
ang mga mata ni Jigger.
“Magsusuot ka ng ganoon?” sabi nito
habang hinahagod siya nang tingin mula ulo hanggang paa. “Parang nai-imagine ko
na.”
Tumawa si Shaira.
“Keep that in mind,” sabi niya.
“Torture
naman, e,” reklamo ni Jigger. “Teka nga pala, puwede bang ipakita mo uli sa
akin ‘yong office/library mo riyan sa likod-bahay?”
“Loko ka, mahalata tayo,” tumatawang
tanggi ni Shaira.
“Hindi
kung ten minutes lang tayo,” sagot ni Jigger. “Emergency lang talaga
ito.”
“Ten minutes lang?” nakataas ang kilay
na ulit niya. “Well...kunsabagay, napatunayan mo na nga pala na you can work wonders
in ten minutes.”
At binuntutan niya iyon ng pigil na
bungisngis.
Tumayo na si Jigger at hinatak siya
papunta sa likod-bahay.
MULA sa
bintana ng master’s bedroom sa pangalawang palapag ng bahay, nagsara ng kurtina
si Zeny, napapangiti.
“Pumasok na ba sina Shaira?” tanong ni
William.
“Hayun, patungo silang dalawa sa office
niya sa likod,” sagot ng ginang.
Umangat ang kilay ni William.
“O, hayaan mo na sila,” awat ni Zeny.
“Nasa edad na ang mga iyon at ikakasal na nga, e.”
“Hindi naman sila ang nasa isip ko, a,”
nakangiting sagot ni William. “Tayo. I just had a brilliant idea...”
Maya-maya lang ay namatay na ang ilaw sa
silid. Pero ang kakatwa’y sumindi naman ang table lamp sa library ng main house
ng mga Montelibano. Halos kasunod lang ng pagsindi ng table lamp sa
office/library sa likod-bahay.
Malamang ay mayroong mga magpupuyat sa pag-o-overtime sa bahay na iyon. May in-depth studies na isinasagawa...
WAKAS
Basahin
ang kwento ng pag-ibig ng
kapatid
nina Shaira at Paula sa
Abakada
ng Pag-ibig: Virginia
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento