FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 2
“SINO ba ang
antipatikong iyan?” tanong ni Connie kay Virginia.
Disimuladong tinatanaw nila ang bisita
ni Shaira mula sa kitchen window. Hindi naman sila nakaharap sa bintana.
Pasulyap-sulyap lang.
“Hindi ba ipinakilala sa iyo?” sagot ni
Via. “Si Dr. Malabanot iyan. Boss ni Shai.”
“Ipinakilala nga pero ano ba namang
klaseng boss iyan?” paismid na pintas ni Connie. “Maypagkabastos. Parang walang
modo. Kung makatingin sa amin — pati sa mga bata, ha? — para bang mga ipis kami
na gusto niyang i-exterminate.”
Natawa si Via.
“Eccentric talaga iyan,” sang-ayon nito.
“Genius daw kasi. Kaya nga bilib na bilib diyan si Shai. Iyan ang kumumbinsi sa
kanya na kumuha ng Doctor of Science degree sa MIT. Doon kasi iyan nag-aral
mula sa pagkuha ng bachelor’s degree hanggang sa doctorate. One of the most
brilliant minds daw in the Philippines. Kinukuha raw sana ng maraming kompanya
sa States pero napilitang umuwi at mag-stay dito dahil nag-iisang anak at
sakitin na ang mother. Ayaw naman daw ng ina na tumira abroad. Since rich naman
sila, he had to let go of the professional opportunities sa States. Kaya hayan,
natali sa UP. Bored and bitter na yata.”
“It shows,” tango ni Connie. “Ang malas
naman ni Shaira na iyan pa ang naging boss niya. Wala ba siyang malilipatang
trabaho? Aba, baka mas brilliant pa siya sa taong iyan. I’m sure, marami siyang
options. Bakit nga pala umuwi pa siya rito? Bakit hindi siya sa States
nagtrabaho? Nandoon na nga siya sa Massachusetts. Wala namang nagpapauwi sa
kanya na gaya ng mother niyang boss niya.”
“Choice niya talagang umuwi na rito,”
sagot ni Via. “Hindi raw siya kumportable na malayo sa pamilya at sa UP. She
was only 16 noong matapos niya ang stint niya sa MIT, remember? Batambata pa.
Kamuntik na nga raw niyang hindi tinapos iyong one year niya roon, nanghinayang
lang siya. At kahit naman ngayon, ayaw pa rin niyang mag-abroad. Ni ayaw
lumipat ng trabaho. She actually idolizes her boss, can you imagine?”
“Hindi ko ma-take,” iling ni Connie.
“Kung tutuusin, technically, hindi naman
boss ni Shai sa UP si Dr. Malabanot,” paliwanag pa ni Via. “Pareho lang silang
professors sa Math Department. Naging boss niya ito dito sa special project na
nakuha nila mula mismo sa MIT. Kasama yata sa project itong librong gagawin
nila. At thrilled na thrilled si Shai dahil siya ang kinuhang associate niyang
taong iyan.”
“Well, I can understand siguro kung
hangaan niya ang intellectual capacity niyang si Malabanot,” sabi ni Connie.
“Pero hanggang doon lang. Alangan naman kasing hindi niya nakikita na he may be
brilliant but he’s a lousy human being.”
“Ay
naku, kinilabutan nga ako noong marinig ko sa kanya minsan na mag-aasawa lang
daw siya kung kasing-brilliant ni Elmer Malabanot ang mapapangasawa niya,”
pagkukuwento ni Via. “Ang nakakatakot pa niyan, old bachelor iyang si Dr. Malabanot.
He’s available. Pero ayoko ngang iyan ang mapangasawa ng sister ko.”
“Aba, huwag nating payagan,” pahumindig
na pahayag ni Connie. “He’s even worse than my ex-husband. At least, ako,
masasabi kong nabulag ako noon dahil handsome iyong Amerikanong napangasawa ko.
Hindi ko tuloy napansin agad ang masama niyang ugali. But at least he gave me three
gorgeous sons. In contrast, ito namang si Malabanot, ang sungit-sungit na agad
kahit sa pagmumukha pa lang. And he’s much too old for her.”
“Forty-plus na nga iyan,” tango ni Via.
“Palagay ko, past forty-five. He’s more than twenty years older than her.”
“Matandang masungit na masama ang
ugali,” iling ni Connie. “Ano ba naman iyang si Shaira? Paano naman niya naging
idol iyan? Wala ba siyang nakakahalubilong mga ka-age niya? Iyong matino ang
ugali.”
“Marami, but according to her, they
don’t measure up to the brilliance of this guy,” sagot ni Via.
“Ano namang klase ng talino iyang hindi
naman marunong magpakatao?” ismid ni Connie. “High IQ nga, low EQ naman. And we
all know that emotional intelligence is just as important as intellect. Baka
nakakalimutan ni Shaira iyon.”
NAKAPASOK na
uli si Shaira sa kanyang office/library. Ikinandado pa niya ang pinto na para
bang panigurong hindi na nga siya maiistorbo ninuman.
Hindi pa rin siya nakaka-recover sa
nangyari kanina. Bakit ba kung kailan siya bumigay sa kanyang mga pamangkin ay
saka pa siya nasumpungan ni Dr. Malabanot? Takot na takot tuloy siya. Baka
permanente nang napingasan ang confidence nito sa kanyang self-discipline. Sa
kanyang kakayahang propesyunal. That would be the worst thing that could possibly
happen to her.
Idol niya si Dr. Elmer Malabanot. Ito na
yata ang pinakamatalinong taong nakilala niya rito sa Pilipinas. Kung may
kapantay man ito, nasa MIT ang mga iyon — sa Massachusetts Institute of
Technology na itinuturing na pinakasentro ng science and technology education
sa Estados Unidos.
Oo nga’t sa MIT niya nakuha ang kanyang
Doctorate in Science, pero si Dr. Malabanot ay doon nag-aral mula sa undergraduate
course nito hanggang sa doctorate degree. Para kay Shaira, mas magaling ito nang
di hamak kaysa sa kanya.
Una niyang nakilala si Dr. Malabanot
noong twelve years old pa lamang siya. Kumuha siya noon ng mga advance
placement exams sa UP at naipasa niya ang lahat ng subjects para sa kabuuan ng
mga kursong B.S. Mathematics at B.S. Computer Science. Kinuwistiyon iyon ni Dr.
Elmer Malabanot at dahil sa pagtuligsa nito’y kinailangan tuloy niyang mag-aral
pa ng isang buong taon sa UP — kinailangan niyang patunayang kabisadong-kabisado
nga niya ang mga subjects na kanyang naipasa na sa mga exam.
Nang maglaon ay naging mentor din naman
niya si Dr. Malabanot. Doon niya napatunayan ang brilliance nito. Agad siyang
humanga kahit 23 years ang itinanda nito sa kanya. Noong twelve years old
siya’y 35 na ito.
Nagka-crush
siya sa propesor kahit wala naman itong maipagmamalaking anumang physical
attractiveness. Kahit masungit ito at mataray. Tinanggap niya ang lahat ng iyon
bilang mga pribilehiyo ng isang henyo.
Naipasa ni Shaira ang mga exams para sa
B.S. Mathematics at B.S. Computer Science sa UP sa edad na dose. Pagkaraan ng
isang taong proving period, binigyan siya ng diploma sa dalawang kurso sa edad
na trese. Natapos naman niya ang M.S. Mathematics at M.S. Computer Science sa
loob ng isa pang taon, sa edad na katorse. Wala nang kumuwistiyon doon lalo
pa’t kabilang na sa kanyang advisers si Dr. Elmer Malabanot. Sa edad na kinse,
nakuha niya ang kanyang doctorate in Math sa UP. Saka siya pumunta sa States
para kumuha naman ng doctorate sa MIT.
Iyon na yata ang pinakamahirap na taon
ng kanyang buhay. Nahirapan si Shaira hindi sa
pag-aaral kundi sa matinding kalungkutan. First time niyang
nahiwalay sa kanyang pamilya at sa kanyang mga mentors sa UP na parang pangalawang
pamilya na rin niya. Para siyang biglang naulila.
Kung tutuusin, dapat sana’y madali
siyang nakapag-adjust sa MIT dahil mas ka-level niya ang mga estudyante roon.
Walang nakakapasok sa MIT na hindi matatawag na absolutely brilliant. Hindi
pupuwede roon ang basta matalino lang. Pero dinaig si Shaira ng homesickness.
Napaka-sheltered nga kasi ng kanyang
childhood at adolescence. Laging pamilya lang niya’t mga immediate advisers ang
nakapaligid sa kanya. Siya na rin mismo ang umaayaw na lumabas mula sa
eksklusibong sirkulong iyon. Hindi tuloy siya natuto kung paano makisalamuha’t
makisama sa ibang tao. Lagi siyang awkward.
Pagkakuhang-pagkakuha niya sa kanyang
doctorate, umuwi na agad si Shaira sa Pilipinas. Hindi
niya pinansin ang kabi-kabilang mga offer sa kanya sa States.
Siyempre, tinanggap
agad siya bilang professor sa UP Diliman. Pinili niya ang Math Department kung
saan naroon si Dr. Elmer Malabanot. Iyon na kasi ang “nakalakhan” niyang
departamento sa UP. Kahit nakapailalim sa College of Engineering ang Computer
Science, mas naging base pa rin niya noon ang Math Department.
At doon na nga siya namalagi nitong
huling anim na taon. Ang mga hawak niyang klase ay sa graduate level. Panay propesyunal
na rin ang mga estudyante niya roon. Hindi siya marunong makitungo sa undergraduates.
Lately, sa doctorate level na lang siya
nagtuturo. Hindi na rin siya kumportable sa masteral level. May mga naging
estudyante kasi siya noon na medyo pumorma sa kanya. Hindi niya nagustuhan
iyon. At least, sa doctoral level, mas seryoso ang kanyang mga nagiging
estudyante.
Nitong taong ito, may nakuha si Dr. Malabanot
na research grant mula sa MIT para sa paglalabas ng libro tungkol sa isang
mathematical problem na matagal nang binubuno ng pinakamagagaling na mathematicians
sa buong mundo. Wala pang nakaka-solve sa problemang iyon.
Ang librong ilalabas nila ay hindi pa
rin naman maglalaman ng solusyon para sa nasabing mathematical problem. Pero
may nadiskubre si Shaira na isang teyoryang posibleng maging daan patungo sa
pag-solve niyon.
Nahuli ni Shaira ang tinatakbo ng
sariling pag-iisip at napapahiyang itinama niya ito. “Heto na naman ako,” sabi
niya, “at ang tendency ko na maging makasarili. Hindi
nga lang pala ako ang nakadiskubre ng teyoryang iyon. Nadiskubre iyon habang
ginagabayan ako ni Dr. Malabanot sa aking pag-aaral. Therefore, produkto iyon
ng guidance niya sa akin. The credit should go to him.”
Naisip pa niya, mabuti na lang at hindi
ganap na nagalit sa kanya si Dr. Malabanot noong unang nadulas ang kanyang dila
at nasabi niyang siya ang nakadiskubre ng teyoryang iyon. Sa halip, maingat nitong
ipinaliwanag sa kanya ang katotohanan. Pinaalalahanan siya na huwag maging
makasarili. Nang humingi siya ng dispensa, pinatawad naman agad siya. Huwag na
nga lang daw niyang uulitin ang claim na iyon lalo pa’t may makakarinig na iba.
Nagpapasalamat si Shaira na si Dr. Malabanot
lang ang kaharap niya noong nadulas ang kanyang dila. Kung nagkataong kaharap
niya ang Mommy o Daddy niya, mas nakakahiya. Ayaw niyang ma-disappoint sa kanya
ang kanyang mga magulang lalo na sa issue ng ethics. Kaya nga magmula noon ay
maingat na maingat na siya. Lagi na niyang ipinapahayag na si Dr. Malabanot
talaga ang nakadiskubre sa naturang teyorya.
Agad nitong ipinadala sa MIT ang project
proposal na humihingi ng research grant kaugnay ng teyoryang iyon. At agad din
itong nakatanggap ng approval. Ayon kay Dr. Malabanot, malaking factor ang
pangalan nito sa pagkaka-approve sa grant.
Hindi naman
siya pinabayaan ni Dr. Malabanot. Siya rin ang kinuha nitong associate para sa
proyekto. At ngayon nga’y isusulat na niya ang draft para sa kabuuang libro.
Pagkatapos ay aayusin iyon ng propesor.
Kinailangan
niyang mag-leave sa pagtuturo. Hindi na bale na mas maliit kaysa sa kanyang
suweldo sa UP ang ibinibigay sa kanyang allowance ni Dr. Malabanot. Sa bahay
lang naman siya nagtatrabaho. At may savings naman siya. Naiintindihan niyang
maliit lang talaga ang budget para sa isang research associate.
Desidido
si Shaira na pagbutihin ang kanyang trabaho kahit napakaliit ng bayad. Dapat ay
mas magaling kaysa dati niyang performance. Kailangang ma-impress sa kanya si
Dr. Malabanot.
Bakasakaling pagkatapos ng proyektong
ito ay maisip na ni Dr. Malabanot na mag-settle down. At bakasakaling siya ang
mapili nitong maging Mrs. Malabanot.
Matagal nang pangarap ni Shaira iyon. Na
maging Dr. Shaira Montelibano Malabanot. Sigurado kasing magiging brilliant ang
lahat ng kanilang mga anak.
Tinanong na niya noon ang propesor kung
bakit hindi pa ito nag-aasawa. Ang naging sagot nito’y, “I haven’t found a
worthy woman yet.” Kaya nga kailangang mapatunayan niyang she’s worthy of him.
Lalo pa ngayong naranasan na niya kung
paanong mag-enjoy sa piling ng kanyang mga pamangkin. Naku, lalo siyang
na-excite sa ideya ng pagiging ina.
But first things first. Kailangan muna
niyang tutukan ng pansin ang kanyang book project. Muling naupo si Shaira sa
harap ng kanyang computer.
PAGKARAAN ng
tatlong oras, nakaupo na si Shaira sa harap ng desk ng Daddy niya sa library ng
main house, pagod na pagod.
Hindi siya napagod sa pagtatrabaho,
dahil hindi na naman niya nagawang magtrabaho. Magsisimula na lamang sana siya
kanina nang kumatok sa kanyang office/library si Connie. Nang pagbuksan niya
ito, tuluy-tuloy sa loob ang kanyang pinsan, parang machine gun ang bibig sa
pagsasalita. Inirereklamo ang pambabastos daw na ginawa ni Dr. Malabanot. Ang
dami na nitong sinabi.
Siyempre, panay naman ang paghingi niya
ng dispensa para sa kanyang boss. Sabay paliwanag na rin. Pero noon pa niya napatunayang
mahirap talaga ipatanggap sa maraming tao na ang mga henyo ay may mga kanya-kanyang
eccentricities.
“E bakit ikaw, hindi ka naman ganoon?”
sagot sa kanya ni Connie. “Genius ka rin naman, a. But you’re nice. Hindi ka
nambabastos ng tao.”
“Hindi naman ako kasinggaling ni Dr. Malabanot,”
paliwanag pa niya.
Iyon ang naging simula ng panibagong
ratsada ni Connie. Na kesyo raw she shouldn’t shortchange herself. She
shouldn’t put herself down. Huwag niyang maliitin ang sarili niya at huwag
niyang ilagay sa pedestal “ang taong iyon.” Mainit talaga ang dugo ni Connie
kay Dr. Malabanot.
Naubos ang natitirang oras ng maghapon
sa pag-pacify ni Shaira sa kanyang pinsan. In the process, napagod siya nang
husto. Drained na drained siya emotionally and psychologically. Paano pa siya
makakapagtrabaho ngayong gabi? Balak pa naman sana niyang magpuyat to make up
for lost time.
Kaya heto siya ngayon, naghihintay sa Daddy
niya. Desperada.
Pagdating na pagdating nito mula sa
university, sinalubong na niya ito sa garahe.
“Dad, pagkatapos mong magbihis, puwede
ba tayong mag-usap sa library? It’s urgent.”
Mukha ngang minadali ng Daddy niya ang
pagbibihis. Sandali lang at heto na agad sa kanyang harapan.
“Ano’ng problema?” tanong ni William
Montelibano.
Ikinuwento ni Shaira ang nangyari sa
maghapon.
“Palagay ko, I need to get away from
here, Dad,” pagtatapos niya. “Wala namang kasalanan si Connie at lalo na ang
mga bata, pero mahihirapan talaga akong mag-concentrate sa book project ko
habang narito sila. And I don’t want to boot them out, either. Kailangan pa
nila itong adjustment period na ito. Kailangan din ni Connie ang presence ninyo
ni Mommy. Kaya ako na lang muna ang maghahanap ng sarili kong working space
somewhere else. Ano kaya kung sa Silang?”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento