Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4

 

HINDI malaman ni Shaira kung paano niya pagtataguan ang bagong kakilalang binata. Oo nga’t nagawa niyang magpaalam na agad dito, pero na-realize din niyang bigla na saan man siya sumuling sa bahay ay matatanaw pa rin siya nito.

        Nagpasya siyang magkunwaring nagtatrabaho. Legitimate excuse pa iyon sa biglaan niyang pamamaalam. Nasabi na rin naman niyang narito siya para magtrabaho.

        Sinadya niyang maupo nang patalikod sa kinaroroonan ni Jigger. Binago na lang niya ang puwesto ng kanyang iMac.

        Pero nakaharap man siya sa screen na puno ng mathematical formulas ay wala naman doon ang kanyang konsentrasyon.

        Bothered si Shaira. Ang inaasahan kasi niya nang mangako siya sa parents niya na makikipagkaibigan sa neighbors ay mga pami-pamilya ang kakaibiganin niya. Naglakas-loob na nga lang siya na pangatawanan iyon dahil sa hamon ng daddy niya.

        Hindi naman niya akalaing nag-iisang binata pala ang magiging kapitbahay niya. At halata pang pumoporma na agad sa kanya.

        Asiwa siya sa ganoon. Pero ibang klaseng pagka-asiwa ang nararamdaman niya ngayon.

        Noon kasi, noong may mga M.A. students na pumoporma sa kanya, ang reaksyon niya ay pagkainis. Kinikilabutan siya. Hindi niya sila type. Ang attitude niya noon - sino ba kayo para pumorma sa akin? Wala naman kayong maipagmamalaking brilliance na tulad ng kay Dr. Malabanot. Ni hindi nga ninyo mapantayan ang utak ko.

        Ang hinahanap niya ay iyong mas matalino pa sa kanya. Iyong titingalain niya.

        Pero kanina, nang makilala niya si Jigger Rosales, ni hindi niya naisip itanong kung gaano ba katalino ang taong ito. Basta’t ang una niyang napansin ay simpatiko ito. Maaliwalas ang mukha. Magaan ang dating. Nakakaengganyo ang ngiti.

        Sa kung anong dahilan, hindi siya nahirapang makipag-usap dito kahit estranghero pa sa kanya ang binata. Hindi siya naging awkward. Parang naging kaydulas ng daloy ng kanilang maikling pag-uusap. Ang ganda pa ng boses nito. Malamig sa pandinig. Suwabe.

        Noong obvious nang pumoporma sa kanya si Jigger - lalo na noong nag-volunteer itong maging bodyguard niya - sa halip na mainis ay kinilig pa siya.

Sa kaunaunahang pagkakataon sa buong buhay niya’y nakadama ng kilig si Shaira Montelibano. Ganoon pala iyon, naisip niya. Masarap nga pala ang pakiramdam. Thrilling. Exciting.

        Magandang experience pero dahil bago at hindi pa niya alam kung paano niya panghahawakan, agad siyang umatras. Nagpaalam na muna siya kay Jigger.

        Ngayo’y tahimik niyang ninanamnam ang pangyayari.

        Pakiramdam niya — halos nakasisiguro siya — pinagmamasdan pa rin siya ni Jigger mula sa kabilang bahay. Para naman hindi halatang props lang niya ang kaharap na computer, panaka-naka’y iniiba-iba niya ang pahinang naka-display sa screen. Random lang naman. Wala naman talaga siyang binabasa o binabago sa kanyang nasimulang draft.

        Nangingiti siya sa sarili. Paano kaya pangangatawanan ni Jigger ang pangako nitong pagiging bodyguard niya?

        Excited na siya para bukas. Para sa susunod nilang encounter.

 

HINDI maalis-alis ang tingin ni Jigger kay Shaira. Mas malaya niya ngayong napagmamasdan ang nakatalikod na dalaga. Kahit sa ganoong view ay gandang-ganda pa rin siya rito.

        Babaeng-babae ang dating sa kanya ni Shaira, saanmang anggulo. Gustung-gusto niya ang buhok nitong mahaba at parang kaylambot ng bagsak. Pati ang korte ng mga balikat nito’y parang napaka-delicate kahit natatakpan ng t-shirt.

        Nagtataka na talaga si Jigger. Kailan pa ba naging napaka- attractive tingnan ng isang babaeng nakasuot ng t-shirt na maluwang? Bakit kapag si Shaira ang nakasuot ng ganoon ay kaakit-akit sa kanya?

        Ibang-iba nga talaga ang tama sa kanya ng babaeng ito. Matindi.

        Pati boses nito, napakalambing. Iyon na nga yata ang tinatawag na bedroom voice. Pero obvious namang hindi nito sinasadya. Natural lang. Obvious ding hindi ito aware na ganoon ang epekto ng boses nito.

        Hindi ito aware sa sariling kariktan, period. Hindi aware sa sariling kagandahan.

        Dahil kaya teacher ito? Propesora pa pala sa Math, at sa doctoral level pa man din. Doctor of Science, hindi Doctor of Philosophy, natatawang paalala ni Jigger sa sarili.

        Malay ba kasi niya roon? Wala naman iyon sa pang-araw-araw niyang kaisipan. Ang pinagtutuunan niya ng pansin ay ang kanyang mga construction projects. Malayo sa mundo niya ang akademya.

        Tumuntong din naman ng university si Jigger. Nakatatlong taon siya sa UE. Architecture sana ang kinukuha niya noong kurso.

        Pero kahit noong nasa eskuwelahan pa siya, hati na ang kanyang atensyon. Talagang mas enjoy siya sa aktuwal na pagtatrabaho sa construction.

        Maestro karpintero ang tawag sa tatay niya. Eksperto rin ito sa finishing ng interior man o exterior ng bahay. Single detached houses ang specialty nito at hindi mga high rise buildings.

        Bata pa si Mang Diego nang maging trabahador ni Horatio Lopez ng HDL Construction Co. Nang maglaon ay naging katiwala na ito ni HDL sa mga proyektong pabahay. (Sa laki ng HDL Construction Co. ay marami rin itong mga proyektong high rise buildings at maging civil works na tulad ng mga tulay sa probinsiya.)

        Nawili ang tatay ni Jigger sa pagtatrabaho kaya magkukuwarenta na ito nang makapag-asawa. May edad na rin ang napangasawa nitong si Aling Ester — 36 na. Nahirapan ang ginang sa pagbubuntis at namatay sa eclampsia pagkapanganak.

        Lumaki si Jigger na dadalawa lang silang mag-tatay. Kinuha nitong ninong niya sa binyag si HDL.

Nakatira sila noon sa isang maliit na kuwarto sa dampa ng pinsan ni Mang Diego sa isang depressed area sa Tatalon. Noong maliit pa siya, pinaaalagaan siya ng tatay niya sa pinsan nito kapag pumapasok ito sa trabaho. Liban sa upa nila sa kuwarto, nagbabayad pa ito para sa pagbabantay sa kanya.

        Malinaw na malinaw magmula pa sa pinakamaagang mga alaala ni Jigger na asikasong-asikaso siya ni Mang Diego kapag nasa bahay din lang ito. Ipinagluluto siya ng ulam na laging may gulay. Kinakalaro siya. Noong nag-aaral na siya’y tinutulungan siya sa kanyang homework sa abot ng makakaya nito. Hindi na kasi nakarating ng high school ang tatay niya.

        Sadyang malaking bulas si Jigger, mana sa ama. Dose anyos pa lamang siya’t nasa grade six ay naisasama na siya ni Mang Diego sa construction site tuwing araw ng Sabado. Pinatutulong-tulong siya nito. Taga-abot ng gamit. Tagahawak ng kung anu-ano.

        Unti-unting natuto si Jigger ng ganoong trabaho. Na-train siya ni Mang Diego pati sa mga detalye ng trabahong pulido. Hindi puwede rito ang puwede na. Istrikto ito maging sa sarili pagdating sa kalidad ng trabaho. Ipinagmamalaki nito ang pagiging eksperto sa larangang iyon.

        Tumagos sa kaloob-looban ni Jigger ang ganoong sense of pride ng ama. Pati siya’y naging conscious na maging eksperto na tulad nito. Hindi pa siya nasiyahan doon. Pinag-aralan pa niya ang iba pang aspeto ng construction work.

        Noong nasa high school siya, Sabado’t Linggo na siya nagbababad sa site. Madalas naman kasing tuluy-tuloy ang trabaho kahit Linggo. Naghahabol ng oras para matapos agad ang proyekto. Wala pa siyang suweldo noon. Sabit lang. Libre kain lang.

        Noong mag-college si Jigger, hindi siya kumukuha ng full load bawat sem. Laging MWF lang ang kanyang mga klase. Lunes, Miyerkules, Biyernes. Kapag Martes, Huwebes, Sabado at Linggo, naroon siya sa site. Umeekstra. May bayad na siya noon.

        Third year na siya nang atakihin sa puso ang tatay niya. Bihira raw ang namamatay sa unang atake pero hindi na umabot sa ospital si Mang Diego.

        Nag-offer naman ang ninong ni Jigger — si HDL — na pag-aralin pa siya. Pero nawalan na ng gana ang binata. Mas hiniling niyang kunin na lang siya nito nang full-time sa construction.

        Binitiwan na niya ang kuwarto sa Tatalon. Doon na siya tumira sa site, palipat-lipat saan man ang project nila.

        Palibhasa alam ni Horatio Lopez kung paano siya na-train ng tatay niya, pinagkatiwalaan nito si Jigger. At matapos nitong mapatunayang mas lamang pa siya sa tatay niya dahil natutunan niya pati ang iba pang aspeto ng trabaho, ginawa siya nitong supervisor.

        Pagkaraan ng dalawa’t kalahating taon, kasabay ng pag-graduate sana ni Jigger sa Architecture, may panibagong offer na inihain sa kanya si HDL.

        Ang mga project kasi nilang residential houses ay iyong malalaki. Puwedeng tawaging mga mansiyon. Hindi tumatanggap ang kompanya ng maliliit na proyekto.

        “Pero sayang naman,” sabi ni HDL sa kanya. “Kabi-kabila ang natatanggap kong inquiry para sa mga small at medium scale na pabahay na paisa-isa lang. Hindi cost-effective sa kompanya natin na tanggapin ang mga ganoon pero kaysa naman mapunta pa sa iba, naisip kita. Ano sa palagay mo, kakayanin mo bang hawakan ang ganoong mga project on your own? Magiging parang sub-contractor kita. Don’t worry, habang wala ka pang capital, paluluwalan muna kita. Ano, bata?”

        Hindi na siya tumanggi. Hindi nga siya makapaniwala sa oportunidad na napasakanya.

        Siniguro niyang hindi mapapahiya si HDL sa trabaho niya. Ang kinuha niyang mga katrabaho ay iyong mga dati nang kasamahan nila ng tatay niya — siyempre, ipinagpaalam na muna niya sa ninong niya.

        Ngayon, after four years, at age 25 ay sariling-sarili na ni Jigger ang DCRJ Construction Co. — mula sa buo niyang pangalang Diego C. Rosales Jr.

        Hindi pa naman niya itinuturing ang sarili na mayaman pero masaya siya sa kanyang narating. Kanya na ang bahay at lupang kanyang tinitirhan. Nakabili na siya ng second hand na kotse at second hand na truck na panghakot ng materyales. Lumalago na rin ang kanyang ipon sa banko.

        Hindi siya nawawalan ng project, kahit sa gitna ng krisis. Hindi nga lang sabay-sabay. Paisa-isa lang. May nagpapagawa pa rin ng bahay, mas simple na nga lang. At doon naman siya eksperto — sa kung paano makakatipid nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng materyales at tibay ng bahay.

        Iyon nga lang, wala siyang lovelife. Naging masyado kasi siyang busy. At paano naman siya makakakilala ng babae samantalang panay barako ang kanyang mga trabahador? Ang mga kliyente naman niya’y panay mga mag-asawa.

        Kaya nga hindi halos makapaniwala si Jigger sa panibagong suwerteng parang inilaglag ng langit sa kanyang kandungan. Biruin mong may bigla na lang sumulpot na pagkaganda-gandang babae sa tabi pa mismo ng bahay niya? Aba, isa itong oportunidad na hindi talaga niya dapat palampasin.

        Medyo mailap nga lang yata si Shaira sa pakiwari niya. Umatras na agad ito noong medyo obvious na ang pagpapapogi niya. Kunsabagay, hindi naman siya sinopla. Okay na rin iyon.

        May bukas pa naman. Babawi siya.

        Hindi man lang sumagi sa isip ng binata ang ideyang dapat siyang mailang dahil sa taas ng pinag-aralan ni Shaira. Walang ganoong hang-up si Jigger kaya ni hindi siya nakadama ng insecurity sa kanyang pagiging college dropout.

        Nakahiga na ang binata ay nakamasid pa rin siya sa kabilang bahay.

        Parehong-pareho ang disenyo ng mga bahay nila. Ang patakaran kasi sa subdivision na iyon ay pipili lang ang residente ng isa sa apat na house models. Kahit lupa lang ang binili ng residente at siya na mismo ang magpapatayo ng bahay, hindi siya puwedeng lumayo sa apat na modelong iyon. Kunsabagay, makakatipid siya dahil kasama na sa bayad sa lupa ang plano para sa modelong mapipili niya.

        Pinakamaliit na modelo ‘yong sa mga bahay nila. Talagang iyon ang pinili ni Jigger dahil nga nag-iisa lang naman siya. Hindi pa muna niya inisip noon ang tungkol sa pag-aasawa’t pagpapamilya.

        Dahil nga parehong-pareho sila ng house model, loft din ang bedroom ni Jigger. Inookupa ang itaas ng kusina at kalahati ng komedor. Nakatunghay sa salas. May malalapad na upper windows na floor-to-ceiling, na ang isa’y katapat na katapat ng isa ring upper window ng loft ni Shaira.

        Sa halip na lagyan ng kurtina ang upper windows na iyon para sa privacy, naglagay lang si Jigger ng mga divider na kawayan na pantabing sa magkabila ng kama niya. Ayaw niyang takpan ang mga bintanang mainam na source ng natural light mula man sa buwan o sa araw.

         Nang gabing iyon, napatunayan ng binata na may isa pang bentahe ang mga divider niya. Natatakpan siya niyon pero sa mga siwang ng kawayan ay kitang-kita naman niya ang kabilang loft. Wala siyang kailangang gawin kundi ang mahiga nang nakaharap sa direksyong iyon.

        Ayaw niyang isiping pamboboso iyon. Ang katwiran niya, obvious na obvious naman kay Shaira ang exposure ng loft at ang pagkakatapat ng mga bintana nila. Bahala na itong gumawa ng paraan para magkaroon ng privacy. Kung gusto nito.

        Exciting para sa kanyang hintayin kung ano nga bang paraan ang maiisip ng dalaga.

        Hindi naman siya naghintay nang matagal. Hindi nagpuyat si Shaira sa harap ng computer. Bago mag-alas-diyes ng gabi ay pumanhik na ito matapos patayin ang ilaw sa ibaba ng bahay. Ang naiwang tanglaw ay ang corner hanging lamp sa pinakasulok ng loft. Sapat pa rin iyon para makita ni Jigger ang  halos lahat sa sleeping area.

        Walang kama kina Shaira. Isang malapad na mattress lang ang nakalatag sa sahig ng loft. Ini-imagine na ni Jigger kung paano matutulog doon ang dalaga. Malamang ay siya ang hindi makakatulog sa magdamag sa pagmamasid lang dito.

        Pero nabigo siya. Nasira ang kanyang magandang view.

        Simple lang ang naging solusyon ni Shaira. Tinakpan nito ng makapal na Ilocano blanket ang upper window na kaharap ng bahay niya.

        Hindi alam ni Jigger kung paano nito ginawa iyon dahil flat na flat ang pagkakalapat ng tela sa bintana. Naisip niyang baka ginamitan ng masking tape sa paligid.

        Nangingiting napailing na lang siya bago pumikit. 

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento