FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER
6
NAKATANGGAP
ng text message si Zeny mula kay Shaira.
“Met and had
breakfast with one of our new neighbors. Am doing fine. Don’t worry. Love to
all.”
“See?” tuwang-tuwang sabi ni William.
“Natututo na siya. Nakipagkilala na siya sa neighbors at nakumbidahan na agad
ng isang pamilya for breakfast. Kailangan lang talaga niyang magkaroon ng
distansiya sa atin para maging independent. Kaya hayaan na muna natin siya
roon. Huwag mo nang tatawagan at baka magsimula na namang ma-homesick iyon.”
Sinagot na lang ni Zeny ang text
message.
“Glad
to hear you’re all right. Happy about your bonding with our neighbors. Call us
if u need anything. Love from all of us.”
LALONG
sumaya si Shaira matapos matanggap ang text message na padala ng ina. Feeling
niya, may napatunayan na siya sa kanila.
Hindi
naman niya sinadyang magbigay ng maling impresyon sa mga magulang. Hindi rin niya inakalang iba pala ang naging interpretasyon ng mga ito
sa mensahe niya. Ni hindi nga niya napansin na ang salitang “neighbors” sa
message ni Zeny ay plural at hindi singular.
Nakatutok kasi ang atensyon ng dalaga sa
specific neighbor na iyon kahit nakabalik na siya sa sariling bahay.
May
ipinabaon pa si Jigger sa kanya na isang thermos ng brewed coffee, isang bote
ng fresh carabao’s milk at isang garapon ng brown sugar. Para raw siguradong magko-coffee
break siya at hindi magpapalipas ng gutom.
“At kailangang ipangako mo na
manananghalian ka,” sabi pa nito. “Okay na rin ‘yong sandwich basta samahan mo
ng gulay. May tomatoes, bell peppers at lettuce ka naman pala. Dalhin mo na
itong natitirang longganiza. Masarap ding palaman sa sandwich ito pag may
mayonnaise at salad vegetables.”
“Yes, your honor,” natatawang sagot niya
rito.
Napagkasunduan kasi nilang sa almusal at
hapunan na lang siya makikisabay kay Jigger sa pagkain. Nalaman niyang madalas
ay sa site na ito nanananghali. Iginiit niyang masyado nang inconvenient para
sa binata kung uuwi pa ito para maghanda ng lunch para sa kanilang dalawa.
Kakatwa ngang sa sandaling pagkakakilala
pa lang nila sa isa’t isa’y parang matagal na silang magkaibigan.
Nang nasa sariling bahay na’y
pinag-iisipan pa rin ni Shaira kung bakit ganoon kagaan ang pakiramdam niya kay
Jigger. At kung bakit hindi man lang nabawasan ang pagtingin niya rito kahit
noong nalaman niyang hindi ito isang college graduate.
Naisip niya, siguro dahil sa kabila ng
pagiging college dropout nito ay malakas ang tiwala ng binata sa sarili. May
ine-exude itong air of confidence na hindi naman kayabangan.
Wala
itong pangingiming makipagkaibigan sa kanya. Daring ito kung tutuusin — kabagu-bago
pa lang nilang magkakilala’y kinumbida na siya kanina for breakfast at ngayo’y
for daily breakfast and dinner pa — pero palibhasa sincere ang mga spontaneous
offers nito, hindi naging awkward ang sitwasyon sa pagitan nila.
Isa
pa, wala namang kinalaman si Jigger sa kanyang professional life. Hindi ito
kabilang sa academic circles kaya hindi niya ito kailangang hanapan ng academic
credentials.
Kampante na si Shaira na makakapagtrabaho
siya nang maayos dito sa Silang. Hindi na siya matatakot sa kanyang pag-iisa.
May bodyguard na siya, may cook pa, natatawang sabi niya sa sarili.
Pero
ang ikinatutuwa talaga niya’y sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon siya ng
maituturing niyang sariling kaibigan. Ngayon lang siya nagkaroon ng kaibigan na
hindi family friend o kasama sa university. Si Jigger ay maituturing niyang
personal friend.
Ibang usapan pa iyong nadarama niyang
atraksyon sa simpatikong binata.
Hindi na muna niya pag-iisipan iyon.
Basta’t enjoy siya sa company ni Jigger at halatang enjoy din ito sa company niya.
Sapat na iyon para maging inspirado siya sa kanyang pagtatrabaho.
INSPIRADO
rin si Jigger sa construction site. Hindi niya mapigil ang pamamalagi ng
maliwanag na ngiti sa kanyang mga labi.
Hindi kasi niya akalaing magiging ganoon
kadali ang pagiging close nila ni Shaira sa isa’t isa. Kagabi lang ay medyo
mailap pa ang dalaga.
Kanina, nagbakasakali lang talaga siya
sa pangungumbida rito sa almusal. Pinaghirapan niya ang paghahanda kahit wala
siyang kasiguruhan sa magiging sagot nito. Mabuti na lang at pumayag si Shaira.
Nasulit ang pagod niya.
Hanggang
doon lang naman ang paghahandang ginawa niya. Hanggang sa pagkain lang. Bahala
na kung ano ang pag-uusapan nila.
Nakakapagtaka ngang
kahit wala siyang karanasan sa pag-entertain ng babae ay naging masaya ang kanilang
kuwentuhan. Kung anu-ano lang naman ang pinag-usapan nila. Basta
dumaloy lang nang natural na para bang dati na silang magkaibigan.
Hindi rin niya
pinaghandaan ‘yong offer niya na ipagluto si Shaira ng almusal, tanghalian at
hapunan. Pero nang marinig niyang hindi ito sanay magluto, basta lumabas na
lang mula sa kanyang bibig ang ganoong alok. At talaga namang willing siyang
gawin iyon. Makaharap lang ito at makasalo sa bawat mealtime ay sapat nang
kabayaran sa efforts niya.
Ang ikinagulat niya’y napapayag niya ang
dalaga. Oo nga’t two out of three lang, hindi kasali ang pananghalian. Pero
okay na okay na iyon. Masayang-masaya na siya.
Pinaplano na nga niya kung anu-ano ang
mga iluluto niya. Masarap kasing ipagluto si Shaira. Hindi lang bola ang pagpuri
nito sa pagkain. Kitang-kita naman niyang magana ito kung kumain ng mga niluto
niya. Hindi ito tulad ng ibang babae na halos ayaw kumain dahil nagdidiyeta.
Kunsabagay, puwedeng-puwedeng kumain
nang kumain si Shaira dahil hindi naman ito mukhang tabain. Slim na slim ito.
Kaninang nakita niya ang kabuuang pigura
ng dalaga’y napatunayan niyang hindi siya nagkamali kagabi. Maganda nga ito
from head to foot. Willowy ang pangangatawan. Pati mga curves nito’y disimulado
lang. Mahahaba ang legs nitong may slim pero mabibilog na mga hita. Bagay na
bagay dito ang suot na capri leggings.
Pati
mukha nito’y mas maganda sa malapitan. Makinis ang kutis na walang bahid ng
makeup. Napakaganda ng mga matang malamlam at mapungay. Mamulamula ang mga
labing wala namang lipstick.
Si
Shaira ang tipo ng babaeng gugustuhin niyang unang-unang makita pagmulat ng mga
mata niya sa umaga at huling makita bago siya matulog sa gabi. Kahit bagong
gising ito’t hindi pa nakakapaghilamos ay siguradong walang kabawas-bawas ang
kagandahan ng dalaga. At kahit pagkatapos ng isang mahabang araw ay siguradong
fresh na fresh pa rin ito.
Ngayo’y
makukuntento na muna siyang makasama ito sa almusal at sa hapunan sa araw-araw.
Pero determinado si Jigger na hindi doon matatapos ang kanilang ugnayan.
ALAS-SINGKO’Y
medya pa lang ng hapon ay nakauwi na ang binata. Tumigil ito sa labas ng
bintana ni Shaira, may bitbit na grocery bags.
Agad namang tumayo ang dalaga para pagbuksan
sana ito ng pinto.
“Huwag na, huwag ka nang tumayo,” pang-aawat
ni Jigger. “Maghe-hello lang naman ako bago magsimulang magluto, e.”
“Magpahinga ka naman muna,” sabi ng
dalaga.
“Kasama na sa pagre-relax ko ito,” sagot
ni Jigger. “Simple lang naman ang ihahanda ko. Isasalang ko lang
sa oven itong chicken. Pagkatapos, gagawa ako ng fresh vegetable salad at saka
sopas.”
“Simple pa ba ang tawag mo
roon?” sabi ni Shaira.
“Madali lang iyon,” giit ni
Jigger. “Tatawagin na lang kita pag okay na.”
Masayang binalikan ni
Shaira ang kanyang ginagawa. Pakiramdam niya, alagang-alaga siya ni Jigger. Sa
kauna-unahang pagkakataon, may tao liban sa kanyang pamilya na nagbigay sa
kanya ng ganoong feeling of security.
Kahit pangalawang pamilya na ang turing
niya sa kanyang academic advisers, hindi ganito ang pakiramdam ni Shaira sa
piling nila. Professional ang relasyon niya sa kanyang mga mentors. At home
siya sa piling ng mga ito in the professional sense tulad ng kung paano siya
“at home” sa UP Math Department. Ang ibig sabihin lang niyon, kabisado na niya
ang expectations sa kanya ng mga tao at alam niya kung paano siya magtatrabaho
kasama ng mga ito.
Ibang-iba
naman ang pakiramdam niya sa piling ni Jigger. Para siyang nasa piling ng kanyang
mga magulang at kapatid. Pinangangalagaan nito ang kanyang personal comfort.
At mula kay
Jigger, walang pressure. Spoiled pa nga siya. Wala siyang kailangang gawin in
return.
Bonus pa na liban sa obvious ang
paghanga sa kanya ng binata ay nakadarama rin siya ng kakaibang excitement
makita at makasama lang ito.
Tinapos na rin ni Shaira ang kanyang
ginagawa sa computer. Pinatay na niya ang iMac. Pumanhik siya sa loft at kumuha
ng bihisan. Pagkatapos, nagkulong siya sa banyo.
Gusto niyang presko siya paglipat niya
sa kabilang bahay. Pinili nga niya nang mabuti ang kanyang isusuot. Kulay khaki
na walking shorts at light pink t-shirt. Dahil maluwang ang kanyang top,
nagpasya siyang i-tuck in ito sa kanyang shorts. At least, makikita ang
balingkinitan niyang waistline.
Ngayon lang naging mahalaga kay Shaira
na maipakita ang kanyang personal attributes. Dati, kung hindi man wala siyang
pakialam ay lalo pa nga niyang dinidisimula ang kanyang attractiveness. Ayaw
kasi niyang iyon ang napapansin ng kanyang mga estudyante sa halip na ang
kanyang itinuturong lesson.
Pero may malaking limitasyon pa rin ang
dalaga. Gustuhin man niya’y sadyang wala siyang maisusuot na mga maituturing na
attractive na outfits. Walang ganoon sa
kanyang wardrobe. Kaya pagtiyatiyagaan na lang niya ang kung ano ang mayroon
siya.
Kunsabagay, hindi rin naman
talaga siya sanay na magpaganda. Baka hindi rin niya kayang dalhin. Nakuntento na
lang si Shaira sa pagiging bagong paligo’t pagkabangu-bango.
Handa
na siya nang kumatok si Jigger.
“Dinner is served, Miss
Montelibano,” nakangiting pahayag nito nang pagbuksan niya ng pinto.
Bagong-paligo at bagong-bihis din ang
binata. Preskung-preskong tingnan sa suot na dark blue shorts at striped red
and yellow t-shirt. Hindi halatang katatapos lang na maghanda ng hapunan. Lalo
tuloy bumilib dito si Shaira.
Hindi rin naman naging useless ang
paghahanda ng dalaga. Kitang-kita niyang umilaw ang mga mata ni Jigger nang
hagurin siya nito nang tingin. Obvious na naa-appreciate nito ang kanyang
get-up.
Sabay silang lumipat sa kabilang bahay.
Habang pinagsasaluhan ang fresh
vegetable salad, mainit pang sopas at bagong hangong roast chicken, may niliwanag
si Jigger kay Shaira.
“Katatapos mo pa lang siguro sa iyong doctorate
ano?” sabi nito. “Bale first year of teaching mo ba ito?”
“Actually, mahigit six years na akong
nagtuturo sa UP,” sagot niya.
Nagtaka si Jigger.
“Bakit, ilang taon ka na ba?” bulalas
tuloy nito. “I mean, I’m sorry, pero sa tingin ko kasi mga twenty-one ka lang.”
“Hindi naman,” iling ni Shaira.
“Twenty-three na ako.”
“Two years younger ka pa rin sa akin,”
sabi ni Jigger. “Paanong six years ka nang nagtuturo? Alangan
namang seventeen ka pa lang, nagtuturo ka na.”
Napabuntonghininga ang
dalaga. Ito na nga ba ang kinatatakutan niya. Madalas kasi, kapag nalalaman ng
mga tao ang tungkol sa kakaibang pagkatao niya, naiilang na ang mga ito sa
kanya.
Pero hindi naman siya sanay
na magsinungaling. Isa pa’y gusto rin niyang malaman kung ano ang magiging reaksyon
ni Jigger sa katotohanan.
“Ganito kasi iyon, e,”
pagsisimula niya.
At ikinuwento nga niya rito ang lahat.
Sinimulan niya sa pagkakadiskubre ng mga magulang niya sa kanyang giftedness
noong baby pa siya.
Pero wala namang ipinakitang pagkaasiwa si
Jigger pagkatapos ng kanyang salaysay. Mas mukha pa nga itong concerned sa
kanya sa kung anong dahilan.
“Ibig mong sabihin, hindi ka nakaranas
ng regular school except noong nasa States ka?” sabi ng binata. “Hindi mo
naranasan na magkaroon ng mga classmates na kaedad mo? Wala kang mga kaibigan o
kabarkada?”
“Kahit naman noong nasa MIT ako,
youngest pa rin ako sa graduate school,” sagot niya. “Fifteen going on sixteen
lang ako noon. At saka special program din ‘yong pinasok ko. Bibihira doon ang
nakakatapos ng doctorate sa loob lang ng isang taon. Kahit saan naman yata,
talagang weirdo ako. Feeling ko tuloy, I never fit in. Kaya rin hindi ako
naging friendly.”
Sa kauna-unahang pagkakataon din, naamin
ito ni Shaira sa ibang tao. Ni sa sarili niyang pamilya ay hindi niya
inilalabas ang ganitong mga hinaing. Nag-aalala kasi
siyang baka mag-worry nang husto ang kanyang mga magulang.
“Nasa sa iyo rin naman
iyon, e,” tugon ni Jigger. “Kung ako ang tatanungin mo, wala kang dapat
problemahin. Puwede kang mag-fit-in kahit saan. Genius ka nga pero normal na
tao ka pa rin katulad naming lahat. Sabi mo nga, ikaw lang itong umaayaw noon
pa na makisalamuha sa ibang ka-age group mo.”
“Iyon naman kasing mga
extra-curricular classes na pinagdadalhan noon sa akin nina Mommy, hindi ko
type,” amin pa uli ng dalaga. “Noong mga panahong iyon, habang lumalaki ako,
ang gusto ko lang talagang gawin ay magbasa nang magbasa at mag-aral nang
mag-aral. Hangga’t may nakikita akong libro o subject matter na hindi ko pa
nakakabisa, hindi ako mapakali. Para bang mauubusan ako ng oras. Gustung-gusto
kong malaman ang lahat-lahat mula sa larangan ng literature hanggang philosophy
at lalung-lalo na sa math and sciences.”
“Kaya wala ka nang panahon sa mga tao,”
dugtong ni Jigger.
“Lalo na sa mga hindi nakakaintindi sa
akin,” sagot niya. “Pero noon iyon. Nitong nagkakaedad na ako, unti-unti na rin
yata akong nag-mellow. Hindi na ako ganoon ka-hyper sa pag-aaral. Isa pa, na-focus
na kasi ako sa iisang subject matter — sa Mathematics. Hindi ko na inaambisyong
maging eksperto sa lahat ng fields.”
“Hindi ka ba nanghihinayang sa mga hindi
mo naranasan sa childhood mo?” tanong ni Jigger. “Katulad ng paglalaro na
kasama ng ibang bata.”
“Nakakalaro ko rin naman noon ang mga
kapatid ko,” sagot ni Shaira. “Hindi nga lang
madalas. May kanya-kanya rin kasi kaming mga hilig. Parang mas masaya kami noon
na magkakasama nga pero may kanya-kanya namang ginagawa.”
“Napakaseryoso naman ng naging
lifestyle mo,” iling ni Jigger.
“Actually, these past
few days ko nga lang na-experience ang makipaglaro sa mga bata,” natatawang
pagkukuwento ng dalaga. “Dumating kasi sa amin ang mga pamangkin kong
balikbayan — five years old, four at three. Ang
iingay at ang kukulit. Pero ang sarap palang makipaglaro sa kanila.”
“Marami pang masarap
gawin sa buhay,” sagot ni Jigger. “Hindi ka dapat magpatali sa puro pag-aaral
at pagtatrabaho na lang. Kailangang maglaan ka
rin ng oras para sa ibang bagay. Ngayong nakikita mo nang may imbalance sa buhay
mo, puwede mo nang gawa’n ng paraan para maituwid iyan.”
“Like how?” nakataas ang kilay na tanong
niya.
“Sisimulan natin after dinner,” sagot ni
Jigger.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento