Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 7

AKALA ni Shaira ay kung ano na ang binabalak ni Jigger. Yayayain lang naman pala siya nito na maglakad-lakad sa paligid ng subdivision.

        “Masarap maglakad-lakad dito sa gabi, pagkakain,” sabi ng binata habang sinisimulan na nila ang pamamasyal. “Nakakatulong na sa digestion, nakaka-relax pa. Masarap ang simoy ng hangin, presko at hindi polluted. Mapapanood mo pa ang kalangitan, mas malinaw dito kaysa sa Maynila. Mas maliwanag ang buwan at mga bituin.”

        “Actually, the last time yata na pinanood ko ang kalangitan sa Maynila ay noong three years old pa ako,” sagot ni Shaira habang nakatingala. “Pinag-aaralan ko kasi noon ang astronomy.”

        Natawa si Jigger.

        “Ako, hindi ko kabisado ang mga pangalan o posisyon ng mga bituin o iba pang heavenly bodies,” amin nito. “Pero nag-e-enjoy akong titigan lang ang langit sa gabi.”

        “Maganda naman talaga,” sang-ayon ng dalaga. “Alam ko naman iyon, e. Hindi ko lang nabibigyan ng panahon. Ngayon ko lang uli siya na-enjoy.”

        “Nandiyan lang naman ang langit every night,” sabi ni Jigger. “Libre para sa sinumang may panahong tumingala. Isa iyan sa mga libreng kasiyahan ko kahit noong mga panahong walang-wala pa ako.”

        Napatingin si Shaira sa binata.

        “Magkuwento ka naman,” sabi niya. “Pakonti-konti pa lang ‘yong mga nababanggit mo sa akin tungkol sa buhay mo. Ako, naikuwento ko na sa iyo ang buong buhay ko.”

        “Magkaibang-magkaiba ang mga karanasan natin,” iling ni Jigger.

        At nagkuwento nga ito.

        “Bakit hindi mo na lang itinuloy ang pag-aaral mo?” tanong ni Shaira pagkatapos. “May sponsor ka naman pala.”

        “Iba na kasi noong wala na si Tatay,” malungkot na sagot ng binata. “Na-depress ako nang husto. Pakiramdam ko noon, gusto kong magbabad sa construction site kasi doon ko nararamdaman na parang kasama ko pa rin siya.”

        Humugot ito ng malalim na buntonghininga, halatang emosyonal pa rin.

        “Alam ko namang mali ang desisyon kong iyon, e,” pagpapatuloy ni Jigger. “Sinuwerte lang ako na nabigyan pa rin ako ng pagkakataong magtagumpay kahit hindi nakapagtapos. Ang maipagmamalaki ko naman, hindi ko sinayang ang panahon. Kahit noong wala na ako sa eskuwela, tuluy-tuloy ang self-study ko sa trabaho. Kinukulit ko ‘yong mga architect at engineer namin, tanong ako nang tanong tungkol sa ginagawa nila. Sinikap kong pagtagpuin ‘yong kaalaman ng mga workers at ‘yong kaalaman ng mga arkitekto at inhinyero. Hanggang ngayon nga, tuluy-tuloy pa rin ang pag-aaral ko. Bumibili na rin ako ng mga libro. Binabasa ko sa bahay.”

        “Baka pag nag-enrol ka uli, maipasa mo na nang walang ka-effort-effort ang Architecture,” sabi ni Shaira. “Baka nga puwede ka na ring kumuha ng board exam. Bakit hindi mo balikan? Kaya mo na ngayon, financially. Sayang naman. Ayaw mo bang may kakabit nang diploma at lisensiya ang nalalaman mo?”

        “Hindi ko na iniisip iyon,” iling ni Jigger. “Mapapabayaan ko itong mga project ko kung aasikasuhin ko pa iyon. Marami-rami na ring mga pamilyang umaasa dito sa maliit kong kompanya — iyong mga pamilya ng mga workers ko. Damayan kaming lahat dito. Hindi ko sila puwedeng iwanan. Kaya nga nagsusumikap ako na palaguin pa itong business na ito, e. Para pare-pareho rin kaming umasenso. Para iyong mga magiging anak namin, makapag-aral na nang dire-diretso. Iyong mga diploma na lang nila ang ikararangal ko.”

        Sa mga sandaling iyon, humanga si Shaira nang husto kay Jigger. Nakita niya sa binata ang ideyalismong laging ipinakikipaglaban ng kanyang mga magulang.

        Akala niya noon, sa pamantasan lang niya matatagpuan ang ganoong prinsipyo ng pagmamalasakit sa kapwa. Hindi niya akalaing makikita pala niya iyon nang mas konkreto sa labas. At kay Jigger pa na hindi college graduate.

        Idinaan siya ng binata sa kasalukuyan nitong construction project sa loob ng subdivision. Ipinakilala siya sa mga trabahanteng naroroon.

        Lalong naantig ang damdamin ni Shaira nang makitang parang kabarkada ang turing ng binata sa mga trabahador nito. Hindi nga pala ito nagkukunwari.

        “Bakit dito mo naisipang bumili ng lupa at magpatayo ng bahay?” tanong niya kay Jigger nang makaalis sila sa site.

        “Sa lahat kasi ng subdivision na napagtrabahuhan namin, dito mura at maganda ang surroundings,” sagot ng binata. “Liban dito sa property ko, natulungan ko rin ang mga kasamahan ko na makakuha ng lupa diyan sa malapit. Tinapyas lang na lupa mula sa isang farm. Napakiusapan namin ang may-ari. Hati-hati itong mga tao ko sa pagbabayad. Tinutulungan ko sila. Pinagtulungan din naming ipagpatayo sila ng mga bahay. Isa para sa bawat pamilya. Basic lang muna. Tabi-tabi. Saka na lang unti-unting aayusin. Ang mahalaga, nakakapagtanim ng gulay ang mga misis nila sa paligid. May malapit ding public school para sa mga bata. At kapag napalayo ang susunod na construction site namin, safe silang maiiwan diyan. Nairaraos namin ang pamumuhay nila nang mas maayos kaysa noong araw. Ang tawag yata sa ganitong sistema sa big business, profit-sharing. Ako, ang tingin ko rito, bayanihan lang.”

        “Mas makulay nga nang di hamak ang buhay mo kaysa sa akin,” sabi ni Shaira.

        “E di kulayan natin ang buhay mo,” sagot ni Jigger.

        “Ha?” kinakabahang sabi ng dalaga. “A-Ano’ng ibig mong sabihin?”

        “Mag-enjoy ka naman, katulad ngayon,” paliwanag ni Jigger. “Sabi mo nga sa akin, ang routine mo mula paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi, puro aral at trabaho na lang. Sa campus man o sa bahay, computer at libro pa rin ang kaharap mo. Masama iyan. Baka masiraan ka ng ulo niyan.”

        Natawa si Shaira.

        “Sobra ka naman,” sabi niya.

        “Seryoso ako,” giit ni Jigger. “Ganito ang gawin natin, ha? Iyong trabaho mo, lagyan natin ng takdang oras gaya ng trabaho ko sa construction. Pag oras ng pagkain, kumain ka. Before and after work, kailangang may personal time ka. Gaya nitong ginagawa natin ngayon. Sa umaga, dapat ganito rin. Sumabay ka sa akin na mag-jogging.”

        “Hindi ko kaya iyon,” iling agad ng dalaga. “Hindi ako athletic.”

        “Ano ba ang exercise routine mo?” tanong ni Jigger.

        “Ang totoo niyan, wala,” amin niya. “Paminsan-minsan, kaunting stretching at calisthenics. Ganoon lang.”

        “Naku, tatanda ka agad niyan,” sabi ng binata. “Sayang naman iyang ganda mo kung hindi mo aalagaan.”

        Namula si Shaira.

        “Alam ko naman na kailangan ko ng exercise,” sagot niya. “Alam ko ang lahat ng consequences ng aking sedentary lifestyle. Kasama iyan sa mga napag-aralan ko. Hindi lang talaga ako nasanay sa sports. At saka hindi ko mabigyan ng oras ang regular exercise.”

        “So hindi natin bibiglain,” sabi ni Jigger. “Puwede tayong magsimula sa ganito. Walking. Sa umaga nga lang, kailangang mas mabilis na ang pace natin. Hindi tulad ngayong walking under the moonlight.”

        Natawa uli si Shaira.

       

MADALING nakapag-establish ng regular routine sina Shaira at Jigger.

Tuwing umaga, nauunang lumabas ang binata — alas-kuwatro pa lang — para makapag-jogging nang isang oras. Bandang alas-singko, sinusundo na nito si Shaira. Kasabay na ng winding down ng binata ang isang oras naman nilang brisk walking sa paligid ng subdivision.

Alas-sais, umuuwi na sila sa kanya-kanyang bahay para makapaligo’t makapagbihis. Pagkatapos, lumilipat si Shaira sa unit ni Jigger para tumulong sa paghahanda nito ng almusal.

Kadalasan ay sa paghahain lang naman natotoka ang dalaga. Pero sa pagliligpit at paghuhugas ng pinggan ay hindi na talaga siya nagpapaawat. At dahil ayaw din namang iiwan ni Jigger sa kanya ang gawain, nagtutulong na lang sila.

Bandang alas-otso ay patungo na ang binata sa construction site. Nakaupo naman si Shaira sa harap ng kanyang computer.

Sa hapon, napagkasunduan nilang susunduin ni Jigger si Shaira pagkagaling ng binata sa trabaho. Ipinilit kasi ng dalaga na kailangang kasama na siya sa pamimili nito ng iluluto.

“Kailangan, payagan mo akong mag-contribute,” sabi niya. “Hindi ako papayag na wala akong share sa cost ng pagkain natin. Isa pa, gusto ko siyempre na kasama rin ako sa pagpaplano ng menu, ano.”

“O sige na nga,” sagot ni Jigger. “At least, masisiguro kong iiwanan mo na ang trabaho mo by that time.”

Kung tutuusin, tag-along lang naman talaga si Shaira sa pamimili. Hindi naman siya marunong pumili ng karneng baboy, karneng baka, manok o seafood. Hindi rin niya alam kung anu-anong mga gulay ang bagay sa anu-anong mga ulam. Si Jigger ang mas nakakaalam sa mga iyon. Pero enjoy siya na magkasama silang namimili.

Pagbalik nila, sinasamahan niya si Jigger sa paghahanda nito ng hapunan. Hindi man siya makatulong dito dahil ni hindi siya marunong maghiwa ng karne o gulay nang hindi iyon nalalamog o nagkakandadurog, bumabawi na lang siya sa pakikinig sa mga kuwento ng binata at pagtawa sa mga jokes nito.

        Pagkatapos ng hapunan, nagtutulungan uli sila sa pagliligpit at paghuhugas ng mga pinaglutuan at pinagkanan bago naglalakad-lakad sa paligid ng subdivision.

        Pagdating ng Linggo, eksaktong one week magmula nang una silang magkakilala, niyaya ni Jigger si Shaira na magsimba. Sa Tagaytay na sila nananghalian pagkatapos ng misa.

        “O, saan mo gustong mamasyal?” tanong ng binata pagkakain nila. “May magagandang golf course dito. Gusto mong puntahan?”

        “Palalakarin mo na naman ako nang pagkalayu-layo?” nakangiwing sagot niya. “Ayoko na. Every morning and every night na nga ang walking natin, dadagdagan mo pa? Gusto ko lang talagang magpahinga ngayon.”

        “Ano kaya kung humiram tayo ng tapes at doon natin panoorin sa bahay?” suhestiyon ni Jigger. “Puwede tayong magbaon ng sitsirya. Di para na rin tayong nasa sinehan. Triple program pa kung gusto mo.”

        “Sige,” mabilis na sang-ayon ni Shaira. “Matagal na rin nga akong hindi nakakapanood ng tapes.”

        Nang pumipili na sila, talagang iniwasan niya ang mga romantic movies. Ayaw niyang magkaroon sila ng awkward moments habang nanonood. Ang napagkasunduan nilang hiramin ay Bicentennial Man ni Robin Williams, MI2 ni Tom Cruise at Charlie’s Angels nina Cameron Diaz at Drew Barrymore. Pagkatapos niyon, dumaan sila sa supermarket para bumili ng sangkatutak at iba’t ibang klase ng chips at softdrinks.

        Katapustapusan, hindi na nila nagawang maghapunan. Inawat na ni Shaira si Jigger sa pagluluto dahil nasobrahan na sila sa halu-halong sitsirya.

        “Uuwi na lang ako’t matutulog,” sabi niya. “Nahihilo na ako sa dami ng pinanood natin at sa dami ng junk food na nasa system ko. Grabe. Bukas, siguradong bloated na ako. Panay MSG ‘yong mga pinagkakain natin. Hindi na ako uulit.”

        “Hindi bale, babawi naman tayo sa walking,” sagot ni Jigger. “Teka nga pala, mag-walking muna tayo bago ka umuwi.”

        “Are you crazy?” irap ni Shaira. “No way, Don Diego. This is my day off. Good night.”

        Tawa nang tawa ang binata sa kanya.

        “O sige, pagbibigyan kita ngayon,” sabi nito. “Pero bukas ng umaga, kakalampagin kita kung hindi ka pa ready by five. Kailangang ilakad mo itong mga kinain mo para nga hindi ka maging bloated. Sige, ikaw rin, baka masira ang figure mo.”

        “He!” irap niya uli dito bago siya tumalikod.

        “Hintay, ihahatid na kita,” habol ni Jigger.      

       

NAKANGITI si Shaira habang nakahiga. Hindi na baleng masakit ang tiyan niya sa dami ng nakaing chips at nainom na softdrinks. Sulit pa rin.

        Hindi siya dati umiinom ng softdrinks, panay juice lang o iced tea. Umiiwas din siya sa junk food. Pero kanina, kinalimutan muna niya ang mga bawal. Sumige siya. At nag-enjoy nang husto. Feeling niya, para uli siyang teenager.

        Iyon ang gustung-gusto niya kapag kasama niya si Jigger. Nagagawa niya ang mga bagay na hindi niya dati naiisipang gawin.

        Kahit sa pamilya ay hindi niya noon nagagawang makapag-let-go nang ganoon. Iyong kakalimutan muna niya ang kanyang mga self-made rules, ang kanyang mga dapat. Madalas nga siya mabansagang killjoy ng kanyang mga kapatid.

        Iba nga yata talaga ang bonding nila ni Jigger. Ganito siguro ang may kabarkada, naisip niya. Ang may best friend.

        Kampante siya na hindi naman siya pababayaan ni Jigger. Kita mo nga, bukas na bukas din ay hahatakin na uli siya nitong mag-ehersisyo para mabawi ang kanilang pagpi-pig-out kanina.

        Ah, pero bukas pa iyon. Bukas na siya babawi, katulad ng bukas pa uli siya magtatrabaho. Sa nalalabing mga oras ng gabing ito, nanamnamin pa muna niya ang kalayaang ngayon pa lang niya natitikman. Nanamnamin pa muna niya ang sarap ng paglihis sa mga dapat.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento