Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 9

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 9

 

NAGISING si Shaira sa sunod-sunod na malalakas na katok at pagtawag sa pangalan niya. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon.

        Nagmamadaling ginising niya si Jigger.

        “May kumakatok,” bulong niya nang dumilat ito.

        Napabalikwas ang binata, nakikiramdam.

        “Daddy mo?” tanong nito. “Kakausapin ko.”

        “Hindi,” iling ni Shaira habang bumabangon na’t nagsisimulang magbihis nang mabilisan. “Boss ko, si Dr. Malabanot. Bababa ako. Dito ka lang, ha?”

        “Ano’ng oras na ba?” tanong ni Jigger habang bumabangon din at nagsisimulang magbihis.

        “Four-thirty,” sagot niya. “Mga isang oras din pala tayong nakatulog.”

        “Ako na kaya’ng magbubukas sa ibaba para makapag-freshen up ka muna,” pagboboluntaryo ng binata.

        “Huwag na, dito ka na lang,” tanggi ni Shaira. “Sandali lang ito.”

        Ang totoo niyon, nanlalamig siya’t nangangatal ang buo niyang katawan habang papababa ng hagdan. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig kaninang pagkarinig niya sa boses ni Dr. Malabanot.

        Alanganin ang ngiti ni Shaira nang pagbuksan niya ng pinto ang propesor.

        “Come in, Sir,” sabi niya. “Pasensiya na kayo kung natagalan ako. Nasa itaas kasi ako kanina.”

        “Natutulog,” dugtong ni Dr. Malabanot. “Kunsabagay, it’s Sunday. Akala ko lang kasi, mina-maximize mo ang mga araw mo rito. Kaya ka nga nagpa-exile dito, hindi ba?”

        Pagpasok ay tuluy-tuloy na ito sa kinaroroonan ng computer niya.

        “Maganda naman ang progress ko, Sir,” hangos na paliwanag ni Shaira habang nakabuntot dito. “I’ve been working hard on the theory every day, Monday to Saturday. Inspirado nga ako, e.”

        “Aba dapat lang,” malakas ang boses na sagot ni Elmer Malabanot. “Trabaho mo ito, hindi puwedeng hindi ka inspirado. That would be irresponsible of you. At saka one month ka nang narito. By now, I should expect substantial output from you. Don’t tell me you’ve been deteriorating already. Aba, hindi dapat bumaba ang standards mo sa pagtatrabaho just because you’re away from your boss.”

        “Yes, Sir,” parang basang sisiw na sagot niya. “I know, Sir.”

        “Turn this computer on,” utos ni Dr. Malabanot. “I want to see what you’ve done so far.”

        “Of course, Sir,” mabilis na sagot ng dalaga.

        Pero habang sinisimulan pa lang niyang paandarin ang kanyang transformer at uninterrupted power supply ay muli na namang dumagundong ang boses ni Dr. Malabanot.

        “And who is this man?” parang nanghahamong tanong nito.

        Paglingon ni Shaira ay nakita niyang papababa ng hagdan si Jigger, masama ang tingin sa boss niya. Parang handang manugod.

        Obvious sa ayos ni Jigger na kababangon lang din nito mula sa higaan, tulad niya.

        Agad na dumiretso nang tayo si Shaira at pumagitna sa dalawang lalaki.

        “Ahm...Sir, si Jigger,” sabi niya. “Jigger, si Dr. Malabanot.”

         “Wala naman hong ibang ginagawa si Shaira tuwing office hours kundi ang magtrabaho,” dire-diretsong pahayag ni Jigger. “Hindi naman niya pinapabayaan ang project niya.”

        “Wala kang kinalaman dito kaya wala kang alam sa sinasabi mo,” sagot ni Dr. Malabanot. “In the first place, this is my project not hers.”

        At tinapunan nito ng galit na tingin ang dalaga.

        “Hindi ko akalaing you’ll stoop to this level, Shaira,” sabi ni Elmer. “Nahiwalay ka lang nang sandali sa amin at sa pamilya mo, nagpaka-imoral ka na. Pumatol ka na sa kung sinong lalaking ito na inabutan mo rito. Ni hindi ka na nag-isip.”

        “Aba’t...,” nanggagalaiting sagot ni Jigger.

        Susugod na talaga ito kung hindi lang niyakap ni Shaira nang paawat.

        “Tingnan mo ang klase ng lalaking pinatulan mo,” parang panunuya pa ni Dr. Malabanot. “Puwede ba, Shaira, tapusin mo na ang kalokohang ito. Magbalot ka na. Umuwi ka na sa inyo ngayon din. Bukas, gusto kong makuha ang lahat ng output mo so far. I don’t even know if I can still trust you to continue with this project. Depende iyon sa ibibigay mong materyales sa akin. So, you better make sure that you have finished the most important parts of the manuscript.”

        Tumango ang dalaga.

        “Y-Yes, Sir,” sagot niya.

        “I’m going straight to your parents so you also better make sure na kasunod na kita within an hour,” dagdag ni Elmer. “Kung hindi ay siguradong si William naman ang darating dito para kastiguhin ka at ang lalaking ito.”

        Pagkasabi niyon ay mabilis nang umalis si Dr. Malabanot. Narinig pa nila ang pagharurot ng kotse nito sa daan.

        “Ano ba’ng klase ng tao ‘yong boss mo?” galit na bulalas ni Jigger.

        Galit ding binitiwan ito ni Shaira nang masigurong wala na ang gusto nitong awayin.

        “Bakit ba kasi bumaba ka pa?” sumbat niya sa binata. “Sabi ko naman sa iyo, doon ka na lang sa itaas. Hindi ka na sana nakialam para hindi nagkagulo nang ganito.”

        “Narinig ko kung paano ka niya kinakausap kaya sumali na ako,” sagot ni Jigger. “Aba, hindi ako papayag na ganoonin ka ng kahit sino. Ikaw, bakit ka pumapayag? Masyado ka na niyang inaapakan, a.”

        “Ganoon lang talaga si Dr. Malabanot,” pilit na pagpapaliwanag ni Shaira. “Hindi lang siya maintindihan ng mga hindi katulad niya. Genius kasi siya kaya eccentric.”

        “Ah, hindi ko siya naiintindihan dahil hindi ako genius,” sarkastikong pakli ni Jigger. “Oo nga naman. Sino ba naman kasi ako?”

        Lalong uminit ang ulo ni Shaira.

        “Boss ko siya, okay?” sabi niya. “Project niya ito. Sa kanya nakasalalay ang lahat ng pinaghirapan ko. Pag nawala sa akin ito...”

        “Iyan pa nga, e,” sabad ni Jigger. “Ilang araw ko nang pinag-iisipan iyan magmula nang ipaliwanag mo sa akin itong ginagawa ninyo. Tinatantiya ko pa lang sana kung paano ko sasabihin sa iyo. Mabuti na rin at nangyari ito. Mas luminaw ang picture.

“Ang pagkakaintindi ko, ikaw ang nakadiskubre niyang theory na dinedevelop mo. Kahit pa sabihin mong mentor mo siya, sarili mo pa ring discovery iyan. Kung dati na niyang alam iyan, dapat noon pa niya inihingi ng grant. Dapat, noon pa niya iginawa ng libro.

“Pero tingnan mo, ikaw pa rin ang pinagagawa niya ngayon ng mismong manuscript. Papasadahan na lang niya pagkatapos. Ang tingin ko, niloloko ka niya. Ginagamit ka. Ninanakaw ang discovery mo. At ngayong nakilala ko na siya, nakita kong siya ang tipo ng tao na kaya ngang gumawa ng ganoon. Inaapi ka na niya, pinagnanakawan ka pa ng intellectual property mo.”

Napamulagat si Shaira. Pagkatapos, nagpakailing-iling.

“Hindi mo alam ang sinasabi mo,” sagot niya. “Huwag ka na lang makialam sa hindi mo naiintindihan. Lalo lang nagugulo ang sitwasyon, e. Naririndi na ako.”

Nagtaas ng palad si Jigger.

“Huwag kang magpapagitla sa kanya,” sabi ng binata. “Kung worried ka sa magiging reaction ng parents mo sa atin, huwag mong alalahanin iyon. Haharap ako sa kanila. Kakausapin ko sila.”

Pagkarinig uli ng pagbanggit ni Jigger sa mga magulang niya, tuluyan nang gumuho ang kontrol ni Shaira. Pakiramdam niya, nanlalaki na ang ulo niya. Malapit nang sumabog.

“No!” sigaw niya. “No! Tama na! Ayoko na! Ayoko na!”

Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Itinakip niya sa magkabilang tainga ang kanyang mga palad.

“Shaira...,” sabi ni Jigger.

Nang maramdaman niya ang mga bisig nitong nagtatangkang yumakap sa kanya, nagpumiglas ang dalaga. Halos hysterical na nagsisisigaw siya’t nagtatatakbo patungo sa banyo.

“No! No!” paulit-ulit na sabi niya.

 

NAPATDA si Jigger. Hindi niya maintindihan kung bakit sa kanya ngayon nagre-react nang ganito si Shaira.

        Sumunod siya sa banyo.

        “Shaira...” tawag uli niya habang sinusubukang buksan ang pinto.

        Naka-lock iyon.

        “Leave me alone,” sigaw pa rin ng dalaga mula sa loob.

        Kinakabahan na si Jigger sa tono ng pananalita nito. Kahit noong nalasing si Shaira ay hindi umabot sa ganito. Ngayo’y sobra ang tensyon ng dalaga. Parang naghihisterya na.

        Gusto niya itong yakapin, pakalmahin sa kanyang mga bisig. Gusto niyang ibigay dito ang kanyang lakas, ang kahit na anong tulong na magagawa niya. Pero bakit itinataboy pa siya ni Shaira?

        Gustuhin man niyang damayan ito’y ano pa ngayon ang magagawa niya? Nagpasya si Jigger na dumistansiya muna nang kaunti para mabigyan ang dalaga ng pagkakataong kumalma.

        Masamang-masama ang loob ng binata. Ang alam kasi niya, wala naman siyang kasalanan. Nagtangka lang siyang protektahan ang babaeng mahal niya.

        Hindi nga ba’t ganoon ang nagmamahalan? At kanina, noong dadalawa pa lang sila, akala niya’y napatunayan na niyang mahal din siya ni Shaira. 

Bakit biglang nag-iba ang sitwasyon pagdating ng Dr. Malabanot na iyon?

        Dati nang naikuwento sa kanya ni Shaira ang tungkol sa iniidolo nitong propesor. Kamuntik na nga siya noong magselos kung hindi lang niya nalaman ang edad ni Dr. Malabanot.

Pero ngayo’y mukhang kailangan niyang pag-isipang muli ang mga bagay-bagay. Hindi nga kaya mas matimbang ang pagtingin ni Shaira sa matandang iyon kaysa sa kanya? Bakit handa itong magbulagbulagan sa katotohanan para lang mapagbigyan si Dr. Malabanot?

        At siya, hindi na siya pinakikinggan ni Shaira. Basta na lang binalewala ang ipinapaliwanag niya. Dahil kaya hindi siya matatawag na genius? Dahil hindi siya “brilliant” tulad ng kung paano inilalarawan ni Shaira ang matandang iyon?

        Panandaliang silakbo lang ba ng damdamin ang namagitan sa kanila kanina?

        Nagsisikip ang dibdib ni Jigger, parang sasabog sa matinding sama ng loob.

 

UNTI-UNTI ang naging paghupa ng panic attack ni Shaira. Maya-maya’y nagawa na niyang pabagalin ang kanyang paghinga.

        Nakaupo siya sa sahig ng banyo, nakasandal sa pinto nito, yakap ang sariling mga tuhod.

        “Isa-isa lang muna,” sabi niya sa sarili. Hindi siya dapat malunod sa mga pangyayari.

        Si Dr. Malabanot. Maisip lang ito’y nagsimula na namang mangatal ang kanyang mga kamay. Kung bakit naman kasi ganoon na lang kalakas ang impluwensiya sa kanya ng propesor niyang iyon.

        Pero kanina, nang muli niyang makita si Dr. Elmer Malabanot, may pagkakaiba na. Nandidiri na siya sa alaalang minsan niyang inasam na maging Mrs. Malabanot. Na maging ina ng mga anak nito.

        Noon kasi, hindi pa konkreto sa kanya ang tunay na kahulugan ng pagiging mag-asawa. Ng pagbubuo ng mga anak. Para lang iyong isang scientific experiment sa kanyang utak. Hindi tumatalab ang mga implikasyon niyon sa kanyang kamalayan.

        Hanggang sa nakilala niya si Jigger. Saka lang siya nagising sa napakaraming katotohanan.

        Kaya kanina, nang pagbuksan niya ng pinto si Dr. Malabanot, ganoon na lang ang nadama niyang pagka-guilty. Simpleng boss na lang kasi ang tingin niya sa dati niyang idol. Naalis na ito sa pedestal.

        Kaya nga halos doblehin niya ang pagbibigay-galang dito. Bumabawi lang siya. Isa pa’y hindi pa rin naman maiaalis ang propesyunal niyang paghanga kay Dr. Malabanot. Mahalaga pa rin sa kanya ang respeto nito sa kanyang kapasidad.

        Na bigla na lamang nawasak nang madiskubre nito ang tungkol sa kanila ni Jigger. Iyon ang mas nakayanig kay Shaira. Ang pagkasira ng kredibilidad niya sa mga mata ni Dr. Elmer Malabanot. Ang mga akusasyon nito sa kanya.

        At hindi pa nga niya alam kung paano niya makakayanan iyon ay inihain naman sa kanya ni Jigger ang isa pang akusasyon — this time, laban sa propesor. Na niloloko siya nito. Pinagnanakawan ng intellectual property.

        Hindi niya matanggap. Ni ayaw sana niyang isipin. Huwag naman iyon. Ang sakit-sakit naman niyon.

        Pero kaya nga masakit ay dahil habang isinisiwalat pa lamang ni Jigger ang opinyon nito’y rumerehistro na sa isip niya na tama ang binata. Na naging napakatanga niya all this time. Harap-harapan na siyang pinagsasamantalahan professionally ni Elmer Malabanot ay nagpapauto naman siya.

        Kumawala na ang mga hagulgol ni Shaira. Pagkalalalim na hagulgol. Pakiramdam niya’y umiiyak pati kanyang kaluluwa. Awang-awa siya sa kanyang sarili.

        Naging ganoon ba siya kasalat sa human contact para pagtiyagaan niyang paglaanan ng paghanga, respeto’t katapatan ang isang tulad ni Elmer Malabanot? Para magpikitmata siya sa mga kabuktutan nito?

        Iniyakan nang iniyakan ni Shaira ang kanyang sarili.

        Pagkatapos, naalala niyang isusumbong siya ni Elmer sa kanyang mga magulang. Hangos na lumabas ng banyo ang dalaga. Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinawagan niya si Zeny.

        “Shaira, bakit?” tanong agad nito nang mag-register ang numero niya sa landline nilang may caller ID.

        “Mommy, dumating na ba riyan si Dr. Malabanot?” humihikbi pang tanong niya.

        “Hindi pa,” sagot ni Zeny. “Teka, umiiyak ka ba?”

        “Mommy, please trust me on this matter,” tuluy-tuloy nang pahayag ng dalaga. “Darating kasi siya riyan at pangit ang mga sasabihin niya sa inyo. Believe me, Mommy, out of context ang mga sasabihin niya. It’s about a guy I met here. Neighbor natin si Jigger. Binata siya. And he’s a good guy. I know because I’m in love with him.”

        “What?” bulalas ni Zeny.

        “Mommy, mahabang kuwento pero I assure you, I know what I’m doing,” pagpapatuloy ni Shaira. “Iyon nga lang, ginulo kami ni Dr. Malabanot. So I need to go and talk to Jigger. Promise, Mommy, I’ll call again to explain some more. Kung puwede lang, huwag muna ninyong papaniwalaan ang lahat ng sasabihin ni Dr. Malabanot. Please tell Daddy. And don’t worry about me.”

        “Teka...teka...sandali lang,” sabi ni Zeny. “You don’t sound okay. Gusto mo bang puntahan kita riyan? Aalis na ako ngayon din.”

        “Huwag muna, Mommy,” sagot ni Shaira. “I need some more time. But I’m okay. Tatawag na lang ako uli. Promise. I really have to go now. May aayusin lang ako. This is very important to me.”

        “O sige,” pagbibigay na ni Zeny. “Pero hihintayin ko ang tawag mo. Pag hindi ka tumawag uli within the day, talagang pupunta kami riyan mamaya kahit gabi na.”

        “I’ll call again. Promise,” ulit ng dalaga.

        Nang maputol ang koneksyon ng telepono ay saka niya itinuon ang kanyang isip kay Jigger.

        Muling napahikbi si Shaira. Alam kasi niyang malaki ang kasalanan niya sa binata. Maunawaan kaya siya nito?

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento